Sleep with the Boss-10

Nagtataka si Jesusa kung bakit hindi siya nagising nang kumuriring iyon kanina.

“Kinontak niya ako sa cellular phone ko,” dugtong ni Leandro. Nahulaan ang iniisip niya.

“M-maraming salamat, Leandro,” sambit niya habang unti-unting napupuno ng katuwaan ang kanyang loob.

“Isang malaking utang na loob ang ginawa mo.”

“Dapat ay noon n’yo pa siya pinatingnan sa iba, Jessie,” bawi naman nito.

Nawala ang aliwalas ng ngiti ni Jesusa.

“Ganyan nga ang ginagawa ko pero palagi na lang nagkakaroon ng sagabal,” pagtatapat niya.

Tumangu-tango ang lalaki.

“I think, nahuhulaan ko na kung bakit, Jesusa,” sambit nito sa makahulugang tono.

Magtatanong pa sana siya nang may bumusina sa labas ng mataas na tarangkahan.

[Want to read the Start of Stories Online titled – SLEEP WITH THE BOSS…? Click Here!]

“Si Dr. del Rosario na siguro ‘yon. Malapit lang dito ang bahay niya.”

Sumulyap si Jesusa sa kanyang relo.

“Nakakahiya namang inistorbo natin siya ng ganitong oras,” pag-aalala niya.

Alas dose y medya na pala!

“Hindi ko siya iistorbohin kung alam kong hindi siya pupuwede,” wika ni Leandro.

Nakatanaw na sa labas ng ospital. Kaipala, inaabangan ang pagpasok ng duktor.

Nakita ni Jesusa ang pakikipag-usap ng guwardiya sa isang lalaking nakasuot ng puting coat na mahaba.

Pigil-hininga siya habang hinihintay ang susunod na gagawin ng guwardiya.

Tatawag muna ito sa internal telephone upang kausapin ang direktor na nakatira sa penthouse ng pinakamataas na gusali sa loob ng bakuran ng piitan.

At pagkatapos, tatanggihang papasukin ang manggagamot.

Palaging ganoon ang nangyayari kaya nabantad na ang dalaga.

Hindi naman siya makapagpakita ng hayagang galit at hinanakit dahil nangangamba siyang baka ang kanyang inang bilanggo ang pagdiskitahan.

Ang una at huling pagkakulong ni Aling Juana sa bartolina noon ang nagpahina nang husto sa katawan nito.

Hindi pa nakakalimutan ni Jesusa ang isang pagkakamali niyang iyon kahit na may labing-isang taon na ang nakakaraan.

“H-hindi siya papasukin, Leandro,” wika niya sa malungkot na tinig.

Sumulyap sa kanya ang lalaki.

“Halika, lapitan natin,” aya nito habang hinahawakan siya sa isang braso.

“W-wala tayong magagawa, Leandro,” pigil niya. Sariwang-sariwa ang takot na inihatid ng mga gunita.

“Huwag kang matakot, Jesusa. Alam ko ang ginagawa ko. Halika,” pilit ng lalaki.

Napilitan siyang humakbang nang hilahin siya nito.

“May problema ba, ma’am?” ang magalang na sabad niya nang malapit na sila sa guardhouse.

Hindi makatingin ang mga babaeng pulis kay Jesusa. Para bang nahihiya ang mga ito sa kanya.

“E, opo, sir. Pinapunta n’yo pala dito si Doctor nang walang permiso ni direktor?”

Tumango si Leandro. “Oo, patitingnan ko sana sa kanya ang aking kliyente, e. Medyo hindi na maganda ang kalagayan.”

Nagkamot ng ulo ang kaharap nila. Puno ng pag-aalinlangan ang hitsura.

“E, bawal po kasi ang magpapasok ng kung sinu-sino kapag ganitong oras, sir. Lalo na kapag walang permission ng direktor.”

“Puwede ko bang makausap ang direktor? Ihihingi ko ng permiso ang duktor ng kliyente ko ngayundin.”

Nakiusap ang mga mata ni Jesusa sa babaeng pulis nang mapadako sa kanya ang paningin nito.

Hindi nito nagawang tumanggi sa maliit na kahilingang iyon dahil naalala marahil ang pagtulong na ginawa niya noong masagasaan at maospital ang bunsong anak nito.

“Salamat,” bulong niya rito nang iabot kay Leandro ang munting papel na sinulatan ng numero.

“Pasensiya ka na, Jessa,” tugon naman nito, pabulong din.

Matiyaga namang naghintay ang manggagamot habang nakasandig ang likod sa tagiliran ng sasakyan nito.

Hindi magawang humakbang ni Jesusa palapit dito dahil ayaw niyang umasa nang husto.

“Direktor, kapag hindi mo pinayagang eksaminin ng espesyalista ko ang aking kliyente, makakarating ito sa ating Presidente. At sa mga human rights protector groups,” pagbabanta ni Leandro sa malumanay na tono.

“Pati ang press ay kakalampagin ko. Sa palagay ko naman, hindi mo gugustuhing matuklasan ng marami na may lihim kang pagkasuklam sa isang bilanggo mo rito?”

Hindi makapaniwala si Jesusa sa kanyang naulinigan.

“Okey, mabuti’t nagkakaintindihan na tayo. I want maximum protection for her, too. Kapag may nangyari sa kanya, ikaw ang mananagot. Maraming salamat sa pabor, Direktor,” paalam ni Leandro matapos ang ilang sandaling pakikinig sa tugon ng nasa kabilang linya.

“Kakausapin ka raw, ma’am,” anito sa kaharap na guwardiya.

Halatang nagulat ang inabutan ni Leandro ng receiver.

Ngunit nahaluan ng kasiyahan ang pagkabigla nito nang marinig ang panibagong instruksiyon ng direktor ng bilangguan.

“Uh, sir, pasensiya na po sa kaunting abala. Pasok na raw po kayo, Dok,” wika nito sa dalawang lalaki.

Sinikreto nito ang dalaga.

“Jessa, may magic ang abogado n’yo. Malaki ang pag-asa ni Aling Juana na makalabas na rito!” anas nito sa kanya.

“S-sana nga,” ang tanging nasambit niya bago siya nilapitan ni Leandro upang isabay sa paglakad.

Nagkamay ang dalawang magkaibigan.

“Sorry for interrupting your peaceful evening, my friend,” salubong ni Leandro.

“I never have a peaceful evening, amigo.”

Nakangiti ang manggagamot habang tumatango sa direksiyon ni Jesusa.

“Maaari mo ba akong ipakilala sa kasama mong ubod nang ganda?”

Ngumiti lang si Jesusa.

Sanay siya sa mga palipad-hangin tungkol sa kariktan niya.

Maraming bolero dalaw sa bilangguan, pati sa mga kustomer ng unisex parlor and salon niya.

“Siya si Jessie, ang anak ng magiging pasyente mo,” tugon naman ni Leandro. “Jessie, siya si Dr. Joe del Rosario.”

Nakipagkamay ang dalaga sa duktor na tila kasing-edad lang ng kaibigang abogado.

Nagsimula silang humakbang nang lumakad si Leandro patungo sa gusali ng ospital.

“Magkababata kami nitong si Leandro. Magkaklase hanggang sa hayskul. Nagkahiwalay lang nang magkolehiyo. Magkaiba kasi ang mga kursong pinili namin,” pagkukuwento ni Joe.

“Nasaan ba ang pasyente? Mukhang mahigpit ang security niya, a? Ano ba ang kaso?”

“Mamaya na muna ang shop talk.” Tumanggi uling magpaliwanag si Leandro.

“Eksaminin mo na muna si Aling Juana.”

“Okey.”

Halatang nasorpresa ang nars nang makita ang espesyalista. Bumulong din ito kay Jesusa.

“Natutuwa ako’t may nailusot kang duktor, Jessa!”

Unti-unting nagkakaroon ng kasagutan ang maraming palaisipan niya nung araw. Ang mga suspetsa niya ay nagkakaroon na ng basehan.

Tama pala ang hinuha niyang palagi lang itinutulak sa pinakalikod ng isipan — may puwersang di-nakikita na naglalagay ng sagabal sa landas ng kanyang ina tungo sa kalayaan!

SLEEP WITH THE BOSS-11

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age