Sleep with the Boss-3

“Hindi.” Umiling si Giggles. “Legal ang paglabas niya rito. Isang magaling na abogado ang nilapitan ng mga kaanak ni Ludie.”

“H-ha?” Hindi makapaniwala si Jesusa.

“Si Atty. Leandro Santiago, isang bago pa lang sumisikat na defense lawyer. Nagpakadalubhasa sa ibang bansa upang tumulong sa mga mahihirap na bilanggo.”

Biglang nabuhay ang pag-asang unti-unti nang nangunguluntoy sa kalooban ni Jesusa.

“T-talaga? Alam mo ba ang opisina niya?”

Kinuha ni Giggles ang isang calling card.

“Ikinuha talaga kita. Heto, o.” Nagpatuloy ito sa pagsasalita matapos iabot sa kanya ang munting karton na kulay asul na abuhin.

“Siyanga pala, ipinasasabi ni Ludie na maraming salamat daw sa pakikipagkaibigan mo sa kanya nung nakakulong siya rito. Ikaw daw ang nagsilbing liwanag niya noon.”

Seryoso ang ekspresyon ni Jailguard Santos. Nakakapanibago dahil mas sanay itong makita na nagko-comedy.

[Want to read the Start of Stories Online titled – SLEEP WITH THE BOSS…? Click Here!]

“Walang anuman iyon,” sambit niya habang binabasa ang calling card. “Pupuntahan ko agad ito,” pangako niya. May ngiti na sa kanyang mga labi.

“Siyanga pala, kumusta ang Inay mo?”

Muling nabura ang bahagyang ngiti ni Jesusa.

“Hindi ko pa nga nakakausap si Dok. Pero sinabi ng nars na maayos na uli ang lagay ni Inay. Nakatulong ang pagdating ko.” Bumuntonghininga siya. “Kailangan niya ng mas mataas na antas ng gamutan, Giggles. Bakit hindi maaprobahan ang mga request ko na ipagamot siya sa labas?”

Umiling-iling ang guwardiyang may simpatiya sa mga bilanggo.

“Hindi ba’t nahigingan ko na noon na isasama na sa mga parulado ang iyong Inay? Napahiya pa nga ako sa ‘yo dahil hindi pala siya naaprobahan.”

“Wala kang dapat ikahiya sa akin, Giggles.” Tinapik niya ang isang balikat ng kausap. Mas mataas na babae siya rito.

Nagkamot ng baba si Giggles. Nag-iisip talaga.

“Alam mo bang nagtataka na ako nang husto? Nararamdaman ko na mayroong umiipit sa iyong ina. Nasa mataas na posisyon ang sagabal sa paglaya ni Aling Juana,” patuloy nito.

Gayon din ang iniisip ni Jesusa ngunit hindi niya naging ugali ang magsalita ng tungkol sa mga pribadong iniisip niya.

Minsan, kahit na mismo kay Ofelia — na pinaka-close sa kanya dahil pareho silang mababaw ang luha — ay may inililihim pa siya.

“H-hindi naman siguro, Giggles. Nagkakataon lang,” aniya habang kinukuha ang wallet.

Doon niya inilagay ang calling card. Mabilis niyang naisuksok sa bulsa ng uniporme ng kaharap ang isang libong buo.

“Para sa mga anak mo ‘yan. Pambili ng mga gamit nila sa eskuwelahan,” wika niya bago tumalikod.

“Salamat, Jessa. Napakabait mo talaga,” pahabol ng pulis na babae.

Tumango lang si Jesusa habang papalayo. Binalikan niya ang ina sa ospital. Doon niya hinintay ang duktor upang makausap nang masinsinan.

“A, Jesusa dela Cruz, magandang hapon sa ‘yo, iha,” ang malugod na bati ng may katandaan nang mangagagamot.

“Magandang hapon din po, Dok. Kumusta po ang lagay ng Inay ko?”

Hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa. Paulit-ulit na ang pagsumpong ng sakit ng ina. Nakahanda na siya sa isang masamang balita.

“Hmm, hindi maganda, iha. Juana dela Cruz is very, very ill. Kailangan niya ng mas magaling na mangagagamot,” pag-amin ng kausap sa kanya.

Lalo siyang nanlumo ngunit mas nais niya ang katapatan ng duktor.

“K-kumusta naman po kaya ang aking request sa itaas?” tanong niya kahit na alam niyang negative na naman ang resulta.

Matamlay na pag-iling ang naging tugon sa kanya.

“I’m afraid, hindi na naman tayo kinasihan ng suwerte. But do try again. Huwag tayong mawawalan ng pag-asa. In the meantime, kami na muna ang bahala sa Inay mo. Manalangin tayo palagi sa Panginoon.”

Tumango lang ang dalaga matapos huminga nang malalim.

“M-magpapaalam na po muna ako, Dok. Ipinagkakatiwala ko po nang lubos ang aking Inay sa inyo.”

Pinisil ng duktor ang kanyang kamay habang nagkakamay sila.

“Salamat sa pagtitiwala mo, iha.”

Magtatakipsilim na nang lumabas siya.

Nagulat siya nang may makitang taksi na naghihintay sa kanya. Nakasakay sa loob niyon si Giggles.

“Halika na, Jessa. Itinawag na kita ng taksi, pero makikisabay ako, ha?”

“Pauwi ka na ba?”

“Oo. Pang-umaga naman ang shift ko ngayon,” tugon nito. “Sasabay lang ako hanggang diyan sa labasan, ha?”

“Kahit na idaan ka na namin hanggang sa bahay mo, Giggles,” pakli ni Jesusa, nakangiti.

“Naku, masyado nang out-of-the-way sa ruta mo ang lugar namin,” tanggi ng guwardiya. “Papuntang Quezon City ka, hindi ba?”

“Hindi pa ako uuwi. Pupuntahan ko ang opisina ni Atty. Santiago para alam ko na, pagpunta ko doon bukas,” pahayag niya.

“Ganoon ba? Napakasuwerte naman ni Aling Juana sa pagkakaroon ng isang anak na katulad mo. Tama siya kapag sinasabi niyang ikaw lang ang tanging kayamanan niya sa buhay,” ang papuri ni Giggles sa kanya.

Gustong bumalong ng luha sa mga mata ni Jesusa nang mabanggit ang kanyang ina ngunit nagpigil siya.

“Ako ang masuwerte dahil isang mabuting ina ang nagluwal at nag-aruga sa akin. Hindi ako inilaglag o ipinaampon, gayong dapat ay namumuhi siya sa akin. Dahil bunga ako ng kalupitang dinanas niya…”

Nagdampi na ng panyo sa mga mata ang guwardiyang katabi niya sa likurang upuan ng taksi.

“Oh, Jessa! Nakakaiyak naman ang istorya n’yong mag-ina! Talaga nga palang malupit ang lipunan sa mga kapwa nating kapus-palad!”

Tumigas ang anyo ni Jesusa.

“Hindi na ako papayag na mabigo ngayon, Giggles. Gagawin ko ang lahat upang makuha ang serbisyo ni Atty. Santiago. Siya na lang ang tanging pag-asa namin ni Inay.”

“Tama ‘yan, Jessa. Lakasan mo lang palagi ang loob mo.”

Tumango lang si Jesusa. Umuulit sa loob ng utak niya ang sinabi ng duktor.

‘Juana dela Cruz is very, very ill.’

‘God, tulungan Mo po ako. Kailangang-kailangan na ni Inay ang makalabas sa madilim na impiyernong iyon!’ ang taimtim na usal niya.

“Dito na lang ako, mamang tsuper,” wika ni Giggles sa drayber. “Mauna na ako sa ‘yo, Jessa. Maraming salamat, ha?”

Ngumiti nang matamis ang dalaga sa mabait na jail guard.

“Maraming salamat din sa pagmamalasakit mo sa lahat ng mga bilanggo,” tugon niya.

“Saan tayo ngayon, ma’am?”

“Sa Buendia. Alam mo ba ang address na ito?” Ipinakita niya ang calling card.

“Oo.”

SLEEP WITH THE BOSS-4

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.