Are you afraid to fall in love? Do you find it difficult to trust somebody with your heart, your life, and your happiness?
Will you run away from love?
But what if that somebody loves you forever? What if you met your soul mate?
Will you get another chance to love after running away?
Mas mahalaga para kay Mica ang security at stability pero determinado siyang manggagaling sa sariling sikap at tiyaga ang lahat ng ginhawang minimithi niya.
Kaya nang ma-attract siya kay Race na isang binatang mayaman, pinilit niyang umiwas at lumayo.
Ngayong nagtagpo uli ang kanilang mga landas, makatakas pa ulit kaya si Mica?
* * *
Naghahanda si Mica sa pagpasok tuwing sasapit ang alas singko nang hapon. Bandang alas sais ang kanyang pag-uumpisa sa trabaho.
Umaalis siya sa bahay tuwing magtatakip-silim — pero hindi siya si ‘Nena’, ang babaeng g.r.o. sa kanta.
Napangiti si Mica sa repleksiyon niya sa salaming kaharap.
Sa kanyang opinyon, hindi siya bagay na maging katulad ng kanyang kasambahay na si Bunny. Ito ang tutoong GRO o guest relation officer, na mayroong mataas na sahod sa ‘class’ na nightclub. Ang tawag ng ibang tao sa ganitong trabaho ay hostes o prosti.
“Mica! Ano ba? Ang tagal mo naman sa banyo ngayon?” Kinatok siya ng kasambahay. Inip na inip na.
Nagulantang siya kahit na sanay na siya sa ugaling mataray ni Bunny. Nabitawan niya ang hawak na suklay.
“Sandali lang,” tawag niya habang kinukuha sa ilalim ng lavatory sink ang nalaglag na gamit.
“Ikaw talaga, mamayang alas otso pa naman ang pasok mo, hindi ba?” wika niya nang makalabas.
Nakatapis lang siya ng tuwalya dahil silang dalawa lang naman ang nakatira sa kuwarto. Sinusuwerte siyang matiyempuhan noon na naghahanap ng kahati sa upa si Bunny.
May dalawang taon na silang magkaibigan. Habang tumatagal, lalong tumitibay ang kanilang samahan.
Bagama’t magkabaligtad ng pag-uugali, magkasundung-magkasundo naman sila sa maraming bagay. Ang una nilang nagustuhan sa isa’t isa ay ang kawalan ng ere sa katawan.
Marangal na trabaho ang kay Mica at mababa naman ang kay Bunny ngunit pareho silang disenteng babae.
Palaging umiibig si Bunny dahil malapit sa lalaki at lapitin din naman.
Samantalang si Mica, palaging sa malayo lang nagmamahal kapag mayroong nakakatawag-pansin ng kanyang pihikang panlasa.
Hindi naman kasi siya lumapit – at hindi rin siya lapitin ng mga lalaki.
“Subukan mo kasing mag-ayos ng sarili mo, Mica. Para kang losyang na losyang diyan sa mga suot mong pantalon na ubod nang luwag. Paminsan-minsan, magsusuot ka naman ng mga palda at blusa na medyo hapit sa katawan mo,” panenermon nito habang nagbibihis siya.
“Ssh, huwag mong masyadong ilakas ang boses mo, Bunny. Baka marinig ka na naman ng ating kasera. Nag-iisip na iyon na hindi tayo nagkakasundong dalawa dito sa itaas dahil palagi ka raw katak nang katak.”
“Tse! Pakialam niya kung daldal ako ng daldal dito?” pagtataray naman ng kaibigan niya. “Ang importante, hindi naman tutoong nag-aaway tayo.”
Bumuntung-hininga na lang si Mica. Hindi na lang siya sasagot para hindi na hahaba ang usapan. “O, paano, mauuna na ako, ha?”
Nakasimangot si Bunny nang umalis siya. Susunod na rin ito sa paglabas, para pumasok na rin sa trabaho. Kinabukasan na sila magkikita uli. May sari-sarili silang susi sa pintuan kaya wala nang gisingan kapag umuuwi sila.
Malimit na nauuna sa pag-uwi si Bunny, dahil mayroon itong mga manliligaw o kustomer na may kotse. Nagpapahatid ito.
Samantalang si Mica, kinakailangan pang mag-istambay sa opisina ng ahensiyang dyanitoryal para maghintay ng umaga upang hindi na delikado sa pag-uwi.
“O, Delos Reyes, may panibagong destino ka,” salubong ng kanyang amo nang dumating siya sa opisina. “Nanalo tayo sa bidding sa Galvano Computer, Inc. Doon ka na magmula ngayon. Okey?”
Natuwa si Mica. Mas makakatipid siya ng limang piso sa pamasahe niya magmula ngayon. Para sa kanya na mayroong masinop na karakter, malaking bagay na ang limang piso. Two hundred sixty pesos isang buwan ang maiipon niya. Pambayad na ng share niya sa water bill ng boarding house.
“Salamat ho, Mr. Darius. Dadalhin ko na ho itong papeles at ang bagong I.D. ko doon?”
Tumango ang matandang amo. Tinawag na nito ang susunod na grupo ng mga dyanitor para bigyan ng panibagong destino. Tila umaasenso na ang maliit na kumpanya ng Darius Cleaners.
Ikinatutuwa niya ito kung gayon nga. Ibig sabihin ay mas magiging matatag ang kanyang trabaho. Hindi siya basta-basta mawawalan ng hanapbuhay.
Madilim na nang marating nila ang mataas na gusali. Sampu silang lahat na sakay ng service van. Lima lamang silang bababa.
Sa unang araw lamang naghahatid ang van dahil may dalang mga kagamitan at mekanismo sa paglilinis. Sa mga susunod na araw, kanya-kanya na silang punta dito.
Inspirado nga si Mica sa pagta-trabaho niya. Kailangang pagbutihin ng grupo niya ang paglilinis sa gusaling ito.
Tila bigating kostumer ang isang ito. Tiyak na magkakaroon sila ng umento kapag natuwa sa trabaho at serbisyo nila ang may-ari ng kumpanyang ito.
Nag-umpisa sila sa pinaka-itaas. Sumakay sila ng elevator matapos magpakilala sa guwardiyang nasa may pintuang salamin.
“Isusuot n’yo palagi ang inyong mga I.D.,” bilin niya sa mga kasama. Siya lamang ang medyo matagal-tagal nang naninilbihan kay Mr. Darius kaya siya ang tumatayong lider ng mga ito.
Ngunit tagapayo lamang at tagapag-paalala ang ibig niyang itawag sa kanyang posisyon. Ayaw niyang mag-isip ng mga titulong pampataas ng kanyang katayuan kaysa sa ibang kasama.
“Pag-igihin lang natin ang paglilinis sa mga sahig at mga banyo. Wala kayong gagalawin na anuman sa mga lamesa. Kukulektahin lang ang laman ng bawat trash can. Okey?” habilin pa ni Mica.
“Salamat, Ate Mica,” tugon ng mga kaharap niya, halos sabay-sabay pa nga. Tatlo silang mga babae kaya sila ang sama-sama sa iisang panig. Palipat-lipat si Mica upang mabantayan ang mga ito.
Natapos na sila sa unang palapag sa itaas. Ininspeksiyon ni Mica ang bawa’t sulok ng mga banyo at opisina, bago niya pinayagang bumaba ang grupo sa susunod na palapag.
Mangilan-ngilan na lang ang mga nagta-trabaho kaya malaya silang nakakapag-ingay. Isinasara na lang nila ang mga pinto upang hindi maka-istorbo ang ugong ng vacuum cleaner.
Toka ng mga lalaki sa mga banyong panlalaki, ngunit pinapasok pa rin niya ang mga ito upang matiyak na pulido ang pagkakalinis. Inaamoy niya ang bawat kubikulo upang matiyak na wala nang amoy-banyo.
Hanggang sa makarating na sila sa pinaka-ibabang palapag, sa mismong katabi ng kanilang locker. Nagtatabi na ng mga kagamitan ang mga kasamahan habang nirerekisa niya ang mga banyo.
Nasa pinaka-dulong kubikulo siya nang may maulinigan siyang nagbukas ng pinto ng banyong panlalaki. Inakala niyang ang isa sa mga kasamahan niya iyon kaya walang anuman na lumabas siya mula sa kubikulo.
Gayon na lang ang pagkabigla niya nang makita ang lalaking nasa harapan ng urinary lavoratory. Nakakalas na ang sinturon at nakababa na ang zipper. Bahagya itong napaharap sa kanya nang mapasinghap siya nang malakas.
Natutop ni Mica ang kanyang bibig dahil muntik na siyang mapasigaw. Napigil lang niya ang kanyang sarili nang maalalang siya ang dapat na wala sa lugar na iyon.
“Miss, sandali lang,” pigil ng lalaki sa kanya ngunit tuluy-tuloy lang siyang humangos palabas.
Namumutla siya na nanlalamig hanggang sa makarating sila sa kanilang opisina. Nahalata siya ng mga kasamahang-babae ngunit hindi niya magawang ipagtapat ang nakita niya sa loob ng comfort room na panlalaki sa mga ito.
Siya ang pinakamatanda sa mga ito sa edad niyang beinte tres!
“Ate Mica, baka tatrangkasuhin ka, a? Uso ngayon iyan. Uminom ka agad ng gamot,” paalala ni Carmen habang nasa dyip sila.
Katabing-katabi ni Mica ang kasamahang si Carmen kaya ramdam na ramdam nito ang panginginig ng kanyang katawan.
Tumango si Mica habang niyayapos ang sarili. Nanginginig ang kanyang mga kalamnan ngunit hindi niya alam kung bakit.
Diyos ko, ano ba itong nararamdaman ko? bulong niya sa sarili.
Para siyang tinamaan ng kidlat kaninang magtama ang kanilang mga mata ng lalaki. Nang hindi niya makilala ang mukhang nakita, kusang dumako pababa ang kanyang paningin.
Kaya lalo pa siyang sinagilahan ng di-maipaliwanag na kilabot. May halong kung anong mabilis at mainit ang takot na sumambitla sa kanyang kalooban.
Nabihag na nang husto ang kanyang isipan. Paano’y wala na siyang naaalala kundi ang pambihirang insidenteng iyon hanggang sa pagtulog at hanggang sa paggising niya kinabukasan.
“Hoy, Mica!” tawag ni Bunny sa pangalan niya, halos pabulyaw na. Ikinakampay pa nga nito ang isang palad sa harapan niya para makuha ang kanyang atensiyon.
“H-ha? Bakit? Kinakausap mo ba ako, Bunny?” ang natatarantang tanong niya sa kasamabahay.
“Ay, sus! Kanina pa kita kinakausap, hindi ka sumasagot. Iyon pala, natutulala ka na diyan. May sakit ka ba?” usisa nito sabay dampi ng isang palad sa kanyang noo at leeg.
“Wala akong sakit,” tanggi niya habang umiiwas na magpahipo.
Parang iba ang pakiramdam niya ngayon. May idinudulot na kakaibang sensasyon ang anumang bagay na mapadaiti sa kanyang balat. Para bang na-triple ang pagka-sensitibo.
“Ano ba ang sinasabi mo kanina?”
“Ang sabi ko, ginagamit ko ngayon ang pangalan mo sa isang suitor ko, kaya huwag kang magugulat,” wika ni Bunny matapos siyang sipatin nang ilang sandali.
“Na naman?” aniya. Hindi siya makapaniwalang mas gusto pang gamitin ni Bunny ang kanyang pangalan. Samantalang mas sosyal pakinggan ang palayaw nito.
Tumango ang kanyang kausap. “Oo — na naman,” salo nito.
“E, bakit ba gusto mo ang sa akin gayong maganda na nga ang sa iyo?”
“Basta gusto ko lang,” pilit ni Bunny, bahagya nang sumimangot. Ibig sabihin niyon, ayaw na nitong pag-usapan ang isang paksa.
Nagkibit-balikat na lang si Mica. Wala naman sa kanya ang ginawa ng kaibigan kaya nagpatuloy na naman siya sa pangangarap niya ng gising.
Ito na kaya ang tinatawag nilang pag-ibig? tanong niya sa sarili. O simpleng obsesyon lang sa isang bagay na hindi pa nalalaman at nararanasan?
Paminsan-minsan, naku-curious din siya sa sex. Pero wala siyang panahon at sapat na lakas ng loob na mag-research o mag-eksperimento.
Sumulyap siya sa babaeng kasalukuyang nagkukutkot ng mga kuko sa paa.
Hindi naniniwala sa pag-ibig si Bunny kaya hindi siya maliliwanagan kapag nagtanong siya rito.
Isa pa, mas mabuting ilihim na lamang niya ang nadaramang kakaiba. Kailangang supilin at kitilin upang huwag nang yumabong pa.
Wala naman pating patutunguhan dahil kahit na ilang segundo lamang silang nagkaharap ng lalaking iyon, sukat na sukat na ang layo ng agwat nila sa buhay.
Pilit niyang iwinaksi ang larawan ng lalaki na nakapagkit na sa kanyang isipan. Bigla siyang tumindig. May desisyon na siya — kalimutan ang ekstra-ordinaryong nilalang na umagaw sa atensiyon niya kagabi.
“Bunny, gusto mong ipaglinis kita ng mga kuko?” alok niya sa kaibigan. Desperado na siyang magkaroon ng ibang pagkakaabalahan.
Nagulat si Bunny. “Marunong ka na ba ngayon?” usisa nito habang pumupuwesto ng maganda.
“Puwede namang mapag-aralan ito, hindi ba?” tugon niya, pakaswal.
Tumawa nang malakas si Bunny. “Diyan ako bilib sa iyo, Mica. Alam mo, balang araw, yayaman ka. Tandaan mo ang sinabi ko. May potensiyal ka, e.”
Medyo namula ang mga pisngi ni Mica. Masarap pakinggan ang sinabi ng kaharap niya ngunit hindi siya dapat magpadala.
“Salamat, Bunny, pero mauuna kang yumaman dahil mas malaki ang kita mo kaysa sa akin.”
Tumaas ang isang kilay ng babae. “Mataas nga ang sahod, pero malakas din ang gastos. Kita mo nga, nagtitipid na ako ngayon. Naglilinis na lang akong mag-isa, imbis na ipa-parlor ko pa. Ang mahal ng bayad, tapos magagalit pa ang manikurista kapag walang ibinigay na tip, e, puro marder na nga ang mga kuko ko!”
“Teka, teka, hindi kita sisingilin kaya huwag mo akong paringgan,” biro ni Mica nang mapunang high-blood na talaga si Bunny.
Bigla na namang humagalpak ng tawa ang babae. Iyong aral na tawang pang-klab talaga. Malakas at makatawag-pansin. Huminto ito nang makitang napapatunganga siya.
“Sorry,” anito na lang habang pinag-iigi pa ang pagsandal sa mga unan na isinalansan sa ibabaw ng makitid na kamang nakadikit sa dingding.
Matagal na kalutkutan ang nangyari. Hindi nila napansin ang pagdating ng hapon.
“Oy, Mica, oras na ng paliligo mo. Papasok ka na,” paalala ni Bunny habang sinisipat ang obra-maestra ni Mica.
Sumulyap sa relong pandingding ang nagulat na dalaga. “Oo nga ano? Hindi ko napansin ang oras, a?”
Nagmadali siyang naligo at nagbihis. Hindi na siya nag-abalang magmeryenda bago umalis. Hindi pa niya kabisado ang kanyang pupuntahan.
Hindi na siya nagpunta sa mga banyong nirerekisa ng mag-isa lang. Pinatatayo niya sa labas ng pinto ang dalawang babaeng kasama niya. Ang mga lalaki na lamang ang pinauuna nila sa susunod na lilinisin.
Lumipas ang gabing iyon na hindi niya nakita ni anino ng lalaking nakita niya sa comfort room. Hanggang sa mga sumunod na araw, nanatiling isang estranghero ang naturang lalaki.
Nakabuti naman iyon sa kanya. Parang nabubura na sa ang kanyang isipan ang insidente.
May isang buwan na silang naglilinis sa Galvano Building nang magkasakit ang dalawa sa mga kasama niya. Na-doble tuloy ang mga trabaho nilang tatlo sa grupo. Kaya lubos na nakatutok ang kanyang isipan sa mga gawain.
Habang nagma-mop ng sahig sa koridor, pinaplano na niya ang susunod na gagawin. Para mas mabilis matapos.
Nakatitig siya sa mahabang tangkay ng basahan sa sahig habang pabalik-balik iyon sa kaliwa at sa kanan. Humuhuni pa nga ang basang tela habang naglalakbay sa maalikabok na sementong makinis.
Bago siya matapos sa kahabaan ng koridor, tuyo na ang dulong pinanggalingan niya. Puwede na siyang magpunas naman ng floor wax simula doon.
Nasa ganitong estado ang kanyang pag-iisip nang may tumawag sa kanyang pangalan.
“Miss Mica delos Reyes?”
Napatalon siya sa labis na pagkabigla. Tinig-lalaki ang narinig niyang nanggaling sa bandang likuran. Dahan-dahan siyang luminga dito.
Hindi pa man siya nakakaharap dito, natitiyak na niya kung sino ang lalaking makikita niya. Ipinahihiwatig na ng pangangalisag ng mga balahibo niya sa kanyang batok.
Bigla siyang nailang sa kanyang kasuotang tiyak na basa na ng pawis. Nakapusod sa tuktok ng kanyang ulo ang mahaba at medyo kulot na buhok ngunit marami nang mga hibla ang humiwalay sa karamihan at kasalukuyang nakalugay sa palibot ng kanyang ulo at mukha.
“So, ikaw nga ang nakakita sa akin sa comfort room,” wika ng lalaki.
Enigmatiko ang ekspresyon. Nakatalikod pa sa ilaw na mahaba sa kisame kaya malamlam ang dako ng mga matang malalalim.
Namula ang mga pisngi ni Mica. Naumid ang kanyang dila. At namilog ang kanyang mga mata. Wala siyang nagawa kundi ang tumango ng marahan.
Walang kamalay-malay si Mica na napaka-ethereal niyang tingnan nang mga sandaling iyon. Nakasalamin ang pangamba sa kanyang malalaki at mabibilog na mga mata ngunit tuwid pa rin ang kanyang likod, taas ang noo at tiim ang mga bagang.
“A-ako nga — bakit?” Sinadya niyang patigasin ang tinig.
Tila hindi inaasahan ng lalaki ang gagawin niyang pagtatapang-tapangan. Napapatda ito ngunit saglit lang.
Maya-maya’y, sumilay ang isang napakaseksing ngiti sa bibig nito. Gumapang hanggang sa mga matang tila may gayuma kaya naman parang napapaso na siyang tumingin dito.
“Gusto kita,” pahayag ng binatang makisig. “I like fiery women. Have dinner with me?”
Hindi agad nakakibo si Mica. Napatulala siya sa kaharap na lalaki.
Napakurap siya nang mahimasmasan sa tinamong pagkabigla.
Ngayon lang siya naimbitahang makipag-dinner date ng isang binata.
Binata pa nga ba ang kaharap niya? Paano ba nalalaman…?
Pero ang dapat niyang pagtuunan ng pansin ay kung tutoo bang niyaya siya ng lalaking matikas na mag-date sila…
Imposible naman kasing mangyari ang ganitong eksena sa isang babaeng janitress lang at habang naglilinis siya sa koridor.
Ano kaya ang ayos niya ngayon? Kanina pa siya hindi nakakasulyap sa salamin.
Pumiksi ang utak ni Mica. Siguradong nagbibiro lang ang lalaking ito!
“H-ha?” tugon niya, pautal. “Hindi ho puwede — ” Huminto siya sa pagsasalita dahil hindi na niya halos makilala ang sariling boses.
“Kailangan ko pa bang humingi ng permiso sa boss mo?”
“H-ho?” Hindi magkandatuto sa pag-iling si Mica. “H-hindi ho namin puwedeng iwanan ang trabaho namin dito,” paliwanag niya. Nagkakautal-utal pa rin.
Ngumiti uli ang lalaki, kaya natunaw uli ang mga tuhod ni Mica.
“Of course, hindi ngayon,” salo nito. Sumulyap sa suot na wristwatch. “It’s past dinner time already. Bukas ng gabi siguro?”
Umiling si Mica. Hindi na siya makapagsalita. Nanikit na yata ang dila niya sa kisame ng bibig.
“Sa susunod na gabi?” salo uli ng lalaki.
Humigpit ang hawak ng mga daliri ni Mica sa tangkay ng mop. Nag-apuhap siya ng tinig na nananakit na lalamunan.
“H-hindi ho talaga puwede — ”
“Dahil hindi mo ako kilala?” pakli ng lalaki. Inilabas ang pitaka mula sa bulsa sa likuran ng pantalon.
“Narito ang mga I.D.s ko. Ako nga pala si Race Galvano,” wika nito habang iniaabot ang isang kamay sa kanya.
Napaatras si Mica na para bang napaso. Muntik na niyang matapakan ang basahan na nasa dulo ng mahabang tungkod na hawak niya. Lalo siyang napaigtad palayo nang akmang hahawakan siya nito.
Nanliit sandali ang mga mata ng lalaki. Parang naibahan ito sa iginagawi niya.
“Hey, hindi ako masamang tao, Mica.” Medyo sumeryoso na nang husto ang tono.
Namutla naman ngayon si Mica. “A-alam ko ho,” aniya. Nagbaba siya ng tingin. “S-sorry ho, sir. M-marami pa ho akong gagawin…”
Habang nagasasalita siya, nagliligpit na siya. Si Nato na lamang ang pagtatapusin niya rito.
“Miss delos Reyes,” sambit ni Race Galvano sa kanyang apelyido nang patungo na siya sa elevator.
Mariin na ang tinig nito. Wala nang bahid ng panunudyo o di kaya’y panunuyo.
“Kapag hindi mo ako pinagbigyan sa imbitasyon ko sa iyo, malalaman ito ng iyong manager na si Mr. Darius.”
Nanigas ang mga balikat ng dalaga sa kanyang narinig.
“Blackmail ang tawag diyan sa ginagawa n’yo, sir,” pakli niya. Pilit na pinatapang ang tono. “Puwedeng sexual harrassment na rin,” dugtong pa niya.
“Sexual harrasment?” ulit ng lalaki. Para bang ngayon lang narinig ang dalawang salita.
Habang tumatagal, hindi makapaniwala si Mica na tutoo ang mga nangyayari. Pakiramdam niya, isang masamang panaginip lang ang lahat.
“Bakit ba inimbitahan mo akong mag-dinner?”
Minabuti nang magtapang-tapangan ni Mica. Parang lalo lang siyang nasusukol sa isang sulok habang umiiwas siya. Hinugot niya ang bimpong nakasuksok sa bulsa ng over-all para ipunas sa kanyang leeg na pawis-pawisan.
“Gusto kong magkakilala tayo ng husto.” Pakunwari lang ang kaswal na tono ni Race Galvano.
“Paano kung ayaw ko naman kayong makilala nang husto, sir?”
“Bakit ayaw mo? What’s wrong with me?”
“Nothing, sir.” Bumuntonghininga si Mica. “Alam ko lang kung saan ako dapat lumugar.”