Sleep with the Boss-8

“I won’t sue you for anything, Attorney. Wala akong isasampang kaso laban sa ‘yo.”

“But?” Paangil pa rin ang pagsasalita ni Leandro. “May kapalit. Pera ba?”

Muling umiling si Jesusa.

“K-kailangan ko ang legal expertise mo. T-tulungan mo sana ang Inay ko, please,” pakiusap niya sa tinig na mabuway.

Isang mapaklang ngiti ang sumilay sa matiim na bibig ng lalaki.

“Basta’t ilabas ko lang ang iyong ina mula sa bilangguan — or else, ako ang ipapasok mo sa loob, ha?” salo ng lalaki, puno ng sarkasmo ang matigas na boses.

Nagkunwari nang kalmado si Jesusa. Mas mahalaga ang nakataya ngayon kaysa sa kanyang dangal na kinuha ng lalaki.

“Paumanhin, Attorney,” tugon niya. “Ngunit desperado na akong talaga.”

Kumiling nang bahagya ang ulo ni Leandro bilang pagtanggap sa apology niya. Tila nakahanap na rin ng kaunting kalma matapos magpalakad-lakad sandali.

[Want to read the Start of Stories Online titled – SLEEP WITH THE BOSS…? Click Here!]

“Nag-file na ba kayo ng apela sa kaso? Puwede pa kayong humingi ng ikalawang paglilitis.”

Tumango si Jesusa. Hindi niya maikubli ang kanyang kalungkutan.

“Ginawa ko na ‘yan noon pa. Maraming beses na.”

“Ang ibig mong sabihin, ilang ulit na kayong umaapela ngunit wala pa ring nangyayari?” pakli ng lalaki.

“H-hindi ko nga maintindihan kung bakit palagi kaming nare-reject. Madalas na nagiging nominado sa pagiging model prisoner ang aking Inay ngunit hindi siya nakakasama sa mga nabibigyan ng parole.”

Kumunot ang noo ng lalaki.

“Sino ba ang sinasabing napatay ng iyong ina?”

Nagbawi ng tingin si Jesusa.

“Mas mabuti sigurong si Inay na mismo ang makausap mo, Attorney,” tugon niya matapos mag-alinlangan sandali.

Habang nililitis ang kaso ng kanyang ina, buntis na ito. Hindi kaya ama niya ang taong ibinibintang na napatay ni Aling Juana?

Walang inamin ang kanyang Inay kaya hanggang ngayon ay walang linaw kay Jesusa ang lahat.

Ang tanging sigurado siya ay nasa bingit na ng kamatayan ang tanging magulang na nag-aruga sa kanya – at kailangang-kailangan ng tulong.

Tumikhim ang lalaki makaraan ang maraming sandali ng katahimikan.

“Lalabas muna ako habang nagbibihis ka,” anito habang tumitindig.

“Feel free to use my bathroom,” alok pa habang isinesenyas ang kinaroroonan ng banyo.

Nakikimi si Jesusa habang tumatango. Hinintay niya itong lumabas bago siya kumilos.

Pinagdadampot niya ang mga saplot na nakakalat sa sahig bago siya nagtungo sa banyo.

‘Hindi na kita kilala, Jesusa dela Cruz!’ bulalas niya sa sariling repleksiyon matapos tumitig nang matagal sa salamin.

Sa isang banda, ipinagmamalaki niya ang bagong sarili. Hindi siya nanghihinayang sa sakripisyong ginawa.

Si Attorney Leandro Santiago na lang ang huling pag-asa!

Ang nakakalungkot lang, hindi na niya puwedeng i-share sa mga kaibigan ang bagong direksiyon ng buhay niya ngayon.

Matagal na niyang kasama sina Alexandra, Myrza at Ofelia — kaya alam niyang mabibigla ang mga ito kapag nalaman ang ginawa niya.

“Jesusa? Are you okey in there?” Kinatok siya ni Leandro kaya naputol ang kanyang pagmumuni-muni.

“S-sandali na lang ako,” tugon niya habang nagpupunas ng mga kamay sa tuwalya.

Nasa labas ito nang buksan niya ang pinto.

“Sorry, kung medyo natagalan ako,” wika niya nang magtama ang kanilang mga mata.

“Akala ko’y — never mind. Halika na. Ihahatid na kita.” Nakabihis na si Leandro.

Isang polo-shirt na kulay navy blue. Hakab na hakab sa matikas na katawan.

Ang plano niya kanina, uuwi siya upang magpalit ng damit.

At babalik uli sa kanyang ina para bantayan ito.

Ngunit nasira nga ang balak niya nang magkita sila ni Leandro Santiago.

“Saan ka ba umuuwi?”

“Sa Project 6.” Dinampot ni Jesusa ang kanyang bag.

“Pero hindi na lang ako uuwi. Babalik pa ako kay Inay. Malubha ang kalagayan niya kaninang iwan ko. At gusto ko siyang bantayan.”

Natigilan ang lalaki. “Nagpapaawa ka ba sa akin, Jesusa?”

Napamaang ang dalaga. “B-bakit naman ako magpapaawa sa ‘yo?”

Bumuntonghininga ang lalaki habang umiiling. Papilig.

Pinalis ng isang kamay nito ang hangin na para bang ipinagwawalambahala ang nasabi na.

“Kung gusto mo, puwede ko na siyang kausapin ngayon,” suhestiyon nito.

Agad na sumang-ayon si Jesusa. Hindi niya alam na nangislap ang kanyang mga mata dahil sa tuwa at nabuhay na pag-asa.

“H-hindi ba magiging malaking abala sa ‘yo?” paniniyak pa niya.

Napatitig sa kanya si Leandro.

“You’re an extraordinary woman, Jessie,” sambit nito matapos siyang sipatin nang matagal.

“Bakit parang hindi ka nanghihinayang sa dangal na nawala sa ‘yo?”

Nagbaba ng tingin ang napapahiyang dalaga.

“Mahal na mahal ko ang Inay ko, Attorney. Siya ang pinakamahalaga sa buhay ko. Wala akong hindi makakayang gawin kung para sa kanya,” pahayag niya.

Tumawa nang mahina ang lalaki. Patuya at puno ng piping sarkasmo.

Napilitan siyang mag-angat uli ng tingin.

“M-may nakakatawa ba sa sinabi ko?”

“Actually, yes. You insist on calling me formally when we already had an intimate interaction. Try calling me ‘Leandro’. Subukan mo. Hindi naman mahirap bigkasin ang pangalan ko, hindi ba?”

Namula na naman ang mga pisngi niya.

“G-gusto kong magpakita ng respeto sa ‘yo.”

“That’s nonsense, Jessie. O gusto mong ipahiwatig sa akin na one-time lang ang namagitan sa atin kanina?” Umiling ito habang sinasapo ng mga daliri ang isang pisngi niya.

“I want you to know that we’ve started a relationship tonight. I won’t be a one-night stand, sweet Jessie. Malaking pabor ang hinihingi mo sa akin. At gusto ko’y malaki rin ang maging kapalit.”

“Nakahanda akong magbayad nang mahal, Att — Leandro,” pakli niya.

“Marami na akong pera, Jesusa,” pakli ni Leandro.

“I’ll be honest with you. Ngayon lang ako nakatagpo ng isang babaeng katulad mo. The fact that I’m your first lover won’t let me forget you easily.”

“A-ano’ng ibig mong sabihin…?”

“Gusto kong maging akin ka na nang tuluyan.”

“G-gagawin mo akong kerida?” Ibig niyang masiguro na tama ang nagiging konklusyon niya.

“Girlfriend lang, Jessie. Hindi naman kita ibabahay. We’ll just have a date every now and then…” Ibinitin ni Leandro ang pangungusap pero malinaw ang kahulugan.

Sinapo ng isang kamay ni Jesusa ang tapat ng leeg niya.

Pakiramdam niya, tumalon ang puso niya sa kanyang lalamunan.

“H-hanggang kailan?”

Nagkibit ng malalapad na balikat ang lalaki habang dinudukot sa bulsa ng black slacks ang bungkos ng susi.

“Hanggang hawak ko siguro ang kaso ng Inay mo? O hanggang hindi pa tayo nagsasawa sa isa’t isa?” tugon nito sa tonong may bahid ng flippancy.

SLEEP WITH THE BOSS-9

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.