Falling in love is inevitable to all of us. Even though we try to avoid it, loving someone is as natural as breathing. Love makes us strong and weak at the same time.
Love is different from physical attraction but you will sometimes realize it when it’s too late.
Matapat at malalim ang pag-ibig na nadarama ni Jasmine para kay Morgan. Maging ganito rin kaya ang pagmamahal na ihahandog ng binata sa kanya?
Paano kung pinaglalaruan lang ni Morgan ang damdamin ni Jasmine? Malampasan kaya ng dalaga ang sakit ng pagkabigo?
* * *
“Don’t tell me you forgot to reserve today in your appointment calendar?” Nameywang si Bessie Villamonte habang sinasalubong ang matangkad at simpatikong binatang pumapanaog sa marmol na hagdanan.
Nakalimutan nga ni Morgan, pero hindi niya aaminin iyon. Tatawagan na lamang niya si Pamela upang ikansela ang dinner date nila.
“Ano sa palagay mo, Mama?” Kinapa ng mga daliri ang pagkakabuhol sa kurbata. “I’m ready to go — whenever you are.”
Bahagyang kumurba pataas ang isang light brown tattooed eyebrow. “Sigurado kang para sa akin ang eleganteng suit na ‘yan, iho?” Magkahalong pagdududa at paghanga ang nasa ekspresyon nito habang sinisipat ang kabuuan niya.
Suot niya ang isang tailored cream and black evening suit na sa New York pa binili. Tama lang na magduda ang kanyang ina dahil iyon ay isinuot niya para magpa-impressed sa isang maganda at sopistikadang babae.
Pangatlong date na nila ni Pamela. Plano na niyang i-kama ang bagong nobya.
Pero balewalang maudlot ang gabi ng pag-ibig para mapaglingkuran ang ina.
“You look more like my handsome escort than my only son,” pagbibiro ni Blessie sa anak. “So I’ll look a rich matrona tonight.”
Tumawa si Morgan. “You’ll be the center of envy. Ang lahat ng mga babaeng nasa edad sitenta pababa ay tiyak na maiinggit sa ‘yo, Mama,” ganting-biro niya.
Nagkibit-balikat si Bessie bago inayos ang pagkakasampay ng silver shawl. “I’ll be proud to introduce you around. Bakasakaling may magustuhan ka para gawing ina ng iyong mga anak…”
Muling tumawa si Morgan. “Ang Mama ko naman. Palagi na lang akong ipinagtatabuyang mag-asawa.”
“Aba, dapat lang na makapag-asawa ka na, iho. Matagal na akong naiinip sa kahihintay na magkaroon ako ng apo,” pagbubusa ng magandang biyuda.
Ang edad ni Blessie ay nasa pagitan ng singkuwenta at sisenta pero mahirap hulaan dahil maalaga sa katawan at napakagaling magdala ng damit.
“Mama, masyado pa akong bata para magpatali. At ikaw rin — para maging lola.” Masuyo niyang hinawakan ang isang siko nito para igiya sa paglakad palabas sa maluwang at marangyang bahay.
Ang Villamonte Residence ay may tatlong palapag at nakatayo sa kalahating ektarya ng prime land, na nasa kalagitnaan ng business district ng Makati City.
Napapalibutan ng mayayabong na punongkahoy at matataas na pader, hindi na gaanong naririnig sa loob ng bahay ang ugong ng mga sasakyan sa labas.
“Ano’ng masyado ka pang bata? Treinta’y kuwatro ka na, a? Malapit ka nang maiwanan ng biyahe, Morgan.” Nagpatuloy sa panenermon ang kanyang Mama nang kapwa na sila nakasakay sa itim na Ford pick-up.
Hindi muna umimik si Morgan habang nagmamaniobra ng sasakyan. Dati siyang nahilig sa drag racing nung tinedyer pa, kaya suwabe ang kanyang pagmamaneho.
“At ako naman ay malapit nang mangatog ang tuhod. Mga ilang taon na lang, baka ni hindi ko na maturuang maglakad ang magiging apo ko.” May himig na ng paghihinampo ang tono nito.
“Makakaistorbo lang sa inyo ang apo, Mama,” katwiran niya nang kasali na sila sa daloy ng trapiko. “Hindi na kayo basta-basta makakalabas ng bahay kapag may bata nang iniintindi.”
“Aba, Morgan Villamonte, kailanman ay hindi ko inisip na istorbo sa buhay ang pag-aalaga ng bata. Ikaw nga ay sa personal na kandili ko lumaki, a? Bihira kitang iwanan sa mga katulong, a?”
Saglit niyang binitawan ang manibela upang pisilin ang isang kamay ng katabi. “Na labis kong ipinagpapasalamat sa inyo, Mama. I was a well-loved and well-cared of child. Thanks to you, I did not become a poor little rich boy!” ang mahabang pahayag niya.
“Nagbibiro lang ako sa sinabi ko kanina, Mama. I’m sorry,” dagdag ni Morgan, sa tonong nang-aalo.
“I forgive you, son.” Walang pag-aalinlangan ang pagpapatawad ng ina. Puno ng pagmamahal ang ngiting ibinigay sa kanya.
“Nagtataka talaga ako, iho. Bakit ba pasung-paso ka sa pag-aasawa? Hindi ka naman nadala sa amin ng Papa mo, a? Sumalangit nawa ang kaluluwa mo, Manuel.” Nag-antanda ito at umusal ng panalangin matapos banggitin ang yumaong asawa.
“We had a happy marriage. Nag-aaway kami pero para lang magkaroon ng dahilan para magsuyuan pagkatapos. Nagiging mas matamis ang aming pagtitinginan sa tuwing nagbabati kami,” dagdag pa.
“I know that, Mama. Pero hindi ako naniniwalang ang kapalaran ni Juan ay kapalaran din ni Pedro,” ang pa-pilosopong sagot niya. Magaan na uli ang tono niya.
“Isa pa, bihirang babae ang tipo mo. Ayokong mag-uwi ng isang manugang na hindi mo naman makakasundo.”
Tumawa si Bessie Villamonte. Masigla na uli. “That’s very thoughtful of you, son,” papuri pa nito.
“Pero wala kang dapat ipag-alala sa akin. I just want you to be happy. Kahit na sino o ano pa siya — basta’t iniibig at napapaligaya ka — buong lugod kong tatanggapin dito sa ating pamilya at tahanan.” Sinseryo ang pagsasalita nito.
Naantig si Morgan sa tinuran ng kausap. Isang malinaw na patunay na naman iyon ng napakalaking pagmamahal ng ina sa kanya. Pero talagang wala siyang kagana-ganang mag-asawa.
Ang pinag-ugatan marahil ng phobia niya ay ang naging kapalaran ng mga kaibigang nakapag-asawa na.
At minalas.
Pawang nauwi sa mapait na hiwalayan ang masayang kasalan. Ang mga nagsasama pa rin ay nagkukunwari na lamang. Nakatira sa ilalim ng isang bubungan pero hiwalay na ng silid-tulugan.
Kahit na saan siya bumaling, palasak ang mga broken marriages. Usung-uso ang palipat-lipat at papalit-palit ng kandungan sa modernong panahon ngayon.
Kaya naman siya ay nawalan na ng ganang umasam sa isang pangmatagalang relasyon. Tuluyan nang nasira ang anumang ilusyon na meron siya. Ayaw niyang mandamay ng mga inosenteng bata sa mga larong pangmatanda.
Sinikreto lang niya ang sinikal na opinyon upang hindi masaktan ang damdamin ng ina.
Minabuti niyang ibahin na ang paksa.
“Bakit ba importanteng ako ang maging driver mo sa charity affair na ‘to?” usisa niya habang lumiliko sa Buendia Avenue patungo sa direksiyon ng Roxas Boulevard. Nasa gawing iyon ang hotel na pupuntahan nila.
“Escort kita, iho, hindi driver,” pagtatama ni Bessie Villamonte. “Anyway, buti’t naitanong mo. Espesyal ang gabing ito para sa akin dahil ang highlight na pakulo namin ay isang cake-decorating contest.”
Bukod sa isang kilalang socialite at charity organizer si Bessie, nagmamay-ari din ito ng isang specialty cake shop. Nagsimula lang sa hobby ang maliit na business pero ngayon ay may tatlong branches na sa iba’t ibang shopping malls.
Hindi nakikialam si Morgan sa business interests ng ina dahil malaki ang respeto at tiwala niya sa disposisyon ng ina. Gayunman, mabilis siyang rumiresponde kapag hinihingi nito ang presensiya at opinyon niya.
“At kasali ang shop mo,” panghuhula niya. “‘Wag naman sanang isa ako sa mga judges, Mama. Alam mong wala akong appreciation sa ganyang klaseng beauty pageant.”
Humagikhik ang matrona. “Naku, alam na alam ko ‘yan,” bawi nito. “Baka kuwitin at kainin mo na lang agad ang mga cake na huhusgahan mo! Hi! hi!”
Nahawa siya sa katuwaan ng ina. Nakitawa rin siya. “Imposible ‘yan dahil ikaw lang ang idol ko sa cake,” salo niya. “Wala pa akong natikmang mas sasarap sa luto mo, Mama.”
“Baka naman ‘yung cake ko lang ang tinitikman mo?”
“I have the best — bakit titikim pa ako sa iba?” katwiran niya.
Muling humagikhik si Bessie. Aliw na aliw sa mga papuri niya. “Naku, masyado mo namang pinalalaki ang ulo ko, iho! Baka maging sobrang conceited na ako n’yan.”
“That’s very unlikely,” bawi ni Morgan. “Ikaw na yata ang babaeng pinaka-down-to-earth na nakilala ko.”
“Hus! Napakarami d’yan, anak. Hindi ka lang kasi naghahanap.”
Tumawa lang si Morgan. Nakaligtas siya sa pagsagot dahil papaliko na sila sa maluwang na driveway ng hotel.
“Good evening, ma’am, sir.” Yumukod ang magalang na porter matapos buksan ang passenger’s door.
“Dito po ang reserved parking space para sa inyo, Mrs. Villamonte.” Naging mas magiliw ang tono ng hotel employee nang mapagsino ang kaharap.
“Ay, salamat naman, Juan. Hindi mo ‘ko nakalimutang ipag-reserba.” Nag-abot ng tip si Bessie matapos bumaba. “Hihintayin kita dito, iho,” habilin nito sa kanya bago isinara ang pinto.
“Okey, Mama.” Mula sa rearview mirror, nasulyapan niya ang masayang pakikipagkuwentuhan ng matrona sa empleyado ng hotel.
Nang lumalakad na siya patungo dito, isang may edad na lalaking mukhang kagalang-galang naman ang kahuntahan nito.
Ang versatile character ang pinakamalakas na sikretong karisma ni Bessie Villamonte. Marunong itong makibagay sa kahit na sinong tao na mula sa kahit na saang antas ng lipunan.
Ayon sa kanyang nasirang Papa, na isang astute businessman, ang kanyang Mama daw ang sikreto nito sa pagtatagumpay sa negosyo.
Taliwas iyon sa paniniwala niyang professionalism ang susi sa pinto ng tagumpay. Sipag, tiyaga at disiplina sa sarili ang perpektong pormula. Nagtatagumpay siya kahit wala ang kanyang Mama sa tabi niya.
“Morgan, iho, siya si Judge Joaquin,” ang maagap na pagpapakilala ng Mama niya sa kausap nito nang lumapit siya. “Ang anak niya ay isa sa mga kasosyo ko.”
Wala siyang ideya kung sino sa mga kasosyo ng ina ang tinukoy nito pero malugod pa ring kinamayan ang matandang lalaking nakasuot ng magarang Barong Tagalog.
“Good evening, sir.”
“Good evening din sa ‘yo, Morgan. May I call you Morgan?”
“By all means, sir.”
“Please, call me Tito Joaquin.”
Iyon pala ang first name, pero hindi na niya naisip itanong ang surname.
“I’m glad to meet you, Tito Joaquin,” patianod ni Morgan. Sumulyap siya sa ina, habang hinahawakan ito sa siko. “Shall we go inside?” aya niya rito at sa kaharap.
“Oo nga naman, Compadre. Stay for a while. Kahit umpisahan mo lang ang show.”
“Regrettably, I have to go. May importanteng lakad ako, e. I’ve no time to spare. Inihatid ko nga lang ang anak ko, kaya ako napadaan dito, Comadre. I’m sorry talaga. I hate to miss this fabulous affairs of yours,” ang mahabang paliwanag nito. “I’ll try to come back later. Susubukan kong humabol sa contest.”
“Okey. Sige. Ingat ka na lang, Compadre.”
“Salamat, Comadre. Morgan, goodnight sa inyong dalawa.”
“Someone special, Mama?” ang patudyong tanong niya sa ina habang papasok na sa lobby.
Tumawa si Bessie. Parang naging tinedyer ito nang mamula ang mga pisngi. “He’s a good friend of your father, iho.”
“Bakit ngayon ko lang siya nakilala?”
“Nasa Cebu City sila, most of the time. Bumalik lang siya dito sa Maynila nang mabiyudo na si Joaquin nung isang taon,” ang pahapyaw na paliwanag ng ina.
“I see. Mabuti naman at — ” Hindi niya natapos ang ikukumento tungkol sa kasosyo sa cake shop dahil may sumalubong nang mga matrona sa kanila.
“Good evening, good evening.” Nakipagbesu-beso si Bessie sa mga kaibigan bago bumaling sa kanya para ipakilala siya.
Pormal namang nakipagkamay si Morgan sa mga babaeng may edad na pawang pusturera din.
“C’mon, iho, I’ll take you to our table. You’ll have to excuse me for a few moments. Pupunta lang kami sa backstage. Titingnan namin kung maayos na ang mga entries.”
“Yes, Mama. Don’t mind me. I’ll just circulate to entertain myself.”
“Thank you, son. You’re so thoughtful.”
“Naku, am’pogi naman pala ng anak mo, Bes! ‘Wag mong kalimutan, dalawa ang mga dalaga ko, ha? Imbitahan mo naman ‘pag may party ka sa bahay n’yo,” anang matrona na tila bariles ang katawan.
“Ako, may pamangkin, Bes. Tapos ng medisina ‘yon,” salo ng isang patpatin at matangkad naman.
“Ako, may pinsang modelo. Negosyante rin,” bawi ng pinakamaliit.
Naulinigan pa ni Morgan ang pagbubulungan ng mga babae habang papalayo sa kanya.
May sinabi ang kanyang Mama pero hindi na niya narinig dahil naghagikhikan ang mga kasama.
Napapailing siya habang lumalakad sa direksiyon ng garden. Doon muna siya habang hindi pa nagsisimula ang charity show.
Kahit paano, nagpapasalamat siyang hindi nagreto ang mga ito sa harapan niya. Medyo mahirap manopla ng mga kaibigan ng ina. Kapag may na-offend nang husto, siguradong hihingi siya ng apology!
Nakatingin siya sa mga baytang ng hagdan na bababaan kaya hindi napunang may makakasalubong.
Pumapanaog na siya nang mag-angat ng paningin. Huli na nang mapansin niyang magkakabungguan sila ng kasalubong dahil hindi nito nakikita ang daraanan. Lampas-ulo kasi ang dala-dalang cake.
“Hey, sandali — ” Ngunit hindi na napigilan ang pagkapisa ng chocolate cake…
“Ay!” Walang nagawa si Jasmine kundi ang mapabulalas na lamang.
At tingnan ng buong pagka-dismaya ang chocolate icing na kumulapol sa harapan ng isang eleganteng black and cream blazer suit.
“S-sorry, mister. Pasensiya na kayo,” ang pautal na sambit niya nang matagpuan ang nawalang boses.
Nanlalaki ang mga mata, taranta niyang dinukot ang panyolito sa bulsa ng black silk slacks upang ipunas sa harapan ng eleganteng kasuotan ng nadisgrasya.
“It’s okey, miss,” tugon ng isang maskulinong tinig na medyo paos. “Please, don’t bother to clean me. It’s alright.” Pinigilan nito ang kamay niya.
Singhiwaga ng gabi ang mga matang bumihag kay Jasmin nang mag-angat ng tingin.
‘Seductive eyes, bedroom voice,’ bulong ng isang sarili niya. Nabighani agad. ‘At napaka-simpatiko!’
Mabilis namang bumawi ang wisyo. “H-hindi ko ho sinasadya, mister. Pasensiya na kayo.” Inulit niya ang paghingi ng dispensa. “Akina ho ang blazer n’yo. Ipapa-dryclean ko na agad sa laundry,” suhestiyon niya.
“No, no, it doesn’t matter, miss. As a matter of fact, it was my fault.” Walang gatol ang pagtanggi ng lalaki. “Ang intindihin mo na lang ay ang iyong cake. Are you a contestant, by the way?”
“I — y-yes, I am,” pag-amin niya.
“I’m sorry, nasira na ang entry mo.” Dismayado ang lalaki habang sinisipat ang cake na nakatagilid sa sahig na marmol. Baku-bako ang pagkakahati sa gitna. “P’ano ako makakatulong sa pag-aayos n’yan? I mean, saan ako puwedeng kumuha ng pan-replace d’yan?”
“H-ha? A, e, hindi na kailangan. May reserba pa naman ako. Er, nasa van. Excuse me, ipalilinis ko na ito. Baka may ma-disgrasya pa uli.” Saka lang niya naalala ang mga dapat gawin nang magmungkahi ang lalaki.
“Uh, s-sige, mister. Mauna na ako. Er, sigurado kang ayaw mong ipa-dryclean ‘yan? Ilang minutes lang naman ‘yon.” Inulit niya ang alok nang muling masulyapan ang namantsahang lapel ng blazer.
Sumikdo ang pulso ni Jasmine nang ngumiti ang lalaki. Lumitaw ang mapuputi at pantay-pantay na ngipin. May sumilip na bituin sa mga matang kulay itim.
“Madali lang remedyuhan ‘to, miss.” Habang nagsasalita, maliksing hinubad ng lalaki ang pormal na kasuotang pang-itaas.
Naging eratiko ang paghinga ni Jasmine nang lumantad ang white silk polo na perpektong lumapat sa malapad na dibdib at matipunong balikat ng may suot.
Ni hindi nabawasan ang sopistikasyon kahit nawala na ang blazer.
“Puwede pa rin naman siguro ‘to, hindi ba?” May bahagyang himig-patudyo ang tanong nito.
“Uhm, o-oo naman.” Pinilit niyang ngumiti. “S-sige. Excuse me uli. Sorry uli.” Pinuwersa niyang palakarin ang mga paa para makalayo sa magnetikong lalaki.
Pinuwersa din niya ang sarili na huwag nang lumingon dito. Dahil nangangamba siya na baka mahigop na siya ng buung-buo ng malakas na personalidad nito kapag hindi pa nagdumaling lumayo!
Nagulat ang driver nang mamataan siyang humahangos pabalik. “O, ma’am! Am’bilis n’yo naman. May nakalimutan ba kayo?” Pumanaog ito buhat sa driver’s seat upang buksan ang pintuan sa likod ng refrigerated van.
“Nadisgrasya ang cake na kinuha ko kanina, Mang Dorong,” paliwanag ni Jasmine. “P’wede hu bang magpatulong? Pakibuhat n’yo na ho ang cake sa backstage.”
“Aba, oo naman.” Maliksing tumalima ang matandang drayber. “Ito ba ang dadalhin?”
“Oho.” Dinampot niya ang isang malaking cake box. At isang plastik bag na may lamang malilinis na basahan.
Madali silang nakabalik dahil malapit lang naman ang pinagparadahan ng van.
“Naku, ma’am, sayang naman ‘yan. P’wede bang akin na lang? Ipapasalubong ko na lang sa mga apo ko.”
“Ho? E, baka marumi na hu ‘to, Mang Dorong.” Nag-alinlangang sumang-ayon si Jasmine.
“Malinis pa ‘yan, ma’am. Kakayurin ko na lang ang icing,” giit ng matandang lalaki. “Teka’t ihahatid ko na muna ire sa backstage. Hintay lang kayo d’yan. Ako na ang bahala d’yan.”
Hindi na niya hinintay ang pagbalik ng drayber. Gamit ang wax paper na nakalatag sa loob ng cake box, maingat niyang nailipat ang nabiyak na cake.
“Naku, ma’am, sige na. Ako na lang dito,” pagtataboy ni Mang Dorong nang madatnang pinupunasan na niya ng basahan ang baytang na marmol. “Nasa work area n’yo na ang cake.”
“Okey. Salamat ho.” Maliksi siyang nagtungo sa backstage. Finishing touches na lang ang kailangan kapag nailagay na niya sa posisyon ang chocolate cake.
Dalawampung cake shops ang mga participants sa Wedding cake-decorating contest kaya parang sardinas na sa sikip ang backstage.
Ang bawat isang contestant ay binigyan ng sari-sariling cubicle na yari sa telon. May kanya-kanya ring bantay na buhat sa mga organizers, para may privacy ang bawat disenyo.
Ang concept ni Jasmine ay isang Chinese Wedding. Dinetalye niya ang gold and green dragon na pumaikot sa sampung layer.
Ang regal na ulo ay nasa ituktok ng bubong ng isang modified Chinese temple, kungsaan magkatabing nakatayo ang Chinese bride and groom.
Ang couple ay mga manikang yari sa wax kaya naging realistic ang dating. Elaborate ang traditional wedding costume kaya naging magarbo.
Gumamit siya ng espesyal na gold icing, para manatiling matingkad at mistulang tunay na ginto ang mga dekoratibong palikpik at kaliskis ng mystical dragon. Pati na rin sa dekorasyon ng mga columns at circular roof ng templo, at sa iba pang palamuting detalye.
Ang kabuuang background ay kulay pula. Ilang beses muna siyang nagtiyaga bago nakuha ang shade na gusto niya. Hindi bloody red at hindi rin dull red.
Ang mga palamuti ay cherry blossoms na may kulay dilaw at may peach. Tinernuhan niya ng mga dahon na may iba’t ibang shade ng berde para maging buhay sa paningin. Pawang yari ang mga ito sa espesyal na asukal.
Ang pinili niyang flavor ay chocolate dahil iyon ang paborito niya.
Limang talampakan ang taas at dalawang yarda ang diyametro, ang bilog na cake ay nakapatong pa sa isang lamesang de-gulong kaya ang unang layer ay kapantay lang ng balakang niya.
Iyon na lamang ang itinira niyang gagawin, bukod sa iba’t ibang finishing touches. At ang nadisgrasyang cake nga ay isa lang sa mga ‘scallops’ na nasa magsisilbing base sa ibaba. Ang replacement ay buong ingat niyang inihanay.