Prisoner of Love-24

Hindi siya dapat magpatalo.

“Oh, iha, heto ang make-up mo. Ikaw na ang maglagay ng lipistik. Hindi ako masyadong marunong magpahid niyan.”

Nilunok ni Kathryn ang sumusulak na histerya.

“S-salamat po,” wika niya habang kinukuha ang iniaabot na lipstick tube.

Nanginginig ang mga daliri niya ngunit nagawa pa rin niyang ipahid nang walang aberya ang pangkulay.

Naglagay din siya ng pulbo upang matakpan ang labis na pamumutla ng kanyang mga pisngi.

Ang kanyang mga mata ay tuyo sa luha kaya nagawa niyang lagyan ng pink eyeshadow.

Pinagmamasdan siya ni Aling Diday ngunit hindi nito nababasa ang tunay na nasa kalooban niya.

Ang kanyang panginginig at pamumutla ay iniisip na bunga lamang ng bridal nerves.

“Ang ganda mo pala kapag nakaayos,” papuri nito matapos talian ng maliliit na lasong kulay puti ang ilang kumpol ng mga alun-along hibla ng itimang buhok niya.

“Halika na. Baka naiinip na ang huwes at si ser,” aya nito matapos iladlad ang simpleng belo na tinahian ng mga mumunting rosas na yari sa puting ribbon.

[Want to read the Start of Stories Online titled – PRISONER OF LOVE…? Click Here!]

Inalalayan na naman siya nito hanggang sa makababa sila ng hagdan.

Halos hindi na niya napansing lumayo sa kanya ang katiwala nang mamataan niyang papalapit si Zandro Soriano.

Nagmukha itong kagalang-galang sa suot na white morning suit.

Mayroon pa ngang puting buko ng rosas na nakasuksok sa isang buttonhole.

“Hello, my beautiful bride,” bati nito, pabulong, habang ginagawaran ng magaan na halik ang mga daliri niyang tila nagyeyelo na. “Your hands are cold. Are you nervous?” tanong pa nito habang nakangiti nang bahagya.

Hindi makapagsalita si Kathryn.

Parang ibig niyang mapaiyak nang mga sandaling iyon.

Bigla niyang naalala ang kanyang Papa.

Tumikhim nang malakas ang matandang lalaking nasa gawing likuran nila.

“Excuse me, Mr. Soriano. It’s already ten minutes past eleven o’clock. May appointment pa ako sa korte mamayang alas dose.”

Kumiling ang ulo ni Zandro habang buong pagsuyong hinahawak ng isang kamay nito ang siko niya.

“Thank you for reminding me, Judge Santiago. I’m as impatient as you,” ang pabirong wika nito habang nakangiti sa kanya.

He gave her an engaging smile. One that was intended to disarm her.

Tumawa si Judge Santiago. “Aba’y ako man ang magkaroon ng ganyan kagandang nobya, magdudumali talaga ako,” ganting-biro nito matapos mabistahan si Kathryn magmula ulo hanggang paa. “Umpisahan na natin.”

Nagpauna na itong bumalik sa pinanggalingang silid, ang library.

Walang masyadong seremonya ang nangyaring kasalan.

Kapwa sila nasa hustong edad na kaya wala nang hininging ibang papeles ang matandang huwes.

Ang naging saksi nila ay sina Aling Diday at ang mga anak nitong pulos binata. Pati ang ilang mga katulong na dalaga.

“Ikaw, Maria Kathryn Benavidez, tinatanggap mo bang maging kabiyak ng puso ang lalaking ito?”

Gagap ni Zandro ang isang kamay niya. Kaya naramdaman niya nang pisilin siya matapos siyang matagalan sa pagtugon.

Para siyang nahimasmasan.

“O-opo, Judge,” sagot niya. Halos hindi makilala ang sariling boses na gumagaralgal.

“Ikaw, Zandro Soriano, tinatanggap mo bang maging kabiyak ng puso ang babaeng ito?”

“Oo, Judge,” tugon ng matatag na boses ng lalaki.

Muntik nang bumigay ang mga tuhod niya nang marinig ang tinig ni Zandro.

Nang papirmahin na sila sa kontrata, ilang beses pa muna niyang nabitiwan ang ballpen bago niya naisulat nang maayos ang kanyang pangalan.

“You may now kiss the bride,” ang masayang wika ng huwes sa kanila. “I wish you all the luck, Mr. and Mrs. Soriano!”

Kinamayan sila nito bago iniligpit ang mga ginamit sa pagkakasal sa kanila.

“May nakahandang espesyal na tanghalian para sa ating lahat, Judge,” pahayag ni Zandro. “Pagsalu-saluhan na natin bago kayo lumakad.”

“Salamat na lang. I really have to go. Baka ma-traffic pa ako,” ang malugod na pagtanggi nito. “Magpapaalam na ako.”

“Maraming salamat sa pagbibigay n’yo ng pabor sa akin, Judge Santiago.”

Muli silang kinamayan ng huwes. “Congratulations, sa inyong dalawa. Aalis na ako.”

Nakita ni Kathryn ang puting sobre na ibinigay ni Zandro sa huwes habang inihahatid nila ito sa paglabas ng malaking resthouse.

Nakakawit ang isang braso ng lalaki sa beywang niya kaya kasabay siya nito sa paglakad.

Naghahain na ang mga kasambahay nang dumating sila sa kumedor.

Nahihiya man ang mga tauhan, nakisalo na rin ang mga ito sa kanila.

“Lagyan n’yo ng champagne ang mga baso natin, Aling Diday,” utos ni Zandro sa katiwala.

Nang masalinan na ng makislap na alak ang mga baso ng mga naruroon, itinaas ng lalaki ang hawak na kopita. “Let’s toast for our happiness,” anito. “Uminom tayong lahat para sa kaligayahan namin ni Kathryn!”

Nagpingkian ang mga gilid at bibig ng mga baso bago sabay-sabay na nagsitunggaan ang mga ‘bisita’ nila.

Pinainom siya ni Zandro sa sariling kopita.

Hindi niya dinampot ang kopitang para sa kanya.

“Let’s drink to our happiness, Kat,” wika nito, paanas.

Napilitan siyang sumimsim nang ilapit nito ang kristal sa kanyang mga labi.

“T-tama na,” aniya nang halos maubos na ang alak.

Nagsalin uli ang lalaki. Kinuha nito ang tinidor at tumusok ng isang pirasong karne upang isubo sa kanya.

“Open your mouth,” utos nito habang nakatutok sa kanya ang mga matang malalalim.

Muli, napilitan siyang ibuka ang bibig upang tanggapin ang kapirasong pagkain.

Nakatingin sa kanila ang lahat ng mga taong naruruon sa kumedor.

“That’s better,” anas ng lalaki. “Uminom ka uli.”

Sumimsim siya uli ng alak.

Muntik na siyang masamid kaya may ilang patak na bumasa sa kanyang mga labi.

Hindi niya inaasahan ang susunod na gagawin nito.

He kissed her wine-drenched lips thoroughly. His teeth nibbled the vulnerable softness and sipped at the warm sweetness.

Napasinghap si Kathryn. Umangat ang mga kamay niya at lumapat sa malapad na dibdib upang itulak ang lalaki.

Ngunit maagap na pumulupot sa kanyang katawan ang mga bisig nito.

Hinapit siya at ikinulong ng mahigpit na yakap.

“I want you, wife,” he said grimly. “Now.”

“N-no — ”

Tinangka niyang kumawala ngunit hindi niya magawa.

Ni hindi pumasok sa isip niya ang magpumiglas at manlaban nang buong giting.

Subconsciously, she didn’t want to embarrass the man she had married against her will…!

PRISONER OF LOVE-25

Comments are closed.