The Borrowed Husband-1

Natasha was stranded when her fiance faked their marriage and ran off with her money.

Jake was looking for his lost wife of ten years.

Their fates were similar but with different circumstances.

Natasha wanted to have a child and she chose a good man, Jake.

Jake could not say ‘no’ to her. Maybe because she was the first woman to awaken his desire, since his wife?

The agreement was for five days. When it was time, they would go their separate ways…?

CHAPTER ONE:

“NATATAKOT ako, Jake.”

“Huwag kang matakot, Celia.” Hinaplos ng isang palad ni Jake ang isang braso ng kasintahan bago kinawit ang maliit na beywang para mapasandal ang malambot na pisngi sa malapad na dibdib.

“Hindi kita pababayaan.”

“H-hindi ako mapapatawad nina Mama at Papa.” Tumukod ang mga palad kaya nakakawala si Celia buhat sa maluwang na pagkakayapos ni Jake.

“Pakakasalan kita, Celia. Mahal na mahal kita.”

“A-alam ko, pero ayaw nila sa ‘yo. Tutol sila sa pagmamahalan natin, Jake.”

“Wala na silang magagawa kung kasal na tayo, Celia.”

“H-hindi nila kikilalanin ang kasal natin, Jake.”

“Legal ang huwes na magkakasal sa atin, Celia. Pareho tayong nasa hustong edad.” Beinte singko si Jake at beinte dos si Celia. Wala nang makakapigil sa kanilang pagpapakasal.

“P-pero–”

Click Here – LADY ROMANTICA TABLE OF CONTENT

“Oh, Celia, huwag mong sabihing magbabago pa ang isip mo?” Muling niyapos ni Jake ang kasintahan.

“Mahal na mahal kita!” Ginawaran ng masusuyong halik ang mga mata at ilong bago inangkin ng buong alab ang mga labi.

“M-mahal na mahal din kita, Jake–pero natatakot ako sa mga magulang ko!” ang pabulalas na pahayag ni Celia makalipas ang maraming mahahabang sandali.

“Wala kang dapat ikatakot, mahal ko. Hinding-hindi kita pababayaan, Celia.”

“B-baka mapatay ka nina Itay, Jake. Nag-aalala ako sa kapakanan mo.”

“Hindi nila magagawa ‘yon sa ama ng magiging apo nila.” Sinadyang bahiran ng himig-pabiro ang tono ni Jake upang gumaan ang atmospera.

“Huwag ka nang mag-alala nang husto, Celia. Hihingi ako ng tawad sa kanila para sa ating dalawa. Lahat ng hilingin nila ay gagawin ko para mapatawad nila tayo.”

“Talaga? Oh, Jake! Ngayon ako naniniwalang mahal mo nga ako!” Sumiksik sa tagiliran ng leeg ni Jake ang mukha ng katipan.

“Hindi ka pa rin ba naniniwala hanggang ngayon?” Buong paglalambing na hinaplos ng mga daliri ni Jake ang mahahabang hibla ng buhok.

“Ikaw ang buhay ko, Celia. Ikaw ang inspirasyon ko para matupad ang maraming pangarap ko sa buhay.”

“Aalis ka pa rin ba? Iiwanan mo ako?”

“Oo, Celia. Kailangan kong umalis para makaipon agad tayo. Sandali lang naman ang dalawang taon.”

“Pero ayaw kong maiwanang mag-isa, Jake. Baka kung ano ang gawin sa akin nina Itay.” Muling bumadha ang matinding takot sa magandang mukha ng kasintahan.

“Hindi ka nila sasaktan, Celia. Ako ang bahala. Kakausapin ko sila. Ipagtatanggol kita sa kanila. Isa pa, wala na silang karapatan sa ‘yo sa sandaling maging asawa na kita,” ang mahabang pahayag ni Jake.

“Ipagtatanggol mo ako?” paniniyak ni Celia. Nakatingala habang nakatitig sa mukha ni Jake.

“Ipagtatanggol kita kahit na kanino, Celia. Ganyan kalaki ang pagmamahal ko sa ‘yo.”

“Oh, Jake, salamat! Mahal na mahal din kita!” Muling humigpit ang pagkakayapos ni Celia.

“Ano’ng oras nga pala tayo magpapakasal?” Medyo ngamol ang boses dahil nakadikit ang bibig sa balat ni Jake nang magsalita.

Gumanti ng yakap si Jake habang sumusulyap ang mga mata sa labas ng munting kuwadradong bintana.

Iniayos niya ang posisyon ng katipan. Marahang inihiga mula sa pagkakasandal sa pinagpatung-patong na unan.

“Matulog ka na muna, Celia. Mamayang ala una pa ang appointment natin sa huwes,” ang masuyong bulong ni Jake habang hinahagkan ang isang teynga.

“Huwag mo akong iiwan, ha?” anas ni Celia. Halatang nag-aagaw-antok na ang ngamol na tinig.

“Oo, mahal. Hindi kita iiwan,” pangako ni Jake.

Isang mumurahing motel ang pinuntahan ng magnobyo kagabi. Doon sila nagpalipas ng magdamag matapos magtanan.

Isang makitid na katreng may bukul-bukol na kutson ang naging saksi sa pagsasalo ng dalawa sa mainit na pag-ibig.

At isang payak na entresuwelo sa Vasco naman ang magiging pansamantalang pugad nila kapag nakasal na.

Mananatili muna doon si Celia habang bumubuno ng dalawang taon sa Dubai si Jake, bilang engineer.

Kung tutuusin, hindi naman kahiya-hiya ang katayuan ni Jake. Isang lisensiyadong civil engineer at may naghihintay na magandang posisyon sa isang Dubai-based construction firm.

Ngunit minamaliit siya ng mga magulang ni Celia dahil ang kumakaribal ay isang mayamang negosyante ng kopra sa probinsiya.

Ang iniregalo ay bahay at lupa, puhunan sa tindahan, at mga mamahaling manok na pansabong.

Samantalang si Jake ay maghihintay pa ng dalawang taon bago makabili ng bahay at lupa.

Kailangan pang mag-renew ng isa pang two-year contract para makapagpundar ng sariling negosyo.

At malamang na hindi magkaroon ni isang manok na pansabong dahil walang kahilig-hilig sa pagsasabong.

Kaya nga itinanan na lamang ni Jake ang nobya. Siguradong matatalo siya sa paligsahan ng paramihan at pagarahan ng regalo!

Nakatulugan ni Jake ang pag-iisip. Nagising siya nang may kumatok sa plywood na pinto.

“Tapos na ang shorttime! Magdadagdag na kayo ng bayad!” Naulit ang hiyaw na iyon nang kumatok sa iba pang pintuan.

“Unggh, ano daw?” Naalimpungatan si Celia mula sa pagkakahimbing.

“Ssh, wala ‘yon. Matulog ka pa. Maaga pa,” bulong ni Jake.

“Ano’ng oras na ba?” Bumago ng posisyon si Celia habang paungol na nagtatanong.

“Alas…” Marahang hinila ni Jake ang kaliwang braso. Namanhid na ang biyas dahil nakayapos sa babae habang natutulog. Sinulyapan niya ang relong panggalang.

“Nuwebe. Alas nuwebe diyes pa lang.”

“Ano? Tanghali na pala!” Biglang bumalikwas ng bangon si Celia. Natatarantang dinampot ang mga damit na nakatiklop sa ibabaw ng silya. Nagbihis agad.

“Bakit hindi mo ako ginising agad?”

“Bakit? May pupuntahan ka ba ngayon?” taka naman ni Jake.

“Papasok ako sa trabaho.” Tumayo si Celia para maibutones ang pantalong maong. Tapos na agad isuot ang mga underwears.

“Hindi ba’t naka-leave ka ngayon? Magpapakasal tayo mamayang hapon,” paalala ni Jake.

Biglang napahinto si Celia. Nanlalaki ang mga mata nang humarap sa kanya.

“O-oo nga pala!” Pabulalas. “Sorry, Jake. Nakalimutan ko!”

Napamaang si Jake. “Nakalimutan mo na agad?!”

“I’m sorry talaga,” ulit ni Celia. Pabagsak na naupo sa katre. “Ano’ng oras ba tayo magpapakasal?”

“Ala una pa.” Sinimulan na ni Jake ang pagbibihis. “Pero puwede na tayong lumabas ngayon–para makakain muna tayo bago magpunta sa city hall.”

“Sige.” Ipinagpatuloy ni Celia ang pag-aayos sa sarili. Ginamit na panghilamos ang isang panyong isinawsaw sa pitsel na may lamang tubig.

Isang puting bimpo naman ang ginamit ni Jake. Binasa ang isang dulo para ipamunas sa mukha, batok at leeg.

Makalipas ang labinlimang minutong katahimikan, kapwa na sila nakabihis at nakaayos.

“Ganito na lang ba tayo pupunta sa huwes?” usisa ni Celia. “Hindi na ba tayo magpapalit ng damit?”

“Siyempre, hindi.” Ngumiti si Jake bago ginawaran ng magaan na halik ang makinis na pisngi ni Celia.

“Dadaan tayo sa isang department store pagkatapos nating kumain ng almusal.”

“Ibibili mo ako ng bestida?” Namimilog ang mga mata ng katipan. Parang musmos na bibigyan ng regalo.

“Oo.”

“Akala ko ba, naubos na ang pera mo sa pagbabayad ng placement fee?”

“May nakalaan para sa pagpapakasal natin, Celia,” paliwanag ni Jake. “‘Lika na, baka tanghaliin na nga tayo.”

“Naglaan ka rin ba ng pera para sa wedding rings natin?”

“Oo naman.”

Lumuwang ang ngiti ni Celia. “Wala na talagang atrasan, ha?”

“Wala na, Celia. Magpapakasal na talaga tayo.”

“Tiyak na magagalit sina Itay.” Muling nabawasan ang kasiyahan ni Celia nang maalala ang mga magulang. “Nakakatakot silang magalit, Jake.”

“Wala kang dapat ikatakot sa kanila. Nandito lang ako.”

“Pipilitin kong huwag matakot, Jake,” pangako ni Celia, pero nanginginig ang boses.

“Magpakatatag ka lang. Palagi mong iisipin ang pag-ibig ko para sa ‘yo.” Pinagdaop ni Jake ang mga palad nila.

“Magpakatapang ka para sa atin, Celia. Dalawang taon lang akong mawawala.”

“Oo, Jake. Pipilitin ko.”

“Salamat, Celia.” Buong pagsuyong hinalikan ni Jake ang mga labi ni Celia.

Makaraan ang mahigit tatlong oras, isa na namang masuyong halik ang iginagawad ni Jake sa sulok ng bibig ni Celia.

Nasa harapan na sila ng isang nakangiting huwes na nagkasal sa kanilang dalawa.

“Maligayang bati sa inyo, Mr. and Mrs. Jake Cruz!” ang masiglang bati ni Judge Luna. Mahigit sisenta anyos na pero malinaw pa rin ang paningin at ang memorya.

“Maraming salamat po, Judge.” Kinamayan ni Jake ang matandang huwes.

“Nawa’y maging maligaya ang inyong pagsasama, mga bata.” Binendisyunan pa sila na animo isang pari. “Alagaan n’yo ang isa’t isa sa inyo, ha?”

“Opo, Judge Luna.”

Magkahawak-kamay sina Jake at Celia nang lumabas buhat sa cityhall. Magaan at maliksi ang mga hakbang. Mainit ang mga ngiti at sulyap na ibinibigay sa isa’t isa.

Kinawayan ni Jake ang isang dumaraan na taksi nang makarating sa bangketa.

Magkayakap silang nakaupo sa likuran ng taksi. At nagbulungan ng mga katagang puno ng pagmamahal.

“Bakit dito?” taka ni Celia nang makita ang lumang boarding house na tinutuluyan ni Jake. “Hindi ba’t nakalipat ka na ‘kamo ng tirahan?”

“Oo. Kukunin ko lang ang ilang gamit na naiwan,” paliwanag ni Jake. “Sandali lang ako, ‘dre,” aniya sa taksi drayber.

“Okey lang, bosing.”

“Sandali lang ako, mahal.” Inulit ni Jake ang paalam kay Celia. Hinagkan pa muna sa noo at bibig bago umibis.

At kumaway pa muna sa bagong kabiyak bago tumalikod at pumasok sa pinto ng boarding house.

Para bang iyon na ang huling pagkikita…

THE BORROWED HUSBAND-2

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age