Sleep with the Boss-17

Pareho silang hinihingal nang matapos magsalo sa isang nag-aapoy na halik.

“Iyo rin ako habambuhay, Jessie,” pahayag ni Leandro. Mataimtim ang pagsasalita.

“Patunayan mo,” panghahamon niya.

Pinamulahan siya ng mga pisngi nang mapagtanto ang sinabi.

Hindi niya akalain na makakapagsalita siya nang ganoon.

“With pleasure, sweetheart,” pagtanggap naman ni Leandro sa paghamon niya.

“N-nabigla lang ako — ”

Tinangka niyang pigilan ito ngunit rumaragasa na naman ang mga alon sa dalampasigan ng sensuwalidad…

Paulit-ulit siyang inangkin ng lalaki.

At paulit-ulit rin na nagpaangkin sa kanya si Leandro.

[Want to read the Start of Stories Online titled – SLEEP WITH THE BOSS…? Click Here!]

Hindi man nagkaunawaan nang lubos ang kanilang mga puso, sigurado namang perpekto ang lahat para sa kanilang katawan, kaluluwa at isipan!

“Oh, Jessie,” ungol ni Leandro nang humulas na ang pagkalasing na dulot ng marubdob na pagtatalik nila.

“I want to marry you, darling. Ikaw ang babaeng nais kong makasama habang ako’y nabubuhay!”

Nabigla na naman si Jesusa. Tila hindi na hihinto ang pagdating mg sorpresa ng tadhana sa kanya!

“K-kasal?” bulalas niya. Ni sa hinagap, wala pa siyang napangarap na ganito.

Ang lahat ng mga ambisyon niya ay nakaukol sa kanyang Inay.

Isa pa, palaging nasa likod ng utak niya na walang matinong lalaki ang magsi-seryoso sa isang babaeng katulad niya.

“Hindi ka ba nagdedeliryo lang, Leandro?” Kinapa niya ang noo at leeg ng katabi.

Hinuli ng mahahabang daliri ang kanyang kamay. Inilapit iyon sa bibig upang kilitiin ng dila ang gitna ng palad niya.

Napapikit si Jesusa nang umalon ang mga sensasyon sa kabuuan niya.

Binawi niya ang kamay upang manumbalik ang wisyo.

A, gusting-gusto na niyang maniwala!

“Sumeryoso ka naman, Leandro,” pakiusap niya.

“I’m very serious, Jessie. Gusto kitang pakasalan,” giit ng lalaki.

Natutukso na ang dalaga. Kagabi, natikman niya kung ano ang tunay na kahulugan ng kalungkutan.

Iba ang nadarama niyang pagmamahal para sa kanyang ina.

At lalong iba ang para kay Leandro.

Mas masidhi.

Mas nakakahibang.

Mas nakakalito.

“K-kahit na hindi ako bagay sa isang katulad mo?” Hindi na niya pinigil ang insekyuridad na lumulutang mula sa kanyang kalooban.

“Sino ang maysabi sa ‘yong hindi tayo bagay? My bestfriend, Joe, advised me not to let you go. Susunggaban ka raw niya kapag pinabayaan pa kita.”

Sinunggaban rin niya ang katwirang iyon ng lalaki.

“Baka naman… nagkaroon lang ng competition kaya gusto mo akong pakasalan?”

Napakunot-noo na ang lalaki.

“Ano bang sinasabi mo, sweetheart? Sinasagot ko lang naman ang mga doubts mo sa ating dalawa — pero, hindi ka naman nauubusan ng katwiran.”

“H-hindi kasi ako makapaniwala. Oh, Leandro, nalilito ako! Bibigyan mo ba ako ng panahon?”

“How much time?”

“Within this month?” Naalala niya ang conversation nila ni Alexandra.

Napabuntonghininga na lang ang lalaki habang sumasang-ayon.

“I don’t know why I’m giving you so much time!” reklamo ni Leandro pero pabulong dahil sarili ang kinakausap. “I must be getting insane!”

Si Jesusa ang pinakahuling dumating. Pero kaunting panahon lang ang ipinaghintay ng tatlong matalik na kaibigan sa kanya.

“Wow, ang gaganda naman nating lahat!” pagbibiro ni Myrza habang isa-isang hinahangaan ang kani-kanilang gown.

“Siyempre naman. Espesyal ang gabing ito, ano?” ang makahulugang wika ni Alexandra.

“Happy birthday, Andy,” bati ni Jesusa sa kaibigan, sabay halik sa isang pisngi nito.

“Thank you very much, Jess.”

“Happy opening night, Eli!” Si Ofelia naman ang binati at hinagkan niya.

“Doon na tayo sa table natin,” aya ni Ofelia.

Umabrisiyete sa kanya si Myrza habang naglalakad sila.

“Mukhang blooming ka ngayon, a?” panunudyo nito sa kanya.

Nag-blush naman agad si Jesusa. May pagka-psychic ang kaibigan nilang ito. Marunong magbasa ng isip ng ibang tao.

Baka nababasa na ni Mar ang iniisip ko? bulong niya sa kanyang sarili.

Kumindat sa kanya si Myrza.

“Oh, dear friend, I do,” pag-amin nito habang nakangiti. “At tiyak na masosorpresa ka kapag sinabi ko sa ‘yong tayong lahat ay may mga ganyang itinatago!”

“A-ano’ng ibig mong sabihin?”

“Umiibig na tayo. Natagpuan na natin ang lalaking iibig sa atin, kahit na ano pa ang nakaraan natin.” Ginagap nito ang isang kamay niya.

“Iniisip mong hindi mo pa siya mahal, kaya ayaw mo pang tanggapin ang alok niyang kasal sa ‘yo. Right?”

“Ssh! Huwag ka namang masyadong maingay,” saway ni Jesusa ngunit hindi niya ipinagkaila ang mga sinabi nito.

“Sorry,” sambit naman ni Myrza habang hinihinaan ang boses.

“Ngayong gabi, i-a-announce nating lahat ang ating mga engagements. Sana ay maging maligaya na nga tayong lahat. Hinihiling kong maging panghabambuhay na ang mga emosyon na nasuwertihan nating matagpuan — at maranasan!”

Nang nakaupo na sila, si Ofelia na ang nakatabi niya. “May ibinubulong sa ‘yo si Mar. Ibinibisto na ba niya sa ‘yo ang sikreto namin ni Andy?”

“Inuna muna niya ang sikreto ko,” pahayag niya. “Pare-pareho pala tayo ng binalak na okasyon ngayong gabi!”

Tumawa si Ofelia. “Ang ibig sabihin, naglihiman man tayo sa isa’t isa, iisa pa rin ang direksiyong tinakbo ng ating mga isipan,” anito sa nasisiyahang tono.

“Hinihiling ko ang kaligayahan ng bawa’t isa sa atin,” usal niya.

Nag-antanda rin si Ofelia.

“Siyanga pala, ipinakukumusta kayo ni Inay. Nasa ospital pa rin siya hanggang ngayon. Nais nga sana niyang magpunta dito pero hindi siya pinayagan ng kanyang duktor.”

“Naku, mabuti naman at hindi siya nagpumilit na lumabas. Masaya na ako sa pag-aalala niya sa amin. Kumusta na ang lagay niya?”

“Mabuti-buti na. Balak nga siyang ipadala ni — uh.” Nautal si Jesusa dahil hindi pa niya ibig banggitin si Leandro sa kaibigan.

“Balak siyang ipadala ng duktor sa ibang bansa upang maoperahan ang isang baga niya – pero sinusubukan pa rin siyang idaan sa gamot lang sa kasalukuyan.”

“Sana ay maging lubos nga ang kanyang paggaling para naman makumpleto nang talaga ang kaligayahan nating lahat. Si Inay Juana ay itinuturing din naming ina. Pakisabing maraming salamat sa pangungumusta niya, ha?”

“Oo, sasabihin ko iyan,” ang nakangiting wika ni Jesusa.

Napasulyap siya sa isang dako ng restaurant. Unti-unti nang napupuno ng mga tao ang bagong bukas na kainan.

Sumikdo ang dibdib niya nang makita ang pagngiti ni Leandro sa kanya. Puno ng pagmamahal na para lang sa kanya…

Nang mga sandaling iyon, natiyak ni Jesusa na mahal na nga niyang talaga ang lalaki!

“Magpapakitang-gilas ako sa inyo, mga kaibigan ko,” pagmamalaki ni Myrza, pero sa tinig na sila lamang ang makakarinig.

“Gusto n’yo bang hulaan ko ang mga lalaking naghihintay ng tiyempo na lumapit dito?”

SLEEP WITH THE BOSS-18

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.