Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

SEPARATE LIVES

Naniniwala ka ba sa love-at-first-sight? Talagang-talaga? Paano mo mapapatunayang true love na nga ang nararamdaman mo?

Paano ba tinuturuang umibig ang puso ng taong iniibig mo?

Para matuloy ang inaasam na promotion sa trabaho, kailangan nang mag-asawa ni Genard. Ngunit dahil pihikan siya, walang babae ang pumapasa sa ideal wife na hinahanap niya.

Hanggang sa magbungguan ang mga landas nila ni Leora… Na-love-at-first-sight nga ba talaga siya sa dalaga?

Dahil sa napakabigat na problemang dinadala, wala sa isip ni Leora ang pag-ibig—lalo na ang pag-aasawa.

Ngunit masyadong malakas ang atraksiyon na humihigop sa kanya papalapit kay Genard—isang estrangherong nag-aalok ng kasal at matatag na bukas.

Madali lang ba talagang matutunan ng puso ang umibig?

Narito ang kwento ng dalawang pusong nagpagapos sa isa’t isa nang walang tiyak na pag-ibig.

Tumagal kaya ang marriage nina Genard at Leora sa harap ng maraming pagsubok na darating?

* * *

“Good morning, Miss Dela Cruz!” Dumagundong sandali ang kisame at mga dingding ng lumang silid-aralan nang halos sabay-sabay na bumati ang mga estudyanteng humigit-kumulang sa limampu ang bilang.

Bagama’t natulig, nakangiti pa rin si Leora Dela Cruz nang gumanti ng bati. “Good morning, class! Stand up, everybody. Let us pray.”

Nagsitayuan naman agad ang mga bata.

Si Leora na ang namuno sa pagdarasal upang mabigkas ng tama ang mga kataga.

“Ang lahat ba ay naririto ngayon?” tanong niya nang matapos ang maikling morning prayer.

“Yes, ma’am!”

Gumala ang paningin niya sa paligid para makasiguro. Tiningnan niyang isa-isa ang mga munting mukha. Na pawang mga nakangiti kahit na ang karamihan ay nawalan na ng ngipin.

“Okey, nandito nga ang lahat. Very good!” papuri niya nang matiyak na kumpleto nga ang bilang ng mga mag-aaral.
“Buweno, ang pag-aaralan natin ngayon ay ang tungkol sa mga hayop na inaalagaan ng mga tao sa loob ng bahay at bakuran.” Habang nagsasalita, inilalabas niya ang mga illustration boards na pinagpuyatan niyang i-drowing kagabi. Iniharap niya ang isa.

“Ay! Ang kyut naman ng pusa n’yo, ma’am!” puna ni Cathy, ang estudyante niyang laging may dalang pamaypay.

“Hindi pusa ‘yan. Aso ‘yan,” kontra ng katabi nitong si Jimboy. Magkapitbahay ang dalawa pero palaging nagbabangayan.

Pinigil ni Leora ang mapangiwi. “Excuse me,” sabad niya bago pa maging argumento ang drowing niya. “Ito ay kalabaw. Hindi pusa o aso,” pagtatama niya.

Nagtawanan ang karamihan. Habang ang ilan ay maliksing sumutsot upang sawayin ang mga kaklaseng nagkaingay.

“Pagpasensiyahan n’yo na sana ang drowing ko, class. Hindi kasi ako masyadong magaling,” wika niya nang manumbalik ang kalma. “Ang mabuti pa siguro ay tulungan n’yo na lang ako. Sino ang magdo-drowing sa blackboard?”

Nagtaas agad ng kamay ang sampung estudyante na karamihan ay mga babae.

“Very good! Narito ang mga colored chalks. Kulayan n’yo ang mga drowing para maging mas maganda. Kahit na anong domestic animal ay maaari n’yong iguhit. Huwag lang kayong magkakapare-pareho, ha?”

“Yes, ma’am!”

“Ang mga nakaupo naman ay hahatiin ko sa sampung grupo. Ang bawa’t isang pangkat ay magtutulung-tulong sa paggawa ng mga talata na naglalarawan sa isa sa mga hayop na iguguhit sa pisara.”

Medyo ambisyoso ang suhestiyon niyang iyon. Dahil karamihan sa mga estudyante ay hindi pa nga marunong magsulat ng sariling pangalan. Ang tutoong mangyayari ay siya ang magiging tagasulat ng mga ididikta ng matitinis na tinig. Guro siya sa grade one class. Kalimitan ay iyon ang inaayawang turuan ng mga kapwa-titser, ngunit gustung-gusto naman niya. Pasensiyosa naman kasi siya. At likas na matuwain sa mga bata.

Nabibighani siya sa kainosentihan ng mga paslit. Mas gusto niyang makipag-usap sa mga musmos dahil ang pagiging prangka ng mga ito ay hindi pilit at hindi aral. Hindi napapagod si Leora sa pagtuturo sa mga ito kahit na medyo makukulit ang ilan.

Mabilis na natapos ang umagang iyon. Halos hindi niya namalayan ang paglipas ng mga oras. Nagulantang pa siya nang tumunog ang malaking bell.

“O, class, uwian na. Tumayo ang lahat at magdasal.”

Isang maikling panalangin uli ang sinambit niya bago magpaalam. “Goodbye, class! See you on Monday!”

“Goodbye, Miss Dela Cruz! Goodbye, classmates! See you on Monday!”

Hinintay niyang makalabas ang lahat ng mga bata bago kinuha ni Leora ang walis-tambo sa taguang nasa likod ng pisara. Winalis niya ang mga papel na naikalat sa sahig habang nagkaklase.

“Leora, hindi ka pa ba uuwi?”

Nakasungaw ang ulo ni Ellen sa awang ng pintuan nang luminga siya. Matalik na kaibigan niya ito at kapitbahay pa. “May klase ka pa ba?” dugtong nito habang itinutulak pabukas ang pinto.

“Wala na. Ikaw?” Kalahating araw lang ang schedule niya. Maliban na lang kung makukuha siyang subsitute para sa um-absent na titser, saka pa lang nadaragdagan ang oras ng pagtuturo niya — at pati na rin ang sasahurin.

“May isa pa akong subject sa alas dos. Uuwi ka na ba?”

“Oo. Tatapusin ko lang itong paglilinis ko. Bakit?”

“Bumili kasi ako ng tosino kay Mrs. Santos. Puwede bang pakibigay kay Inay? Kaninang umaga pa kasi sa locker ko ‘yon. Tiyak na natunaw na ang pagkaka-frozen. Baka masira na.”

“Gan’on ba? O, sige. Teka’t mamadaliin ko na nga ito. Kunin mo na kaya para hindi na ako umakyat sa faculty room.”

“Ayan. Salamat, ha?”

“Okey lang.”

“Wala ka bang ipakukuha d’on?”

“Wala. Dito na ako tumuloy kanina.” Isang taon pa lang siya sa pagtuturo kaya wala pa siyang sariling lamesa at locker. Dinumali niya ang pagwawalis nang makaalis ang kaibigan. Hindi na siya gumamit ng dustpan. Dinakot na niya ng kamay ang mga papel para mapadali ang gawain.

“Heto na, o. Dinoble ko na ang plastik niyan para hindi mabasa ang ibang laman ng shoulder bag mo.” Nakabalik agad si Ellen pero tapos nang maglinis sa classroom si Leora.

“O, siya, aalis na ako. May ibibilin ka pa ba?”

“Wala na. Pakisabi na lang kay Inay na alas kuwatro pa siguro ako makakauwi.”

“Makakarating ‘yan. Mauna na ako sa ‘yo.”

Balak sana ni Leora na dumaan sa pawnshop upang isangla ang lumang kuwintas na ipinamana pa ng kanyang agwela. Pero nag-alala siya sa dalang tosino kaya dumiretso na muna siya pauwi.

Sa Sabado ng umaga ang usapan nila ni Mang Badong, ang isa sa mga pinagkakautangan ng sugarol at lasenggong ama. Mahigpit ang paniningil ng may edad na lalaki dahil may kursunada ito sa kanya. Nais na ang sarili niya ang gawing pambayad-utang.

Biyernes ngayon. Bukas na ang pangit na araw.

Bumubuntong-hininga siya habang kinakapa ng mga daliri ang kuwintas na nakasuot sa kanyang leeg. ‘Paalam na, Kuwintas ni Lola Amor,’ bulong niya sa sarili. Nakayuko siya sa marahang paglakad kaya hindi niya nakita agad ang kasalubong na rumaragasa.

“Ay!” bulalas niya nang may makabungguan. Nabitawan niya ang mga illustration boards at ang lesson plan na may nakaipit na mga papel sanhi ng pagkabigla.

“Sorry, miss!” bulalas din ng isang tinig-lalaki.

Nagtama ang kanilang mga mata nang mag-angat siya ng tingin.

Ang una niyang napansin ay ang mga matang malalalim na kulay itim. Ang makakapal na kilay at ang matangos na ilong. Parang hinila pababa ang kanyang paningin. Kaya napuna rin niya ang mga labing tiim ang pagkakatikom. At ang mga panga at baba na may determinadong hubog.

Larawan ng katatagan ang mukha ng lalaking kaharap. Tila alam na alam na ang direksiyong tutugpain sa buhay. Kabaligtaran ng kanyang ama…

Nakaramdam agad ng admirasyon si Leora. Hindi niya maialis ang pagkakatitig sa lalaki.

“Nasaktan ka ba, miss?”

“Uh, h-hindi naman,” tugon niya matapos ipilig ang ulo. “I-ikaw?”

“Hindi rin.” Yumuyuko ang lalaki nang tumugon. Upang damputin ang mga gamit niya na kumalat sa bangketa. “Pasensiya ka na, narumihan tuloy ang mga ito.”

Ni hindi siya nakatulong dahil abala siya sa paghanga sa kakisigan ng kausap. Ngayon lang niya nadiskubre na gusto pala niya ang clean-cut sa lalaki. Malinis tingnan.

“W-walang anuman.” Hindi mawaksi ni Leora ang pagkautal. “H-hindi ko naman kasi tinitingnan ang nilalakaran ko.”

“Ako ang hindi tumitingin,” bawi ng lalaki. Medyo nakangiti na. At nakatitig na rin uli sa kanya. “Pero hindi na pala ako hihingi ng dispensa. Ikinatutuwa ko ang munting insidenteng ito. My name’s Genard. Genard Dorceras.”

“G-genard?” ulit ni Leora, pabulong. Napapamalikmata rin dahil hindi siya makapaniwalang nakikipagkilala ang isang makisig na lalaki sa kanya.

Tila nasa late twenties lang ang edad ni Genard. At halatang may sinasabi sa mataas na lipunan. Magkalayo ang kanilang mga mundo.

“Ikaw, miss? Ano’ng pangalan mo?” untag ng lalaki nang hindi na siya nagsalita pa uli.

Nag-apuhap pa muna siya ng boses. “L-leora Dela Cruz ang pangalan ko,” tugon niya, pautal.

“Gasgas na ang linyang ito, pero sasabihin ko pa rin. Singganda mo ang iyong pangalan, Leora,” pahayag ng lalaki.

Lalong nanuyo ang lalamunan ng dalaga nang ngumiti ang lalaki at lumitaw ang mapuputing ngipin. “S-salamat.” Nagbaba siya ng tingin dahil parang bigla siyang napaso sa mga titig nito.

“May I know your address?”

“D-diyan lang ako sa susunod na kanto umuuwi,” tugon niya. “S-sa lumang bahay-paupahan.”

“Puwede ba kitang ihatid?”

Hindi magkandatuto si Leora sa pagsagot. “B-baka makakaabala sa ‘yo. Malapit na naman ako at—at — ” Napahinto siya nang gagapin ng mainit na kamay ang nanlalamig na palad niya.

“Gusto kong makipagkaibigan sa ‘yo — kung wala ka pang boyfriend o husband?” Patanong ang pagkakasambit ng mga huling kataga.

Nataranta si Leora kaya umiling nang sunud-sunod.

“I’m glad.” Dagling nagkaroon ng mainit na kislap ang mga mata ni Genard.

Sabay na nanlamig at nag-init ang buong katawan ni Leora. Kumabog nang malakas ang dibdib niya. Rumagasa ang pagdaloy ng dugo niya.

“Payag ka bang maging magkaibigan tayo, Leora?”

Hindi siya makapagsalita. Ngunit sapat na sigurong sagot ang papitlag na pagtango ni Leora habang namumula nang husto ang mga pisngi niya.

“Thank you,” ang simpleng wika ni Genard. Hinawakan siya nito isang siko. “Tayo na.”

Saka pa lang napansin ng dalaga na hawak pa ng binata ang mga gamit niyang pinulot sa bangketa.

“A-ako na ang magdadala ng mga ‘yan. Mas mabigat ang dala mo.” Isang portfolio na tila namumutok sa dami ng laman ang hawak ng lalaki sa kabilang kamay.

“No, it’s alright.” Maliksing iniiwas ni Genard ang mga gamit niya kinipit sa isang braso. “May napansin akong lesson plan. Teacher ka ba?”

Tumango si Leora. “Uh, oo. Teacher ako sa grade one.”

“I’m impressed,” pahayag ng binata. Binagalan nito ang paglalakad para magkasabay sila. “Napakahaba siguro ng pasensiya mo, ano?”

“Medyo.” Medyo nawawala na rin ang nerbiyos niya. Mabilis na nahuhulog ang loob niya sa bagong kakilala.

Parang naglalakad sa mga ulap si Leora nung hapong iyon. Ngayon lang siya nakadama ng ganoon sa buong buhay niya. Ang nakalipas na dalawampu’t apat na taon ay puno ng bigat at pasakit kaya ramdam na ramdam niya ang gaan ng masayang pakiramdam.

“Narito na ang mga gamit mo, Leora.” Iniabot ng lalaki sa kanya ang mga gamit niya nang makarating na sila sa lumang bahay na hinati-hati sa mga kuwartong may katamtamang laki.

Halos wala sa loob na tinanggap niya ang mga iniabot sa kanya.

“Salamat,” sambit niya habang nakatingala sa kausap. “Tumuloy ka muna, Genard,” aya niya. Malaki ang pagnanais niyang magtagal pa nang kaunti ang kanilang pag-uusap.

“Hindi na muna ngayon, Leora. I’m sorry but I have to go at once. Sinigurado ko lang na hindi ako maliligaw sa pagbabalik ko dito.” Muli nitong ginagap ang isang kamay niya bago hinagkan nang buong pagsuyo ang gitna ng kanyang palad. “Goodbye for now.”

Bago pa siya nakahuma ay nakatalikod na ang lalaki at maliksi nang lumalakad palayo.

Hindi naniniwala si Leora na babalik pa si Genard pero patuloy pa ring nag-umapaw ang kasiyahan sa kaibuturan niya. Sapat na sa kanya ang sandaling pagkalimot sa mga problemang kakambal na yata ng pagkatao niya.

“Ke-guwapo namang binata n’ung kasama mo, Leora,” anang isang tinig-babae mula sa gawing likuran niya. “‘Yun ba ang boypren mo?”

“N-naku, hindi po,” ang maagap na tanggi ni Leora sa ina ng co-teacher na si Ellen. “Bagong kakilala ko lang po ‘yon.”

“Gan’on ba?” Halatang hindi naniniwala ang kaharap sa sinabi. Bantad na ito sa limang anak na pulos mga babae. “O, e, ang anak kong si Ellen? Hindi pa ba niya uwian?”

Umiling si Leora habang inaalis sa pagkakasukbit sa balikat ang shoulder bag.

“Mamayang alas singko pa raw po siya uuwi. Siyanga po pala. May ipinadala siyang tosino.” Dinukot niya malamig na balutan at iniabot sa nakangiting matanda.

“Kuu, ‘yan nga ang hinihintay ko, e. Salamat, ha?”

“Wala pong anuman, Aling Anita. Sige po, aakyat na po ako.”

“Dadalhan na lang kita diyan sa kuwarto mo kapag nailuto ko na ito,” pahabol ng kapitbahay.

“Huwag na po, Aling Anita,” ang matatag na tanggi ni Leora habang nakangiti. “Mayroon na po kaming ulam dito.”

“Ikaw ang bahala. Salamat uli sa pagdadala nitong tocino, ha?”

“Opo. Wala pong anuman.” Ngumiti uli si Leora bago tumalikod.

Nagdudumali siyang mapag-isa uli dahil nais niyang namnamin ang kasiyahang idinulot ng isang makisig na nilalang sa kanyang kalooban.

‘Hello, goodbye…’ Nagkatutoo ang isang awitin sa kanila.

Sa payak na takbo ng pang-araw-araw na buhay niya, ang isang lalaking katulad ni Genard Dorceras ay isang eksotiko. Isang pambihirang pangyayari na minsan lang darating.

Ni sa hinagap, hindi niya inasahan na ang simpleng pagkikilalang iyon ay hahantong sa isang mas kumplikadong sitwasyon…

“Tila napakalalim ng iniisip mo, a?”

Naramdaman na ni Genard ang paglapit ni Andy, kaya hindi na siya nagulat nang bigla itong magsalita mula sa likuran niya.

Hindi niya agad pinansin ito dahil mas importante ang ideyang mabilis na nabubuo sa loob ng utak niya.

“Babae ba?”

“Paano mo nahulaan?”

“Well, it’s just a wild guess. And I also admit that I’m shocked, my friend,” pagtatapat nito habang nauupo sa isang kanto ng malapad na executive office desk. “Kailan pa naging importante sa aking kaibigang womanhater ang mga babae?”

Kumurba pataas ang makakapal na kilay.

“Wala akong sinabing ‘mga’ babae, Andy,” bawi niya. “Huwag mo akong itulad sa ‘yo na isang playboy.”

Tumawa nang malakas ang kaibigan. Inaring biro ang sinabi niya.

“Okey, okey. I stand corrected, pare. C’mon, sabihin mo na kung sino ang mapalad na dalagang nakapukaw sa ‘yong natutulog na emosyon?”

Hindi na rin napigil ni Genard ang mapangiti.

“Kenkoy ka pa rin kahit na makata ka na, Andy,” puna niya.

“Naku naman, ibinitin pa ako nitong kaibigan kong pihikan. Sino ba, ha? Kakilala ko ba? Taga-dito ba sa opisina natin? Kaibigan ba natin sa labas? Isa sa mga kliyente?”

“Kaninang tanghali ko lang siya nakilala. Her name’s Leora Dela Cruz. And she’s a teacher.”

“What? A teacher? Saan mo naman nahalihaw ang titser na ‘yan?”

“Nasira ang kotse ko sa may project 8, kaya kinailangan kong maglakad palabas ng EDSA para makakuha ng taksi. Naglalakad siya sa bangketa at nagkabungguan kami.”

“Gan’on lang kasimple? Tapos naging interesado ka na? She must be a bomber, pare? Maganda ba? Tipong nagtuturo ba ng mga private lessons?”

Parang ibig niyang ma-offend sa mga sexual innuendos ng kausap. Ang impresyon niya kay Leora Dela Cruz ay konserbatibo at seryoso din na katulad niya.

“Wala namang ganyanan, Andy,” saway niya. Nagseryoso uli siya. “She’s attractive with a shapely figure, pero sigurado akong hindi siya matutuwa sa mga green jokes mo.”

“Aha! Matched na matched pala kayo. Pareho kayong conservative, e! Siguradong magkakasundo kayong dalawa,” salo ng nakangising kaharap. Magkasing-tangkad sila pero mas matipuno ang kanyang katawan dahil mahilig siya sa mga sports.

“Hindi naman ako gaanong konserbatibo,” tanggi niya. “I also had several flings in the past.”

Nagkibit lang ng isang balikat si Andy.

“Natural lang naman sa ating mga lalaki ang gan’on,” sambit nito. “Ano ba ang balak mo kay Teacher Leora Dela Cruz?”

“Balak ko siyang pakasalan.”

“Ano?” Muntik nang nahulog sa kinauupuan ang kaibigan “What did you say?”

“I said I planned to marry her.”

“Marry her!” Pabulalas pa rin ang pagsasalita nito. “I thought you said that you just met her earlier today?”

“Right.”

“O, e, bakit kasal-kasal na ang naririnig ko?”

“Hindi ko na pagtatagalin pa ang isang pambihirang pagkakataon na ito, Andy,” pakli niya. “Minsan lang sa buhay ng isang lalaki ang makatagpo ng isang babaeng katulad ni Leora.”

Nabahiran ng sinismo ang ngiti ni Andy sa kanya.

“Baka naman tinablan ka lang ng mga sermon ni Chairman?” panunudyo nito. “Baka naman kaya ka nagmamadaling mag-asawa ngayon ay dahil sa mga sinabi niyang hindi siya magbibigay ng promotion sa mga bachelor executives?”

Umiling-iling si Genard.

“I don’t expect you to understand me, Andy. Magkaiba tayo ng takbo ng utak,” pahayag niya. “But I’ll appreciate it very much if you’d keep your own opinions to yourself.”

“Sorry, my friend.” Ibinaba agad ni Andy ang tono. At nagseryoso na din. “Nagugulat lang talaga ako. I never thought that you’re the marrying kind.”

“With the right woman, I became a marrying kind.”

Umiling-iling si Andy. Nakatawa na uli.

“Bahala ka na nga, pare. Buhay mo ‘yan. Kung talagang gusto mo nang mawala ang kalayaan mo, nasa sa’yo ‘yan.”

“That’s right,” salo niya. “By the way, do you need something?”

“Makikisakay sana ako sa kotse mo — pero sira pala kaya aalis na ako. Baka mahuli pa ako sa date ko. Bye!”

Napailing na lang siya habang sinusundan ng tingin ang colleague na papalabas ng pinto.

Halos sabay nilang sinimulan ang lahat ng mga bagay sa kanilang buhay. Sabay silang nagtapos sa isang kilalang unibersidad. Sabay silang umangat sa prestihiyosong kumpanya na pinaglilingkuran.

Ngunit hindi sa pag-asensong pampinansiyal. Bulagsak sa pera si Andy. Siya naman ay masinop kaya nagkaroon na siya ng sariling kotse, kahit second hand, at nakatira na sa isang condominium unit.

Independent na siya. Hindi katulad ni Andy na nakikitira pa din sa bahay ng mga magulang kahit na edad beinte nuwebe na ito.

Iniikot ni Genard ang swivel chair na kinauupuan at iniharap sa curtain wall upang tumanaw sa labas.

Nasa ika-sampung palapag siya ng matayog na gusali ng Computer Warp Company, Ltd. Kaya hindi niya makita ang trapiko sa kahabaan ng Ayala.

Ambisyon niyang magkaroon ng sariling lugar sa ika-labing-isang palapag. Ang mga bise-presidente ang nanduruon at ang C.E.O. ay nasa penthouse.

Alam niyang napakaaga pa para sa pangarap na iyon ngunit hindi naman imposibleng matupad. Masipag at matiyaga siya. Determinado pa.

May ilang buwan na ang lumipas, nung makatanggap siya ng isang confidential telephone conversation ng mismong chief executive officer.

Click here to READ MORE

Comments are closed.