How do you run away from forbidden attraction? How do you stop yourself from committing a sin? How do you avoid hurting other people when you fall in love…?
Allegra is a young woman who accepted a proposal to a marriage of convenience from an older man. Inakala niyang makukuntento na siya sa isang pagsasamang ibubuklod ng paggalang sa isa’t isa.
Unfortunately, her fiance’s son returned. Lee was as sexy as hell and as tempting as sin. She felt an instant physical attraction.
Duda sa motibo ni Allegra si Lee, ang binatang anak ng mapapangasawa niya. At desididong sirain ang karakter niya para hindi matuloy ang kasal.
Ano ang dapat niyang gawin? Mayroon ba siyang dapat ipaglaban?
***
Malayo pa lang si Lee, natatanaw na niya ang nagliliwanag na bakuran at kabahayan ng Fontavista Residence.
Inihinto muna niya ang minamanehong Harley Davidson para mabistahan muna ang paligid ng matandang bahay, kungsaan siya isinilang. Doon siya nagkaisip at nagbinata.
Doon din naganap ang mga mainit na pagtatalo sa pagitan nilang mag-ama…
Lumayas siya sa poder ni Luis Fontavista nung disisiyete pa lang. Ngayon ay mahigit treinta na siya. Mahigit sampung taon na pala silang hindi nagkikita ng kanyang Papa.
Napailing si Lee. “Ano kaya ang magiging reaksiyon ni Papa ngayong umuwi ka na, prodigal son?” tanong niya sa sarili. “Matutuwa kaya o magagalit?”
Bahagyang kumibit ang isang balikat. Nakatago ang matipunong katawan niya sa ilalim ng itim na leather jacket. Nakakubli rin ang ulo at mukha niya sa suot na black helmet.
Hindi na mahalaga kung anuman ang reception na tanggapin niya. Wala naman siyang balak magtagal.
Kahapon, dumating ang buong crew at cast ng bagong pelikulang idinidirehe niya sa isang kilalang historical site na karatig lang ng San Joaquin, ang bayang pinagmulan ni Lee.
Napakalapit lang niya sa lugar na kinalakhan, kaya di-katakatakang may makakilala agad sa kanya.
“Aba, si Lee ‘to, a?” bulalas ng babaeng taga-silbi sa fastfood restaurant na pinasukan kaninang tanghali para mag-lunch. “Lee Fontavista? Ikaw nga ba ‘yan?” paniniguro pa nito. Walang kakurap-kurap ang pagtitig sa kanya.
“Oo,” tugon naman niya habang maliksing kinikilala ang kaharap. “Uh, Ester?” panghuhula niya.
Tuwang-tuwang tumango si Ester. “Oo, ako nga. Matandain ka pa rin!” papuri nito bago ang entusiyastikong pagbabalita. “Kumusta? ‘Yung kaklase nating si Isko ang nakatuluyan ko. Tatlo na nga ang anak namin, e. Ikaw ba? May asawa ka na ba?”
Umiling si Lee.
“Ha? Aba’y, di mauunahan ka pa pala ng iyong Papa?”
Nagulat siya sa narinig. Ngunit hindi na niya kinailangang magtanong para makakuha ng sagot.
“Tiyak na magiging masaya lalo ang okasyon sa inyo — ngayong umuwi ka na,” patuloy ni Ester. “Wala nang mahihiling pa si Mr. Luis. Mayroon na naman siyang isang buong pamilya. May asawa’t anak na naman siya,” dugtong pa.
Pilit na ikinubli ni Lee ang matinding pagkabigla sa balitang nasagap.
Mag-aasawa na pala uli ang kanyang Papa! Bakit hindi man lang siya pinasabihan?
O di kaya’y tinawagan man lang? Ilang ulit na rin siyang nakatanggap ng phone messages mula sa ama kapag may nais itong iparating sa kanya.
Katulad nung ipinaalam sa kanya ang tungkol sa maturity ng trust fund na ipinamana ng nasirang Lolo Lyndon Fontavista.
At ang panaka-nakang pangangailangan sa pirma niya bilang isa sa mga shareholders ng Vista Fontana Company.
Bakit hindi siya nakatanggap ng wedding invitation? Hindi naman siya naging napakasamang anak upang kaligtaang ilagay sa listahan ng mga bisita.
Maliban na lang kung may nais itago ang kanyang Papa…
Iyon ang dahilan kaya napadali ang iskedyul ng pagdalaw niya sa magulang ngayong gabi.
At mabuti na lang pala, nagmadali siya. Tila natiyempuhan niya ang isang pagtitipon na may kinalaman sa nalalapit na pag-aasawa ng ama.
Idinaraos marahil ang engagement party ni Luis Fontavista at ng nobya nito.
Muli niyang pinaandar ang luxury motorbike. ‘Sino kaya ang mapalad na babae?’ tanong niya sa sarili habang umaarangkada patungo sa tarangkahang nasa likod-bahay.
Pinili niyang doon magdaan dahil napakaraming mga sasakyan na nakaparada sa gawing harapan at tagiliran.
Hindi naman siya nahirapan sa pagpasok. Bukas ang rear gate dahil nagsilbing service entrance para sa mga caterers.
Namataan niya ang isang pandak na lalaking abala sa pagluluto ng malalaking sliced pork chop sa nagbabagang uling. Pamilyar ito kaya lumapit siya.
“Mang Gorio?”
Luminga ang tinawag. Agad ang katuwaan ng matandang katiwala nang makita siya. “Sir Lee!” ang pabulalas na pagbati. Litaw ang malalaking ngipin sa sobrang luwang ng ngiti. “Hindi namin alam na darating ka ngayon. Sinorpresa siguro kami ni Mr. Luis,” dagdag pa.
Ngumiti si Lee. Kinamayan ang kaharap at tinapik sa balikat. “Hindi alam ni Papa na darating ako ngayon,” pahayag niya. “Gusto ko sanang sorpresahin siya.”
“Gan’on ba? Kuu, matutuwa ‘yon. Maligayang-maligaya siya mula nang makilala ang magiging madrasta mo, e,” tugon ng kausap.
“Hamo’t hindi ko ipapaalam sa iba. Ako na lang at si Manang Vita ang natitirang antigo dito. Sasabihan ko na lang siya para kungsakaling makita ka’y hindi siya magugulat.”
“Maraming salamat. Buweno, iiwan ko muna kayo. Saka na lang tayo magbalitaan nang mahaba-haba.”
“Teka’t kumain ka pala muna,” pigil ng may edad na katiwalang lalaki.
“Mamaya na rin lang,” tutol niya. “Saan pala sila naroroon?”
“Sa ballroom.”
“Salamat uli, Mang Gorio. Tutuloy na muna ako sa aking kuwarto.” Iniangat niya ang bitbit na itim na knapsack, kungsaan nakalagay ang ilang pirasong damit.
“Kailangan kong magpalit. Hindi matutuwa si Papa kung dadalo ako sa ganitong ayos.”
“Pasusundan na lang pala kita ng pagkain at maiinom sa silid mo,” suhestiyon nito. “Para habang naliligo’t nagbibihis ka’y nakakain ka na rin.”
“Bahala kayo.” Muli siyang ngumiti bago tumalikod.
“Kabisado mo pa kaya?” pahabol pa nito.
“Oho naman,” salo niya, sabay kaway bago tuluyang nakapasok sa back door.
Isang maluwang na kusinang umaapaw sa dami ng mga tao at pagkain ang nabuglawan niya.
Walang nakapuna sa kanya kaya tuluy-tuloy siyang nakalapit sa service stairway na patungo sa ikalawang palapag. Maliksi siyang umakyat sa mga luma pero matibay pa ring baytang na yari sa antigong kahoy.
Walang katau-tao sa itaas kaya madali siyang nakarating sa kanyang kuwarto, na nasa dulong unahan at malapit sa tarangkahan. Doon ang pinili niyang silid-tulugan nung bata pa siya, upang mapakinggan niya ang pagdating ng kotse ng kanyang Papa tuwing uuwi sa gabi mula sa opisina.
Bagama’t hindi na niya ito masasalubong dahil gabing-gabi na, naging kasiyahan na niya ang malamang nakauwi na si Luis Fontavista.
Ngunit nang magbinatilyo na si Lee, siya na ang hinihintay sa pag-uwi. Malimit na nauuna pang umuwi ang ama sa anak.
Noon na nagsimula ang mga angilan at argumento sa pagitan nilang mag-ama. Matindi ang pagrerebeldeng dinanas ni Lee dahil bunga iyon ng pangungulilang kaytagal na kinimkim…
“Nauunawaan na kaya ni Papa ngayon ang tunay na dahilan ng pagiging sutil at suwail ko noon?” tanong ni Lee sa salaming nasa banyo, halos wala sa loob.
Sana naman, para manumbalik na nga ang kapayapaan sa tahanang ito…
Mula sa bintana ng guestroom na tinutuluyan, natatanaw ni Allegra ang maraming tao sa nagliliwanag na hardin ng Fontavista Residence.
Bumuntonghininga siya habang niyayapos ang sarili. Hindi niya maintindihan kung bakit parang may nararamdaman siyang pag-aalinlangan.
Halos isang taon siyang niligawan at sinuyo ni Luis Fontavista, bago niya tinanggap ang marriage proposal.
Isang buwan na silang magnobyo, bago siya napapayag na magdaos ng isang engagement party.
“Ayoko na sana ng marangyang pagtitipon, Luis. Sapat na sa akin ang simpleng salu-salo.”
“Sweetheart, pagbigyan mo na ako,” pangungumbinsi naman ng fiance kay Allegra. “I just want to show off my beautiful fiancee to all my friends and colleagues. Tiyak na kaiinggitan nila ako dahil napakaganda mo, my darling fiancee.”
‘At napakabata,’ dagdag niya sa sarili. Beinte singko siya, sa edad nitong singkuwenta y tres.
Sinarili niya ang isiping iyon. Ngunit nagmistula namang ulap na nakalambong sa maaliwalas sanang sitwasyon ng buhay niya.
Dapat sana ay maligayang-maligaya lang siya. Dahil sa unang pagkakataon, nagkaroon na ng taong nagmamahal sa kanya.
Ulilang lubos na siya. Kaya mula pagkabata ay sabik na siyang makatikim ng pagmamahal.
Tanging si Luis Fontavista lamang ang nakapagpadama sa kanya na mahalaga siya. Na tao rin siyang dapat irespeto kahit na isang simple at dukhang dalaga lang.
Nagkakilala sila sa isang pribadong klinika, nung ito ay magpa-executive check-up. Siya ay nagsisilbi sa kaibigan nitong doktora bilang trainee nurse noon.
Matagal nang biyudo si Luis kaya mistulang isang matandang binata lamang kung titingnan dahil mapustura at maalaga sa sarili.
Nung una’y parang ama lang ang pagtingin niya sa maginoong lalaki kaya tinanggap niya ang pakikipagkaibigang inialok sa kanya.
Alam iyon ni Luis Fontavista. “Okey lang sa akin kung gawin mo akong father figure, Allegra. Basta’t ang mahalaga sa akin ay makita kang masaya.”
“Napakabait n’yo, Mr. Fontavista. Napakasuwerte ko sa pagkakaroon ng kaibigang katulad n’yo.”
“Higit pa sa kaibigan ang pagtingin ko sa ‘yo, Allegra,” ang seryosong pahayag nito. “Sana’y magkaroon ng katugon ang nadarama ko para sa ‘yo.”
Lalong nag-umapaw ang kasiyahan ni Allegra dahil sa tinatamasang atensiyon. “Mr. Fontavista, marami pong mas karapat-dapat na babae para sa inyo. Hindi ho nababagay sa inyo ang isang mahirap na katulad ko.” Ganito ang palagi niyang sinasabi.
“Ah, Allegra, marami kang katangian na hindi ko nakita sa ibang babae. Sa unang pagkakita ko pa lang sa ‘yo, alam ko nang gusto kitang makasama habang ako’y nabubuhay!”
“M-mr. Fontavista!” Nung una’y napapabulalas siya sa tuwing ihahayag ng lantaran ni Luis ang marubdob na hangarin.
Ngunit habang tumatagal, habang nakikilala niya ang pagiging pasensiyoso at maunawain nito, unti-unti siyang nahirati sa ideya ng mas malalim na relasyon.
Hanggang sa isang araw nga ay tanggapin na niya ang kasal na ilang ulit nang iniaalok.
“Ipinapangako kong hinding-hindi kita sasaktan, Allegra,” ang taimtim na pangako ng lalaki.
“Oh, Luis, masuklian ko sana ang mga kabutihan mo sa akin,” ang ganting-pangako naman niya. “Gagawin ko ang lahat upang maging mabuti at karapat-dapat na kabiyak mo.”
Sigurado siyang magagampanan niya ang sinumpaang tungkulin kahit na wala siyang nadaramang mainit na damdamin para kay Luis dahil wala siyang kakayahang… mag-init.
Noon, iniisip niyang abnormal siya. Na isa siyang ‘frigid’, dahil nga hindi pa niya nararanasang ma-arouse. Hindi pa siya nakakaramdam ng pagnanasa kaninuman.
Kaya nakumbinsi siya ng praktikal na bahagi ng sarili na ang isang matandang katulad ni Luis Fontavista ay magiging ideal husband para sa kanya. Mahina na ang libido nito kaya madalang lamang ang mga pagkakataon na kailangan niyang gampanan ang obligasyon bilang asawa.
“Don’t worry, Allegra,” tugon ni Luis. “You shall be a perfect wife!”
“Sisikapin kong huwag kang ipahiya kahit na minsan,” pangako na naman niya.
Iyon ang nagsukol sa kanya sa sulok upang mapapayag sa pagdaraos ng isang magarbong engagement party.
Katulad rin ng hesitanteng pagpayag niyang isuot ang isang eskandalosang engagement ring.
Kinapa niya ang naturang solitaire ring sa daliring palasingsingan bago sinulyapan. Nasilaw siya nang kumindat ang sanlaksang kilatis kaya saglit na napapikit. Hindi yata siya masasanay sa mamahaling diyamante na singlaki ng butil ng mais!
Naputol ang pagmumuni-muni niya nang may kumatok sa pintuan.
“Ma’am? Ipinatatawag na po kayo ni Mr. Luis,” anang ngamol na boses-babae sa labas.
Kahit na nangangatog ang mga tuhod, mabilis siyang humakbang palapit sa pinto. Binuksan niya nang kaunti ang dahon.
“Pakisabing sandali na lang at susunod na ako, Lida,” wika niya sa katulong na halos sing-edad lang.
“Okey, ma’am.”
Isinara niya uli ang pinto matapos itong tumalikod. Sumandal siya doon at pumikit habang humihinga nang malalim.
Saan siya kukuha ng sapat na lakas ng loob upang makiharap sa maraming tao?
Hindi basta-basta ang mga panauhin na inimbita ni Luis. Lahat ay pawang kabilang sa alta sosyedad ng San Joaquin at ng mga karatig-bayan. Mga pulitiko at negosyante, na pawang may pangalan sa mataas na lipunang kinabibilangan.
A, paano ba niya napaniwala ang sarili na babagay siya kay Luis Fontavista?
Hinagod ng isang kamay ang tagiliran ng balakang upang supilin ang panginginig. Nahipo ng palad ang madulas na tela ng mamahaling evening gown.
Lumapit siya sa dressing table upang muling pagmasdan ang kabuuang anyo.
Ngunit hindi na niya makilala ang elegante at sopistikadang estranghera. May pahid na ng ekspertong make-up ang makinis na balat. Mapula at makintab ang kanyang mga labi. Ang mga talukap at pilikmata ay kumikinang naman.
Maging ang maikling buhok niya ay hindi rin nakaligtaang pakialaman ng baklang beautician na ipinasundo ni Luis upang mag-ayos sa kanya. Kinulapulan ng gel ang mga tuwid na hibla bago pinakulot nang bahagya upang tumambok.
Wala na ba ang Allegra na simple at ordinaryo…?
Sinipat niya ng isa pang pagkakataon ang hitsura bago pinuwersa ang sarili na kumilos na.
‘Kaya mo ‘yan, Allegra! Isang bagong kabanata sa iyong buhay ang papasukin mo ngayon.’
Marami na siyang napagdaanan. Marami na siyang nagawa kahit na ulilang lubos. Nakapag-aral siya dahil sa pagsisikap at determinasyon.
Wala siyang dapat ikatakot. Wala siyang dapat ikahiya. May dignidad rin siya na puwedeng ipagmalaki.
Kusang kumilos ang mga biyas niya habang unti-unting nabubuo ang nawawalang kumpiyansa. Awtomatikong tumaas ang kanyang noo at tumuwid ang linya ng kanyang mga balikat at likod.
Inisip niya ang mga papuri ni Luis sa kanya. “You are a smart and beautiful lady. Marami kang kayang gawin — kung gugustuhin mo.”
Ilang sandali pa, papalabas na siya ng guestroom. Humahakbang na patungo sa hagdanan ang mga paa.
Nauulinigan na niya ang masiglang musika na nagmumula sa ibaba. Nagsisimula na pala ang party.
Inatake na naman siya ng hiya kaya huminto muna upang bawiin ang panghihina. Naupo siya sa window seat dahil nangangatog na naman ang mga tuhod.
“Hi, miss.”
Muntik nang mahulog sa kinauupuan si Allegra dahil sa matinding pagkagulat.
“Huh! S-sino ka?” bulalas niya matapos mahagip ng mga matang nanlalaki ang isang matangkad lalaki na nakatayo sa di-kalayuan. Hindi niya ito nakita.
“Ako ang dapat na magtanong ng ganyan sa ‘yo, miss,” bawi ng anino.
Pinilit niyang lunukin ang tensiyon. “B-bisita ka rin ba dito?” panghuhula niya.
Saglit na natigilan ang tinanong. Pamaya-maya’y lumakad palapit sa kanya. Umalis sa pinagkukublihang madilim na bahagi ng maluwang na koridor.
“You could say that,” sang-ayon nito. “Ano’ng pangalan mo?”
Lubusan nang nakalantad ang kausap sa liwanag ng ceiling light. Malinaw na niyang nakikita ang makisig na kabuuan nito.
Ang klasikal at napaka-atraktibong mukha, ang matipunong katawan, at mahahabang biyas. Lalong sumeksi ang pagkalalaki nito dahil sa mahabang buhok na medyo kulot. Nagbigay ng ‘dangerous aura’ sa lalaki.
Nagulat si Allegra nang sumikdo ang puso, bago bumilis at tumulin ang pagtibok.
Aywan kung bakit biglang naghabulan ang kanyang paghinga. Gayundin ang pagdaloy ng dugo sa mga ugat. Parang gustong sumabog ng ulo niya dahil sa dami ng mga pulsong nagsabay-sabay sa pagpintig.
Sino ang lalaking ito? Bakit matindi ang reaksiyon niya rito?
“Itinanong ko ang pangalan mo, magandang binibini,” paalala ng estranghero. May pamilyar na awtoritismo ang baritonong tinig.
Bumuka ang bibig niya upang tumalima sa utos na nakalakip sa malumanay na pananalita.
“A-allegra…” sambit niya, paanas. Nanginginig ang boses.
“Allegra,” ulit ng lalaki. “Kakaibang pangalan, pero bagay na bagay sa isang babaeng di-pangkaraniwan.”
Hindi nakontrol ni Allegra ang pagsirit ng bawal na kasiyahan sa kanyang kalooban. “M-matamis ang dila mo,” sambit niya.
Ikiniling ng kaharap ang ulo bilang pagsang-ayon. “Sa pagkakataong ito, tutoo ang mga sinabi ko, Allegra,” sambit naman ng makisig na nilalang. “Napakaganda mo,” dagdag pa.
Napasikdo na naman ang dibdib ng dalaga. Parang hinaplos ang kalooban niya dahil sa masuyong pagsambit sa pangalan niya. Talagang napakalakas ng panghatak ng lalaki sa kanyang katinuan.
“M-maraming salamat,” tugon niya.
“Ako nga pala si Lee,” pagpapakilala ng lalaki. “Puwede bang ako na lang ang maging escort mo sa gabing ito?”
“H-ha?” Aywan kung bakit naumid ang dila niya. Para bang may pumipigil sa kanya na banggitin si Luis…
Walang kakurap-kurap ang pagtitig ni Lee sa babae. Paano’y kakaiba ang panghalina nito gayong hindi naman gaanong ispektakular ang anyo at kasuotan.
Maikli ang buhok. Balingkinitan ang katawan. Katamtaman ang taas. Morena ang kulay ng makinis na balat. Hugis-puso ang mukha. Malalaki ang mga mata. At manipis ang mga labi.
Sa kanyang trabaho bilang isang film director, marami siyang nakakasalamuhang magaganda at seksing babae. Marami na din siyang naka-relasyon sa mga iyon.
Ngunit ngayon lang siya nakaramdam ng biglang pagsirit ng pagnanasa. Napakalakas. Buo ang puwersang nagtutulak sa kanya na yakapin at halikan ang babae.
Para bang sa isang iglap lang ay naging alipin na agad siya ng init ng laman. Handa na agad sumamba sa paganong altar ng isang estrangherang diyosa…
Iwinaksi ni Lee ang pantastikong pangitain. Hindi pa siya naging garapal at magaspang sa larangan ng pisikal na pag-ibig. Gusto niyang isipin na isa siyang maginoo, kahit na ang hangarin ay makamundo lang.
Bahagyang kumunot ang noo ni Lee nang mapunang hindi sinasagot ng babae ang alok niyang maging escort nito.
“Are you with somebody, Allegra?” tanong niya.
Halatang natataranta ang babae nang tumango. Medyo pautal pa nga ang pagsasalita nito.
“Uhm, y-yes…” Umiwas agad ito ng tingin matapos masulyapang nakatutok ang mga mata niya sa mukha nito.
Namangha si Lee nang mapanood ang unti-unting pagpula ng mga pisngi ni Allegra. Sa daigdig niya, kungsaan pawang mga peke ang mga ekspresyon, nakakagulat ang mga natural na reaksiyon.
“You’re blushing,” sambit niya. Hindi niya ikinubli ang pagkamangha.
Hindi tumugon ang babae. Tumindig ito. Tila puno ng agitasyon ang buong katawan. Sinasakal ng mga daliri nito ang hawak na black-sequined evening bag.
“Uhm, n-nag-uumpisa na raw ang party,” anito. Medyo paos na ang tinig. “M-mauuna na ako sa ‘yo.”
“In short, ayaw mo akong maging escort?” tanong pa niya gayong obvious na nga ang pagtanggi nito sa company niya.
Napilitang umiling ang babae. Nangungusap ang pagkalito sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya.
“Why, Allegra?” patuloy niya. “Was I too strong for you? Masyado ba akong naging presko?”
Sunud-sunod uli ang pag-iling ni Allegra. “N-no. H-hindi naman,” ang pautal na tugon ng tinig na medyo nanginginig.
“P-pasensiya ka na…” dugtong pa habang akmang tatalikod na sa kanya.
“Sandali.” Maagap niyang hinawakan ang isang siko ni Allegra. Naramdaman niya ang pagpitlag nito, kahit na may proteksiyon ng madulas na tela ang biyas.
“B-bitiwan mo ako.” Talagang nanginginig na ang tinig nito habang tarantang nagpupumiglas.
Agad naman niya itong binitiwan. “Hey, relax. I won’t hurt you. Wala kang dapat ikatakot sa akin,” pang-aalo niya. “In fact, I’m attracted to you. Gusto kita, Allegra.”