Lalaina is a serious career woman and she has no plans for marriage or even love. When she met the pilot of the rented airplane, she decided she is a manhater.
But Genard managed to capture her heart when he saved her life several times after they crashed in the forest…
Manhater ka ba? O simpleng career woman lang kaya hindi mo napapansin ang mga lalaking nagkakagusto sa iyo?
Paano kapag dumating ang pagkakataong nawala ang career?
At ikaw ay napunta sa isang isla — kasama ang isang makisig na lalaki?
Gugustuhin mo bang manatiling giniginaw at nag-iisa?
O tatanggapin mo ang mga bilangguang bisig na magbibigay ng init sa iyo?
Women are fighters nowadays. And men had no other choices but to love them or hate them! But never leave them aloneā¦
* * *
Tuwing umaga, palaging nagdudumali si Lalaina Domingo sa pagpasok sa opisina. Para bang palaging araw ng Lunes sa kanya.
Bilang assistant editor ng isang sikat na sikat na fashion magazine sa buong Pilipinas, wala na halos araw ng pahinga para sa pobreng dalaga.
Ang dating mahabang buhok ay ipinaputol niya ng napakaikli. Halos nakikita na ang anit, pero bumagay naman dahil maliit at hugis-puso ang kanyang mukha. Ang kanyang balat ay likas na makinis kahit na medyo kayumanggi, kaya malimit na coral lipstick lang ang gamit awyang kolorete.
Ang kanyang taas ay tipikal na Pilipina. May kaliitan siya at medyo patpatin pa ang korte ng katawan dahil palagi siyang ‘hyper’. Sa ibang salita, palaging taranta o aburido. Kaya naman ang anumang kainin niya ay madaling natutunaw at nawawala.
“Magandang morning, Miss Domingo,” bati ng baklang receptionist sa bukana ng publishing office.
“Good morning din, Ovette,” ganting-bati niya kahit na tuluy-tuloy sa paglakad papasok. “‘And’iyan na ba si Ma’am Itzi?” pahabol-tanong niya bago nakarating sa sariling cubicle.
“Wala pa!”
“Thanks!”
Pagpasok sa loob ng munting opisina niya, ang patung-patong na mga papel, letrato at sari-saring magasin na nasa ibabaw ng office desk ang sumalubong sa kanya. Sa sahig na alpombra naman ay may nakalatag na mga kartolina, kungsaan nakadikit ang mga pinaggupit-gupit na mga articles at letra at larawan.
Ngunit balewala kay Lalaina ang mga iyon. Kasama na sa pang-araw-araw na buhay niya ang mga kalat. Maya-maya lang ay mawawala na rin ang mga iyon. Dadalhin na sa imprentahan. Ngunit makalipas lang ang ilang oras, may papalit na namang panibago.
“It’s just a one vicious cycle,” bulong niya sa sarili habang naghahanap ng paglalapagan ng kanyang tote bag na namumutok dahil punum-puno sa mga abubot na may kinalaman sa trabaho.
Ilang pirasong bolpen, lapis, notebooks, mini-camera, gunting, cutter, magnifying glass, bimpo, wallet, at celfone. Ang maliit na cosmetic case ay tiyak na napailaliman, kasama ang munting perfume flask.
Mayroon ding toiletry bag na may kasamang extra underwear, para sa mga biglaang overtime at overnight sa kungsaan-saang lupalop ng bansa.
Tunay ngang isa siyang ‘career woman of the new milleneum’!
Hah! Baka girl scout! Palaging handa, e! pambubuska niya sa sarili.
Pero ang kapalit naman ng mga tagumpay na tinatamasa sa propesyon ay ang kawalan ng nobyo. O kahit ng ‘lovelife’ na lang.
Ni hindi na kasi niya masikmurang makipagbolahan sa mga flirt na lalaki ng kanyang mundong ginagalawan.
Noon ay nakikipag-date pa siya. Ganito ang nagiging eksena: magkikita sila ng lalaking manliligaw sa labas mismo ng restawran na kakainan nila.
Magkasabay silawg papasok sa loob, o-order ng pagkain at magkukuwentuhan habang kumakain. Tungkol lang naman sa mga personal na bagay, na may halong pagdiga mula sa lalaki.
Pagkatapos ng halos tatlong oras na dinner, iginigiit ni Lalaina ang makihati sa babayaran dahil wala pa naman silang relasyon.
Natatapos ang gabing iyon sa paghahatid sa kanya ng lalaki sa kanyang tinitirhang apartment.
At dahil wala pa ngang relasyon, ni isang halik sa pisngi o noo ay wala siyang ibinibigay.
Kaya naman nagugulat siya nang husto kapag may kumakalat na mga kuwentong pisikal kinabukasan.
Ang ilan nga ay nauulinigan pa niya.
“Bigay na bigay, pare. Ako pa! Sa galing ko bang mambola, e — kahit na si Maria Clara, matatangay. Hindi lang ‘yan, tsampiyon ‘ata ‘to sa kama! He! he!” Puno ng pagmamalaki at pagmamayabang, gayong ni dulo ng daliri niya ay hindi nahawakan!
Napapailing na lamang si Lalaina. Hindi niya magawang mag-react dahil wala namang nababanggit na pangalan ng babae.
Ang ginawa na lamang niyang solusyon ay hindi na umulit makipag-date sa sinuman. Bandang huli, hindi na rin siya sumasama kaninuman.
Nang lumaon tuloy, nawala na ang paniniwala ni Lalaina sa pag-ibig. Ibinuhos na lamang niya ang atensiyon at panahon sa trabaho.
Kung meron man siyang mga lihim na pangungulila, sinisikil at kinikitil agad ng pagka-sinikal niya…
Biglang kumuriring ang celfone, kaya natapos ang pamamasyal ng malikot na imahinasyon.
“Hello? This is Lalaina speaking.”
“Oh, Lala! May malaking problema!” bulalas agad ng histerikal na boses ni Ma’am Itzi mula sa kabilang kawad. “At siguradong ikaw lang ang makakalutas!”
‘As usual,’ bulong muna niya sa sarili bago tumugon. “Ano’ng problema, ma’am?”
“Kailangan mong lumipad papuntang Cebu ngayundin. ‘And’on daw ang Spanish international model na si Miss Mimosa Rubia. Kailangang meron tayong makuhang exclusive picture niya, at kahit na maikling interview lang.”
“Paano ang mga trabaho dito?” tanong pa niya, gayong ang isang kamay ay awtomatiko nang dumadampot sa tote bag.
“Ako na ang bahala d’yan. Sige na, lakad na. Lipad na!” pagtataboy ng babaeng boss at proprietress ng pinaglilingkurang publishing company.
“Right away, ma’am!” ang maliksing tugon naman niya. “Dadaanan ko lang ang overnight bag ko sa apartment, at didiretso na ‘ko sa airport.”
“Siyanga pala, umupa ka na ng charter plane, ha? Para hindi ka matagalan sa biyahe. Scoop ang isang ‘to — kung sinusuwerte tayo!”
“Okey, ma’am!” Hindi na siya nagtanong ng kung anu-ano pa. Aksaya-oras lang kung mag-uusisa na siya gayong wala pa nga sa lugar na dapat puntahan.
Ilang minuto lang ang nakalipas, naglalakad na siya sa aspaltadong tarmac ng airport.
Bitbit niya ang overnight case at nakasukbit sa isang balikat ang tote bag, lumapit siya sa mga nakaparadang mga munting eroplanong pina-a-arkila.
Pumito nang malakas ang mekanikong si Lito. Wolf whistle kaya siguradong may nakita itong maganda at seksing babae sa di-kalayuan.
Pero hindi interesado si Genard. Patuloy lang siya sa pagkutingting ng elisi sa nguso ng munting eroplano niya.
Isa lamang iyon sa mga sasakyang panghangin na naipundar ng kasipagan at pagka-masinop niya, ngunit ang pangangalagang ibinibigay niya sa bawat isa ay espesyal at metikuloso.
“Bosing, magiging pasahero mo pa ‘ata ang bebot na papunta dito!” bulong ni Lito. Tila kilig na kilig. Animo kiti-kiting hindi mapakali.
“Kung gayon, pakiabot mo na nga ang screw,” salo niya. “Baka umatras pa ang kostumer kapag nakitang kalas-kalas ang eroplanong sasakyan niya.”
Maliksing tumalima ang inutusan kahit na nakatutok pa rin sa paparating ang mga mata.
“Talagang an’seksi! Ito ang tipo ko, bosing!” palatak na naman nito.
Pinaunlakan ni Genard ang kuryosidad na ibinunga ng mga ikinikilos ng mekaniko.
At aaminin niyang na-impressed siya sa nakita. May style ang babaeng papunta sa kinaroroonan nila.
Nakasuot ng maikling shorts, sleeveless blouse, at pumps na pawang kulay puti.
Lutang na lutang ang malinis na pagka-kayumanggi ng makinis na balat. Tanging ang mga munting pearl earrings at gold feminine watch ang mga alahas na suot, pero napakagaling magdala kaya kapansin-pansin.
Isa rin ito sa mga bihirang babaeng binabagayan ng napakaikling gupit ng buhok.
Mapapagkamalan ngang isang modelo dahil sa grasyosang paraan ng paglalakad, kundi sa maliit na height nito.
“Pasado rin ba sa panlasa mo, bosing? Puwedeng sa ‘yo na lang ‘yan — kahit na ako ang unang nakakita,” wika ni Lito, sa tonong pabiro.
“Sigurado ka naman bang papasa tayo sa panlasa niyan?” salo niya, patudyo rin. “Sosyal na playgirl ang dating n’yan. Tiyak na nagbibilang ‘yan ng nobyo kahit na saan magpunta.”
“May laban ka naman, bosing,” bawi ng mekaniko. “Macho at guwaping ka naman. Artistahin nga ang dating mo, e.”
“Tigilan mo na nga ‘yang pambobola mo, Lito. Basta, ayoko ko sa tipong mapaglaro,” pakli niya. “Isalin mo na nga ‘yang langis. Baka nagmamadaling umalis ang crush mo.”
Nang may ilang dipa na lamang ang layo ng babaeng pinag-uusapan nila, eksaktong natapos sa paghihigpit ng mga turnilyo si Genard.
Ibinalik niya sa toolbox ang screwdriver at ipinunas sa magkabilang puwitan ng blue over-all ang mga kamay na ma-grasa, bago sinalubong ang bagong dating.
“Good morning, miss,” bati niya. “Naghahanap ka ba ng plane-for-rent?”
“Oo.” Hindi ito nakatingin sa kanya nang sumagot. Nakatutok ang paningin nito sa eroplano. Para bang nagdududa sa kakayahang lumipad ng medyo luma nang behikulo.
“Ito lang ba ang available?”
“Marami, pero depende kung saan ang destinasyon mo,” tugon niya. “Saan pa ang punta mo?”
Sinipat-sipat pa muna ng babae ang kabuuan ng sasakyan. Napapatagal ang pagtitig nito sa mga bahaging may bingkong at pinturang mistulang balat na kusang humihiwalay sa metal na katawan.
“Nakakalipad pa kaya ‘to?” bulong nito sa sarili, pero naulinigan ni Genard.
“Nakakalipad pa ito, miss,” salo niya. “Pero kung duda ka, maghanap ka na lang ng iba. Marami pa akong ginagawa,” dagdag niya, sabay talikod.
“Ito lang ba talaga ang papuntang Cebu?”
Hindi na siya humarap nang sumagot.
“Meron pa’ng iba, pero bukas mo na sila makikita.” Hindi na niya idinagdag na kanya rin ang iba pang mga eroplanong ipina-a-arkila sa bahaging iyon ng airport.
“Bakit?” Tila napamaang ang tono ng kausap, kaya napilitan siyang humarap uli dito.
“Dahil na-arkila na silang lahat. Bukas pa sila makakabalik dito,” ang pahapyaw na paliwanag.
“Kung gusto mong maghintay sa pagbabalik nila bukas, puwede kang mag-overnight d’yan sa tarmac hotel. May discount ka sa room fee dahil customer ka.”
“Pinaghihintay mo pa ako hanggang bukas para makarating sa Cebu?” Tila hindi naman makapaniwala ang babae nang makapagsalita. Nanlalaki ang mga mata nito. Bahagyang namumula ang mga pisngi.
“Samantalang mamaya lang ay dapat na akong nakabalik na uli dito sa Manila?”
Nagkibit siya ng malalapad na balikat.
“Ito,” sabay duro ng isang hintuturo sa lumang eroplano, “na lang ang pag-asa mong makarating sa ‘yong paroroonan, miss.”
“Hmp! Puwede na nga sigurong pagtiyagaan!” anito, sabay ingos.
“Pero baka hindi rin umusad ang isang ito — kung ang isang tulad mo ang magiging pasahero,” bawi niya. Nainis sa pag-ingos ng kaharap.
“Ang suplado mo naman! Sino ka ba?” angil ng babae. Naniningkit ang mga mata nito. “Mekaniko ka lang ‘ata, e. ‘Asan ba ang piloto?”
Yumukod nang buong panunuya si Genard.
“Ako lamang po ang inyong abang lingkod na piloto, madame.”
“Ikaw? Oh, no!”
Hindi na hinintay ng lalaki kung ano ang iba pang sasabihin ni Lalaina bilang ‘violent reaction’. Madilim ang mukhang biglang tumalikod at lumakad palayo.
“T-teka, sandali lang,” pigil niya. Malinaw na niyang naintindihan na ang lalaking ito na lamang ang tanging pag-asa niya upang magampanan ang misyon na iniatang ni Ma’am Itzi sa mga balikat niya.
“Hey, wait a minute, sir!” Nilakasan na niya ang boses nang magpatuloy lang sa paghakbang ang mahahabang biyas ng piloto.
‘Kuu, napaka-suplado!’ dugtong niya sa sarili. Pigil-pigil ang pagngingitngit. Aywan ba kung bakit napakainit agad ng dugo niya sa estranghero, sa unang pagkikita pa lang nila.
Nakakainis kasi ang ngiti nito. Parang may iniisip na kapilyuhan.
Nang dakong huli nama’y naging arogante at dominante. Ayaw man niyang aminin, mas gusto niya ang unang ekspresyon nito.
“Sir, I’m sorry,” dagdag niya habang sinusundan ang lalaki. “Hindi ko sinasadyang ma-offend kayo. Nagulat lang po talaga ako — ” Napalunok siya nang maghubad ito ng maruming over-all. Kitang-kita kasi sa lumantad na matipunong katawan na bata pa ang lalaki.
At ngayong malapit na malapit na sila sa isa’t isa, napatunayan niyang wala pa sa katanghaliang edad ito.
Dulot lamang ng malimit na exposure sa araw ang mga gatla sa kayumangging balat. Ang buhok nitong semi-kalbo ay wala pang kulay abo. Ang kabuuan ng lalaking nasa harapan niya ay isang malaking tukso…
Pinilit niyang magsalita uli nang luminga ito sa kanya. Halos magkabuhul-buhol ang dila niya — pati na ang paghinga! — dahil sa kakaibang epekto ng mabalahibong dibdib na iniharap sa kanya.
“S-sir, er, kailangan talagang makarating ako sa Cebu ngayon. Balikan ang biyaheng kailangan ko. Uuwi rin agad mamaya, kung pupuwede…?” Parang ibinitin niya ang pangungusap, pero ang tutoo’y kinapos na ang paghinga niya.
“Special fee ang katapat ng tuhog na biyahe, miss,” tugon ng piloto, matapos siyang titigan. Wala itong kangiti-ngiti sa bibig.
“Er, walang problema sa fee, sir.”
“Hanggang magkano ang kaya mong ibayad?”
Pinuwersa ni Lalaina na manumbalik ang wisyo. Pera na ang pinag-uusapan. Dapat ay palagi siyang matalas.
“Dodoblehin ko ang usual rental fee n’yo,” pahayag niya. Medyo matatag na ang tono. “Basta’t maibalik mo lang uli ako mamaya dito.”
Tila nag-isip munang maigi ang lalaki. Ngunit sandali lang siya pinaghintay. Maya-maya’y tumango ito sa direksiyon ng eroplano.
“Sakay na,” ang maikling utos nito.
Hindi agad makapaniwala si Lalaina na pumayag na ito sa gusto niya. Naparalisa pa muna siya habang sinusundan ng tingin ang lalaking maliksing sumasakay sa loob ng behikulong panghimpapawid.
“O? Akala ko ba nagmamadali ka?” untag nito, nang malingaan siyang wala pa ring tinag.
“Uh, s-sorry,” ang pautal na sambit niya habang nagdudumaling ikilos ang mga biyas.
‘Ang bastos naman!’ reklamo niya sa sarili nang hayaan lang siyang buhating mag-isa ang overnight case at ang tote bag.
“Lito, sasama ka ba?” tawag nito sa isa pang lalaking nakasuot rin ng over-all.
Kinabahan si Lalaina. Nag-aral siya ng self-defense martial arts, pero ang makakaya niyang labanan ay isang lalaki lang.
Mahirap magtanggol sa sarili kapag dalawang katunggali ang magkasabay na sumasalakay.
“Hep, este, sir, ikaw ang piloto, di ba? Kaya ikaw lang ang kailangang sumama sa biyaheng ito.”
Blangko ang sulyap na ipinukol nito sa gawi niya, pero lalo siyang kinabahan. Para bang tinuya siya.
“Okey — kung ‘yan ang gusto mo,” anito bago ibinalik ang tingin sa kasamahan. “Next time na lang pala, ‘tol.”
“Okey lang, bosing.” Sumaludo pa sa gawi niya ang lalaking nasa ibaba. “Aalisin ko na ang kalso sa mga gulong.”
Tumahimik si Lalaina habang nakikiramdam. Matapos ang mga pahiyaw na instruksiyon, naramdaman niya ang pag-usad ng sinasakyan.
Naulinigan rin niya ang pakikipag-usap ng piloto sa radyo habang unti-unting bumibilis ang pag-andar nila sa makinis na tarmac.
Ilang minuto pa, lumilipad na sila sa himpapawid. Kaagapay na ang mga puting ulap habang bumubulusok papaitaas sa asul na kalangitan.
Nasilaw si Lalaina nang pumasok sa loob ang matatalas na sinag ng araw. Inapuhap niya sa tote bag ang eye shades upang bigyan ng pruteksiyon ang mga mata.
Pareho na silang may suot na shades ng piloto. Kaya malaya na siyang nakakapagnakaw ng sulyap sa gawi nito.
Nakaka-intriga ang kasungitan ng lalaki. Ito lamang yata ang anak ni Adan na hindi tinablan ng likas na karisma ng grasyosang personalidad niya.
‘Baka naman ‘bading’?’ tanong niya sa sarili.
Pinilit niyang ipagkibit-balikat ang hinala. Wala siyang dapat ipanghinayang. Hindi sila magkaanu-ano ng piloto. Wala siyang pakialam kung maging anuman ito.
Ibinaling niya ang paningin sa labas ng bintana. Pinanood niya ang pagsabog ng mga ulap na nasasagasaan hanggang sa makaramdam ng antok.
Naalimpungatan siya nang may umalog sa isang balikat niya. Paulit-ulit iyon, kasaliw ng pagtawag sa kanya.
“Miss, gising! May prublema!”
Napasinghap si Lalaina nang parang umikot ang paligid. Saglit siyang nagmistulang ragdoll nang siya mula sa kinauupuan.
“H-huh! A-ano’ng nangyayari?” Nabigla siya nang umalingawngaw ang matinis na ingay sa paligid. Parang napupunit na lata, kasabay ng mga kulog na dumadagundong.
Napatigagal siya nang tumambad sa grogeng paningin ang madilim at nagngangalit na mukha ng isang masungit na panahon.
“Oh, my God — ! M-may bagyo ba?”
Imposibleng narinig siya ng piloto, pero pahiyaw itong nagsalita.
“Lumipat ka dito!” utos nito. “Dali!”
Nang di siya tuminag, dumukwang sa likuran ang isang braso nito. Pahaklit na kinalas ang seatbelt niya at padaklot na sinakmal ng mga daliri ang harapan ng blusa niya.
Pahila siyang inilusot nito sa pagitan ng mga upuan para ilipat sa katabi nito sa harapan.
“Aray!” bulalas niya, sabay piglas.
“Ang seatbelt mo!” singhal ng piloto, habang tinatangkang ikabit ng isang kamay ang seatbelt. Ang isa pang kamay nito ang tanging nagkokontrol sa manibela.
“Ikakabit na po!”
Hindi na nakasagot ang piloto dahil kinalog na sila ng isang malakas na puwersa mula sa labas. Para silang hinigop ng isang higanteng uli-uli. Tumiwarik na naman ang sasakyan nila at nagpaikut-ikot na parang turumpo.
Kundi maagap na kinawit ng matipunong braso ang beywang niya at yapusin siya nang mahigpit upang magkadikit nang husto ang kanilang mga katawan, tiyak na kungsaan-saang sulok ng munting eroplano na nakarating si Lalaina.
Iyon nga ang akala niya nung una. Liyung-liyo na kasi siya. Daig pa niya ang dumaan sa isang gilingan. Parang nagkadurug-durog ang mga buto at kalamnan niya.
Pinilit niyang magdilat ng mga mata. Ngunit gayon na lang ang pagkagitla niya nang gumuhit ang sala-salang mga daliri ng elektrikong kidlat. Napasigaw siya dahil nangambang tatamaan sila. Naglagitikan ang hangin. Parang nilalatigo ng puting liwanag ang paligid.
“Diyuskupo! Diyuskupo!” ang histerikal na mga sigaw niya.
“Kumalma ka lang!” bulyaw ng piloto. “Kailangan ko ng tulong mo para makababa tayo!”
Parang wala siyang narinig. Nanatiling nakasubsob sa kanyang mga palad ang mukha.
“Miss! Bumabagsak na tayo! Mamamatay tayo kapag hindi ka tumulong! Ano ba?” Sunud-sunod ang pagbulyaw ng piloto sa kanya. Isinalya na nga siya palayo at inalog nang ubod-lakas bago muling hinapit ng yapos. “Umayos ka! Okey ka na ba?”
“O-oo!” tugon niya. “B-bakit ba?”
“Ang seatbelt!”
Tila saka pa lang niya napagtanto ang tinitimping desperasyon ng lalaki. Iyon ang nagtulak sa kanya upang magpumilit na bumawi sa sarili. Pakapang ikinabit ng mga daliri niya ang metal buckles ng seatbelt.
“N-nakakabit na,” hiyaw niya.
“Good! Humawak kang mabuti sa akin!” Nang matiyak na tumalima siya, binitiwan na siya nito upang hawakan na ng dalawang kamay ang manibela.