The Borrowed Husband-2

CHAPTER TWO:

ILANG minuto lang ang ginugol ni Jake sa pagpapaalam sa kasera at sa pagtanggap ng maingay na pagbati ng mga dating kasambahay.

Kaya gayon na lang ang pagtataka niya nang matuklasang naglahong parang bula ang taksing pinag-iwanan kay Celia.

Bitbit ang isang travelling bag, lumapit siya sa katapat na tindahan para magtanong.

“Manang, nakita n’yo ba ‘yung taksing nakaparada d’yan kanina?”

“Oo. Kaaalis-alis lang n’un, a?”

“Umalis? Kasama ‘yung nakasakay na babae?” Hindi makapaniwala si Jake.

“Hindi. Maraming nakasakay d’on.”

“Ilan ho?”

“Kundi ako nagkakamali, dalawang lalaki at isang babae ang nakasakay sa taksing ‘yon. Pawang may mga edad. Parang kinagagalitan nga ‘yung dalaga.”

“Ano’ng hitsura ng dalaga?” Parang nanlalaki na ang ulo ni Jake.

Want to read the Start of Stories Online titled – The Borrowed Husband…? Click Here!

“Mahaba ang buhok. Maganda. Nakasuot ng puting bestida.”

Si Celia nga!

“Sige ho, salamat ho!” Humangos si Jake, patungo sa labasan kungsaan dumaraan ang maraming sasakyang pampubliko.

Ngunit nang nakasakay na siya sa isang taxi, hindi niya alam kung saang direksiyon sisimulang hanapin si Celia.

Nagpahatid muna siya sa bagong tirahan para iwanan ang dalang bag.

“Saan tayo, bosing?” tanong ng tsuper.

“Sa piyer.” Iyon ang unang lugar na sumulpot sa gitna ng naguguluhang utak ni Jake.

“Okey.”

Pagsapit sa piyer, inapuhap agad ni Jake ang kinaroroonan ng barkong patungo sa prubinsiya nina Celia.

Aywan kung sa malas o sa suwerte, natagpuan ni Jake ang hinahanap.

Nakahiwalay sa karamihan ng mga taong naghihintay sa pagbubukas ng tarangkahan sa tulay na patungo sa higanteng sasakyang pantubig.

“Celia!” hiyaw ni Jake. Parang may pakpak ang mga paa niya nang tumakbo palapit.

“J-jake–!” Tatakbo sana ang babae ngunit agad na pinigilan ng ina.

Humarang naman sa daraanan ni Jake ang dalawang lalaking may edad na pero malalaki pa rin ang katawan.

“Padaanin n’yo ako,” ang matatag na wika ni Jake. “Sinusundo ko na ang asawa ko.”

“Asawa daw niya si Celia, kuya?” tanong ng isa.

“Sinungaling ang lalaking ‘yan!” singhal ng mas matanda.

“I-itay, tutoong mag-asawa na po kami ni Jake,” paliwanag naman ni Celia. “Nagpakasal po kami kanina sa huwes.”

“Walang bisa ang kasal na ‘yon dahil walang permiso ng mga magulang!”

“Nasa hustong edad na ho kami,” pakli ni Jake. “May bisa ang kasal namin ni Celia!”

“Kung gayo’y ipapawalambisa na lang namin.”

“Itay!”

“Nagmamahalan ho kami, Mang Islaw!”

Sabay na bumulalas ang bagong mag-asawa.

“Islaw, tama na ang sigawan n’yo. Pinagtitinginan na tayo ng mga tao,” saway ni Aling Maring.

“Buweno, para wala nang talu-talo–sumama ka na lang sa amin sa prubinsiya. Manligaw ka ng maayos. At ipapakasal namin kayo ng maayos!”

“Mag-asawa na kami ni Celia,” salo ni Jake. “Nakapanligaw na ako sa kanya. Nagmamahalan kaming dalawa.”

“Pagmamahal! Bubuhayin ba kayo ng pagmamahal na ‘yan!” Puno ng panunuya ang tono ni Mang Islaw. “Basta ‘yon ang kondisyon ko. Kung ayaw mo–huwag!”

“Sumunod ka na lang sa gusto ni Kuya Islaw, binata,” payo ng tiyuhin ni Celia.

“Gusto ko sana–pero wala akong maraming panahon. Sa isang linggo na ang flight namin papuntang Dubai.” Hating-hati talaga ang puso’t isipan ni Jake.

“Kung gayon, sumunod ka na lang pagkatapos ng kontrata mo,” ang nakangising wika ni Mang Islaw.

“Jake, sumama ka na sa amin,” pakiusap ni Celia.

“Oo, Celia–” Napahinto si Jake dahil biglang naalalang naubos na ang manipis na bungkos ng perang winidro mula sa bangko kahapon.

Iyon na ang huling salapi niya. Nakalaan nga sa kanyang pagpapakasal kaya ginastos na lahat.

Ibinili ng bestidang pangkasal at kambal na wedding rings.

“Susunod ako, Celia,” pangako ni Jake. Mangungutang muna siya ng pamasahe sa mga kaibigan. “Ano’ng address n’yo?”

“Kung hindi ka sasama ngayon–hindi mo na malalaman. Umalis ka na, binata!”

“Pero–”

“Wala ng peru-pero! Kung mahalaga sa ‘yo ang asawa mo–sasama ka na ngayundin!”

Hindi masabi ni Jake na wala siyang perang pambili ng tiket sa barko. Lalo lamang siyang lalaitin ng mga bagong biyenan.

“Celia, mahahanap kita. Sabihin mo ang address n’yo sa prubinsiya,” hiling ni Jake sa kabiyak.

“S-sa Maniog–” Maagap na tinakpan ng ina ang bibig ni Celia.

“Walang kuwenta ang lalaking napangasawa mo, anak! Ayaw niyang sumama sa probinsiya natin! Kalimutan mo na siya!” panunulsol ni Aling Maring.

“Maniog,” ulit ni Jake. “Pabayaan n’yong magsalita si Celia, Aling Maring.”

“Huwag mong utusan ang asawa ko, tarantado!” Tinabig si Jake ni Mang Islaw. “Pinaalis na kita! Umalis ka na! Pabayaan mo na ang anak ko!”

“Sandali lang–” Isang malakas na suntok ang dumapo sa kaliwang panga ni Jake. Liyo agad siya.

“Mang Islaw, mahal na mahal ko ang anak n’yo. Hindi ko siya puwedeng pabayaan.”

“Mas lalong hindi ko puwedeng pabayaan ang anak ko sa isang hampaslupang katulad mo. Akala mo ba, hindi ko alam kung bakit hindi ka makakasama ngayon? Aminin mo nang wala kang pamasahe, gago! Paano ako maniniwalang aalagaan mo ang anak ko? Ni pambili ng tiket sa barko ay wala ka?”

“‘Tapos, sa huwes mo lang pinakasalan ang anak ko! Wala kang kuwenta!” dagdag ni Aling Maring. Nanlilisik ang mga mata habang patuloy na nakatakip ang kamay sa bibig ng anak.

“Umalis ka na lang, binata,” payo uli ng tiyuhin ni Celia. Ito lang ang malumanay sa grupo. “Sumunod ka na lang sa Maniog Island kapag may pamasahe ka na.”

“Maniog Island?” ulit uli ni Jake.

“Doon mo matatagpuan si Celia. Kung talagang mahal mo siya, bibigyan mo siya ng isang engrandeng kasal,” dugtong pa.

“Engrandeng kasal?!” Napatigagal si Jake. “Celia?”

Tumango lang ang babae. Lumuluha na lang. Hindi na nagpupumiglas sa pagkakapigil ng ina.

“Babalik ako, Celia. Hahanapin kita!” Iyon na lang ang naipangako ni Jake matapos tanggapin sa sarili ang kawalan ng panggastos para sa isang engrandeng okasyon.

Gusto sana niyang humingi ng dispensa ngunit nawalan na ng pagkakataon.

Nang bumukas ang maluwang na tarangkahan ng barko, isa ang pamilya ni Celia sa mga nangungunang pumasok.

Wala nang nagawa si Jake kundi ang kumaway na lamang habang inihahatid ng tanaw ang papalayong asawa.

‘Maghintay ka lang, Celia. Mag-iipon lang ako. Susundan kita. Hahanapin kita!’

* * *

“MAGTATANAN tayo?!” Namimilog ang mga mata ni Natasha habang nakatitig sa mukha ng katipan.

“‘Yon na lang ang nakikita kong paraan, Natasha,” katwiran ni Reymart.

“P-pero–sa edad nating ito?” Hindi pa rin makapaniwala si Natasha.

“Hindi ba nakakahiya–?” Hesitante ang idinugtong niya.

Ginagap ni Reymart ang mga kamay ni Natasha. “Natasha, Natasha, makinig ka sa akin. Kung hindi tayo magtatanan ngayon–hinding-hindi na tayo makakasal kahit kailan. Alam mo namang kontra sa akin ang mga paryentes mo, hindi ba?”

“Wala akong naririnig na kontra sila sa ‘yo, Reymart,” bawi ni Natasha.

“Dahil hindi naman nila alam na ako ang nobyo mo,” salo ni Reymart.

“‘Yon na nga, e. Ano kaya kung magpakilala ka na sa kanila?”

“Para ano? Para maranasan ang pagmamaliit ng Mama’t Papa mo sa pagkatao ko?”

“Hindi naman kahiya-hiya ang pagkatao mo, a? Maayos ang pamilya mo. May pinag-aralan ka. Maganda ang trabaho mo,” pagtatanggol ni Natasha.

Umismid si Reymart. “At ano naman ang kahanga-hanga sa mga achievements ko?” pang-uuyam nito sa sarili.

“Hanggang third year lang ng kursong Commerce ang narating ko. Walong taon na akong junior clerk dahil wala ngang college diploma.”

“Sapat na sa akin ang mga iyon. Ang mahalaga ay ako, Reymart. Ako ang makikisama sa ‘yo,” pang-aamuki ni Natasha.

“Hindi mahalaga sa ‘yo ang damdamin ko, Natasha.” Nagbago ang tono ni Reymart. Puno naman ng pagdaramdam ngayon.

“Alam mong manliliit ako sa unang pagtuntong pa lang sa loob ng mala-palasyong bahay ninyo.”

“Oh, Reymart! May karapatan kang tumuntong doon dahil ikaw ang lalaking mahal ko.”

“Kung talagang mahal mo ako–papayag kang magtanan tayo, Natasha.” Biglang naging seryoso si Reymart.

“We’re back to square one. Para sa mga bata lang ang pagtatanan. May mga edad na tayo para magkilos-bata.”

“Sino’ng may sabing para lang sa mga bata ang pagtatanan, Natasha? Ang tutoo’y ‘yan ang solusyon ng mga nag-iibigan sa mga naghihigpit at nagbabawal,” katwiran ni Reymart.

“Pero wala namang naghihigpit at nagbabawal sa atin, hindi ba?”

“Talaga bang gusto mong masaksihan kung paano ako matahin ng iyong Mama, Natasha? Nakikita ko na ang pag-ingos ni Mrs. Nellie Villanueva sa anak ng isang dating tindera ng isda sa palengke. Pati na ang pagsipat na gagawin ni Mr. Juan Villanueva sa akin, mula ulo hanggang paa!”

“Nagkakamali ka, Reymart. Hindi ganyan ang gagawin nila sa ‘yo.”

THE BORROWED HUSBAND-3

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age