Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

OBSESSED WITH THE ENEMY

Both Alexa and Jake despised the sight of each other. But they also both knew the thin line between hatred and attraction.

Unfortunately, as the remaining heirs to the old family wealth, they have to live together under one roof.

For one whole year, Alexa and Jake must tolerate one another in order to receive their inheritance. But could they forget what happened in their past…?

Posible bang makalimutan ni Alexa ang tila obsesyon na nadarama niya para kay Jake? At ano ang dapat niyang maging reaksiyon kapag inamin ni Jake na obsessed din ito sa kanya?

They were enemies and yet their fates were intertwined to become one destiny…

***

Nakakabingi ang matining na ingay ng mga higanteng makina ng mga eroplanong paroo’t parito sa malawak na tarmac ng Laoag Airport.

Ngunit mas nakakabingi ang malakas at masasal na pagkaba ng dibdib ni Alexa.

Gayunpman, nananatiling kalmado ang ekspresyon niya. Tinuruan siya ng mga nagdaang taon kung paano ang magtago ng sarili sa likod ng blangkong maskara.

Siya lang ang nakakaalam ng tutoong estado ng kanyang mga emosyon.

‘Damn! Makikita ko na naman si Jake!’ bulalas niya sa sarili.

Hindi niya makontrol ang nerbiyos na idinudulot ng matinding tensiyon na dulot ng napipintong okasyon.

Nung isang buwan lang nuong huli silang magkita. Sa burol at libing ng butihing agwelo na si Lolo Anto.

At ang akala niya, iyon na ang katapusan ng sampung mahahabang taon ng pagkukunwari.

Hindi pa pala tapos ang laban…

Dahil dinagdagan pa ni Lolo Anto ng isa pang taon.

A, Lolo, bakit po? tanong niya sa sarili habang nakatanaw sa maaliwalas na kalangitan.

Ganito rin kaaliwalas ang langit nung matanggap niya ang nakakagimbal na balita. Nung isang linggo lang ba iyon?

Ipinilig ni Alexa kanyang ulo upang maiwaksi ang natitira pang epekto ng pagkabigla. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang nagawa ni Lolo Anto ang pagtataksil sa kanya.

Ngunit ang puting papel na nagusot na sa paulit-ulit na pagbasa niya ang ebidensiya. Mula iyon sa abugadong gumawa ng huling testamento ng matandang don.

Nakabisa na niya ang bawat kataga ng naturang liham.

‘Mahal kong Alexa,’ umpisa ng sulat. ‘Alam kong mabibigla ka — at masasaktan na rin — ngunit kailangan kong ilagay ang kondisyon na ito upang subukang itama ang ilang mga pagkakamali sa nakaraan…’

Ang bahaging sumunod ay labis na tinututulan ng isipan niya kaya pilit na nililimot.

‘Kapag hindi nasunod ang kagustuhan ko, ang lahat ng mga ari-ariang ipamamana ko ay mawawala. Ibebenta ng aking mga abugado at ang pinagbilhan ay magiging donasyon sa mga organisasyong pangkawanggawa sa iba’t ibang panig ng Asya. Nauuna sa listahan ang bahay-ampunan na ipinatayo ko para sa ‘yo. I know, this is blackmail but I’ve no choice. Patawarin mo sana ako, apo ko. Nagmamahal, ang iyong Lolo Anto.’

Kumuyom ang mga palad ni Alexa. Alam ng nasirang agwelo kung gaano kahalaga sa kanya ang orphanage. Doon niya natagpuan ang kapayapaan ng puso’t isipan na nawala sa kanya noon, sampung taon na ang nakakaraan…

Bakit naman ang mga batang walang malay pa, Lolo? Paulit-ulit na lamang ang pagtatanong niya ng ganito. Kahit na wala siyang matagpuang kasagutan.

Habang humuhugot ng malalim na buntonghininga, napalinga siya sa gawi ng pintuang salamin. Wala sa loob niya. Parang may nag-utos lang.

Aywan kung paano niya naitago ang pagkatigagal. At kung paano pa siya nakakilos gayong inaatake na ng paralisasyon ang buong katawan niya.

Marahil ay sa built-in defense mechanism na nilikha para maipagtanggol ang katinuan nitong mga nagdaang taon. Naging matatag na nga pala talaga siya.

Tumindig siya mula sa pagkakaupo sa isa sa mga nakahilerang upholstered bench sa loob ng waiting area. Ngunit hindi na humakbang upang salubungin ang matangkad na lalaking papalapit sa kanya.

Tuluyan nang bumara sa lalamunan niya ang hangin na hinigop ng mga labi, nang sakupin ng paralisasyon ang buong katawan niya.

Sa unang pagkakataon, matapos ang isang dekada, muli na namang napagmasdan ni Alexa ang kabuuan ni Jake Madrazo.

Hindi niya mapigil ang sarili. Parang bang nagbalik siya sa panahon, nung inosenteng disisais anyos pa lang siya…

Malaki na pala ang ipinagbago ni Jake. Tila napakatangkad na nito ngayon. Dati nang matipuno ang matikas na pangangatawan nito pero tila mas mala-bakal na ang mga siksik na kalamnan.

At mas lalong naging atraktibo. Hindi naikubli ng disenteng gupit ng buhok ang dangerous appeal ng pagkalalaki nito.

Kayumanggi pa rin ang malinis na balat. Butuhan pa rin ang matitigas na panga at ang matangos na ilong. Enigmatiko pa rin ang mga matang malalalim. Sensuwal pa rin ang mga labing tila nakalimot nang ngumiti — pero sa kanya lang siguro.

“Alexa.” Neutral ang pagsambit ng baritonong tinig sa pangalan niya. Pati na ang maikling tango ni Jake, bilang pagbati sa kanya.

Hindi siya tumugon. Nanatili siya sa pagiging estatwa. Hindi siya makakawala sa trance na idinulot ng pagkabigla. Ngayon lang siya sinundo ni Jake sa airport.

“Nagtataka ka ba?” tanong nito matapos huminto sa harapan niya. Nakakapaso ang pagtitig nito pero hindi niya mabasa ang mensahe. “Kagustuhan ni Lolo Anton ang pagsundo ko sa ‘yo ngayon,” dugtong pa.

Nang marinig ang pangalan ng tanging tao na nag-uugnay sa kanilang dalawa, saka lang nakakilos at nakapagsalita uli si Alexa. Nagawa niyang tumango ng isa bago tumugon.

“Kagustuhan rin ni Lolo ang pagdating ko ngayon.”

Walang nagbago sa ekspresyon ng lalaki. “‘Yan lang ba ang dala mo?” Ang tinukoy nito ay ang dala niyang duffle bag na inilapag sa may paanan. Walang balak kunin iyon upang ipagdala siya.

Dahil alam na tatanggi siya sa tulong nito. Matagal na niyang natutunan ang maging independent.

“Oo,” tugon niya habang yumuyuko upang damputin iyon. Nagpauna na siya sa paglakad. Sumunod ang lalaki. Walang ingay ang suot nilang rubber shoes sa makinis na marmol na sahig ng corridor.

Katulad niya, naka-jeans at jacket din ito. Pareho silang mahilig sa casual attire sa kabila ng kanilang financial status.

Silang dalawa na lamang ang natitira sa angkan ng mga Madrazo, kaya mula pagkabata ay nahirati na sila sa pagiging tanging mga tagapagmana sa malaking kayamanan ng kanilang lahi.

Gayunpaman, nanatiling walang hangin ang mga utak nila. Salamat sa istrikto pero mapagmahal na pagpapalaki ni Lolo Anto sa kanilang dalawa.

Talagang malaki ang utang na loob niya sa matandang kumupkop at kumandili sa kanya mula nang sabay na mamatay sa aksidente ang kanyang mga magulang. Bukod sa malaking respeto at pagmamahal para dito.

Kaya naman dapat lang na sundin niya ang lahat ng mga tagubilin ng namayapang agwelo.

Walang umiimik sa kanilang dalawa ni Jake habang naglalakad patungo sa hangar ng helikopter ng Rancho Madrazo.

Kusang nagpahuli si Alexa kahit na kabisado niya ang direksiyon. Naiilang siya dahil nararamdaman ang mga titig ng lalaki sa kanyang likuran.

Mula sa airport, bibiyahe pa sila ng ilan daang milya upang makarating sa rantso na matatagpuan sa pusod ng Isabela.

Napapagitnaan ng dalawang malalaking bundok ang di-masukat na ispasyo ng Rancho Madrazo. Mayroon ding dalawang ilog, kung kaya napakataba ng lupa.

Ang kayamanan ng mga Madrazo ay nagmula lamang sa biyaya ng Inang Kalikasan. Utang rin sa likas na tiyaga at sipag ng mga taong nagmamay-ari, siyempre.

Panahon pa ng mga Kastila, nang makahukay ng mina ng ginto ang isa sa mga ninuno. Sandali lamang ang naturang suwerte, na nagdulot ng munting yaman. Salamat sa pagiging masinop ng mga naunang miyembro ng pamilya, lumago at yumabong nang husto ang kaunting puhunan.

Iyon ang pinagmulan ng malalawak na taniman ng prutas, gulay at palay. Pati na ng libu-libong populasyon ng mga baka sa rantso.

Sa kasalukuyan, ang Rancho Madrazo ay isa sa mga nangunguna sa produksiyon ng mga de-latang pagkain at sariwang karne ng baka. At, ayon sa mga accountants, nagkakahalaga na ng daan-daang milyong piso.

Nakakalulang isipin na isa na siya sa nagmamay-ari ng naturang higanteng idustriya. Ngunit wala siyang nararamdamang tuwa. Kalungkutan at pangungulila lamang ang nakakapa niya sa kalooban dahil nawala na si Lolo Anto. Nawala na ang tanging dahilan ng pagbabalik niya sa pinagpalang rantso.

“I presume, may sulat rin si Lolo sa ‘yo.”

Pinutol ng baritonong tinig ni Jake ang paglalayag ng utak ni Alexa. Nakarating na pala sila sa loob ng hangar. Nasa harapan na nila ang modernong sasakyang panghimpapawid. Makintab at makinis ang pinturang itim at silver.

“Oo,” tugon niya. Hindi tumitingin sa lalaki.

Binuksan ni Jake ang pintuang salamin at bakal, gamit ang isa sa mga susing dinukot sa bulsa ng pantalon.

“Sa likuran mo na ilagay ‘yan,” utos nito.

“Doon na rin ako uupo,” wika niya. Ayaw niyang maupo sa co-pilot’s seat, katabi nito.

Nilinga siya ng lalaki. Tinutukan ng mga matang madidilim. “Mas makakabuting sa harapan ka na maupo, Alexa,” wika nito. Malumanay pero matigas ang tono.

Luminga siya rito para makipagtagisan ng tingin. “Mas gusto kong maupo sa likuran,” giit niya.

Naniningkit na ang mga mata ni Jake. Hindi nagugustuhan ang pagsalungat niya sa awtoritismo nito.

“May sasabihin akong importante sa ‘yo, Alexa,” wika nito. “Pero kung ayaw mong marinig, bahala ka.”

Nagmatigas pa rin siya kahit na napukaw na ang kuryosidad niya. Hindi na siya kumibo. Tinalikuran niya ito at sumakay sa likod.

“Tsk! tsk! Still as childish as ever! Huwag mong sabihing hindi kita tinangkang paliwanagan, Alexa!” Pabagsak nitong itinulak pasara ang pinto matapos siyang sumakay sa loob.

Aaminin niyang nagulat siya sa pagpapakita ni Jake ng pagkayamot. Palaging malamig at pormal ang pakikitungo nito sa kanya magmula nang maganap ang isang insidenteng… nagdulot ng napakalaking pagbabago sa kanilang dalawa.

Gayunpaman, winalambahala niya ang bagay na iyon. Inisip na lang niyang pareho silang tensiyonado ng lalaki. Laban din sa loob nito ang tanggapin siya sa rantso bilang kasambahay sa loob ng isang taon.

Bakas pa rin ang pagkadisgusto ni Jake nang sumakay. Halos lahat ng mga kilos ay padaskol. Ngunit nang simulan na ang pagpipiloto sa helikopter, nanumbalik ang pagiging prupesyunal nito.

Na lihim niyang ikinatuwa dahil isang oras pa ang uubusin nila bago makarating sa kinaroroonan ng rantso.

Kung alam niyang si Jake ang mismong susundo sa kanya, hindi na siguro niya ipinaalam ang takdang araw ng pagdating. Puwede naman siyang umarkila ng sasakyan para makarating sa rantso. Aspaltado na ang mga highway at kalsadang patungo doon. Iyon nga lang, baka isang buong araw ang uubusin sa paglalakbay.

Humanap siya ng kumportableng posisyon sa pagkakaupo matapos ikabit ang seatbelt. Isinuot niya ang black sunglasses matapos isandal sa headrest ang ulo. Magkukunwari siyang natutulog habang bumibiyahe.

Nagkatutoo ang pagkukunwari niya. Talagang nakatulog siya. Nagulat pa siya nang maalimpungatan mula sa mahimbing na pagkakaidlip matapos tawagin ang pangalan niya.

“Alexa, gising. Nandito na tayo.”

Napakurap-kurap pa muna siya nang dumilat. Paano’y nasilaw siya sa liwanag na sumalubong sa paningin.

Naaninag niya si Jake. Nasa pagitan ito ng dalawang upuan, hawak ng isang kamay ang kanyang shades. Nakatitig ito sa mukha niya.

“Kanina pa ba tayo?” tanong niya habang maliksing binabawi ang wisyo. Dumiretso siya ng upo at kinalas ang buckles ng seatbelt. Isinuot niya uli ang sunglasses na isinauli ni Jake. “I’m sorry,” dagdag niya.

“Kalalapag lang natin,” wika ng lalaki. “Actually, malayo pa tayo sa bahay.”

“Ha?” Dali-dali siyang sumilip sa labas. Wala nga ang malaking bahay sa paligid. “Nasaan tayo?” tanong pa niya, gayong naririnig na ang lagaslas ng tubig sa di-kalayuan.

Inarok muna siya ng mga mata ni Jake. “Nakalimutan mo na ba ang sanga ng kambal na ilog?”

Dagling nanuyo ang lalamunan at loob ng bibig ni Alexa. Bahagya na lang niyang napanatiling kalmado ang ekspresyon, ngunit namumutla na ang kanyang mga pisngi.

“B-bakit mo ako dinala rito?” tanong niya, pausig.

“Dapat ay noon ko pa ginawa ito, Alexa. Disinsana, hindi na tayo nahihirapang sundin ang gusto ni Lolo Anton,” pahayag ng lalaki. Seryoso at mababa ang tono. “Dito nagsimula ang mga kaguluhan sa pagitan natin, hindi ba? Kaya dapat lang sigurong dito na natin tapusin.”

“A-ano’ng ibig mong sabihin?” Hindi na niya naikubli ang pagsungaw ng sindak, na may sampung taon nang nagkukubli sa isang sulok ng isipan. “Hin-hindi ko alam ang sinasabi mo, Jake! Umuwi na lang tayo!”

Lalo lang dumilim ang mukha ng lalaki. Tumigas din ang hugis ng panga, pahiwatig ng matatag na determinasyon nito.

“Ayaw mong makinig sa katwiran kanina, kaya naisip kong mas magiging epektibo ang dalhin ka na lang dito,” pakli nito. “Buburahin natin ang pangit na alaala mo sa lugar na ito, Alexa. Magsisimula tayo uli.”

“A-ano?” Nanghilakbot si Alexa sa narinig. Wala na siyang kontrol sa panginginig ng boses niya. Umigtad siya nang akmang aalisin na naman ng lalaki ang suot niyang shades.

“Gusto kong makita ang mga mata mo, Alexa. Tapos na ang mga araw ng pagtakas at pagtatago,” sambit ni Jake. Paanas pero puno sa puwersa ang bawat kataga. “Patutunayan ko sa ‘yo na hindi rape ang nangyari noon. Nasiyahan ka rin pero bata ka pa at ignorante pa sa sex. But this time, I’ll make sure that you’ll enjoy every second of it!”

Hindi na nag-isip si Alexa. Nawalan ng puwesto ang katwiran niya. At tanging ang takot na lamang niya ang umiral.

Ngunit imbis na maging sunud-sunuran, galit ang ipinakita niya. Hindi siya duwag. Nakahanda siyang ipagtanggol ang sarili.

Nagmistulang mailap na hayop siyang biglang bumangis nang masukol sa isang sulok. Inatake niya si Jake.

“Walanghiya ka! Hayup ka!” angil niya habang sinusugod ng kalmot at sampal ang lalaki. “Iuwi mo na ako!”

Nagurlisan agad ng mga kuko ang tagiliran ng kaliwang leeg nito. Ngunit tumawa lang ito. Ni hindi yata nasaktan. Para bang ikinatutuwa pa ang ginawa niya. Ngayon siya nagsisisi kung bakit mas gusto niya ang maiikling kuko. Dapat pala ay pinahaba niya ang kanyang mga kuko!

“That’s it, Alexa!” papuri pa ni Jake. “Ilabas mo ang tutoong nadarama mo. You’ve been suppressed for too long.”

Lalong nag-ulol ang poot ni Alexa. “Damn you, Jake! Nakukuha mo pang magsalita ng ganyan. Walanghiya ka talaga!” Isang malakas na sapak ang pinadapo ng nakakuyom na kamao niya. Pinaputok niyon ang sulok ng ibabang labi ni Jake. “Oh, my God!” Napabulalas siya nang may umagos na dugo.

Nakabawi ng kontrol sa sarili si Alexa nang makitang nasaktan niya si Jake. Huminto siya sa pag-atake. “I’m sorry,” sambit niya nang muling makapagsalita.

“I’m sorry,” ulit niya. Lumayo siya sa lalaki. Niyakap nang mahigpit ang sarili at sumiksik sa gilid ng likurang upuan ng helikopter.

Kailanman, hindi niya ginustong manakit ng kapwa. Ngunit kapag kay Jake, nakakalimot siya. Pero tanging si Jake nga lang talaga ang taong nakakapagpagawa ng mga pangit na bagay sa kanya.

“I’m glad I still have that effect in you, Alexa,” ang matalinhagang pahayag nito. Para bang nababasa ang isipan niya. “Ang akala ko’y nawala na ng tuluyan ang apoy ng katapangan mo.”

Umiling siya. “N-nabigla lang ako. Hindi ko gustong saktan ka.”

“I was being provocative,” pag-amin ng lalaki. “Sinadya kong magsalita ng hindi maganda para makakuha ng tutoong reaksiyon mula sa ‘yo.”

Napilitan siyang tumingin dito. Ngunit agad ring umiwas dahil hindi natagalan ang mapang-arok na pagtitig nito.

“B-bakit ngayon lang?” tanong niya. Kusang humulagpos ang mga salita mula sa naninikip na lalamunan. “Pagkatapos ng sampung taon — ”

Agad siyang huminto nang marinig ang sinasabi. Tinutop ng mga daliring nanlalamig ang bibig.

“N-no, forget I said anything. Ayoko ng pag-usapan ang tungkol sa bagay na ‘yon. Kinalimutan ko na — ”

“Liar,” pakli ni Jake. “Kailanman ay hindi mo nakalimutan ang tungkol d’on.”

“Hindi tutoo ‘yan!” tanggi niya. Panay ang iling.

Umunat ang isang matipunong braso upang haplusin ng mahahabang daliri ang buhok ni Alexa. Ubod ng ikli na ang mga iyon. Halos isang pulgada lamang ang mga itimang hibla.

“Bakit hindi mo na pinahahaba ang iyong buhok? Noon ay hanggang balakang ito, hindi ba? Natatandaan ko pa kung paano takpan ng mga ito ang hubad na katawan mo kapag naliligo dito.”

“Stop!” hiyaw niya, papiksi. Lumipat sa magkabilang teynga ang mga kamay ni Alexa.

“Believe me, it had become an obsession for me, too,” pagtatapat ng lalaki. “Hanggang ngayon, napapanaginipan ko pa ang nangyaring iyon. Sa katunayan, nagpatayo ako ng resthouse sa lugar na ito. Taun-taon, nagpupunta ako dito para gunitain ang araw na iyon.”

Dinig na dinig pa rin niya ang mga sinasabi ni Jake kaya inalis na lang ang mga kamay na nakatakip sa mga teynga. Minabuti niyang harapin na lang ang kaaway kaysa ang karuwagan na gustong maghari sa kalooban niya.

“Oo, tama ka. Hindi pa nga ako nakakalimot — pero ayaw ko ng alalahanin pa ‘yon. Para sa akin, tapos na ‘yon,” diin niya.

“Tingnan mo ako, Alexa,” ang seryosong wika ni Jake, “habang sinasabi mo ‘yan.”

Tumalima siya. Nakatiim ang mga bagang. Nakalantad ang determinasyon. “Nang mamatay si Lolo Anton, nawala na rin ang dahilan ng pagpunta-punta ko rito,” pahayag niya. Seryosong-seryoso ang tono.

Tumangu-tango ang lalaki. “At kung hindi sa ultimatum ni Lolo, hindi ka na tutuntong sa lugar na ito, hindi ba?” dugtong nito.

“Oo.”

Unti-unting nabura ang anumang ekspresyon ng kaharap. Naging blangko, kaya mas lalong naging misteryoso.

Nabalisa si Alexa. Nakakailang ang nang-aarok na pagtitig nito. “Gusto ko ng umuwi, Jake,” hiling niya kapagkuwan.

“Gusto ko munang makita mo ang resthouse, Alexa.”

“I don’t want to see it,” ang diretsahang tugon niya. Sunud-sunod ang pag-iling niya.

“Bakit? Naduduwag ka?” Nanghahamon ang tono ng lalaki.

Sa isang iglap, parang nagbalik na nga ang nakaraan. Ganito ang palaging sinasabi ni Jake kapag pinipilit siyang gumawa ng isang bagay na alanganin siya.

Iwinaksi ni Alexa ang nadaramang dejavu. “Nice try, Jake,” panunuya niya rito. “Pero hindi na ako batang uto-uto! Dalhin mo na ako sa bahay. Wala akong panahong makipagkulitan sa ‘yo.”

Tumawa uli ang lalaki. Mahina pero maskulino sa pandinig. Nagdulot iyon ng kakatwang kilabot sa gulugod niya.

“I plan to stay here tonight, Alexa. Kung gusto mong dito sa helikopter matulog, desisyon mo ‘yan.” Tumalikod na sa kanya ang lalaki. May dinukot sa ilalim ng co-pilot’s seat, isang itim na knapsack.

“But you’re always welcome to follow me, when you changed your mind.” Ngumiti pa muna ito sa kanya bago tuluyang umibis. Maingat na isinara nito ang pinto mula sa labas.

Nakatulala pa rin si Alexa kahit na nakaalis na ang lalaki. Hindi siya makapaniwalang nakangiti ito sa kanya.

Nang mahimasmasan, dahan-dahan siyang tumuwid ng upo. Luminga siya sa katabing bintana para masdan ang paligid ng nilapagan ng helikopter.

Click here to READ MORE

Comments are closed.