Sleep with the Boss-2

“E, s-sige po. Salamat po, Aling Zita,” tugon naman ng nagtatakang si Jesusa.

Ngayon lang niya nalaman na may kapitbahay pala si Ofelia na kapalagayang-loob nito.

Binuska niya ang sarili nang makaramdam ng kaunting pagdududa.

Paano’y dapat pa nga siyang matuwa sa natuklasan. Ang ibig sabihin, nababawasan na ang paranoia ng kanyang kaibigan.

Hindi na ito takot na makipagkaibigan sa ibang tao.

Makalipas ang ilang oras, nasa akto siyang naglalabas ng mga papeles sa drawer nang kumuriring ang telepono.

Si Ofelia ang hula niyang caller ngunit mali siya.

“Hello? Jesusa dela Cruz, please?”

“Speaking. What can I do for you, ma’am?” ang pormal na tugon niya.

“Jessa, sinusumpong na naman ang Inay mo. Magpunta ka agad dito,” sagot ng tinig-babae sa kabilang linya.

[Want to read the Start of Stories Online titled – SLEEP WITH THE BOSS…? Click Here!]

Napahinto ang dalaga sa kanyang paghinga.

“S-sino ‘to?”

“Si Giggles ako, Jessa. Hindi mo na ba kilala ang boses ko? Dalian mong magpunta dito. Ikaw ang tinatawag ni Manang Juana.”

Isang guwardiya sa minimum security ang kausap niya, si Jailguard Santos. Giggles ang inalyas ng mga bilanggo dito dahil palahagikhik ito kapag nakikipagbiruan kaninuman.

Palagi siyang may pasalubong sa naturang bantay upang tawagan siya agad kapag may nangyayari sa kanyang Inay.

Katulad ngayon.

“S-sandali lang ako. Pakisabi kay Inay na darating agad ako. Salamat sa pagtawag mo, ha?”

“Walang anuman, Jessa. O, ibababa ko na ang phone para makalakad ka na,” ani Giggles. “Nasa jail hospital siya ngayon,” dugtong pa nito.

“O-oo. Salamat.” Nagpasalamat siya uli bago ibinaba ang awditibo.

Halos hindi magkandatuto sa pagliligpit si Jesusa. Gumagawa siya ng account statement kanina kaya nagkalat ang mga papeles sa ibabaw ng mesa niya.

“Venus! Venus!” hiyaw niya nang matapos i-lock ang metal filing cabinet.

“May kailangan ka, Ate Jessa?” Nagbuhat mula sa backroom na ginawa niyang restroom para sa mga beautician ang boses ng tinawag.

“Oo, Venus. May pupuntahan ako. Kayo na muna ang bahala dito, ha?”

Isinukbit niya ang shoulder bag matapos tiyaking nasa loob ang kanyang mga susi. Pati ang wallet.

“Oo, Ate Jessa.”

“Siguraduhin n’yong naka-lock ang lahat ng mga bintana at pinto natin bago kayo umalis mamaya, ha?” habilin niya habang inila-lock ang kanyang opisina. “Ilista n’yo na lang ang mga kustomer na gagawin n’yo ngayon.”

“Oo, Ate Jessa. Kung gusto mo, hihintayin ka na lang namin dito. Uuwi ka rin ba mamayang gabi?”

Nalilito na sa labis na pagkataranta si Jesusa kaya kinailangan pa niyang isipin ang isasagot sa tanong sa kanya.

“H-hindi, huwag na. Baka hindi rin ako makauwi agad. Pero kung wala kayong lakad mamaya, puwede kayong mag-stay dito. Dito na kayo matulog para may bantay ang parlor. Kung hindi nakakaabala, ha?”

Hindi niya sinasabi sa mga tauhan ang tunay na nakaraan niya, pati ang tungkol sa kanyang inang nakapiit pa rin hanggang ngayon.

Hindi sa ikinahihiya niya ang kanyang pagkatao. Naniniwala lang siyang hindi dapat pagsamahin ang pribadong buhay at ang trabaho.

“Ay, walang anumang abala ‘yon, ate!” salo ni Venus. “Gagamit lang kami ng kaunting make-up mo, ha? Atsaka ng ilang wigs.”

“Sure, sure. May sasalihan na naman ba kayong contest? Basta’t lilinisin n’yo lang ang mga kalat pagkatapos.”

Inihatid siya ng bakla hanggang sa kalsada. Ito pa nga ang kumaway sa taksing dumaraan.

“O, ate, dito ka na sumakay. Ingat lang, ha?”

“Sige, Venus. Bahala ka na diyan.” Pinilit niyang ngumiti kahit na puno ng pag-aalala ang kanyang kalooban.

Medyo matrapik kaya natagalan siyang makarating sa pambansang bilangguan ng mga babae. Nakaabang na sa kanya ang ilang malalapit na kaibigan ng kanyang ina.

“Jessa! Mabuti’t nandito ka na. Kanina ka pa hinihintay ng iyong Inay,” salubong ni Aling Melba sa kanya. Nakakulong ito dahil sa salang pagpatay sa asawang nambubugbog.

“N-nasaan po siya?”

Hinila siya sa isa pang kamay ni Aling Ura, palayaw ng Aurora at dating miyembro ng Ativan Gang.

“Halika na, Jessa! Nandoon ang Inay mo.” Inginunguso ang maliit na gusali ng ospital ng mga bilanggo.

Napatakbo palapit sa makitid na kama si Jesusa nang mamataan ang kinaroroonan ng mahal na ina. Ginagap niya agad ang isang kulubot na kamay ni Aling Juana.

“Inay!” Pigil ang pagbulalas niya. Napansin rin niya ang iba pang pasyente na nasa mga kalapit na kama.

“K-kumusta po kayo?” bulong niya matapos hagkan ang butuhang pisngi ng magulang.

“Mabuti na, anak,” tugon naman ng paos at nanginginig na boses ng matandang babae. “Ngayong nandito ka na, mabuti na ang aking pakiramdam.”

“Inay, ilalabas ko po kayo rito,” pangako niya, pabulong pa rin. “Kaunting panahon na lang.”

Malungkot ang ngiting sumilay sa mga kulubot na labi.

“Hindi na ako makakalabas dito, anak. Dito na ako mamamatay. At dito na rin malilibing.”

Sumikdo ang dibdib ng dalaga. Inimpit niya ang mga hikbing nais humulagpos sa kanyang nananakit na lalamunan.

“I-inay, huwag naman po kayong magsalita nang ganyan. Huwag n’yo naman po akong iiwan. Masasayang pa ba ang lahat ng mga paghihirap nating dalawa?”

Pumikit sandali ang pasyente. Para bang nahihirapang huminga.

“Ayaw ko nga sana, anak. Ngunit ano pang magagawa ng isang matanda nang katulad ko?”

“Oh, Inay, Inay. Gumagawa ako ng paraan. Huwag po kayong mainip.” Nakahanda siyang ubusin ang lahat ng mga naipon niya, basta’t mailabas lang dito ang ina.

Nanatili siya sa tabi ng matanda hanggang sa makatulog uli ito.

Napilitan lang siyang lumabas dahil tinawag siya ni Giggles.

“May tip pala ako sa ‘yo, Jessa,” pahayag nito matapos siyang hilahin sa malayu-layo.

“A-ano’ng tip?” Lumakas agad ang kaba niya. Minsan na niyang itinakas ang kanyang ina, ngunit nabigo siya. Ang naging resulta ay ang paghihiwalay nila ng dalawang taon.

“Natatandaan mo ang isang bilanggo na hinatulan ng kamatayan?”

“Oo. Iyong pinagbibintangang nakapatay ng sanggol na inaalagaan?”

Naalala ni Jesusa ang babaeng hapis na hapis ang mukha at palaging nakatingin sa kawalan. Naging kaibigan na rin niya iyon. Palagi niyang nilalapitan upang subukang aluin.

“W-wala na ba siya?” Bumukal ang simpatiya niya para sa iba. Alam niya kung paano mabuhay sa isang bilangguan.

Tumango si Giggles.

“Oo, wala na siya dito. Nakalabas na. Maniniwala ka bang nakalabas pa rin siya pagkatapos ng naging hatol sa kanya?”

“T-tumakas?”

SLEEP WITH THE BOSS-3

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.