The Borrowed Husband-12

CHAPTER TWELVE:

HINDI na rin umimik si Jake nang tumahimik si Natasha. Nakuntento na siya sa panonood sa paunti-unting pagkain nito sa isang hiwa ng kalamay sa latik.

“Ano’ng paborito mong ulam?” Walang abug-abog ang pagtatanong ni Natasha.

“Sinigang. Kahit na ano, basta’t maraming gulay at tama lang sa asim at alat.”

“Pareho kayo ng Papa ko,” wika ni Natasha. Bahagya na namang umaliwalas ang ekspresyon. “Kahit na ano rin ‘yon pero ang pinakagusto niya ay sinigang na tiyan ng bangus.”

“Ako naman ay espesyal na sa akin ang sinigang na buntot ng baboy. Marunong ka bang magluto ng sinigang, Natasha?”

“Marunong din. Tinuruan ako ni Mama.”

“Mahilig ka siguro?”

Tumango si Natasha. “Isa sa mga libangan ko ang pagluluto.”

“Anu-ano ang iba pa?”

Want to read the Start of Stories Online titled – The Borrowed Husband…? Click Here!

“Paghahalaman, pag-aayos ng bahay, pananahi. Pulos pambahay lang. Hindi naman kasi ako mahilig lumabas sa amin kapag walang pasok.”

“Ano’ng trabaho mo?”

“Ako ang head accountant sa kapitolyo. Ikaw?”

“Isa akong engineer.”

“Ano’ng klase? Civil? Electrical?”

“Civil.”

“E, di gumagawa ka ng mga kalsada at mga tulay?”

“Mostly. Ganyan nga ang ginagawa sa pinagtatrabahuhan ko.” Hindi sinabi ni Jake na OFW siya.

Wala nang halaga ang bagay na iyon dahil maghihiwalay rin sila agad ni Natasha.

Ganoon ang gagawin niya. Iiwan niya si Natasha sa sandaling matagpuan si Celia.

“Saan ka ba nagtatrabaho?” Nagtanong si Natasha bago sumulyap kay Jake. Agad na bumawi nang makita ang saradong ekspresyon.

“No, ‘wag mo nang sagutin ‘yan.” Malungkot na naman ang tono.

Hindi nga sumagot si Jake.

Matamlay na ang ngiti ni Natasha. “Isa kang mabuting lalaki, kumpara kay Reymart.”

“May kapalit ang tulong na inialok ko sa ‘yo, Natasha,” paalala ni Jake.

“Atsaka, hindi ako magkakainteres na tulungan ka kung hindi kayo magka-lugar ni Celia,” dugtong pa.

“Kahit na ano pa ang motibo mo sa pagtulong sa akin, mabuting tao pa rin. Hindi mo na hahanapin si Celia kung masama ang kalooban mo, Jake.”

“Asawa ko si Celia. Natural lang na hanapin ko siya.”

“Nakakainggit si Celia,” sambit ni Natasha. May bahid ng pananaghili ang mababang tono. “Masuwerte siya dahil tunay ang pag-ibig mo.”

“Natasha, masuwerte ka din. Nakilala mo agad ang tunay na kulay ni Reymart. Hindi na siya nakilala ng pamilya mo.”

Nagbaba ng tingin si Natasha. Tuluyan nang nawala ang pakunwaring interes sa kapirasong kalamay sa platito.

“Oo nga. Tama ka diyan, Jake,” ang malungkot na sang-ayon ni Natasha.

Tumanaw ito sa malayo, kungsaan naghihiwalay ang asul na kalangitan at mangasul-ngasul na karagatan.

“Pero baluktot ba ang utak ko kung sabihin kong mas maigi sana kung nagsama muna kami bago niya ako iniwanan. Sana man lang, nagsiping muna kami. Para… para nabuntis sana ako!”

Gumaralgal ang boses ni Natasha. Sinapo ng mga kamay ang magkabilang pisngi. Parang itinatago ang mukha.

Isang bahagi sa kaibuturan ni Jake ang pumitlag. Nagkaanak kaya sila ni Celia?

Bago sila nagtanan at nagpakasal, malimit na silang magsiping noon. Mahaba at mainit ang panahon ng pagiging magnobyo nila.

Ngunit imposibleng mabuntis niya si Celia. Bukod sa umiinom ito ng birth control pills, pinapagamit pa siya ng condom. Masyadong sigurista para masalisihan.

Hindi napigil ni Jake ang pagsibol ng paghanga sa katapangan ni Natasha.

Buo ang pagkasabik na maging ina. Katunayan na may mapagmahal na kalooban.

Wala sa kalingkingan si Celia…

“Bakit ba gusto mo pang magkaanak, Jake? Puwede namang wala, hindi ba? Sa akin nga lang, kulang na kulang pa ang panahon mo. Atsaka, masyadong magastos ang magka-baby sa panahon ngayon. Sabi nina Itay, dapat kumpleto muna sa lahat bago mag-asawa–at magka-anak. Bahay at lupa, at mga kagamitan sa bahay. Dapat may ipon tayong malaki.”

“Oo naman. Kaya nga mag-a-abroad ako, hindi ba? Mag-iipon tayo.”

Malaki-laki na ang suweldo ni Jake sa construction firm na pinapasukan sa Cubao pero nag-resign siya at nag-apply sa Dubai para maibigay ang mga kondisyon ni Celia. Gustung-gusto niyang magkaanak.

Sana ay naging katulad ni Natasha si Celia…

* * *

“GUSTO kong magkaanak, Jake,” pahayag ni Natasha. “P-puwede mo ba akong bigyan…?”

Aywan kung saan nagmula ang kahilingan iyon. Basta na lang numulas sa bibig niya.

At aywan kung sino ang mas higit na nabigla sa kanila ni Jake.

Hindi nakahuma ang lalaki. Napatitig lang sa kanya.

Itinaas ni Natasha ang noo kahit gusto nang matunaw sa kinauupuan.

Lalo na lang siyang nawalan ng dignidad ngunit wala na siyang magagawa kundi ang panindigan ang nasabi na.

Tutoo naman na gusto niyang magkaanak.

“Puwede naman, hindi ba?” patuloy ni Natasha. Panakaw na sumulyap sa kaharap. Tila tulala pa rin si Jake.

“Nakahanda akong magbigay ng kahit magkano–basta bigyan mo lang ako ng anak. Ikaw ang gusto kong maging ama ng aking anak, Jake.”

“Bakit ako?” Saka lang nakapagsalita si Jake. Pamaang pa.

“Dahil ikaw ang asawa ko–kahit hiniram lang kita.”

“Hindi tamang ako, Natasha. Iiwan din kita. Mahihirapan ka lang dahil nag-iisa ka.”

“Hindi ako pababayaan ng mga magulang ko, Jake. Mamahalin nila ang magiging apo nila sa akin.”

“Pero hindi niya ako makikilala. Ayokong matulad sa akin ang magiging anak ko–hindi kilala ang mga magulang.”

“Puwede mo siyang dalawin. Hindi ko siya ipagdadamot sa ‘yo. Ikukuwento ko palagi sa kanya na mabuti at disenteng lalaki ang kanyang ama.”

Nakikita ni Natasha na unti-unti nang bumubuway ang pagtanggi ni Jake.

“Tutumbasan ko ng kahit magkano ang pagpayag mo.”

Pumakla ang ekspresyon ni Jake. “Paano mo masasabing disente ako kung puwede pala akong bilhin?” Tinuya nito ang sarili.

“Pasensiya ka na, Jake. Hindi ko gustong insultuhin ang pagkalalaki mo. Desperada na kasi ako. Alam kong hindi gan’on kadali ang sipingan ako–”

Umiling si Jake. “Nagkakamali ka, Natasha. Kung tutuusi’y napakadali ng hinihiling mo. Napakaganda mo. Madaling matutukso ang kahit na sinong lalaki.”

“M-maganda ako? Nagagandahan ka sa akin?” Siniguro ni Natasha na tama ang narinig.

“Oo.”

“Pero bakit ayaw mo–?”

“Dahil hindi madali para sa akin. May asawa ako. Huwag nating kalimutan si Celia.”

“Hindi ko siya kinakalimutan.” Tumitig si Natasha sa wedding ring na nasa kaliwang kamay ni Jake.

Gasgas at mapusyaw na ang kinang pero isang mahalagang ebidensiya ng marubdob na pag-ibig.

Sumirit ang matinding pagkainggit sa kaibuturan ni Natasha.

Sa unang pagkakataon sa buong buhay niya, parang gusto niyang mang-agaw at mang-angkin ng pag-aari ng ibang tao.

‘Hiram na asawa lang si Jake, Natasha!’ utos ng utak niya. ‘Babawiin siya ng talagang nagmamay-ari pagdating ng takdang panahon!’

“Pagdating natin sa Maniog Island, hahanapin ko agad si Celia para sa ‘yo, Jake. Pangako ‘yan.”

Nag-aalinlangan pa rin ang lalaki kaya ginagap niya ang isang kamay nito.

“Alam kong mahihirapan ka na sa pagpapanggap na maging asawa ko. Alam ko rin na gusto mo nang umatras, pero marangal ang iyong salita. At labis akong nagpapasalamat, Jake. Huwag mo sanang isipin na inaabuso ko ang kabutihan mo. Isang munting regalo lang ang hinihiling kong idagdag mo sa tulong na ibibigay mo sa akin–kapalit ng muling pagtatagpo ninyo ni Celia.”

Pumikit si Jake. Inalis siya sa paningin nito habang nag-iisip ng dapat gawin.

“Iiwan muna kita,” wika ni Natasha.

Dumilat ang lalaki nang tumitindig siya, ngunit hindi siya pinigilan.

“Mag-isip ka muna. Babalikan na lang kita maya-maya.”

Aywan kung saan kumukuha ng lakas ng loob si Natasha. Marahil ay nahihibang na siya.

Ngunit tutoo ang kasabikan niyang magkaroon ng anak…

Hindi umimik si Jake. Sinundan lang ng paningin ang paglayo ni Natasha.

Nanginginig ang mga tuhod ni Natasha. Muntik na siyang hindi makarating ang banyo.

Sumandal agad siya sa pinto nang makapasok. Nangangatal na ang buong katawan, sanhi ng delayed shock reaction.

Halos hindi makaharap sa salamin si Natasha. Hiyang-hiya siya sa sarili.

Sinabuyan niya ng malamig na tubig ang mukha para mahimasmasan. Sobra-sobra na ang pagkahibang niya.

Dapat nang kalusin.

Hindi na magugulat si Natasha kung bigla ring mawala si Jake sa buhay niya.

Dapat lang iwanan ang isang abusadang katulad niya!

Inulit-ulit niya ang paghihilamos hanggang sa maghapdi ang mga mata at mapasukan ng tubig ang ilong.

Binanlawan at piniga ang panyo ni Jake, at ipinampahid sa basang mukha at leeg.

Mga daliri lang ang nagamit na pansuklay kaya gusut ang pagkaka-ponytail ng buhok.

Hinagod ng mga palad ang kasuotan bago lumabas sa banyo.

THE BORROWED HUSBAND-13

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age