The Borrowed Husband-15

CHAPTER FIFTEEN:
 
HINDI muna nagtungo si Natasha sa pantalan ng ferry boat. Natanaw kasi niya si Jake.
 
Matangkad sa karamihan ang lalaki. Aristokratiko ang hubog ng mukha kaya madali makilala.
 
Nang matiyak na nakaalis na ang tatlong bangka, saka lang siya nagtungo sa pantalan.
 
Saka siya tumawag sa bahay nila. Sasalubungin daw siya ng ina.
 
“Kuu, madalang ang pasahero sa Mane-ug ngayon. Buti pa si Pareng Imo, naarkila.”
 
Luminga siya sa paligid. Tatlo nga lang sila. Siya ang pinakamalapit.
 
Napuna pati niya ang pagkabigkas sa pangalan ng isla. Mane-ug.
 
Kaya marahil hindi matagpuan ni Jake ang lugar ay dahil ‘Maniog’ ang ipinagtatanong at pinaghahanap.
 
“Akalain mo ba naman anak ni Pareng Islaw ang sadya. Kapitbahay ni Pareng Imo. Ayun, inarkila siya. Ka swerte!”
 
Bumaon ang mga kuko niya sa mga palad. Nagkokontrol ng emosyon.
 
Magkikita na sina Jake at–at ang asawa nito.
 
Want to read the Start of Stories Online titled – The Borrowed Husband…? Click Here!

“Hay, isang kilong bigas at isang balot na tuyo na naman ang ipakakain ko sa pamilya ko.” Patuloy sa maingay na paghihinagpis ang bangkero.
 
Pagdating sa isla, sinalubong siya ng ina. Hinalikan sa magkabilang pisngi. Umiiyak ding katulad ni Natasha.
 
“Mama, pakibayaran n’yo po ‘yung bangkero. Hindi po napuno ang bangka. Kawawa naman po siya.” Naalala uli niyang magpigil ng emosyon.
 
Madaling makaunawa ang ina. Binigyan ng halagang sobra pa sa kikitain ang bangkero.
 
“Kuu, maraming pong salamat sa biyaya!”
 
“Marami ring salamat at inihatid mo ng matiwasay ang anak ko!”
 
Naghihintay ang kanyang Papa, mga kapatid at kani-kaniyang pamilya sa mansiyon.
 
Abala naman ang mga kasambahay sa paghahanda ng pagkain. Kahit madalian ang preparasyon, nagkaroon pa din ng masayang salu-salo ang Pamilya Villanueva.
 
Walang nagtanong tungkol sa lalaking sinamahan niya. Parang nanggaling lang mula sa bakasyon si Natasha.
 
Nang tangkain niyang buksan ang paksa ni Reymart sa kanyang Mama, sinabi nitong kalimutan na nila ang nakaraan.
 
Nagtataka man nagpasalamat siya sa pang-unawa.
 
Natulog siya buong gabi at buong araw nang unang dating niya.
 
Nakalimot siya sa lahat ng sakit ng loob.
 
Nang ikatlong araw, bumangon siya na mayroong plano ng mga dapat gawin.
 
“Iha, masyado pang maaga para malaman kung lalaki o babae.” Natatawa ang babaeng doktora sa hiling niya. “May suspetsa pa lamang tayo sa ngayon na pregnant ka.”
 
Kuntento na si Natasha sa resulta ng frog test.
 
Tumawag naman siya kay Kapitan Cuesta.
 
“Oy, iha, kumusta ka na!”
 
“Mabuti po, Kapitan.”
 
“May ibabalita ako sa ‘yo. Nahuli na ng mga awtoridad ang lalaking kumuha ng pera’t mga alahas mo. Kaya lang hindi nabawi. Tinangay daw nung kinakasama niya. ‘Yung nagpanggap na ako at nagkasal kuno sa inyo.”
 
“G-gan’on hu ba?” Nabigla siya sa narinig.
 
“Tumawag nga ako diyan nung isang araw para kumustahin ka. Nakausap ko ang Papa mo. Siya pala ang Pareng Juan na sinasabi ko. Ikaw pala ang inaanak ko!”
 
“N-ninong ko pala kayo…”
 
“E, pasensiya ka na. Ikinuwento ko ‘yung tungkol sa masamang tao na nagdala sa ‘yo sa barko ko. Nagsampa na kami ng reklamo. Wala ka nang alalahanin.”
 
Pigil-hininga si Natasha habang nagsasalita ang ninong. Hinihintay na mabanggit si Jake.
 
Ngunit hanggang sa magpaalam ito, hindi nabanggit ang lalaki.
 
“Sa susunod na bakasyon ko, dadalaw ako sa Mane-ug. Kumusta na lang kina Pareng Juan.”
 
Ang sumunod na numero ay tinitigan lang niya. Saka na niya tatawagan si Jake kapag sigurado na. Kapag lumabas na ang bata…

* * *
 
 
HANGGANG ngayon, hindi pa rin nakakabawi si Jake sa sunud-sunod na pagbabago sa buhay.
 
Halos isang linggo na nung umarkila siya ng bangka na maghahatid sa kanya patungo sa kanyang ‘asawa’.
 
Ang mapusyaw na larawan ni Celia na nasa pitaka niya ay wala na. Pumalit ang babaeng hindi na niya kilala ngayon.
 
Tumaba, tumanda, at mayroong pitong anak!
 
Nakasuot ng duster na gusgusin. Ang buhok ay basta na lang inipit nang di nakasuklay.
 
“Jake? Jake, nagbalik ka! Nagbalik ka! Hinanap mo ako!”
 
Naiilang si Jake nang yapusin ng babae. Wala na ang dating pakiramdam. Ang pagsuyo. Ang pag-ibig…
 
“Celia, sandali–” Kumawala si Jake sa babae. Umatras siya ng ilang hakbang palayo dito.
 
“Hoy, babae! Bakit umiiyak si Dayunyor? Iniiwan mo kasi! Para lumandi diyan sa–sino ba ang hinahanap n’yo, ser?” Maaskad ang mukha ng may edad na lalaking pabulyaw makipag-usap kay Celia.
 
“Ako. Ako ang hinahanap niya–”
 
Isang malakas na sampal ang dumapo sa isang pisngi ni Celia.
 
“Huwag ka ngang mag-ilusyon diyan! Pito na ang anak mo, naglalandi ka pa!”
 
Hinila sa buhok si Celia papunta sa bahay na bato. Tili ng tili ang babae.
 
“‘Yung mga anak mo ang intindihin mo! Magsasabong pa kami ni Tatay Islaw!”
 
Naiwan si Jake na nakatigagal. Nakakilos lang siya nang lumapit ang isang matandang babae.
 
“Sana, hinayaan na lang namin na sa ‘yo sumama si Celia…” bulong nito.
 
Nagdumali si Jake na umalis sa lugar na iyon.
 
Nakarating siya sa bayan, sakay ng dyip. Mahaba-haba rin ang biyahe.
 
Nakapag-isip siya ng mga gagawin. Una, hahanap siya ng matutuluyan.
 
Ikalawa, ipapa-annul niya ang kasal nila ni Celia.
 
Isang computer shop na mayroong paupahang kuwarto sa itaas ang natagpuan niya.
 
Nagtatrabaho sa munisipyo ang may-ari, si Mang Ponso. Sinamantala ni Jake ang pagkakataon.
 
“Magtatanong lang ho kung maaari.”
 
“Ano ‘yon, ser? Baka alam ko kung paano kayo tulungan.”
 
“Paano hu ba nalalaman kung kasal na ang isang tao?”
 
“Para siguradung-sigurado, itanong mo sa NSO. Kapag hindi rehistrado d’on, malamang hindi naipalista ang kasal.”
 
“Luluwas pa pala ako sa Manila.” Naibulong niya nang malakas iyon.
 
“Aba, hindi na. Diyan lang sa internet, pwede na malaman. Maghihintay ka lang ng ilang araw, syempre.”
 
“Talaga ho?”
 
Si Mang Ponso mismo ang nag-query sa NSO o National Statistics Office, gamit ang isa sa mga computers sa shop nito.
 
Habang naghihintay ng ilang araw, nilibang ni Jake ang sarili sa paligid.
 
Gamit ang bisikleta ni Mang Ponso, nakarating siya sa isang burol. Natanaw niya mula sa itaas ang isang malaking bahay na nasa ibaba.
 
“Kanino hu ‘yung malaking bahay na kulay puti, malapit sa tabing dagat?”
 
“A, ‘yung Villanueva Mansion? Kay Ka Juan ‘yon. Kuu, matanda na ‘yung bahay na ‘yon. Mahigit daang taon na. Alaga lang kaya parang bago sa malayo.”

Bukod sa malaking bahay, ang malawak na bakuran sa palibot ay alaga rin ng mga nagmamay-ari.
 
“Itinayo ng mga ninunong negosyante tapos ipinamamana sa pinakabunso.”
 
Hindi na nagsalita si Jake para walang mahalata ang kausap.
 
Kinabukasan, nagbisikleta siya palapit sa malaking bahay.
 
Matiyagang naghintay sa may lilim ng punong niyog. Hindi naman siya nabigo, lumabas ng bahay ang inaabangan niya.
 
Tila lalong gumanda ang babae. Nakasuot ng duster at nakatali ng goma ang mahabang buhok.
 
Kung tutuusi’y walang pagkakaiba ang dalawang babae sa kasuotan at sa buhok. Mas maayos lang si Natasha dahil…
 
‘Oh, Natasha, mahal ko!’
 
Kahit siguro maging losyang si Natasha, gugustuhin pa rin niya ito.
 
Si Natasha lang ang babaeng nagpadama sa kanya ng pag-ibig.
 
Sabik na sabik na siyang mayakap ang babae. Pero may hinihintay pa siya.
 
Nang pumasok sa loob ng malaking bahay ang babae, saka lang siya umuwi.
 
“Narito na ang hinihintay mo, iho!”
 
Umaga. Naghahanda na naman si Jake sa pagpunta sa lugar na tinatambayan niya sa pag-aabang kay Natasha.
 
“Ang alin ho?”
 
“Nakalimutan mo na agad. ‘Yung resulta sa NSO. Negative.”
 
Parang tumama sa lotto ang malakas na sigaw ni Jake.
 
“Imbitado hu kayo, Mang Ponso. Imbitado kayong lahat!”
 
Iniwan niyang napapamaang ang lahat ng nasa computer shop.
 
Parang may pakpak ang mga gulong ng bisikleta. Sandali lang niya narating ang malaking bahay.
 
“Tao po!” Panay ang pindot niya sa doorbell habang nagta-taupo.
 
“Sino po sila…” Si Natasha ang sumilip sa tarangkahan. “J-jake!”
 
“Maari bang tumuloy?”
 
“T-tuloy ka…”
 
Napuna niya ang labis na pamumutla ng babae.
 
“B-bakit ka nagpunta dito, Jake?”
 
Minasdan muna niya ang kabuuan ni Natasha. Marami na agad ang nagbago rito.
 
Sundress na kulay puti ang suot ngayon. Hapit sa katawan. Kaya napuna niya agad ang pagyaman ng dibdib.
 
Ang mahabang buhok ay nakalugay sa likod.
 
Ang balat ay nagkulay-rosas dahil sa madalas na pagpapaaraw.

At ang mga labi… Parang hinog na prutas na naghihintay na pitasin niya.

Huminga siya nang malalim bago nagsimula.
 
“Matagal akong nakatulog. Nananaginip ako. Isang masamang panaginip.”

Kumunot ang noo ni Natasha habang nakatingin sa kanya nang walang kakurap-kurap.
 
“Dumating ka, at ako ay ginising.” Bahagyang kumibit ang balikat ni Jake.

“Hindi ako makata. Pero nang dumating ka sa buhay ko, tumingkad na ang lahat. Pinukaw mo ang damdamin kong natutulog. Ipinadama mo sa akin ang tunay na—na damdamin.”
 
Pag-ibig sana ang sasambitin niya pero natorpe siya.

Nakatitig pa rin sa kanya ang babae.

“Si Celia ay isang bangungot na binabalik-balikan ko sa loob ng sampung taon.” Dumako ang mga mata niya sa daliring palasingsingan.

Hinubad na niya ang singsing at itinapon sa dagat. Nasa barko pa lang sila ni Natasha, may desisyon na siya sa likod ng isipan.

Ipapa-annul niya ang hungkag na kasal nila upang maging malaya na uli. Maging malaya para kay Natasha…

“Ikaw ang gumising sa akin para matapos ang bangungot.”

“A-ako…?”

“Natasha, I…” Napalunok siya dahil hindi natuyo ang loob ng lalamunan.

Paano kung hindi siya magagawang mahalin ni Natasha? Dahil magkakaanak na ito at hindi na siya kailangan…

A, bahala na! Basta’t sasabihin niya ang nararamdaman niya!

THE BORROWED HUSBAND-16

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age