Sleep with the Boss-15

“Aalis na rin kami, Joe,” paalam ni Leandro. “Babalik na lang kami bukas.”

Tumango si Joe. “Oo. Bakasakaling stable na ang condition niya.”

Tumingin si Leandro kay Jesusa bago tumindig. Sumunod siya, halos wala sa loob.

“Halika, tingnan na natin ang Inay mo,” aya nito. Hindi na sila nagpahatid kay Joe.

Sandali lang nilang nasilip ang kanyang ina. Natutulog ito habang napapalibutan ng sari-saring parapernalya ang kinahihigaang kama.

“Babalik ako bukas, Inay,” wika niya matapos umusal ng isang taimtim na panalangin para sa kaligtasan ng kaisa-isang magulang.

Tahimik silang umalis ng ospital na iyon. Pareho silang abala sa kani-kanyang mga iniisip.

Para bang nakabitin din sila sa balag ng alanganin habang ang pasyente ay wala pang katiyakan na mapapagaling ng modernong siyensiya.

[Want to read the Start of Stories Online titled – SLEEP WITH THE BOSS…? Click Here!]

Inihatid siya ni Leandro sa kanyang bahay sa Project 6.

“Nasa iyo ba ang susi mo sa bahay?” tanong nito sa kanya.

Kinapa ni Jesusa ang bungkos ng susi atsaka lang tumango.

Pinindot ng lalaki ang button na magbubukas sa passenger’s door.

“Hindi na ako bababa, Jessie.”

Muling tumango ang dalaga. Naghanda siya pag-ibis nang walang sinasabing anuman.

“Aren’t you forgetting something?” tanong ng lalaki.

Binihag ng mga daliri nito ang dulo mahabang tirintas niya upang hilahin siyang palapit.

“A-ano ‘yon?” tanong pa niya kunwari gayong alam na niya kung ano ang sinasabing nakalimutan niya.

“This,” anas ni Leandro habang sinisiil ng halik ang kanyang leeg.

“And this,” dugtong pa habang pinagagapang ang mainit na bibig sa kanyang pisngi.

Kapwa sila naghahabol ng hininga nang matapos ang maalab na paghihinang ng kanilang mga labi.

“Baka bukas na tayo magkita uli,” sambit ni Leandro habang nakatitig sa kanya ang mga matang namumungay. “I’ll miss you, sweet Jessie.”

Isa pang mariing halik iginawad ng maskulinong bibig sa kanyang mga labi bago siya pinawalan.

“Try to miss me, too, Jessie,” pahabol nito sa kanya.

Nang makapasok na siya sa loob ng bahay, nakaramdam siya ng kaunting normalidad.

Puwede niyang kalimutan ang lalaki habang nakakulong siya sa lugar na itinayo niya mula sa perang kinita mula sa pagsisikap.

Nagtungo siya sa kusina upang uminom ng tubig.

Sa banyo naman siya nagpunta upang maglinis ng sarili.

O upang burahin ang mga alaala ng mga halik at hipo ni Leandro sa balat niya?

Iniwasan niyang mag-isip nang maghapong iyon.

Inabala niya ang sarili sa mga hobby na pinag-aralan niya upang walang masayang na oras kapag inaatake siya ng pangungulila sa kanyang ina.

Panggagantsilyo ang latest hobby na pinag-aralan niya.

Ngunit hindi na ang kanyang magulang ang pinangungulilahan niya.

Si Leandro na — ang lalaking estranghero na binitag niya ngunit inihulog naman siya sa isang malalim na patibong.

Patibong ng atraksiyon, ng sidhi, ng pagkahibang…

‘Alipin mo ako magmula ngayon, Leandro…’

Sinabi ba niya talaga ang mga katagang iyon?

Napaigtad siya nang kumuriring ang telepono.

Nag-alangan siyang damputin iyon dahil baka si Leandro ang tumatawag.

Mabuti na lang, nahimasmasan siya. Wala naman siyang ibinibigay na numero sa lalaki.

Pero kung talagang ibig nitong tawagan siya, madali lang para sa isang katulad nitong maraming kuneksiyon ang makakuha ng mga impormasyon.

Katulad na lang ng ginawa nitong pagkakatuklas sa tutoong pagkatao ng direktor ng bilangguan.

Hanggang ngayon, hindi pa rin siya makapaniwala sa lihim na nahukay ni Leandro…

Naalala niya si Ofelia. May sakit nga pala ang kaibigan!

Ni hindi na niya naalalang dalawin ito!

Dali-dali niyang iwinaksi ang anumang laman ng utak upang matugon ang mekanismo.

Puno ng pag-aalala ang kanyang tono nang tugunin niya ang telepono.

“H-hello?”

“Hello, Jess? Si Andy ‘to,” pagpapakilala ng tinig-babae sa kabilang linya.

“Andy! Kumusta?” Ibayong kasiyahan pa rin ang nadama kahit na hindi ang hula niya ang caller.

“Naibalita sa amin ni Mar na nag-out-of-town ka raw.”

“Out-of-town? Ah, oo. Naku, pasensiya na kayo at nakalimutan kong bumili ng pasalubong.”

“Okey lang ‘yon. Uhm, tumawag ka na ba kay Eli? Maysakit kasi siya nung isang araw. Hindi ko siya nadalaw man lang.”

“Kakakausap ko lang sa kanya ngayon. Mukhang magaling na siya — sa dinig ko lang, ha? Itinatanong ka nga rin niya sa akin, e.”

Pumikit sandali si Jesusa upang magdasal ng pasasalamat para sa kaibigan.

“Hay, salamat naman,” wika niya. “Siyanga pala, nakapag-loan na siya.”

“Oo, nabanggit nga niya. On-going na nga ang renovation ng place niya.”

Huminto sandali si Andy. Para bang tinitimbang muna ang susunod na sasabihin sa kanya.

Aywan kung bakit ganoon ang pakiramdam niya.

Mayroon din kasi siyang ibig itago sa kaibigan.

“Uhm, aayain ko sana kayo sa isang espesyal na salu-salo sa birthday ko, Jess,” patuloy nito. Seryosong-seryoso na.

“Oo, darating ako. Saan ba? Sa bahay mo uli?”

“Sa restaurant ni Eli.”

“Ha? Sa pagkakaalam ko, mga dalawang buwan hanggang tatlo pa bago mayari ‘yon, a?”

“Within this month lang daw, sabi ni Eli. Kaya magkikita-kita tayo doon sa mismong araw ng opening niya.”

Nagulat talaga si Jesusa sa nalaman niya. “Aba’y mabilis, kung gayon nga.”

“Maganda nga ang mabilis para nakakaikot na ang pera habang kaunti pa lang ang interes.”

“Sana nga’y mag-click ang ideya ni Eli,” sambit niya. “Nakausap mo na rin ba si Mar?”

“Oo. Nung isang araw pa. Jess, magpapaalam na ako, ha?”

“Okey. Bye, Andy.”

Nagtataka si Jesusa kung bakit parang napaka-stilted ng pag-uusap nilang magkaibigan.

Kumuriring uli ang telepono pagkababa niya sa receiver. Tinugon niya agad.

Si Venus naman.

“Ay, Ate Jessa! Nandiyan ka na pala! Hindi ba kayo pupunta dito ngayon?”

Kahit na sa telepono, nagpo-project ang baklang tauhan niya sa parlor. Modulated pa ang boses.

“Hindi na muna siguro, Venus. Baka bukas pa ako mapapadaan diyan. Kararating ko lang at gusto kong magpahinga. May problema ba?”

“Wala naman. E, magpapaalam sana kaming aalis kami nang maaga ngayon. May contest kasi kami, remember?”

“Oo nga pala.” Saglit lang na nag-alinlangan sa isasagot si Jesusa. “O, siya, sige na nga. Pupunta na ako diyan ngayundin.”

“Ay, salamat, ate. Pababalehin mo rin ba kami?”

“Oo. Para suwertihin kayo.”

Naaliw siya sa panonood sa paghaharutan ng limang baklang empleyado niya.

Nakalimutan niya ang pangungulila.

SLEEP WITH THE BOSS-16

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.