How do you tell if your beloved is cheating? What will you feel if you saw your sweetheart kissing someone?
Hurt. Disillusioned. Angry.
But your heart will not stop loving…
How will you stop your heart from hurting? Does a simple “I’m sorry” heal the wounds? Will you give the one you love a second chance…?
Naging mag-asawa ang mag-bestfriend at mag-business partners na sina Meurice at Roldan. Compatible sila sa lahat ng mga bagay.
Soul mates sila.
Familiarity breeds contempt… or more probably, boredom. Having a comfortable relationship is not the key. When you fit someone’s expectations like a glove, that someone will start taking you for granted.
Nang mahuli sa akto ng pagtataksil ang asawang si Roldan, separation agad ang naging desisyon ni Meurice. Gusto na niyang maging malaya agad dahil ayaw nang masaktan uli.
Pero paano kung nanumbalik ang dating init ng pag-ibig? May ikalawang pagkakataon pa kaya para sa kanila?
* * *
“Meurice, mauna na ako sa ‘yo!” tawag ni Roldan, kasabay ng mga yabag na bumababa sa hagdan.
“Ha? E, ang kape mo?” pahabol ni Meurice.
Dali-dali niyang iniwan ang mga nilalabhang damit sa laundry room. Nagpupunas siya ng mga kamay sa suot na apron habang lumalabas ng kusina. Inabutan niyang binubuksan na ng lalaki ang front door.
“Hindi ka pa nagkakape, a?” taka niya. Nagulat siya dahil bihis na bihis na ito. Napakakisig sa suot na business suit at black leather shoes.
Luminga si Roldan sa kanya. Bitbit na nito ang attache case. “Sa office na ‘ko magkakape,” wika nito. “May kausap akong kliyente, e. Maagang darating ‘yon.”
“A, gan’on ba?” Tanggap niya agad ang paliwanag ng asawa. “O, sige. Susunod na rin ako agad. Magluluto lang ako ng lunch natin.”
“‘Wag mo na ‘kong igahin,” agap ng lalaki. “May luncheon meeting ako mamaya.”
“I see. Okey, ingat ka na lang sa pagmamaneho.”
“Thanks. Bye!”
Parang may sumirit na pakla sa kalooban ni Meurice nang tumalikod na ang asawa at tuluy-tuloy nang lumabas ng two-storey house.
Dati-rati, hindi ito makaalis hanggang hindi nakakahalik kahit na sa pisngi lang niya…
Napailing na lamang siya habang humuhugot ng malalim na buntonghininga.
‘Nakalimutan lang siguro ni Roldan’, pang-aalo niya sa sarili.
Bumalik siya sa kanyang paglalaba. Katatapos lang huminto ng washing machine. Iniahon niya doon ang mga damit at inilipat sa malaking palanggana. Isinalang niya ang mga kumot at punda bago sinimulan ang pagbabanlaw.
Tuwing ikalawang araw siya naglalaba para hindi matambakan ng labahin. Pinagkakasya niya sa umaga ang lahat ng mga gawaing-bahay upang libre ang mga gabi, pati na ang Sabado at Linggo, kapag may kailangang i-rush sa pabrika.
Sa loob ng sampung taon, napalago nilang mag-asawa ang handicraft business na itinatag ng pinagsamang savings account.
Ngayon ay isa na rin silang exporter. Tinangkilik na rin sa ibang bansa ang mga orihinal na disenyo niya sa kanilang mga native furnitures. Halos buwan-buwan nga kung magpaalis sila ng trailers na punum-puno ng mga produkto nila. Mayroong papunta sa Europa, Amerika, at Australya.
Nagtagumpay na silang maiangat ang kanilang kabuhayan. Ang kaunting puhunan nila, na sinangkapan ng tiyaga, sipag at determinasyon ay na-triple na nang ilang ulit. Ayon nga sa kanilang accountant, mga milyunaryo na sila ni Roldan.
Puwede na silang magkaroon ng mga anak, kung tutuusin. Ganoon naman ang plano nila nung bago magpakasal.
Pero parang nawala na ang init sa pagsasama nilang mag-asawa. Bihirang-bihira na silang magsiping. Pareho na kasing pagod mula sa maghapong pagtatrabaho…
Ipinilig ni Meurice ang ulo. Ayaw niyang mag-isip ng masama. Hindi tamang pagdudahan niya ang lalaking abala rin sa pagpapalago ng negosyong ipinundar nila.
Minadali na niya ang pagbabanlaw. Pati ang pagsasampay. Makalipas ang isang oras at kalahati, natapos siya. Gumawa muna siya ng sandwich bago nag-shower at nagbihis ng damit-pamasok.
Kabaligtaran ng working clothes niya ang kasuotan ni Roldan, dahil nasa production side siya. Ang palda at blusa ay hindi nababagay sa pabrika. Bagkus, jeans at t-shirt lang palagi upang mas kumportableng kumilos.
Maging ang mga sasakyang gamit nila ay hindi rin magkatugma. Si Roldan ang maydala ng mamahaling kotse. Pick-up naman ang sa kanya dahil malimit siyang mag-uwi ng mga materyales kapag may ginagawang bagong disenyo.
Medyo ma-trapik na, kaya pahintu-hinto ang pagmamaneho niya. Malimit niyang nasusulyapan ang sarili sa rearview mirror.
Basa-basa pa ang buhok na hanggang balikat kaya hindi pa naitali. Medyo kulot ang mga hiblang itim kaya madaling nagulo ng hangin na ibinubuga ng aircon. Ni hindi siya nakapag-lipstick. Kaunting pulbo lang ang naipahid sa mukha dahil sa pagmamadali.
Wala sa hitsura niya ang edad na trenta y tres. May kaliitan kasi siya. Balingkinitan ang katawan at napakaliksing kumilos. Rugged at casual pang manamit, kaya malimit siyang mapagkamalang bata pa.
Gayunman, ang respeto ng mga manggagawa sa kanilang shop ay abot hanggang langit. Bilib kasi sa kasipagan at talento niya.
“Good morning, ma’am,” ang magalang na salubong ng shop supervisor.
“Good morning din, Pedring. Kumusta? Dumating na ba ang stocks?”
“Opo, ma’am.”
“Okey na ba ang inventory? Makakahabol sa schedule?” Nagtatanong siya habang lumalakad patungo sa kanyang mesa.
“Opo. Narito po ang mga records na ginawa ni Temy.” Si Temy ang panggabing superbisor.
Inilapag ni Meurice ang bitbit na tote bag bago kinuha ang mga papel. “Asikasuhin n’yo agad ang mga may depekto, ha? Sampu ang naririto sa listahan.”
“Okey, ma’am.”
“O, siya, kung wala na–tatawagan ko lang ang Sir mo.” Dinampot niya ang telepono pero napasulyap siya sa kausap dahil hindi ito umalis sa harapan niya. “Meron ka pa bang sasabihin?” taka niya.
Lalo pa siyang nagtaka nang makitang tila namumutla ito.
“Este, ma’am, b-baka wala po si Sir sa opisina niya. Uh, parang nakita kong umalis ang sasakyan niya kani-kanina lang.” Tila napipilitan lang ang malumanay na pagsasalita ni Pedring. Nagkakapili-pilipit ang dila nito.
“G-gan’on ba?” Nanlalaki ang ulo ni Meurice habang pinipigil ang umaalsang takot mula sa kaibuturan ng dibdib.
“Uhm, b-baka tumatawag siya habang nasa banyo ako kanina kaya hindi ko narinig,” dagdag pa niya. Aywan kung bakit parang gusto niyang pagtakpan ang asawa.
Yumuko si Pedring bago tumugon. Halatang ikinubli ang tunay na iniisip. “Er, sige po, ma’am. Babalik na po ako sa trabaho ko.”
“Este, nasaan nga pala ang mga produkto natin? Gusto ko ring inspeksyunin bago mabarnisan.” Ayaw niyang mapag-isa.
“Nasa likuran po, ma’am. Halikayo, d’on din ang punta ko ngayon.”
“O-okey.” Pinilit niyang ngumiti. Tila may nabasa kasi siyang awa sa patagilid na sulyap ni Pedring sa gawi niya.
Nagkunwari siya na walang napapansing kakaiba sa mga kilos ng katiwala. Magaan ang tono niya habang nagtatanong ng tungkol sa mga muwebles na nakahilera sa sementadong lugar patuyuan at barnisan.
“Okey na ang mga ito para sa akin, Pedring. Paki-tingnan mo na lang uli kapag natapos nang mabarnisan, ha? Baka may nakalusot pang depekto sa mga mata natin.”
“O-opo, ma’am.”
May napuna na naman siyang kakatwa dito. Para bang alumpihit. Para bang gusto na siyang umalis doon.
Kaya nagpaalam na siya. “O, p’ano? Babalik na ako sa opisina ko, ha? ‘And’on lang ako kung may prublema.”
Dahil nagkukunwaring ayos lang ang lahat, pinigil ni Meurice ang sarili na lumingon pagkatapos tumalikod. Ang binigyang-pansin ay ang mga trabahador na nadadaanan sa paligid. Sa ngayon, mahigit na sa tatlong daang katao na ang nabibigyan ng hanapbuhay ng kumpanyang Rome Handicrafts International.
“Magandang umaga po, ma’am,” ang magalang na bati ng mga ito.
“Magandang umaga rin.” Nakangiti siya kahit na punum-puno ng mga katanungan ang isip at kalooban.
Hanggang sa dumating sa kanyang cubicle, nag-iisip pa rin siya.
Bakit hindi nabanggit ni Roldan ang tungkol sa pang-umagang appointment nito? O baka naman hindi lang niya naintindihan ang paalam nito kanina? Baka naman ang ka-appointment nito ay sa labas ng opisina makikipagkita?
Kung ganoon naman, bakit hindi man lang ito tumawag sa kanya?
Bumuntonghininga siya nang malalim habang papilig na umiiling. Walang mangyayari kung mag-i-ispekula siya habang ang mga trabaho ay nakatambak sa harapan niya.
Minabuti niyang isubsob ang sarili sa drawing table, kungsaan nakalatag ang isang tracing paper. Ilang araw na niyang ginagawa ang bagong disenyo para sa isang round canopied bridal bed na yari sa rattan at kawayan.
Medyo nahihirapan siya sa structural design. Gusto kasi niyang maging matibay at kakaiba ang bagong produkto na isasali sa paparating na expo sa Japan.
Tapos siya ng kursong Industrial Design sa isang kilalang Institute of Technology sa Maynila. Nag-aaral pa siya nuong magkakilala sila Roldan. Isa na itong assistant manager sa bangko na katabi ng kanyang paaralan.
Naging magkasintahan agad sila dahil walang kiyeme sa katawan si Meurice. Napaibig agad siya ng karisma ng binata.
Ngunit hindi siya nagdumaling magpakasal sa makisig na kasintahan. Pagkatapos ng graduation, nagtrabaho muna siya para magkaroon ng ipon bago lumagay sa tahimik. At nang makasal naman, hindi muna nila ginustong magkaroon ng anak dahil kasalukuyan pang nagpapaunlad ng negosyong ipinundar.
Hanggang sa lumipas ang mga taon nang di nila namamalayan…
Pati ang mga oras. Nagulantang pa si Meurice nang umalingawngaw ang kuriring ng higanteng bell na naghuhudyat ng oras ng pananghalian.
Sumungaw ang ulo ni Tessie, ang sekretarya niya, sa awang ng pintuan.
“Ma’am, lalabas na po ako para mag-lunch. Aalis din po ba kayo?”
“Hindi. Sige na, Tessie. Enjoy your lunch.” Umiling siya kahit na wala naman siyang nai-preparang lunch. Kape at biskwit na lang siguro ang kakainin niya.
Sumulyap siya sa telepono nang muling mapag-isa. Kahit na naglayag sa malayo ang kanyang utak, naghihintay pa rin siya sa tawag ng asawa.
‘Roldan, ano bang nangyayari sa atin?’ tanong niya sa sarili habang tumitindig upang lumapit sa bintana.
Magkatabi lang ang mga gusaling kinaroroonan ng magkahiwalay na opisina nilang mag-asawa. Noon, malimit silang magtanawan sa kani-kanilang mga bintana. Nagpapalitan ng matatamis na ngiti at maiinit na ‘flying kisses’…
A, kailan ba nawala ang init at tamis sa pagsasama nila?
Papatalikod na sana siya mula sa pagkakatingala, nang may mapunang tila mga anino na gumalaw sa likod ng maninipis na kurtinang puti.
Kumurap-kurap pa muna si Meurice bago muling tumitig na maigi. Talagang may mga anino. Natitiyak niyang may mga tao sa opisina ni Roldan.
Kunot-noo, kinapa ng isang kamay ang receiver ng telepono. Nakatutok pa rin ang mga mata sa ika-apat na palapag ng katapat na gusali.
Ang shop ay may apat na palapag rin, pero ang opisina ay nasa ikalawa upang madali siyang makarating sa itaas at sa ibaba kapag sagsagan ang pagpapatrabaho. Palaging sabay-sabay ang paggawa ng iba-ibang produkto nila kaya pinaghati-hati na ng work area.
Inialis lang ni Meurice ang paningin sa bintana ng asawa, nang mag-dial ng mga numero. Ibinalik muli nang magsimulang kumuriring ang telepono.
“H-hello?” sambit niya nang may mag-angat mula sa kabilang kawad.
Ngunit gayon na lang ang pagtataka niya nang maputol agad ang kuneksiyon. Nag-dial tone na uli.
Nag-redial siya. Nagsisimula nang magsikip ang kanyang dibdib. Naglalaro na ang sari-saring suspetsa sa loob ng utak.
May ugat na ang mga munting butil ng selos at panibugho sa kanyang dibdib dahil matagal nang naibinhi ang mga iyon. Mula pa nung ipagpilitan ni Roldan ang pagtanggap kay Myra bilang secretary nito…
Matangkad, seksi, maganda, at mapanukso si Myra Montes. Hindi bagay na maging sekretarya lang. Tutol siya dito dahil bumagsak sa mga eksaminasyon pero masunuring kabiyak siya kaya hindi na umapela nang magdesisyong tanggapin ito ng asawa.
Nang magkaroon uli ng kuneksiyon, ang tanging narinig na lamang niya ay busy tone. May gumagamit sa telepono ni Roldan, o ini-hang na iyon para walang istorbo…?
Kaysa pahirapan ang sarili sa pagdududa at pagsususpetsa, minabuti ni Meurice na puntahan na lamang ang opisina ng asawa. Hindi fair para kay Roldan ang mag-isip agad siya ng masama gayong wala naman siyang nakikitang pruweba na nagtataksil ito.
Mistulang robot ang pagkilos niya. Lumapit siya sa key cabinet upang kunin ang master key. Awtomatiko niyang pinatay ang ilaw at airpot bago lumabas ng kuwarto. Wala nang empleyado sa paligid. Pawang nasa mga paboritong karinderya na nakahilera sa gilid ng pabrika.
Nakakabingi ang katahimikan, pero mas nakakatulig ang malakas na pagdagundong ng kaba niya. Parang sasabog na ang kanyang dibdib dahil sa matinding tensiyon.
‘Huwag naman sana, huwag naman sana…’ ang paulit-ulit na pag-usal niya, kasaliw ng mabibigat na mga hakbang.
Nakarating siya sa ika-apat na palapag, nang halos di namamalayan. Itinutulak lamang siya ng puwersang nagbubuhat sa madilim na bahagi ng puso.
Wala ring katau-tao doon. Medyo madilim pa ang paligid dahil patay ang mga ilaw at computers.
Huminto siya sa tapat ng pintuan ng General Manager. Kumuyom ang mga kamay niya. Huminga nang malalim habang nakapikit nang mariin.
Nang dumilat, isinuksok niya agad ang master key sa seradura bago pa maglaho ang naipong lakas ng loob.
Tama ang hinala niyang naka-locked ang doorknob. Isang mahinang ‘klik’ muna ang naulinigan niya bago pumihit pabukas ang bilog na metal.
Dahan-dahan rin niyang itinulak ang dahon ng pinto. Tahimik ang mga yabag niya nang lumakad sa makapal na alpombra. Patungo sa direksiyon ng mga munting ingay na nagmumula sa dulong bahagi ng maluwang na silid-tanggapan.
May rattan divider na nakatakip sa malaking lamesa ng general manager para may kaunting privacy.
Halos pumikit si Meurice habang papalapit doon. Ayaw niyang makita ang pangit na mukha ng katotohanan.
Ngunit tila itinakda nang mangyari ang mga sandaling iyon. Tuluy-tuloy siya sa paglakad. Huminto lang nang bumulaga na sa kanyang harapan ang pinakamasakit na tagpong nasaksihan niya.
Ibang babae na ang nakakulong sa mga bisig ng kanyang asawa. Ibang mga labi ang hinahandugan ng maaalab na halik ng lalaking pinakasalan at pinangakuang mamahalin habang buhay…
Sa isang iglap lang, nagkasugat-sugat at nagdurug-durog ang puso niya.
“R-roldan, bakit — ?” Iyon lang ang nasambit niya. Tanging ang mga titig na lamang niya ang nakapang-usig.
“M-meurice — !” Gulat na gulat din si Roldan. Dali-daling binitiwan si Myra. Itinulak palayo ngunit lalo lang lumala ang sitwasyon. Nalantad lang sa paningin niya ang gulu-gulong kasuotan ng dalawang taksil.
Sinadya niyang kagatin nang mariin ang ibabang labi. Ang matalas na kirot ang nagpabalik sa nawalang wisyo. Nagawa niyang magsalita kahit na nginig na nginig ang tinig.
“M-miss Montes, you’re f-fired!” ang pa-singhap na utos niya. Pinukol lang uli niya ng mapang-usig na titig ang asawa bago tumalikod.
“Meurice, wait!”
Hindi siya huminto o lumingon. Tuluy-tuloy siyang lumakad palayo. Nakapagtatakang hindi man lang humilam sa luha ang kanyang mga mata.
A, tuyo na nga ba ang damdamin…?
Kahit na halos wala sa sarili, nakarating si Meurice sa kanyang opisina. Animo robot pa rin siya. Ibinalik niya ang master key sa key cabinet bago kinuha ang tote bag sa drawer ng office desk. Muli siyang lumabas.
Diretso lang ang tingin niya habang patungo sa nakaparadang pick-up sa garahe. Walang lingun-lingon. Walang kangiti-ngiti kahit na may nakakasalubong.
Nakasakay na siya, nang matigilan. May nahagip kasi ang paningin niya. Isang sasakyan ang nakaparada sa malayong sulok ng garahe. Nakatakip ng dilaw na lona ang katawan, pero hindi ang mga gulong na pamilyar sa kanya.
Nandito lang si Roldan, magmula pa kanina! Pinagtakpan ni Pedring ang kalokohan ng asawa, palibhasa’y malayong magpinsan ang dalawa.
Gayon na lang ang pagsulak ng isa pang uri ng hinanakit sa kalooban niya. Pa-arangkada ang pagpapaandar niya sa sasakyan. Muntik na nga niyang banggain ang nakasaradong pa ring gate ng pabrika.
Sunud-sunod na pagbusina ang ginawa niya. Umalingawngaw sa palibot ng tahimik na compound ang matitinis na ingay.
“S-sorry, Ma’am. Hindi raw po kayo puwedeng lumabas, utos ni Sir Roldan,” paliwanag ng guwardiya.
“Paki-buksan mo na lang, guard,” pakli niya. Pigil ang tono. Hindi siya tumingin dito. Nakatutok ang matalim na titig niya sa tarangkahang yari sa bakal. “O gusto mong banggain ko ‘yang gate?”
“H-ho? E, hindi po. S-sandali lang po. Bubuksan na po!” Tarantang bumalik sa outpost ang security guard.
Saka lang niya ito tiningnan. Nagrebolusyon siya ng makina, nang makitang dinadampot nito ang receiver ng intercom. Tatawagan pa muna si Roldan bago sundin ang gusto niya.
Nagbusina uli siya bago iniatras ang minamanehong sasakyan. Naghahanda sa pabugsong pag-arangkada.
“O-opo, ma’am! Sandali lang po, ma’am!” Tarantang tumakbo palabas ng outpost ang dalawang guard. Manu-manong binuksan ang tarangkahang bakal.
“Salamat!” hiyaw niya habang dumadaan sa tapat ng dalawang sekyu.
Napakamot ang dalawa dahil mabagal naman ang pagpapatakbo niya sa pick-up. Kontrolado na uli niya ang sarili.
Nasa kakatwang estado kasi ang mga emosyon niya. Parang kalmado pero handang gumawa ng karahasan kahit na anong sandali. Parang isang seesaw na puwedeng magtaas-baba.
Malayu-layo na ang tinatakbo niya nang tumunog ang celfone na nasa loob ng tote bag. Alam niyang si Roldan ang tumatawag, kaya hinayaan lang niya.
Nang huminto ang pagkuriring, muling nagbalik ang nakabibinging katahimikan. Ngunit hindi na ang kawalan ng direksiyon. Nanumbalik na ang katinuan niya.
Mula sa kungsaan, lumutang ang isang tiyak na desisyon. Makikipaghiwalay na siya sa asawa. Bibigyan na niya ito ng kalayaan para magmahal ng iba — kahit na napakasakit…
Kumuriring uli ang celfone. Dahil nakapagpasiya na, tinugon na niya iyon. Pero pumarada muna siya sa unang parking space na namataan.
“H-hello?” sambit niya matapos humugot ng isang malalim na buntonghininga.
“Meurice, si Roldan ‘to,” anang pagaw na boses ng asawa. Parang kaharap lang niya ito dahil napakalinaw ng reception. “Nas’an ka? Bumalik ka na dito, please. Baka kung map’ano ka.”
Humigpit ang pagkakahawak ng mga daliri sa munting mekanismo.
“H-huwag mo akong alalahanin, Roldan,” bawi niya. “O-okey lang ako.”
“You don’t sound okey, Meurice,” ganting-bawi ng lalaki. “Nas’an ka? Pupuntahan kita. Kailangang magkausap tayo — ”
“I will file for an annulment at once,” sabad niya. “Hindi mo na kailangang makiusap para hiwalayan kita, Roldan.”
“Meurice, huwag ka namang pabigla-bigla.” Nakiusap na nga si Roldan.
“Hindi ako nagpapabigla-bigla,” salo niya. Matatag na uli ang boses.
“Dapat ay noon pa tayo nag-isip maghiwalay. Disinsana, hindi n’yo na kailangang magtago ni Miss Montes.”
“Meurice, please! Kailangan nating magkausap, okey? Hindi ka puwedeng basta-basta na lang umalis.”
“Ayoko na ng isang hungkag na relasyon, Roldan. Wala na ang pag-ibig na dahilan ng pagpapakasal natin.”
“Oh, Meurice! Don’t just leave, please!” Tila nahihirapan ang lalaki na magsalita.
“Maghunosdili ka muna. Paano ang negosyo natin? Iiwan mo rin ba ang maraming kliyenteng nagbigay ng napakalaking pagtitiwala sa atin?”
Parang tinarak ng kung anong matalas ang dibdib ni Meurice. May isang bahagi pa pala siya na nangangarap ng isang maganda at romantikong solusyon!