Maxine was a working student who accepted Rule’s offer of part-time job to play a fake girlfriend. It was supposed to be business but they could not resist attraction.
He took her heart but kept his own and sent her away…
What will you say if a handsome and rich bachelor offered you a job… a part time job… to be his fake girlfriend? You’d probably shout a ‘yes!’… But what if he also took your heart?
Isang working student si Maxine. Nagtatrabaho siya para makapag-aral at para masuportahan ang natitirang pamilya. Natural na masayahin, hindi niya inalintana ang hirap at pagod na tinitiis.
Ngunit nang silawin siya ng salapi ni Rule, hindi niya inakalang mapapaibig rin siya habang nagpapanggap na nobya ng binata.
Paano ba makakalimutan ni Maxine ang pag-ibig na binigo ng sinismo at kawalan ng tiwala ni Rule… kung nagbunga ang isang gabing pagkakamali?
* * *
Nagsisiuwian na ang mga empleyado ng Abrigos Enterprises dahil alas singko na ngunit ang mismong presidente at may-ari ng kumpanya ay nakasubsob pa sa kanyang mesa.
Kaarawan ngayon ni Rolando Abrigos, mas kilala sa palayaw na Rule. Pero katulad nang dati nitong mga huling taon, wala sa isip niya ang anumang uri ng pagdiriwang.
Kaya nakalimutan niyang naghanda ng engrandeng salu-salo ang mga kasambahay at naghihintay na sa pag-uwi niya.
Dakong alas siyete nang kumuriring ang telepono. Nagulantang pa si Rule. Nakatuon ang malalim na konsentrasyon niya sa pinag-paplanuhang panibagong business scheme.
Huminga siya nang malalim at nag-inat bago dinampot ang awditibo.
“Hello?” Sambit ng mababa at medyo paos na boses niya. Palagi siyang parang napapaos dahil bihira siyang gumamit ng tinig. Para tuloy kinakalawang na ang kanyang lalamunan.
“Rule?” anang tinig ng kanyang Mama. “Ano’ng oras ka ba uuwi, anak? Marami nang bisita dito. Hinihintay ka na nila.”
Napakunot-noo si Rule. “Bakit maraming bisita? Baka naman hindi ako ang hinihintay nila, Mama?” paniniguro niya.
“Hijo, kaarawan mo ngayon. Ano ka ba naman? Thirty four ka pa lang, napaka-malilumutin mo na, a?” Ang masuyong panunudyo ng matandang babae sa kanya.
Tinapik ni Rule ang kanyang noo. “Oo nga pala,” aniya habang sumasandal sa swivel chair. Tumitig siya sa kisame na para bang naghahanap ng magandang idadahilan para hindi humarap sa inipon na mga panauhin para sa kanya.
“Ma?” umpisa niya.
“Hep!” pakli ni Donya Betsy. “Kung sasabihin mong mayroon kang ginagawa diyan na hindi puwedeng iwanan — I won’t buy it, son. Kailangan mong umuwi para humarap sa mga bisita — period!” Ibinaba nito ang telepono bago pa siya nakapagsalita uli.
Napa-buntonghininga na lang uli si Rule bago tumindig.
Nagpalakad-lakad muna siya sa gitna ng kanyang opisina bago siya naupo uli sa kanyang mesa. Tiningnan niya ang mga naisulat at na-drowing. Kumpleto na ang sketch. Idedetalye na lang.
Hindi niya puwedeng tanggihan ang kanyang Mama ngayon. Baka sumama na naman nang husto ang loob sa kanya.
Ayaw niyang nagtatampo si Donya Betsy dahil nagkakaroon ng kumplikasyon sa makinis na takbo ng pamamahay niya. Nagmamaktol ang matandang babae na parang bata at binibigyan siya ng mga maliliit na konsumisyon ngunit nakakalikha naman ng malaking distraksiyon.
Nagligpit siya ng mga gamit. Nilinis niya ang ibabaw ng kanyang mesa, bago siya umalis ng opisina.
Habang daan, lumalago na naman ang pag-aalinlangan niyang humarap sa mga kaibigan at kakilala sa negosyo. Para kasing hindi na siya sanay.
Hindi naman sorpresa ang okasyon na ito. Matagal-tagal rin siyang kinumbinsi ng kanyang Mama at mga kapatid.
“Anak, para ka namang nagmo-monghe sa ginagawa mo. Hindi maganda sa negosyo ang pagiging mailap mo. Paano ka magkakaroon ng maraming kuneksiyon?” Sa anggulong paghahanapbuhay ang pinili ng kanyang Mama.
Ang sumunod na kapatid na babae naman ang umentra. “Oo nga naman, Kuya Rule. Ang laki-laki nga ng bahay, wala naman palaging bisita,” salo ni Carmina.
Na pinangalawahan ni Carolina. “Magiging haunted house na itong mansiyon mo kuya,” buska nito.
Inaraw-araw siya ng tatlong babaeng kasama sa bahay kaya napasang-ayon siya kahit na laban sa loob niya.
Ngunit may kundisyon siya. “Kapag mayroon akong importanteng lakad kayo na lang ang haharap sa kanila.”
Pumayag agad si Donya Betsy. Dapat ay nagduda siya dahil masalimuot ang takbo ng utak ng matandang babae ngunit hindi siya nag-isip ng kung anu-ano.
Hanggang sa mapuna niyang parang pinagkakaisahan siya ng mga taong nakapaligid sa kanya.
Ang unang naging kapuna-puna ay ang malinis na pahina ng appointment book niya sa mismong araw ng kanyang kapanganakan. Ang sumunod ay ang pag-iwas ng board of directors na magdaos ng meeting sa araw na iyon kahit na siya pa ang nagsu-suhestiyon.
Kaya nga tinangka na lang niyang kalimutan ang party.
“Anak, limang taon na magmula nang mangyari si Lolita. Huwag mo naman sanang sukatin ang lahat ng babae sa makitid na tabas ng dati mong nobya, hijo. Bigyan mo ng pagkakataong maging maligaya uli ang iyong sarili.”
Ganito ang mga sinabi sa kanya ng mama niya kagabi. Iyon ang unang pagkakataon na tinumbok nito nang diretso ang tungkol sa nakaraan na nagbigay sa kanya ng malamig at matigas na disposisyon.
“Huwag mong hayaang kumalat at kumapit ang pait sa iyong kalooban, anak. Huwag ka sanang maging sinikal. Maganda ang buhay. Masaya ang buhay. Gugulin mo ng tama ang maikling panahong ilalagi mo sa mundong ito, anak. Hanapin mo ang iyong kaligayahan…”
Napailing-iling si Rule habang nakatutok ang kanyang paningin sa kalsda. Napakuyom ang mga kamay niya sa hawak na manibela.
Hindi siya nagsalita kagabi ngunit ang kanyang paniniwala na hindi na marunong umibig pang muli ang kanyang pusong nabalutan na ng matigas na yelo ay mananatili kahit na ano pa ang mangyari…!
Naakit siyang huminto sa isang lounge & wine bar, upang makapag-alis muna ng tensiyon.
Ayaw din naman niyang humarap sa maraming tao na parang naiilang at nakikimi na katulad ng nararamdaman niya ngayon.
A, sa tagal ng panahon na umiiwas siya sa mga dating kaibigan, parang nakalimutan na niya kung paano ang makipag-sosyalan!
Malamlam na liwanag sa loob ng lounge. Saglit siyang huminto sa may pagpasok upang sanayin ang mga mata sa mapusyaw na iluminasyon.
“May I help you, sir?” Lumapit ang isang babae sa kanya. Nakangiti at nakatingala sa kanya dahil mababa ang height ng balingkinitang katawan.
Inaninag muna ni Rule ang mukha ng lumapit na G.R.O. Nang makitang may hitsura ito, saka lang siya tumango.
“Okey, I want a drink,” aniya. Pumayag siyang magpahawak sa isang braso habang iginigiya siya ng babae sa direksiyon ng isang mesa.
“Weyter!” tawag nito habang kumakaway sa isang tagasilbing lalaki. Ngumiti ito sa kanya nang muling magtanong sa kanya. “What would you like to drink, sir?”
“Scotch on the rocks,” tugon niya. Minamasdan niya ang stage na nasa gawing kaliwa nila. Wala pang performer doon.
Tila nahulaan ng babae ang iniisip niya.
“Mamaya pa po ang performing band namin, sir. Puwede naman kayong mag-request sa DJ kung gusto n’yo ng particular music,” pahayag nito.
Umiling si Rule. “Sandali lang naman ako dito, e. No need.” Salo niya habang inililipat ang atensiyon sa kabilang panig ng lounge.
“This place is impressive.” Obserba niya habang sinisipat ang kapaligiran. Nasanay na sa makukulay na iluminasyon ang kanyang paningin.
“Thank you, sir. The management would be very proud to hear that,” wika naman ng babae.
Muling bumalik dito ang pansin ni Rule. Tuwid mag-Ingles ang babae. Mukhang intelihente at ismarte, kahit na medyo delingkuwente ang trabaho.
Parang nabasa na naman ng babae ang iniisip niya. Nagtaas ito ng noo at tumingin nang diretso sa kanya. Hindi nagsasalita ngunit nasa ekspresyon ang pagtatanggol sa sariling pagkatao. Para bang sanay na ito nang sinusukat at sinusuri.. .
Dumating ang in-order niya kaya naiba ang direksiyon ng usapan. Napansin niyang hindi ladies drink ang hiningi ng babae. Bahagyang tumaas ang isang makapal na kilay ni Rule habang nakatingin sa baso ng kaharap.
“Orange juice?”
Tumango ang babae ngunit hindi kumibo.
Sinimsim ni Rule ang kanyang inumin. Kahit na ayaw niyang magkaroon interes sa babae, hindi niya mapigil ang kanyang sarili habang tinititigan niya uli ito sa ikalawang pagkakataon.
Iba ang ganda ng babae. Habang tinititigan ay parang lalong nagiging kabigha-bighani. Para bang may magneto ang mga hugis ng mga matang bilugan at may bahagyang patulis na dulo. Pati ang paraan ng pagsulyap at pagtitig nito na para bang isang paru-parong mailap.
Gustong matawa ni Rule sa kanyang sarili. Hindi niya alam na may pagka-makata pala siya!
Hinawi niya ang kanyang tingin nang maramdamang tila papasidhi ang kanyang atensiyon dito.
“Would you like another one, sir?” Magalang na tanong ng babae nang maubos na niya ang kanyang inumin.
Nagulat pa si Rule nang mapagtantong natungga niya nang mabilis ang laman ng kanyang baso.
Umiling siya. “No,” tutol niya, habang naglalabas ng pera. “Uuwi na ako.”
Napansin niya ang palihim na ngiting sumilay sa bibig ng babae…
“Ganoon ba?” anito habang inuubos ang orange juice. “Tatawagin ko na ba ang weyter para sa chit?”
Inaasahan niyang malulungkot ang babae dahil hindi siya magtatagal. Hindi niya napigil ang sarili sa paghahayag ng pagtataka niya.
“Won’t you be dissapointed? I am leaving you now.”
Nagkibit ng isang balikat ang babae.
“What is it to you, sir?” May bahid ng kaunting sarkasmo ang tono nito na tinangkang bawiin agad. “I hope you enjoyed my company, sir.”
Binigyan niya ito ng tip, pati ang weyter.
“Yes, nice meeting you,” pahayag niya sa kaswal na tono. Tumindig na siya upang umalis at gayundin ang babae.
Inihatid siya nito hanggang sa may pinto, nakangiti pa rin.
Lumapit siya sa kanyang kotseng nakaparada sa dulong bahagi ng parking lot. Aywan kung bakit naiisip pa rin niya si — sino nga ba ang babaeng iyon? Ni hindi pala niya naalalang itanong ang pangalan.
Luminga siya sa dako ng pintuang nilabasan. Napailing-iling siya dahil hindi siya makapaniwalang nakalimutan niyang itanong ang pangalan ng babaeng umestima sa kanya. He was not usually rude.
Tsk! Tsk! You’ve turned into an anti-social jerk, Rule!
Tinuya niya ang sarili. Tila kailangan na nga niyang bumalik sa sirkulasyon. Wala na pala siyang social manners!
Binuksan niya ang pinto ng sasakyan niya nang may lumapit na isang lalaki. Tila lasing ito o naka-droga dahil susuray-suray.
“Holdap ito, pare,” singhal nito sa pagaril na boses. “Ibigay mo sa akin ang lahat ng pera mo!” Nakatutok sa kanya ang duluhan ng isang kuwarenta y singko, pati ang nanlilisik na mga matang bilasa ang kulay.
Nabigla si Rule kaya hindi agad nakahuma. Ngunit bago pa niya naisip na lumaban, mayroon nang umatake sa holdaper mula sa likuran nito. Isang malakas na hampas ng isang shoulder bag na yari sa matigas na balat ang tumama sa batok ng adik kaya bumagsak ito sa semento nang walang malay-tao.
Napapatda si Rule. Sa isang kisap-mata lang natapos ang panganib na umamba sa kanya. Hinarap niya ang naging tagapagligtas.
At gayon na lang ang kanyang pagkabigla nang makita ang babae sa loob ng lounge.
Nakatingala na naman ang dalaga sa kanya ngunit wala na ang propesyonal na ngiti sa mapupulang labi.
“Nice meeting you again, sir,” ang pakaswal na wika bago tumalikod upang lumakad pabalik sa lounge.
“Wait,” pigil niya.
“Iri-report ko sa security ang holdaper, sir,” wika ng babae habang kinakawayan ang security guard na nakatayo sa hagdanan ng lounge.
“Papauwi ka na ba?” Saka lang siya nagtanong nang kunin na ng mga guwardiya ang nakalugmok na masamang-loob. “Ihahatid na kita.”
Tiningnan muna siya ng babae. Parang sinusukat ang katauhan niya. Sumulyap muna sa malayo bago muling tumingin sa kanya.
“Iyan ba ang pasasalamat mo sa tulong ko sa ‘yo, sir?” tanong ng babae sa mababang tono. Blangko na ang ekpresyon habang nakatitig sa kaya.
Napamaang si Rule. Nabasa niya ang hesitanteng kalkulasyon sa mukha ng babae. Para bang maskara lang ang pagpapakita ng pagiging golddigger.
Bahagyang ipinilig ni Rule ang ulo. Meron bang semi-golddigger? Pare-pareho lang ang mga iyon, hindi ba?
“Can we talk inside the car?” yaya niya habang binubuksan ang pinto ng pasahero.
Saglit lang ang pag-aalinlangan ng dalaga. Walang imik na sumakay bilang pagpayag sa suhestiyon niya.
Sumakay rin si Rule. Binuksan niya ang ilaw sa loob, pati ang aircon.
“Well? Ano ba ang gusto mong ibayad ko sa utang na loob ko sa iyo?” tanong niya nang manatili itong tahimik.
Napayuko ang babae. Napanood niya ang paggapang ng pamumula sa makinis na leeg nito, paakyat sa delikanteng kurba ng pisngi.
“C’mon, kaya ko naman sigurong magbayad ng pera?” dagdag niya pa. Parang gusto niyang makita ang pagkapahiya ng babae. Parang hindi niya gusto ang pagiging self-confident dahil medyo antipatika ang dating sa kanya.
Kinagat muna ng babae ang ibabang labi nito bago panakaw na sumulyap sa gawi niya. Muli itong bumaling sa kabila nang makitang nakatingin siya.
“P-pambayad sa tuition fees ang problema ko, sir.” Mahina ang pagsasalita ng malamyos na boses.
“Pangmatrikula?” Puno ng pagdududa ang tono niya. Ngumisi pa muna bago nagkumento. “Gasgas na ‘yan. Wala ka bang originality?”
“Look, sir, nagtanong ka, hindi ba? Kung tutuyain mo lang ako, puwede namang magpasalamat ka na lang sa pagkakaligtas ko sa iyo mula sa holdaper na iyon. Okey lang.” Tila biglang nakabawi sa pagkapahiya nang lalo pa niyang hiyain. Naging mataray na dahil mabibigo pala ang modus operandi.
Hindi napigil ni Rule ang paghangang sumibol sa likod ng kanyang utak. Parang saglit niyang nakita ang sarili nung nagsisimula pa lang siyang mamuno sa kumpanya na muntik malugi matapos ang biglaang pagkamatay ng kanyang Papa.
Palaban din siya noon…
“Touché!” buska niya para iwaksi ang nararamdamang admirasyon. “Pera lang naman ang gusto mo. Magkano ba?”
Bumuntonghininga muna ang babae. Parang mahihirinan nang piliting magsalita ang bibig. Pigil ang panginginig ng tinig.
“T-ten thousand five hundred pesos, sir…”
Nagulat si Rule sa narinig.
“Ten thousand five hundred pesos lang?” ulit niya.
Napapitlag ang babae.
“K-kalimutan n’yo na lang ang sinabi ko, sir.” Mistulang robot ang matigas na paggalaw ng isang kamay na kumakapa sa doorknob ng pinto.
Pinigilan niya ang babae kasabay ng pagkislap ng isang ideya sa loob ng kanyang utak.
“Sandali lang, miss.” Nahawakan niya ito sa isang siko.
“Bibigyan kita ng twenty-five thousand kung pagbibigyan mo ako sa hihilingin ko, miss.”
Hindi pa niya natatapos ang sinasabi nagpupumiglas na ang babae.
“Bitiwan mo ako, sir! Hindi ako katulad ng ibang babaeng –”
“Pakinggan mo muna ako, miss. Nagkakamali ka sa iniisip mo.”
“Hindi ako utu-uto, sir!”
“Alam kong matalas ka pa sa labaha kaya makinig ka muna,” pakli ni Rule.
“May pupuntahan akong party. At gusto kitang isama para hindi ako mabagot. You’ll be 25-K richer. And you’ll be home by midnight like Cinderella.”
Namilog ang mga mata ng babae. Tinitigan siyang maigi. Inarok ang kanyang katapatan.
“Deal?”
“P-puwede bang malaman ang address ng pupuntahan nating party?”
“Sure… but why?”
“Kailangan kong iwanan sa guard — for security…”
“Okey. Here’s my calling card. Iwanan mo sa guard at bumalik ka agad.”
Rule was surprised when relief washed over him. Hindi siya natutuwa sa karakter ng babae pero alam niyang matutuwa ang kanyang Mama dahil tiyak na mag-iilusyon tungkol sa kanila ng babae.
Umaandar na ang sasakyan patungo sa malaking bahay ng Pamilya Abrigos nang magtanong uli siya sa babae.
“Ano nga pala ang pangalan mo, miss? Ako si Rule.”
“Maxine,” tugon ng babae. Luminga ito sa kanya para ngumiti nang matamis. “Salamat, sir.”
Kumunot ang noo ni Rule. Sumulyap siya sa gawi ni Maxine.
“Salamat? Para saan?”
“Salamat dahil naniwala ka sa akin. Maraming tao ang hindi basta-basta tumutulong laluna sa mga babaeng katulad ko. Gusto nila… palaging may kapalit…”
Medyo pabulong na ang pagsasalita ni Maxine. At bahagya nang nakayuko.
“Dapat din siguro magpasalamat sa iyo.”
Napamaang si Maxine. “Para saan?”
“Sa pagtitiwala mo sa akin. Puwede kitang dalhin sa biglang-liko.” Seryoso ang tono niya pero wala siyang balak gawin ang sinabi.
Minasdan muna siya ng babae bago dahan-dahang napangiti. Self-confident pa rin ang expression pero hindi na gaanong antipatika ang tingin ni Rule.
“Hindi ka naman tipong rapist, e. Atsaka, blackbelter ako. Malalamog ka muna sa akin bago magtagumpay ang pagnanasa mo, baka akala mo.” At humagikgik nang mahina para ipahiwatig ang pagbibiro.
“I take that observation as compliment. At dahil ayokong matulad sa holdaper na pinatihaya mo kanina, tatandaan kong blackbelter ka.”
Sa unang pagkakataon, natural ang ngiting sumilay sa bibig ni Rule.
Gumaan ang atmospera sa loob ng kotse matapos ang maikling pagbibiruan nila.
“Saan ka nag-aaral?” Kaswal ang sumunod na tanong niya para hindi ma-opensa ang babae.
“Ang kurso ko na lang ang sasabihin ko, puwede?” tanong ng babae matapos ang isang maikling katahimikan.
“Okey, kung iyan ang gusto mo,” patianod ni Rule.
“One semester na lang, gradweyt na ako sa Business Adminstration. Kaya nga halos kumapit na ako sa patalim,” pahayag ni Maxine. Bumuntonghininga muna bago ngumiti.
“Kung nabubuhay lang ang inay ko ngayon, matutuwa iyon. Matutupad na ang pangarap niyang magkaroon ng tituladong anak.”
Nakuryoso si Rule. “Ilan ba kayong magkakapatid?”
“Tatlo. Dalawang lalaki ang mga katapid kong mas bata sa akin. Nasa probinsiya sila. Pinadadalhan ko na lang ng panggastos buwan-buwan. Suwerte ko nga dahil disente ang lugar na pinapasukan ko kahit na, uh, G.R.O. pa din ang tawag sa akin.”
Tumangu-tango si Rule. “Pareho pala tayo. Tatlo rin kami pero parehong babae naman ang mas bata sa akin.” Inignora niya ang parteng tungkol sa trabaho.
Sumandal si Maxine sa malambot na sandalan at tumingala sa langit na nasa labas ng bintana.
“Pangarap kong yumaman balang araw kaya nagpapakatapang ako. Gusto kong umahon mula sa hirap…”