Sleep With The Boss

Jesusa had only one ambition and that was to give her beloved mother a new lease in life.

After all her efforts failed repeatedly, she was desperate enough to offer her body and soul to Leandro who was the only man left that could help.

Gagawin ni Jesusa ang lahat para matapos ang paghihirap ng pinakamamahal na ina.

Kahit na ang magpa-alipin sa isang playboy… na unang nagpatibok sa puso niya.

Si Leandro ang tipo na hindi naniniwala sa kasal… magbago kaya siya ngayong napukaw rin ng dalaga ang paghanga niya?

* * *

Lampas na ang hatinggabi. Habang mapayapang nahihimbing ang buong lungsod, isang kabayanihan ang di nabigyan ng pagkakataong magtagumpay…

Nasabat ng mga nagpapatrulyang pulis ang isang rumaragasang taksi sa kahabaan ng Taft Avenue.

Laking gulat ng mga awtoridad nang matuklasang lulan ng naturang sasakyan ay isang puganteng babae.

At ang anak na dalagita nito.

Lalo na nang aminin ng huli na ito mismo ang promotor sa tangkang pagtakas mula sa bilangguan.

“Ano ang nagtulak sa ‘yo para gawin ang bagay na ito?” tanong ng sarhentong patuloy sa pagmamakiniliya habang nagsasalita.

“Hindi po dapat nakakulong si Inay, sir. Wala po siyang kasalanan,” katwiran ng dalagita, sa himig na nakikiusap.

“Mahabang panahon na po siyang nagdurusa doon gayong hindi naman siya nagkakasala sa batas.”

“E, ‘yung ginawa mo’ng pagtatakas ng isang bilanggo? Hindi ba isang kasalanan sa batas ‘yon?” pakli ng pulis.

“Opo,” pag-amin ng dalagita. Tuwid ang tingin sa kausap na maykapangyarihan. “Kasalanan sa batas ang ginawa ko — ngunit mas malaking pagkakasala ang pagpaparusa sa isang inosenteng mamamayan.”

Napamaang ang sarhento. “Sino ang nagturo sa ‘yo ng mga ganyang katwiran?”

Huminga nang malalim si Jesusa bago siya nagpatuloy.

“Bata man po ako, naiintindihan ko nang biktima si Inay ng bulok na sistema sa lipunan. Mahirap lang siya kaya inalisan siya ng pagkakataon na makapagpaliwanag nuong mamatay sa atake sa puso ang kanyang amo habang hinahalay siya,” pahayag nito. Mababa ngunit matatag ang tono.

“At nang maging bilanggo siya, inalisan naman siya ng mga karapatang-pantao. Walang abogadong nagtanggol sa kanya dahil wala siyang pera. Hinayaan siyang manganak sa loob ng kulungan — ”

“Tama na ‘yan, anak,” pigil ng babaeng may mababakas pang ganda sa hapis na mukha.

“Hindi ko itinuturing na kasawiang-palad ang lahat ng sinapit ko sa aking buhay.”

“Inay, inalisan ka nila ng respeto sa sarili,” salo ng anak.

“Oo, Jessa. Marami silang inalis sa akin noon — ngunit ang naging bunga naman ng kasawiang iyon ay ikaw, ang aking anak na tanging nagmamahal sa akin!” ang garalgal na wika ng prisonera.

Hindi agad nakaimik ang dalagita.

“Oh, Inay — ”

Ginagap ng ina ang mga kamay ng anak bago bumaling sa nakamasid na sarhento.

“S-sir? May hihilingin lang po sana ako sa inyo.”

Pinilit ikubli ng maawawaing alagad ng batas ang simpatiyang nadarama.

“Ano ‘yon?”

“Nais ko sanang ilagak sa D.S.W.D. ang aking anak.”

“Talagang doon ang bagsak ni Jesusa,” pakli ng pulis.

“Inay? Ayaw ko po doon. Sasama na lang po uli ako sa inyo sa loob,” tutol ni Jesusa.

Malungkot na umiling ang ina.

“Hindi na maaari, anak. Dahil sa ginawa nating pagtakas, wala na silang tiwala sa atin.”

“Tiyak na sa bartolina ka itutuloy ng jail warden n’yo, manang,” sabad ng sarhento.

Parang natulig si Jesusa sa kanyang narinig.

“H-hindi po tutoo ‘yan!”

Hinaplos ng may edad na babae ang mahabang buhok ng kabataan.

“Baka matagal bago tayo magkita uli, anak. Palagi mo lang tandaan na mahal na mahal kita. Ikaw lang ang tanging yaman ko sa mundong ito!”

Buong pagsuyo na hinagkan nito ang mga matang luhaan ni Jesusa.

“Oh, Inay! Lalo ko lang palang pinahirap ang sitwasyon n’yo!” bulalas niya habang niyayapos nang mahigpit ang payat na katawan ng magulang.

“Labis akong nagsisisi sa aking kapusukan!”

Niyakap din siya ng mga yayat na braso. Hindi na sila mapagsalita habang sabay na lumuluha.

Nahirapan ang mga pulis na naruruon na ihiwalay ang dalagita nang dumating na ang sumusundong social worker.

“Inay!” ang palahaw ni Jesusa habang hinihila siyang palayo upang isakay sa naghihintay na sasakyan.

“Huwag n’yo akong ihiwalay sa Inay kooo!”

Ngunit tila itinakda na ang sandaling iyon ng paghihiwalay nilang mag-ina. Wala siyang nagawa nang tumatakbo na ang pinaglulanang sasakyan sa kanya.

Wala siyang magawa kundi ang umiyak na lang nang umiyak.

Halos isang buwan siyang wala sa sarili dahil sa labis na pangungulila at pagdadalamhati.

Humulas lamang ang kanyang depresyon nang makatanggap ng liham mula sa kanyang ina. Maikli lamang ang sulat na iyon ngunit nagsilbing inspirasyon para sa kanya.

“Dear Jessa, habang nandiyan ka, sana ay mag-aral kang mabuti. Para umunlad ang iyong buhay. Para mabago ang kapalaran mo. Kapag nangyari na iyon, saka lang ako uli mangangarap na magkakasama na tayo… Nagmamahal, Inay.”

Noon nagsimulang sumibol ang isang marubdob na pangarap. Nabuhay uli ang kanyang matigas na determinasyon.

Idagdag pang suporta ang tatlong kaibigan na natagpuan niya sa detention center.

Sina Alejandra, Myrza at Ofelia.

Naging optimistic uli siya matapos mapagtantong wala siyang karapatang ma-depressed. Mayroon pa siyang ina, samantalang ang tatlong dalagitang halos kaedad niya ay wala na.

Pinili niyang mag-aral ng cosmetology dahil may lihim siyang pag-asam na maibalik ang nawalang ganda ng ina.

At magagawa niya iyon kung may kaalaman siya sa lahat ng aspeto ng modernong pamamaraan ng pagpapaganda.

Matuling lumipas ang mga taon…

Nag-dial si Jesusa sa telepono habang nakakipit ang awditibo sa teynga at balikat. Kasalukuyan kasing abala sa pagbubuhol ng sinulid ang mga daliri niya.

Isang estranghera ang tumugon. “Sino sila?”

“Uh, kaibigan po ako ni Ofelia. Puwede ko ho ba siyang makausap?”

“Naku, natutulog ang kaibigan mo, iha. May lagnat siya kanina pero ngayon ay wala na. Mabuti na ang lagay niya.”

“A, gan’un po ba?”

“Huwag kang mag-alala kay Ofelia. Este, ano nga pala ang pangalan mo, ineng?”

“Jesusa po. Uh, kayo po?”

“A, Jesusa ba ‘kamo? Oo, sige, sasabihin kong kinukumusta mo siya. Sino ako? A, ako si Don — Aling Zita. O, p’ano? Babay na, ha!”

“E, s-sige po. Salamat po, Aling Zita,” tugon naman ng nagtatakang si Jesusa.

Ngayon lang niya nalaman na may kapitbahay pala si Ofelia na kapalagayang-loob nito.

Binuska niya ang sarili nang makaramdam ng kaunting pagdududa.

Paano’y dapat pa nga siyang matuwa sa natuklasan. Ang ibig sabihin, nababawasan na ang paranoia ng kanyang kaibigan.

Hindi na ito takot na makipagkaibigan sa ibang tao.

Makalipas ang ilang oras, nasa akto siyang naglalabas ng mga papeles sa drawer nang kumuriring ang telepono.

Si Ofelia ang hula niyang caller ngunit mali siya.

“Hello? Jesusa dela Cruz, please?”

“Speaking. What can I do for you, ma’am?” ang pormal na tugon niya.

“Jessa, sinusumpong na naman ang Inay mo. Magpunta ka agad dito,” sagot ng tinig-babae sa kabilang linya.

Napahinto ang dalaga sa kanyang paghinga.

“S-sino ‘to?”

“Si Giggles ako, Jessa. Hindi mo na ba kilala ang boses ko? Dalian mong magpunta dito. Ikaw ang tinatawag ni Manang Juana.”

Isang guwardiya sa minimum security ang kausap niya, si Jailguard Santos. Giggles ang inalyas ng mga bilanggo dito dahil palahagikhik ito kapag nakikipagbiruan kaninuman.

Palagi siyang may pasalubong sa naturang bantay upang tawagan siya agad kapag may nangyayari sa kanyang Inay.

Katulad ngayon.

“S-sandali lang ako. Pakisabi kay Inay na darating agad ako. Salamat sa pagtawag mo, ha?”

“Walang anuman, Jessa. O, ibababa ko na ang phone para makalakad ka na,” ani Giggles. “Nasa jail hospital siya ngayon,” dugtong pa nito.

“O-oo. Salamat.” Nagpasalamat siya uli bago ibinaba ang awditibo.

Halos hindi magkandatuto sa pagliligpit si Jesusa. Gumagawa siya ng account statement kanina kaya nagkalat ang mga papeles sa ibabaw ng mesa niya.

“Venus! Venus!” hiyaw niya nang matapos i-lock ang metal filing cabinet.

“May kailangan ka, Ate Jessa?” Nagbuhat mula sa backroom na ginawa niyang restroom para sa mga beautician ang boses ng tinawag.

“Oo, Venus. May pupuntahan ako. Kayo na muna ang bahala dito, ha?”

Isinukbit niya ang shoulder bag matapos tiyaking nasa loob ang kanyang mga susi. Pati ang wallet.

“Oo, Ate Jessa.”

“Siguraduhin n’yong naka-lock ang lahat ng mga bintana at pinto natin bago kayo umalis mamaya, ha?” habilin niya habang inila-lock ang kanyang opisina. “Ilista n’yo na lang ang mga kustomer na gagawin n’yo ngayon.”

“Oo, Ate Jessa. Kung gusto mo, hihintayin ka na lang namin dito. Uuwi ka rin ba mamayang gabi?”

Nalilito na sa labis na pagkataranta si Jesusa kaya kinailangan pa niyang isipin ang isasagot sa tanong sa kanya.

“H-hindi, huwag na. Baka hindi rin ako makauwi agad. Pero kung wala kayong lakad mamaya, puwede kayong mag-stay dito. Dito na kayo matulog para may bantay ang parlor. Kung hindi nakakaabala, ha?”

Hindi niya sinasabi sa mga tauhan ang tunay na nakaraan niya, pati ang tungkol sa kanyang inang nakapiit pa rin hanggang ngayon.

Hindi sa ikinahihiya niya ang kanyang pagkatao. Naniniwala lang siyang hindi dapat pagsamahin ang pribadong buhay at ang trabaho.

“Ay, walang anumang abala ‘yon, ate!” salo ni Venus. “Gagamit lang kami ng kaunting make-up mo, ha? Atsaka ng ilang wigs.”

“Sure, sure. May sasalihan na naman ba kayong contest? Basta’t lilinisin n’yo lang ang mga kalat pagkatapos.”

Inihatid siya ng bakla hanggang sa kalsada. Ito pa nga ang kumaway sa taksing dumaraan.

“O, ate, dito ka na sumakay. Ingat lang, ha?”

“Sige, Venus. Bahala ka na diyan.” Pinilit niyang ngumiti kahit na puno ng pag-aalala ang kanyang kalooban.

Medyo matrapik kaya natagalan siyang makarating sa pambansang bilangguan ng mga babae. Nakaabang na sa kanya ang ilang malalapit na kaibigan ng kanyang ina.

“Jessa! Mabuti’t nandito ka na. Kanina ka pa hinihintay ng iyong Inay,” salubong ni Aling Melba sa kanya. Nakakulong ito dahil sa salang pagpatay sa asawang nambubugbog.

“N-nasaan po siya?”

Hinila siya sa isa pang kamay ni Aling Ura, palayaw ng Aurora at dating miyembro ng Ativan Gang.

“Halika na, Jessa! Nandoon ang Inay mo.” Inginunguso ang maliit na gusali ng ospital ng mga bilanggo.

Napatakbo palapit sa makitid na kama si Jesusa nang mamataan ang kinaroroonan ng mahal na ina. Ginagap niya agad ang isang kulubot na kamay ni Aling Juana.

“Inay!” Pigil ang pagbulalas niya. Napansin rin niya ang iba pang pasyente na nasa mga kalapit na kama.

“K-kumusta po kayo?” bulong niya matapos hagkan ang butuhang pisngi ng magulang.

“Mabuti na, anak,” tugon naman ng paos at nanginginig na boses ng matandang babae. “Ngayong nandito ka na, mabuti na ang aking pakiramdam.”

“Inay, ilalabas ko po kayo rito,” pangako niya, pabulong pa rin. “Kaunting panahon na lang.”

Malungkot ang ngiting sumilay sa mga kulubot na labi.

“Hindi na ako makakalabas dito, anak. Dito na ako mamamatay. At dito na rin malilibing.”

Sumikdo ang dibdib ng dalaga. Inimpit niya ang mga hikbing nais humulagpos sa kanyang nananakit na lalamunan.

“I-inay, huwag naman po kayong magsalita nang ganyan. Huwag n’yo naman po akong iiwan. Masasayang pa ba ang lahat ng mga paghihirap nating dalawa?”

Pumikit sandali ang pasyente. Para bang nahihirapang huminga.

“Ayaw ko nga sana, anak. Ngunit ano pang magagawa ng isang matanda nang katulad ko?”

“Oh, Inay, Inay. Gumagawa ako ng paraan. Huwag po kayong mainip.” Nakahanda siyang ubusin ang lahat ng mga naipon niya, basta’t mailabas lang dito ang ina.

Nanatili siya sa tabi ng matanda hanggang sa makatulog uli ito.

Napilitan lang siyang lumabas dahil tinawag siya ni Giggles.

“May tip pala ako sa ‘yo, Jessa,” pahayag nito matapos siyang hilahin sa malayu-layo.

“A-ano’ng tip?” Lumakas agad ang kaba niya. Minsan na niyang itinakas ang kanyang ina, ngunit nabigo siya. Ang naging resulta ay ang paghihiwalay nila ng dalawang taon.

“Natatandaan mo ang isang bilanggo na hinatulan ng kamatayan?”

“Oo. Iyong pinagbibintangang nakapatay ng sanggol na inaalagaan?”

Naalala ni Jesusa ang babaeng hapis na hapis ang mukha at palaging nakatingin sa kawalan. Naging kaibigan na rin niya iyon. Palagi niyang nilalapitan upang subukang aluin.

“W-wala na ba siya?” Bumukal ang simpatiya niya para sa iba. Alam niya kung paano mabuhay sa isang bilangguan.

Tumango si Giggles.

“Oo, wala na siya dito. Nakalabas na. Maniniwala ka bang nakalabas pa rin siya pagkatapos ng naging hatol sa kanya?”

“T-tumakas?”

“Hindi.” Umiling si Giggles. “Legal ang paglabas niya rito. Isang magaling na abogado ang nilapitan ng mga kaanak ni Ludie.”

“H-ha?” Hindi makapaniwala si Jesusa.

“Si Atty. Leandro Santiago, isang bago pa lang sumisikat na defense lawyer. Nagpakadalubhasa sa ibang bansa upang tumulong sa mga mahihirap na bilanggo.”

Biglang nabuhay ang pag-asang unti-unti nang nangunguluntoy sa kalooban ni Jesusa.

“T-talaga? Alam mo ba ang opisina niya?”

Kinuha ni Giggles ang isang calling card.

“Ikinuha talaga kita. Heto, o.” Nagpatuloy ito sa pagsasalita matapos iabot sa kanya ang munting karton na kulay asul na abuhin.

“Siyanga pala, ipinasasabi ni Ludie na maraming salamat daw sa pakikipagkaibigan mo sa kanya nung nakakulong siya rito. Ikaw daw ang nagsilbing liwanag niya noon.” Seryoso ang ekspresyon ni Jailguard Santos. Nakakapanibago dahil mas sanay itong makita na nagko-comedy.

“Walang anuman iyon,” sambit niya habang binabasa ang calling card. “Pupuntahan ko agad ito,” pangako niya. May ngiti na sa kanyang mga labi.

“Siyanga pala, kumusta ang Inay mo?”

Muling nabura ang bahagyang ngiti ni Jesusa.

“Hindi ko pa nga nakakausap si Dok. Pero sinabi ng nars na maayos na uli ang lagay ni Inay. Nakatulong ang pagdating ko.” Bumuntonghininga siya. “Kailangan niya ng mas mataas na antas ng gamutan, Giggles. Bakit hindi maaprobahan ang mga request ko na ipagamot siya sa labas?”

Umiling-iling ang guwardiyang may simpatiya sa mga bilanggo.

“Hindi ba’t nahigingan ko na noon na isasama na sa mga parulado ang iyong Inay? Napahiya pa nga ako sa ‘yo dahil hindi pala siya naaprobahan.”

“Wala kang dapat ikahiya sa akin, Giggles.” Tinapik niya ang isang balikat ng kausap. Mas mataas na babae siya rito.

Nagkamot ng baba si Giggles. Nag-iisip talaga.

“Alam mo bang nagtataka na ako nang husto? Nararamdaman ko na mayroong umiipit sa iyong ina. Nasa mataas na posisyon ang sagabal sa paglaya ni Aling Juana,” patuloy nito.

Gayon din ang iniisip ni Jesusa ngunit hindi niya naging ugali ang magsalita ng tungkol sa mga pribadong iniisip niya.

Minsan, kahit na mismo kay Ofelia — na pinaka-close sa kanya dahil pareho silang mababaw ang luha — ay may inililihim pa siya.

“H-hindi naman siguro, Giggles. Nagkakataon lang,” aniya habang kinukuha ang wallet.

Doon niya inilagay ang calling card. Mabilis niyang naisuksok sa bulsa ng uniporme ng kaharap ang isang libong buo.

“Para sa mga anak mo ‘yan. Pambili ng mga gamit nila sa eskuwelahan,” wika niya bago tumalikod.

“Salamat, Jessa. Napakabait mo talaga,” pahabol ng pulis na babae.

Tumango lang si Jesusa habang papalayo. Binalikan niya ang ina sa ospital. Doon niya hinintay ang duktor upang makausap nang masinsinan.

“A, Jesusa dela Cruz, magandang hapon sa ‘yo, iha,” ang malugod na bati ng may katandaan nang mangagagamot.

“Magandang hapon din po, Dok. Kumusta po ang lagay ng Inay ko?”

Hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa. Paulit-ulit na ang pagsumpong ng sakit ng ina. Nakahanda na siya sa isang masamang balita.

“Hmm, hindi maganda, iha. Juana dela Cruz is very, very ill. Kailangan niya ng mas magaling na mangagagamot,” pag-amin ng kausap sa kanya.

Lalo siyang nanlumo ngunit mas nais niya ang katapatan ng duktor.

“K-kumusta naman po kaya ang aking request sa itaas?” tanong niya kahit na alam niyang negative na naman ang resulta.

Matamlay na pag-iling ang naging tugon sa kanya.

“I’m afraid, hindi na naman tayo kinasihan ng suwerte. But do try again. Huwag tayong mawawalan ng pag-asa. In the meantime, kami na muna ang bahala sa Inay mo. Manalangin tayo palagi sa Panginoon.”

Tumango lang ang dalaga matapos huminga nang malalim.

“M-magpapaalam na po muna ako, Dok. Ipinagkakatiwala ko po nang lubos ang aking Inay sa inyo.”

Pinisil ng duktor ang kanyang kamay habang nagkakamay sila.

“Salamat sa pagtitiwala mo, iha.”

Magtatakipsilim na nang lumabas siya.

Nagulat siya nang may makitang taksi na naghihintay sa kanya. Nakasakay sa loob niyon si Giggles.

“Halika na, Jessa. Itinawag na kita ng taksi, pero makikisabay ako, ha?”

“Pauwi ka na ba?”

“Oo. Pang-umaga naman ang shift ko ngayon,” tugon nito. “Sasabay lang ako hanggang diyan sa labasan, ha?”

“Kahit na idaan ka na namin hanggang sa bahay mo, Giggles,” pakli ni Jesusa, nakangiti.

“Naku, masyado nang out-of-the-way sa ruta mo ang lugar namin,” tanggi ng guwardiya. “Papuntang Quezon City ka, hindi ba?”

“Hindi pa ako uuwi. Pupuntahan ko ang opisina ni Atty. Santiago para alam ko na, pagpunta ko doon bukas,” pahayag niya.

“Ganoon ba? Napakasuwerte naman ni Aling Juana sa pagkakaroon ng isang anak na katulad mo. Tama siya kapag sinasabi niyang ikaw lang ang tanging kayamanan niya sa buhay,” ang papuri ni Giggles sa kanya.

Gustong bumalong ng luha sa mga mata ni Jesusa nang mabanggit ang kanyang ina ngunit nagpigil siya.

“Ako ang masuwerte dahil isang mabuting ina ang nagluwal at nag-aruga sa akin. Hindi ako inilaglag o ipinaampon, gayong dapat ay namumuhi siya sa akin. Dahil bunga ako ng kalupitang dinanas niya…”

Nagdampi na ng panyo sa mga mata ang guwardiyang katabi niya sa likurang upuan ng taksi.

“Oh, Jessa! Nakakaiyak naman ang istorya n’yong mag-ina! Talaga nga palang malupit ang lipunan sa mga kapwa nating kapus-palad!”

Tumigas ang anyo ni Jesusa.

“Hindi na ako papayag na mabigo ngayon, Giggles. Gagawin ko ang lahat upang makuha ang serbisyo ni Atty. Santiago. Siya na lang ang tanging pag-asa namin ni Inay.”

“Tama ‘yan, Jessa. Lakasan mo lang palagi ang loob mo.”

Tumango lang si Jesusa. Umuulit sa loob ng utak niya ang sinabi ng duktor.

‘Juana dela Cruz is very, very ill.’

‘God, tulungan Mo po ako. Kailangang-kailangan na ni Inay ang makalabas sa madilim na impiyernong iyon!’ ang taimtim na usal niya.

“Dito na lang ako, mamang tsuper,” wika ni Giggles sa drayber. “Mauna na ako sa ‘yo, Jessa. Maraming salamat, ha?”

Ngumiti nang matamis ang dalaga sa mabait na jail guard.

“Maraming salamat din sa pagmamalasakit mo sa lahat ng mga bilanggo,” tugon niya.

“Saan tayo ngayon, ma’am?”

“Sa Buendia. Alam mo ba ang address na ito?” Ipinakita niya ang calling card.

“Oo.”

Click here to READ MORE

Comments are closed.