The Borrowed Husband-11

CHAPTER ELEVEN:

“HINDI ko alam kung pagmamahal ang namagitan sa amin,” ang alanganing tugon niya.

“Ngayong nalaman ko na ang tutoong kulay ni Reymart, hindi ko na alam kung minahal ko ba siya talaga–o ginagamit lang.”

“Paano mo ginamit–?”

Nakarating na sila sa bukana ng maluwang na kapeterya. Wala pang gaanong kustomer pero lumapit agad ang isang weyter kaya hindi na nasagot ni Natasha ang kuryosong katanungan ni Jake.

“Marami pong bakante sa deck, ma’am, sir.”

Luminga si Natasha kay Jake. Nasa gawing likuran lang niya ito.

Mas matangkad ang lalaki kaya sa bibig lang umabot ang pantay na paningin niya.

Napatitig si Natasha sa mga labing pirmi ang pagkakahubog pero parang may nakatagong lambot.

Mamula-mula rin. Pantay ang kulay at walang bahid ng mantsa ng nikotina.

Walang bisyong paninigarilyo si Jake. Hindi katulad ni Reymart na patago ang paghitit ng usok…

Want to read the Start of Stories Online titled – The Borrowed Husband…? Click Here!

“Mas maganda ang view sa deck. Doon na lang tayo.”

“Kung saan mo gusto–doon tayo.”

Magkahawak-kamay na sila hanggang sa makarating sa itaas. Inalalayan siya sa siko habang umaakyat sa hagdan. Lumipat sa kamay nang naglalakad na sila.

Hindi kumakalas si Natasha dahil gusto niya ang init na ibinibigay ng magaspang na palad ni Jake.

Parang nabubura ang mga bakas ng malambot na palad ni Reymart.

Parang may nanlamig nang bitiwan ni Jake ang kamay niya upang ipaghila siya ng silya.

Laluna na nang maupo ito sa katapat niya. Nagmistulang isang karagatan ang lamesang nakapagitan sa kanilang dalawa.

“Paano mo nasabing ginamit mo lang siya, Natasha?” Pa-kaswal ang pagtutuloy ni Jake sa nauntol na pribadong pag-uusap.

Nagsalita ito nang makalayo na ang weyter, matapos kunin ang order nila.

“Treinta anyos na ako, Jake. Malapit nang mawala sa kalendaryo. Nang ligawan ako ni Reymart, sinunggaban ko agad siya dahil desperada na ako. Ayokong mahuli sa biyahe, kaya pumayag akong makipagtanan kahit na hindi na bagay sa edad ko,” ang prangkang tugon ni Natasha.

“Nagtanan din kami ni Celia,” sambit ni Jake. “Sa huwes kami nagpakasal. Kayo?”

“Peke ang kasal namin. Isang pekeng Kapitan ng barko ang nagkasal sa amin. Ang tanga-tanga ko, ano?” Tinuya ni Natasha ang sarili.

“Huwag mong sisihin nang husto ang sarili mo, Natasha,” pang-aalo ni Jake. “Natural lang sa tao ang magkamali.”

“Hindi natural sa akin, Jake. Buong buhay ko, isang masunuring anak ako. Lahat ng payo ng mga magulang ko ay sinusunod ko. Nasanay ako na may ibang taong nagdedesisyon para sa akin. Kaya siguro sinunod ko rin ang lahat ng gusto ni Reymart.”

“Ang talagang sinunod mo ay ang gusto ng puso mo, Natasha. Minalas ka lang sa pagpili ng lalaking mamahalin.”

“Unang pag-ibig, una’t huling pagkakamali.” Bumuntonghininga si Natasha bago nagpatuloy.

“Wala na. Naiwanan na talaga ako ng huling biyahe…”

Hindi nagsalita si Jake kaya lumawig ang katahimikan. Kapwa sila nakatanaw sa malayo.

Binihag ng kani-kanyang agam-agam para sa kinabukasan.

Napalis ang malamlam na atmospera nang dumating ang dalawang tagasilbi ng pagkain.

Tahimik na pinanood nina Natasha at Jake ang paghahain ng isang simpleng meryenda sa harapan nila.

Pancit bihon at kalamay sa latik, na tinernuhan ng malamig na orange juice.

“Baka may kanin pa sila. Hindi ka pa nagla-lunch, hindi ba?”

“Okey na ‘to. Mamayang gabi na lang ako kakain ng kanin.” Dinampot ni Jake ang tinidor. “Ilan nga pala kayong magkakapatid?”

“Apat. Ako ang bunso at nag-iisang babae.” Ginagad ni Natasha ang kaharap. Nagsimula na rin siyang kumain kahit walang gana.

“Lahat ba sila ay kasama n’yong nakatira sa bahay?”

“Nakabukod na silang lahat. May mga asawa’t anak na. Ako na lang ang kasama ng mga magulang ko.” Tinusok ni Natasha ang isang maliit na piraso ng kalamay pero hindi isinubo.

“Sabi nina Papa, ako raw ang bunso kaya akin daw ang ancestral house. Kung nalaman kaya ni Reymart ‘yon–iniwan pa rin kaya niya ako?”

“Hindi ko alam.” Tumitig sa kanya si Jake.

“Pero kung ako ang napangasawa mo–kahit wala kang ancestral house o anupaman–hindi kita iiwan, Natasha.”

Saglit na huminto sa pagpintig ang puso ni Natasha.

Huminto rin pati ang kanyang paghinga habang nalulunod sa malalim na pagtitig ni Jake.

Nang muling nagpatuloy ang pagtibok ng pulso, pakabog na.

Sumabay ang paragasang pagdaloy ng dugo sa mga ugat kaya parang nabingi siya.

Parang inilutang din si Natasha pero ni hindi nga siya tumitinag sa kinauupuan.

Ngunit parang may nakita siyang makulay at maliwanag, gayong nakamulat siya.

Napasinghap siya.

Pakiramdam niya, may pumana sa puso niya. Hindi niya naramdaman ang ganito kay Reymart…

“Bakit? May masakit ba sa ‘yo, Natasha?” Nag-alala agad si Jake. “Namumutla ka, a?”

Dali-daling umiling si Natasha.

“W-wala. Walang masakit sa akin,” agap niya. “May naalala lang ako. Pasensiya ka na.”

Ginagap ni Jake ang kamay niyang may hawak na tinidor. Maingat na hinugot ang kubyertos at inilapag sa tabi ng pinggan.

“Darating ang araw. Hindi ka na masasaktan kapag naaalala mo si Reymart, Natasha.”

Pinilit ngumiti ni Natasha. “Oo, sana nga.”

May sumakmal na pangamba sa utak niya.

Paano kung si Jake naman pala ang papalit sa masasakit na alaala ni Reymart…?

* * *

GUSTO na namang sipain ni Jake ang sarili.

Paano siya nakakapagsalita nang di nag-iisip? Bakit pabigla-bigla siyang magdesisyon?

Maling-mali ang tulong na inialok niya kay Natasha.

Ang isang pagkakamali ay hindi makakayang ituwid ng isa pang pagkakamali.

Ang magpanggap siyang asawa para may mukhang maiharap sa pamilya matapos iabandona ng lalaking pinakasalan ay hindi makabubuti para sa kawawang babae.

Lalo lang niyang pinahirap ang sitwasyon nito.

Lumikha lang siya ng ibang problema.

Kung tutuusi’y nakadagdag lang sa mga kumplikasyon.

Dumami ang mga tanong na dapat sagutin.

Hanggang kailan ba siya magpapanggap? Hanggang kailan siya mananatili sa piling ni Natasha bago ang pakunwaring pang-a-abandona rito?

At paano kung ito naman ang hanap-hanapin niya–sa halip na si Celia…?

A, talagang gustong sipain ni Jake ang sarili!

Parang napaso, binitiwan ni Jake ang kamay ni Natasha. Nilagok niya ang juice sa basong babasagin.

Nanunuyo ang lalamunan niya kapag napapatitig sa maamong mukha ni Natasha Villanueva.

Marami pa siyang nararamdamang kakatwa kapag napapasulyap sa mga labing malasutla at malarosas, sa mga kamay na mapuputi at malalambot, sa mga brasong may manipis na balahibo, sa leeg na malinis, at sa mga pisnging makinis at mamula-mula.

Ngayon lang uli kumabog nang malakas ang dibdib at dumaloy ng mabilis ang dugo sa mga ugat ni Jake habang nakikipag-usap sa isang babae.

Pagkatapos ng sampung taon, ngayon lang uli nakaramdam ng pagnanasa at pisikal na atraksiyon.

At sa maling babae pa!

Baka hindi na makayanan ni Natasha ang isa pang traumatic na karanasang idudulot ng isa na namang iresponsableng lalaki.

Ngunit paano niya pipigilin ang mga nadarama?

Hindi niya maaaring iwanan si Natasha.

Hindi niya kayang sirain ang pangakong binitawan dito.

Ganoon mangako si Jake. Tinutupad hanggang sa abot ng makakaya.

Kaya nga hanggang ngayon ay naghahanap pa rin siya kay Celia…

“Puwede bang magtanong, Jake?” hiling ng malamyos na boses ni Natasha.

Parang hinaplos ng mga daliring naglalambing ang gulugod ni Jake. Muntik na siyang mangaligkig.

“Tungkol saan?” Kunwa’y kalmado.

“Tungkol sa–sa asawa mo.”

Marahang nanumbalik ang normal na paghinga ni Jake.

“Sure. Ano’ng gusto mong malaman tungkol kay Celia?”

“Lahat ng mga importante.” Nakatingin ng diretso si Natasha kay Jake.

“Gusto kong tulungan ka sa paghahanap kay Celia. Maliit lang ang Maniog Island. Marami kaming mga kamag-anak sa buong isla kaya kabisado ko. Matutulungan kitang hanapin si Celia. Taga-saan ba siya sa Maniog?”

Aywan kung bakit parang may humapdi sa kalooban ni Jake.

Sa pagpiprisinta ni Natasha na tulungan siyang maghanap kay Celia–parang ipinamumukha ng babae na siya lang ang nakakadama ng atraksiyon.

“Hindi ko alam ang eksaktong kinaroroonan ni Celia,” pag-amin ni Jake, matapos kontrolin ang kakatwang reaksiyon. Pinilit niyang ngumiti.

“Ang apelyido na lang niya?”

“Villegas ang apelyido niya.”

“Villegas. Marami din ang mga Villegas dito. Huwag kang mag-alala. Makikita natin agad si Celia Villegas pagdating natin sa Maniog,” pangako ni Natasha.

Aywan ni Jake kung bakit hindi man lang sumikdo ang katuwaan sa kanyang dibdib. Abot-kamay na niya ang katapusan sa paghahanap kay Celia!

Pinilit uli niyang ngumiti.

“Salamat, Natasha.” Iyon lang ang naisip niyang sambitin. Ni hindi niya masabing natutuwa siya!

Makapigil-hininga ang pagngiti ni Natasha. Lalong tumingkad ang kariktan ng maamong mukha.

Lalo pang nabighani si Jake. Tila nailang ang babae sa pagtitig niya.

Unti-unting nabura ang matamis na ngiti. Nagbaba ng tingin upang umiwas na makipagtitigan sa kanya.

“Heto pa ang pancit. Ikaw na ang kumain. Sayang. Busog pa talaga ako. Hindi pa nagagalaw ‘yan.” Iniba nito ang paksa. Iginiya ang pansin niya para lumipat sa pagkain.

“Okey. Ako na ang uubos nito,” sang-ayon ni Jake, hindi dahil gusto pa niyang kumain.

Ang tutoo ay gusto pa niyang pagmasdan si Natasha kaya ayaw pang tapusin ang pagkain.

Isang munting lamesang pandalawahan lang ang nakapagitan sa kanila.

At para bang napakalapit ng langit…

THE BORROWED HUSBAND-12

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age