Sleep with the Boss-9

Parang hindi seryoso ang tono ni Leandro pero ang mga mata ay matiim ang pagkakatitig sa mukha ni Jesusa.

Kusang tumango ang ulo niya. Wala nang dahilan para tumanggi dahil nakuha na siya ni Leandro.

‘Paano kung pati ang puso mo ay makuha rin sa ‘yo?’ tanong ng utak niya.

Isa pa, naintindihan niyang walang tiwala si Leandro sa pangako niyang hindi siya maghahabla sa ginawa nitong pamumuwersa sa kanya.

Sa ngayon, ‘stalemate’ ang posisyon nila. Tabla ang laban. Pareho nilang hawak sa leeg ang isa’t isa.

At siguro, wala rin siyang tiwala sa pagpayag nitong tutulungan ang kanyang ina.

Anong klaseng relasyon kaya ang puwedeng mabuo sa pagitan nila gayong pareho silang may pagdududa? tanong niya sa sarili habang sakay sila ng elevator papababa.

Maagap na tumindig ang sekyu nang matanawan sila. Sumaludo ito sa abogado bago tumingin kay Jesusa.

“Ma’am, umalis na po ang taxi driver na pinaghintay n’yo kanina,” pagbabalita nito.

[Want to read the Start of Stories Online titled – SLEEP WITH THE BOSS…? Click Here!]

“Tatawag sana ako sa intercom kaya lang baka makaistorbo lang sa inyo.”

Naramdaman niya ang pag-alon ng kulay sa kanyang mukha ngunit nanatili siyang nakatingin nang diretso sa nagsasalita.

Naingiti pa nga niya ang kanyang nanlalamig na mga labi.

“S-salamat. Trenta minutos lang ang usapan namin kanina,” tugon niya.

Hindi umimik si Leandro. Iginiya siyang palabas sa parking lot na nasa tagiliran ng building. Isang kulay puting Mercedes Benz ang nilapitan nito para buksan.

“Sakay na, Jesusa,” utos nito.

Laban sa loob niya ang pagsakay. Ngunit wala siyang magagawa. Nakayakap sa shoulder bag ang mga braso niya habang nakasiksik sa sulok ng sasakyan.

“Siguro, kung pinatawagan ka ng driver mo sa intercom kanina, walang nangyari sa ating dalawa, ano?” sambit nito matapos pihitin ang ignition key.

Nilinga siya ni Leandro bago nagtanong.

“Do you regret what happened between us?”

Hindi siya makatugon. Kaya ibinalik na lang niya ang tanong dito.

“I-ikaw? Nagsisisi ka ba?”

Matagal bago tumugon ang lalaki. Tumatakbo na sila sa kahabaan ng EDSA nang muli itong magsalita.

“Surprisingly, I don’t regret our lovemaking, Jessie.”

“L-lovemaking?” ulit niya, patanong.

“Sinabi mo kaninang ‘rape’ ang nangyari, hindi ba?” paalala niya.

Isang matipid na ngiti lang ang itinugon ng lalaki sa kanya. Itinutok na lang nito ang buong atensiyon sa pagmamaneho.

Kaya naging tahimik ang biyahe habang patungo sila sa pambansang bilangguan.

Ang mga guwardiya na lang ang dinatnan nilang gising.

Hindi na kailangang magpakita ng anumang identipikasyon ang dalaga para papasukin siya ng mga ito.

Kilalang-kilala si Jesusa ng mga empleyado ng naturang piitan.

“Dadalaw ka kay Aling Juana, Jessa?” bati pa nga ng isa sa kanya.

Tiningnan nito nang mataman si Leandro.

“Magandang gabi, sir,” ang magalang na sambit nito.

“Magandang gabi rin,” tugon naman ni Leandro.

Talagang kagalang-galang ang aura ng lalaki. Nagpauna na siya sa paglalakad papasok.

Isang nars ang nagtutukatok sa may bukana ng maliit na ospital.

Naalimpungatan ito nang marinig ang mga yabag nila. Tumuwid sa pagkakaupo habang kinakapa ng mga daliri ang nakapusod na buhok, pati ang nursing cap.

“I’m Attorney Santiago, nurse,” pagpapakilala ng lalaki habang ipinapakita ang I.D. sa wallet.

“Kailangan kong makausap ang kliyente ko, si Juana dela Cruz.”

Tumango ang pupungas-pungas na nars.

“Nandoon siya sa sulok na ‘yon, Attorney.” Ngumiti ito ng pagbati kay Jesusa.

“Jessa, mabuti’t bumalik ka. Kanina ka pa tinatawag ng Inay mo. Wala namang sumasagot sa mga tawag namin sa telepono mo.”

Napasulyap siya sa lalaki bago siya tumugon.

“N-naku, maraming salamat, Miss Valdez. Talagang babalik ako dito. Ibinilin ko ‘yon kaninang bago ako umalis,” pahayag niya.

“Uhm, k-kumusta na siya?”

“Napapayapa naman siya agad kapag sinasabi ko ‘yon kay Aling Juana. Hindi na kailangang turukan ng tranquilizer.”

“Puwede ba namin siyang makausap kahit na disoras na ng gabi, nurse?” sabad ni Leandro.

“Oo, Attorney. Basta’t huwag lang masyadong matagal.”

Napuna ni Jesusa na hindi na siya hinahawakan ng lalaki kahit na sa siko lang, magmula pa kanina.

Sandali pa lang siyang nakakaranas ng pag-alalay ng isang lalaki, nahirati na siya agad!

“Inay?” Lumuhod siya sa tabi ng mababang kama upang hagkan ang noo ng nakaratay na matandang babae.

“Inay, si Jessa po ito.”

“A-anak?” Agad na dumilat ang mga matang malamlam pagkarinig sa boses niya.

“Oh, Jessa! Ang akala ko’y hindi ka na babalik ngayon — ”

Huminto ito nang mamataan si Leandro.

“Magandang gabi, Aling Juana,” ang malumanay na bati ng lalaki habang nauupo sa maliit na silyang kahoy.

“S-sino siya, anak?”

“Siya po si Attorney Leandro Santiago, Inay. Pumayag po siyang tanggapin ang kaso ninyo,” tugon niya. Sumulyap siya nang patagilid sa lalaki bago nagpatuloy.

“T-tutulungan daw po niya tayo na magkaroon uli kayo ng panibagong paglilitis.”

Sumilay ang isang malungkot na ngiti sa tuyot na mga labi.

“G-ganoon ba? Sana nga, anak. Parang nasasabik na nga akong makita ang buhay sa labas. B-bago man lang ako pumanaw…”

Ginagap ni Jesusa ang isang kamay ng ina.

“Inay naman, huwag po kayong magsalita nang ganyan,” pigil niya habang pinipigil ang mapaiyak.

“Excuse me, Jessie,” sabad ni Leandro.

“Maaari mo bang tawagan ang numerong ito? Hanapin mo si Dr. del Rosario. Sabihin mong mag-return call siya sa akin sa lalong madaling panahon.”

Tumalima si Jesusa. Nagpasalamat din siya sa discretion ng lalaki.

Malapit na siyang humagulgol ng iyak.

Kailangan niya ng kaunting panahon upang makaipon siya ng kontrol sa sarili.

Parang napakatagal nang hindi nakakatikim ng pahinga ang katawan niya.

Pagal na pagal siya…

Nakigamit siya ng telepono sa nurse station. Wala na ang nars sa lamesa nito.

Naglilibot na para magbigay ng gamot sa mga pasyente.

Hindi muna siya nagbalik matapos makausap ang duktor na pinatawagan ni Leandro.

Naupo siya sa silyang nars upang bigyan ng mahaba-habang pagkakataon na makapag-usap ang abogado at ang kliyente.

Dala marahil ng matinding pagod, nakatulog siya nang di niya namamalayan.

Naramdaman na lang niyang may yumuyugyog sa kanyang balikat.

“Jessie? Jessie, gising,” anang boses ni Leandro.

Nagdumali siyang mag-angat ng mukha.

Nakasubsob na pala siya sa mga brasong itiniklop at ipinatong sa gilid ng mesa.

“T-tapos na ba kayong mag-usap ni Inay?” tanong agad niya habang tumitindig.

Pinigil siya ng lalaki sa pagtayo. “Oo, Jessie.” Seryoso ang ekspresyon nito.

Napuno agad ng pagkasabik ang kanyang mukha.

“A-ano sa palagay mo?”

“Mamaya ko na sasabihin sa ‘yo ang opinyon ko. Hihintayin lang natin ang pagdating ng kaibigan kong espesyalista,” wika nito.

Napamaang ang dalaga.

“N-nakatawag na siya agad sa ‘yo?”

Sinulyapan niya ang teleponong nasa ibabaw ng mesa.

SLEEP WITH THE BOSS-10

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.