Sleep with the Boss-12

Napilitang magpauna sa paglabas si Jesusa dahil hinintay siya ni Leandro sa may pintuan.

Nabuksan ang isang panig ng silid na inakala niyang pader lang na tinabingan ng mahahabang kurtina.

Isang balkonahe pala ang nasa kabila niyon.

May dalawang katulong na babaeng nag-aayos ng mga pagkain sa ibabaw ng isang lamesang bilugan.

Nailang si Jesusa nang makakita ng ibang tao. Bigla siyang nangamba na baka kung ano ang isipin ng mga ito sa kanya.

Nanibago tuloy siya sa sarili.

Hindi naman siya dating masyadong conscious sa sasabihin ng iba tungkol sa kanya.

Epekto na kaya ni Leandro ang pagbabago niyang iyon? tanong ng munting tinig sa likod ng utak niya.

“Mamaya ka na magpatuyo ng buhok, Jessie,” suhestiyon ng lalaki. “Baka lumamig ang almusal natin.”

“Uh, okey.” Sumang-ayon si Jesusa.

[Want to read the Start of Stories Online titled – SLEEP WITH THE BOSS…? Click Here!]

“Sir, may iuutos pa po kayo?” tanong ng isa sa mga katulong nang makita sila.

Halata ang di-maitagong kuryosidad sa dalaga.

“Wala na, Inday. Ako na ang bahala dito.”

Yumukod nang buong galang ang dalawa sa lalaki bago umalis.

Hinawakan siya ni Leandro sa isang braso. Tila naging paborito na nitong hila-hilahin siya sa direksiyong pupuntahan.

Hindi kaya siya mahirati?

“Maupo ka.” Ipinaghila siya nito ng silya at hinintay na maupo bago lumapit sa kinaroroonan ng isa pang garden chair na yari sa puting yantok na tila nakatirintas.

Hindi sanay si Jesusa nang may nag-aasikaso sa kanya ngunit hindi naman niya mapahinto ang lalaki sa ginagawang pagsisilbi sa mga pangangailangan niya habang nag-aalmusal sila.

“Pagkatapos nating kumain, ihahatid kita sa bahay mo. Then, babalik tayo sa Inay mo.”

Napahinto sa pag-inom ng kape si Jesusa.

“A-ano nga palang nangyari kagabi? Bakit hindi mo ako ginising?”

“I was loathe to wake you up. Napakasarap na ng tulog mo,” paliwanag ng lalaki.

“Dinala na lang kita dito sa bahay ko.”

“Akala ko, doon ka sa — ”

Napahinto siya nang lumutang sa memorya niya ang maliit na kuwartong naging saksi sa kanyang ganap na pagkamulat.

“Matutuwa ka ba kung sasabihin kong ikaw pa lang ang babaeng dinala ko dito?”

Tila naging masuyo ang tono ng lalaki habang nagsasalita.

Hindi tuloy napigil ni Jesusa ang pag-alon ng kulay sa kanyang mga pisngi.

Hindi rin siya makatingin nang diretso dito.

“K-kaya pala, mababa ang tingin nina Inday sa akin kanina,” ang tanging naisip niyang sabihin.

“Are you flattered?” untag ng lalaki. Hindi iyon ang nais nitong marinig mula sa kanya.

“Hindi ko alam,” buntonghininga niya nang maubos ang laman ng isipan niyang nalilito.

“Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman, Leandro.”

“Kapain mo lang ang kalooban mo. Mahirap ba ‘yon?”

Muli siyang huminga nang malalim. “Ang tutoo, nahihiya ako, Leandro.”

Tila nabigla ang lalaki sa tinuran niya.

“Bakit? Wala ka namang dapat na ikahiya, a?”

“Alam ko kung ano ang iniisip nila sa akin.”

“I don’t give a damn to what other people think about me, Jessie!” pakli nito.

“At dapat ay gayon ka rin. Ikaw lang ang puwedeng maging responsable sa mga desisyon na ginawa mo.”

Hindi na umimik ang dalaga. Tama ang sinabi ni Leandro.

Sumimsim siya ng kape upang itago ang ekspresyon sa likod ng coffee mug na hawak ng dalawang kamay.

“Excuse me,” wika ng lalaki nang tumunog ang telepono sa loob ng kuwarto.

Bukas na bukas ang kambal na french doors kaya naririnig niya ang side ni Leandro sa telephone conversation.

“Nag-fax na ako sa ‘yo ng written request, direktor,” anang matigas na tinig nito.

“Ano pa ang gusto mo? Isang tawag mula sa Presidente? O isang picket diyan sa tapat ng teritoryo mo? Dadagdagan ko pa ng libreng publicity, kung gusto mo.”

Halos hindi humihinga si Jesusa habang hinihintay ang resulta ng tagisan ng mga kapangyarihan.

“If you knew, what’s good for you — papayagan mo nang makalabas ang pobreng bilanggo na hindi naman dapat makulong,” salo nito.

Halatang nagpipigil ng galit ang malalim na tinig.

“Yes, of course. I know what I’m talking about. I’ve done my homework. Besides, that was the most celebrated case, twenty eight years ago.”

Luminga sa dako niya ang lalaki habang nakikinig sa sinasabi ng kausap sa kabilang linya.

Nag-usap sandali ang kanilang mga mata.

Sandali lang ang paghihinang ng kanilang mga paningin ngunit para na siyang iginapos nang mahigpit.

Iwinaksi ng dalaga ang kakatwang pakiramdam ngunit nabigo siya.

“For chrissake, Madame Director! Juana dela Cruz is very ill! She can be dying already. Malaking bahagi na ng buhay niya ang nasayang. Kapag hindi mo siya pinalabas ngayon — pagsisisihan mong ipinanganak ka sa panahong ito!” pagbabanta ng lalaki.

Si Jesusa na hindi naman pinatutungkulan ng makamandag na mga kataga ay nanginginig na sa takot.

“No, you listen to me! Any fool can prove that she’s innocent! Hindi n’yo siya binigyan ng pagkakataon. Hindi n’yo siya binigyan ng pantay na karapatan. Bakit, Direktor?”

Singtigas ng bakal at singlamig ng yelo ang tono at ang anyo ni Leandro Santiago.

“Dahil ba anak ka ni Don Bruno Lienes? I wonder why you don’t have the same surname as your father,” patuloy ng lalaki.

At kung possible pa, tila naging mas mabalasik ang anyo. Naging mas mabangis ang pasingasing na pagsasalita.

“Dahil ba bastarda ka ring katulad ni Jesusa? Kapatid mo siya, kahit na pagbali-baligtarin mo pa ang mundo!”

Sa huling sinabi ni Leandro, saglit na huminto ang pag-inog ng daigdig ni Jesusa nang marinig ang mga huling pangungusap ng lalaki.

Isang lihim na ngayon lang niya natuklasan.

‘Diyos ko! Kaya pala. Kaya pala…!’

Paulit-ulit na umalingawngaw sa loob ng isipan niya ang mga katagang iyon.

“Oo, Direktor. Mapapatunayan ko ‘yan. Hinahamon mo ba ako? Kung gusto mo’ng magkaroon ng eskandalo, magmatigas ka pa nang husto!”

Napahawak ang mga daliri ni Jesusa sa gilid ng lamesang yari sa bakal at salamin.

Pinaglalabanan niya ang dilim na humihigop sa kanyang ulirat.

“Good! I’m glad, you still have your common sense! Hindi na muna ako magpapasalamat sa ‘yo. I’ve a feeling na magkikita pa tayo nang madalas sa hinaharap. Goodbye.” Nagpaalam na si Leandro.

Eksaktong inilalapag nito ang awditibo nang matalo si Jesusa ng kahinaan.

Unti-unti na siyang babagsak palugmok sa sahig nang maramdaman ang pagsalo ng matitigas na bisig ni Leandro.

SLEEP WITH THE BOSS-13

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.