Sleep with the Boss-14

Pagkatapos ng mga sandaling naglalagablab, paraheong nawalan ng tinag sina Leandro at Jesusa.

Kaipala, hinahabol nila ang muntik nang mapugtong paghinga.

Nang muling makakilos, binanlawan pa muna nila ang isa’t isa bago umahon mula sa paliligo.

Kapwa sila walang imik nang pangkuin siya ng lalaki palabas ng banyo.

Binalot ng tuwalya ang ulo at pinunasan ang buong katawan hanggang sa matuyo si Jesusa.

Nagtapis si Leandro ng isang tuwalya sa beywang.

“Nandito na pala ang mga damit mo. Malinis na uli.” Dinampot ni Leandro ang mga saplot na maayos na nakatiklop.

Iniwan ng katulong sa ibabaw ng kama na napalitan na rin ng sapin.

“Salamat,” aniya habang tinatanggap ang mga panloob na unang iniabot ng lalaki sa kanya.

Hindi siya makatingin nang diretso.

[Want to read the Start of Stories Online titled – SLEEP WITH THE BOSS…? Click Here!]

“Isuot mo na ang mga iyan.”

“M-maaari bang tumalikod ka?” hiling niya nang tila papanoorin siya nito sa pagbibihis.

Hindi nagsalita ang lalaki ngunit nakita niya ang bahagyang pagkurba ng makakapal na kilay nito na para bang tinutudyo siya.

Pero tumalikod para magsuklay ng buhok sa harap ng salamin.

Dali-dali siyang nagsuot ng mga pribadong saplot.

“Puwede na akong humarap?”

“H-hindi pa. Akina ang ibang damit ko.”

Hindi pa rin lumilinga sa gawi niya, iniabot ng isang kamay ni Leandro ang hiningi niya.

“I’ve seen your nakedness many times, Jessie,” sambit nito. “You got no more to hide from me.”

“Hindi ako sanay ng may tumitingin kapag nagbibihis ako, Leandro.”

“Well, magsanay ka na. I like watching you.”

Inabala ni Jesusa ang sarili sa pagsusuklay ng mahabang buhok.

Pinaandar niya ang maingay na hairdryer upang wala nang usapang mamagitan sa kanila ng lalaki.

Masyadong mabilis ang mga pangyayari.

Animo ipu-ipong dumating si Leandro sa buhay niya.

Binaligtad ang lahat ng mga paniniwala niya.

Binago ang buong kinabukasan niya.

Kailangan niyang mag-isip. Ngunit blangko ang isipan niya.

“A-ang Inay ko!” bulalas niya.

Sinunggaban niya ang nag-iisang kuneksiyon niya sa realidad.

“P-puntahan na natin ang Inay ko, please?” pakiusap niya.

Hindi niya alam na nakarehistro sa kanyang mga matang bilugan ang desperasyon.

Tumango si Leandro habang nakakunot ang noo.

“Of course. Magbibihis lang ako,” wika nito habang kumukuha ng mga isusuot sa mga built-in closets.

Walang pasintabi ang lalaki nang hayaang malaglag sa sahig na alpombra ang tapis na tuwalya.

Dali-daling umiwas ng tingin si Jesusa.

Hindi niya napigilan ang sarili na luminga uli rito nang marinig ang mapanudyong tawa.

Aksidente tuloy na nahagip ng paningin niya ang isang makitid na salamin na katabi lang ng dressing table. Hindi gaanong pansin dahil natatabingan ng kurtina.

Ngunit ngayon ay kitang-kita niya ang sariling repleksiyon doon.

At napagtanto niyang dinaya siya ni Leandro nang tumalikod ito kanina.

Napanood din pala siya ng lalaki sa kanyang pagbibihis!

Tinimpi niya ang kanyang pagkayamot.

Dagling naglaho ang pagkapahiyang lumalambong sa kanyang kabuuan.

“You look annoyed, Jessie,” puna ng lalaki. “Have you discovered my duplicity? Napanood pa rin kita.”

Umirap lang nang matalim si Jesusa. Hindi na siya umimik.

Tumawa ang lalaki.

“C’mon, baka magbago pa ang isip ko sa pag-alis. You look challenging and desirable when your eyes flash with anger.”

Sa sinabing iyon ni Leandro, iniwasan na niya kahit sumulyap lang sa gawi ng nito.

Nagtungo sila sa isang kilalang ospital sa Makati.

Kung hindi siya nagkakamali, ang lokasyon ng bahay ni Leandro ay sa gawing Alabang.

Dumaan kasi sila sa isang expressway at iniluwa na lang sila basta sa naturang lungsod.

Suwabe ang pagmamaneho nito. Parang ligtas na ligtas ang pakiramdam ng pasahero.

O unti-unti nang nahuhulog ang loob niya sa makisig at matalinong abogado?

‘Hindi!’ tutol ng isang sarili niya. ‘Tumatanaw lang ako ng utang na loob!’

Tiyak ang mga hakbang ni Leandro nang pumasok sila sa loob ng modernong ospital.

“Nurse, ano’ng room number ni Patient Juana dela Cruz?” tanong nito sa bantay ng nurse station.

“Sandali lang po, sir.” Nagpipindot ang babaeng naka-puting uniporme sa kaharap na computer bago tumugon sa tanong ng lalaki.

“Room 517 po, sir. Kapapasok lang po ng pasyente, kasama si Dr. del Rosario.”

“Okey, thank you very much.” Hindi binibitawan ni Leandro ang kamay ni Jesusa kaya hila-hila na naman siya hanggang sa pagsakay ng elevator.

Siya ang unang nakakita kay Joe nang bumukas ang mga metal na pinto.

“H-hayun si Dr. del Rosario,” sambit niya.

Halos takbuhin nila ang distansiya.

“Joe!” tawag ni Leandro sa kaibigan.

“O, nandito na pala kayo,” bati ng duktor. Nakangiti ito sa kanila. “Kanina pa namin kayo hinihintay.”

“Kumusta ang Inay ko?”

Tumangu-tango ang manggagamot.

“She’s fine, Jessa. Nasimulan na ang bagong batch ng medication na kailangan ng katawan niya,” ang pahayag nito.

Ikinampay nito ang hawak na record chart.

“Let’s go to my office. We’ll have some coffee habang nag-uusap.”

Sumunod sila dito.

“Nakaharap mo ba ang direktor?” tanong ni Leandro nang nakaupo na sila at mayroon nang tig-i-tig-isang styropor cup na puno ng mainit na kape.

Lumagok muna ng ilan si Joe bago tumugon.

“Hindi na siya humarap sa amin. Through telephone lang ang lahat ng mga naging instruksiyon niya.” Muli itong lumagok bago nagpatuloy.

“Maraming nagmamahal sa Inay mo, Jessa. Ultimo mga guwardiya, nag-iiyakan sa pag-alis niya doon.”

Pinigil niya ang mapahikbi.

“Mabait si Inay sa mga kasamahan niya sa loob,” pahayag niya nang matiyak na matatag na ang kanyang boses.

“Akala ko nga, sinuway na lang ng guwardiya ang utos ng direktor nang payagan niya kaming lumabas — sa wakas. Inaasahan ko na nga lang na may magpapaputok sa amin kapag nakakailang metro na kami palayo. Pero, awa naman ng Diyos, nakarating kami ng maluwalhati dito,” ang mahabang salaysay ni Joe.

“Puwede ko na bang makita si Inay?” hiling niya.

“Puwede mo siyang tingnan mula sa glass window. Hindi pa siya puwedeng kausapin. Under observation pa kasi siya. In a day or two, ililipat na namin siya sa talagang kuwarto niya.”

“Naiintindihan ko, Dok,” pahayag niya. “Maraming salamat sa pagmamalasakit mo kay Inay.”

“Walang anuman, Jessa.” Sumulyap ang matangkad na duktor sa relong nasa dingding.

“I hate to end this conversation, guys, but I have to go. Magra-round pa ako,” wika nito bago inubos sa isang tunggaan lang ang natirang kape.

SLEEP WITH THE BOSS-15

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.