Sleep with the Boss-16

Pagdating sa salon, binilang ni Jesusa ang laman ng kaha.

Kinuwenta niya ang mga trabahong nakalista sa malaking notebook.

At pagkatapos, binigyan niya ng sahod ang mga ito.

“May bonus na kayo diyan, ha? Sana, manalo kayo para marami kayong pera,” wika niya habang inihahatid sa pintuan ang mga binabaeng beauticians.

“Thank you, ate!” Nag-chorus pa muna ang lima bago nagtitiliang lumabas sa kalsada.

Napapailing-iling si Jesusa habang isinasara ang bakal na pinto ng parlor. Pati ang salamin.

Binunot niya sa pagkakasaksak ang mga aircon, pati ang mga hairdryer machines at hairblowers.

Nagtungo siya sa munting opisina niya upang ipagpatuloy ang bookkeeping at accounting na naiwan niya nung matanggap ang tawag ni Giggles.

A, nung isang gabi lang ba iyon?

[Want to read the Start of Stories Online titled – SLEEP WITH THE BOSS…? Click Here!]

Malalim na ang gabi nang matapos siya. Antuk na antok na siya kaya hindi na siya tuminag sa kinauupuan.

Alam niyang kapag nagpumilit pa siyang umuwi, mawawala lang ang gana niyang matulog.

Sa isang katulad niyang insomniac, importante sa kanya ang pagsumpong ng antok.

Umaga na nang maalimpungatan siya. Nakatulog siya nang mahimbing sa mahabang sopa.

Naghikab siya habang nag-iinat. Parang ngayon lang siya nasarapan sa kanyang pagtulog.

Nagsisipilyo at naghihilamos siya sa loob ng banyo sa gawing likuran nang marinig niya ang doorbell na nagmumula sa kanyang bahay na nasa kalapit lang ng parlor.

“Ang aga naman ng bisita,” sambit niya sa sarili habang dinadampian ng tuwalya ang mukha.

Hindi niya inaasahang si Leandro ang makikita nang sumilip siya sa siwang ng isa sa mga bintana.

“Jessie!” paangil na ang pagtawag ng lalaki sa pangalan niya. “Buksan mo ang pinto!”

Nangilo siya nang pindutin uli ang doorbell. Walang angatan.

Ilang segundo lang pero nakakatulig na ang nilikhang ingay.

Napilitan siyang pagbuksan ito dahil baka magreklamo ang mga kapitbahay niya.

“Nandiyan na, Leandro,” tugon niya sa malakas na boses. “Bakit ba napaka-eskandaloso mo?” pang-uusig niya matapos buksan ang kandado ng gate.

Hindi tumugon ang lalaki. Sinundan siya nito sa pagpasok sa loob ng bahay.

Sinipat siyang maigi ng mga matang matatalas. Para bang may hinahanap sa kabuuan niya.

“Nandito ka lang ba buong gabi?”

Tumango si Jesusa. “Hindi naman ako umaalis dito.”

“Liar!” Paangil ang akusasyon ng lalaki.

Napaigtad ang dalaga.

“H-hindi ako sinungaling!” ganting-singhal niya nang mabawi ang wisyo.

“Magdamag akong tumatawag dito,” diin ng lalaki. “Pero walang sumasagot.”

“Posibleng napatay ko ang ringer,” pakli niya. “Malay ko bang balak mo palang tumawag nang tumawag dito.”

Isinuklay ni Leandro ang mga daliri sa buhok.

“Okey. I stand corrected,” bawi nito sa mas mababang tono.

“Puwede ba akong matulog muna dito sandali? Magdamag akong nagtrabaho kagabi,” hiling nito. Nagmistula namang batang musmos na nawalan ng bahay.

Hindi niya inaasahan ang biglang pagbabago ng sumpong ni Leandro ngunit wala siyang pag-aalinlangan na pagbigyan ito sa kahilingan.

“Doon ka sa kuwarto para maging kumportable ka.”

Sigurado siyang maayos ang silid-tulugan dahil hindi naman siya doon natulog kagabi.

Iginala ni Leandro ang paningin sa paligid bago naupo sa kama.

Inalis nito ang suot na sapatos at medyas bago hinubad ang suot na polong kulay krema.

“Uhm, baka gusto mong mag-almusal muna?” tanong niya sa lalaking tuluy-tuloy na nahiga.

Hindi sumagot si Leandro.

Inakala niyang nakatulog na agad ito kaya nagkalakas-loob siyang lumapit para damputin ang mga saplot na ikinalat sa sahig.

Nasa akto siyang nagtitiklop ng polo nang sambitlain siya nito sa beywang at maliksing hinila upang bihagin ng mahigpit na yakap at mariin na halik.

“L-leandro–” protesta niya nang maikawala ang bibig.

Ngunit nahawakan siya sa magkabilang pisngi kaya muling nakuyumos ng sabik na halik ang kanyang mga labi.

“God, Jessie! Hindi mo ako pinatulog kagabi. Dapat pala, hindi na lang kita inihatid dito!” bulalas ng lalaki, paungol.

“Ginamitan mo ba ako ng gayuma?”

Napamaang si Jesusa sa narinig niya. Nagpumiglas siya upang makakawala.

“Ano’ng gayuma? Hindi ko alam ang sinasabi mo, Leandro!”

Nakapikit ang lalaki ngunit nakangiti. Isang masuyong ngiti ang nagpalambot sa matigas na ekspresyon nito.

“Do you know what you did to me, Jessie dela Cruz?” tanong nito, paanas.

Nagmulat na ito ng mga mata.

At malayang ipinakikita sa kanya ang pangingislap ng kung anong emosyon na naroroon.

Napakurap ang dalaga. Namamalikmata ba siya?

“W-what?” tugon niya, halos pasinghap.

“You made me fall in love with you, my sweet Jessie!,” pagtatapat ni Leandro.

Paos ang malalim na boses ngunit puno ng kaligayahan.

“Helplessly. Irrevocably. Endlessly…!”

“B-binibiro mo ako, Leandro,” sambit niya habang nangingilid sa luha ang kanyang mga mata. “Uhm, lasing ka ba?”

Umiling ang lalaki.

“Hindi ako marunong magbiro kapag ang damdamin ko na ang pinag-uusapan, Jessie. At lalong hindi ako lasing.”

“P-pero — imposibleng mangyari ang sinasabi mo,” bawi niya. “K-kailan lang tayo nagkakilala?”

“Tama ka, Jesusa. Kailan lang tayo nagkita pero bakit parang ang tagal-tagal na kitang nakakasama?” salo nito.

Walang masagot ang dalaga sa katwiran na iyon. Ganoon din kasi ang pakiramdam niya.

Sinapo ng mga palad na mainit ang magkabilang pisngi niya upang magkausap naman nang masinsinan ang kanilang mga paningin.

“Iniibig kita, Jessie,” pahayag ni Leandro. Nasa tinig ang buong puwersa ng emosyon na naghahari sa kalooban nito.

“Hindi nasusukat ng tagal ng panahon ang pagyabong ng pag-ibig.”

“P-paano kung pagnanasa lang ang nadarama mong iyan, Leandro?”

“Katulad ng nadarama mong pagtanaw lang ng utang na loob sa akin?”

Kinapa ni Jesusa ang kaibuturan ng pagkatao bago siya tumugon.

“H-hindi ko alam kung ano itong nadarama ko para sa ‘yo — pero ikaw lang ang laman ng isipan ko magmula pa kahapon.”

Rumehistro ang ibayong tuwa sa mukha ng lalaki.

“May pag-asa pala akong mapaibig ka?”

Tumango ang dalaga. “K-kung talagang iniibig mo nga ako, Leandro.”

Idinampi nito ang bibig sa kanyang mga labi.

“Sigurado akong pinakamamahal kita, Jessie. Ngayon lang ako nakaramdam nang ganito para sa isang babae.”

Halos maluha ang dalaga sa kasagutang walang gatol.

“Natatandaan mo ang ipinangako mo sa akin kahapon?”

“Alipin mo ako magmula ngayon, Leandro,” sambit niya matapos tumango.

“At sinabi mo pang ‘akin ka lang habambuhay’!” dugtong ng lalaki.

Muling tumango ang dalaga. Niyapos niya ang matipunong batok nito upang hilahin papababa ang ulo.

At muling naghinang ang kanilang mga labi.

SLEEP WITH THE BOSS-17

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.