The Borrowed Husband-3

CHAPTER THREE:

“MASASABI mo ba sa akin na ni minsan ay hindi nanukat at nangmata ng kapwa ang mga magulang mo, Natasha?” bawi ni Reymart.

“Kahit nga ikaw, namimili ka rin ng mga kakaibiganin, hindi ba? Kung naging gusgusing kargador ba ako sa palengke–kakausapin mo kaya ako nung maglakas-loob na makipagkilala sa ‘yo noon?”

Walang maisagot si Natasha. Paano’y may katotohanan ang mga sinabi ng nobyo.

Wala siyang nagawa kundi ang mamutla at ilahad ang mga palad bilang pahiwatig ng pagsuko sa argumento.

“Pasensiya ka na.” Si Reymart uli ang nagsalita. Mababa na uli ang tono. “Ayokong idamay ka, Natasha, pero kailangan kong ipaintindi sa ‘yo na imposible ang gusto mo.”

Humugot ng isang mahabang buntonghininga si Natasha. Nalilito pa rin siya.

“P-p’ano kapag kasal na tayo? Hindi ka pa rin papasok sa bahay namin?”

Nagkibit ng mga balikat si Reymart. Para bang ni minsan ay hindi pumasok sa isip nito ang pagpasok sa loob ng Villanueva Mansion.

“Saka na natin pag-uusapan ang bagay na ‘yan kapag nakakatiyak na akong hindi na nila susuriin ang pagkatao ko.”

Want to read the Start of Stories Online titled – The Borrowed Husband…? Click Here!

“That’s perverted snobbery, Reymart!” bulalas ni Natasha. “Ayaw mong makihalubilo sa kanila dahil iba ang tingin mo sa kanila.”

“I’m being realistic, my dear Natasha,” salo ni Reymart.

“And I’m just using a natural defense mechanism. Bakit hahayaan kong masaktan ang kalooban ko kung puwede rin lang maiwasan?”

Napailing si Natasha. “Mali ang ganyang pananaw, Reymart.”

“Saka na natin pag-usapan ang tungkol sa bagay na ‘yan, Natasha. Ang sagutin mo ay ang tanong ko: sasama ka bang magtanan o hindi?”

Muling bumuntonghininga si Natasha. Nalilito pa talaga siya. “R-reymart–”

“Oo o hindi lang, Natasha. Kung hindi ka sasama–tapusin na lang natin ang relasyong ito,” pakli ni Reymart. Mariin ang paghahayag ng ultimatum.

“Reymart naman. Bakit pabigla-bigla ka naman?”

“Pabigla-bigla? Pareho na tayong treinta anyos, Natasha. Isang taon na lang, wala na tayo sa kalendaryo.”

“Alam ko, pero–”

“Kung hindi ka sasama, magpapaalam na ako. Goodbye, Natasha.”

“No!” Napabulalas si Natasha nang akmang tatalikod na ang nobyo.

“H-huwag mo akong iwan, Reymart.” Bumahid sa tinig niya ang takot.

Ayaw niyang manatiling dalaga habang buhay. Desperada na nga siyang magka-asawa kaya sinagot na agad si Reymart kahit hindi pa man pormal na nakakapanligaw.

Kapwa sila nagtatrabaho sa kapitolyo.

Nagpapalipad-hangin lamang ang binatang junior clerk sa tuwing nagdaraan siya sa tapat ng office desk nito papasok sa sarili niyang opisina.

Head Accountant naman si Natasha.

“Payag ka na?” Lumahad ang isang palad ni Reymart. Nagsusumamo ang mga matang malamlam at mapungay.

Halos pikit-mata, humawak si Natasha sa kamay ng nobyo.

“S-sige na nga,” ang hesitanteng sambit niya. “K-kailan…?”

“Sa makalawa. Dadalhin ko na ang lahat ng savings at mahahalagang gamit ko. Sana gan’on ka rin. Baka matagalan tayo sa pagbalik. Susubukan muna nating makahanap ng magandang kapalaran sa Maynila,” ang mahabang tugon ni Reymart.

“O-oo. Magwi-withdraw na ako bukas.”

“Makakatulong din ang mga alahas mo, Natasha,” dagdag ni Reymart. “Kung okey lang sa ‘yo,” ang maagap na dugtong.

“O-okey lang. Dadalhin ko na rin ang lahat ng mahahalagang gamit ko.” Hindi maikubli ni Natasha ang pangamba dahil iyon ang unang pagkakataong gagawa siya ng salungat sa mga sariling paniniwala.

Istrikto ang pagpapalaki ng mag-asawang Juan at Nellie Villanueva sa kanilang apat na magkakapatid. Pero mas higit sa bunso at kaisa-isang babae, si Natasha nga.

Pero hindi naman ganoon kahigpit para makaisip na magrebelde ang sinuman.

Sa katunayan, ang mga manliligaw ay malugod na tatanggapin sa mansiyon.

Medyo pihikan nga lang ang nag-iisang dalaga. At matindi naman ang inferiority complex ng mga kabinataan sa kanilang lugar.

Kaya umabot si Natasha sa edad na liyebo tres na ‘very-much-single-and-available’ pa rin.

Si Reymart Santos na lang ang tanging pag-asa para magkaasawa siya. Isang buwan pa lamang silang magnobyo.

Kung hindi siya sasamang magtanan, mawawalan na siya ng kasintahan. Tiyak na wala nang manliligaw sa kanya!

“Good girl,” papuri ni Reymart kay Natasha. Isang magaan na halik ang iginawad sa pisngi ng dalaga.

“Promise me, wala kang pagsasabihan sa sikreto natin.” Puno ng paglalambing ang utos.

Bumuti ang pakiramdam ni Natasha sa papuring tinamo mula sa kasintahan. Gustung-gusto niya kapag naglalambing na ang binata.

“Oo, Reymart. Sikreto lang natin,” pangako niya.

“Salamat. Pinasaya mo ako. Ang akala ko’y hindi mo ako mahal.” Ikinulong siya sa maluwang na pagyakap at lalo pang nilambing-lambing.

“Mahal kita, Reymart. Huwag mong pagdudahan ang pagmamahal ko sa ‘yo. Sasama na akong magtanan, hindi ba?” Parang kinukumbinsi pa ni Natasha ang kasintahan sa mga salitang tinuran.

Kung susuriin kasing maigi ang kalooban niya, nandoon pa rin ang pag-aalinlangan. Ang likas na takot sa mga magulang.

At hindi pa man nangyayari ang pagtatanan, kabang-kaba na ang dalaga dahil ngayon lang makakagawa ng kasalanan sa mga magulang sa buong buhay niya!

Tila nababasa ni Reymart ang paghahamok ng puso at ng kunsensiya ni Natasha.

Humigpit ang pagkakayapos ng mga bisig sa dalaga pero nanatiling magaan ang mga halik at masuyo ang mga salita.

“Natasha, huwag mo sana akong bibiguin. Ikaw lang ang tanging pag-asa ko para makamtan ang ligayang kaytagal na inaasam,” ang seryosong sambit ni Reymart.

“Kapag nawala ka pa sa buhay ko, hindi ko na alam kung paano ang mabuhay, Natasha.”

Labis-labis na ang pagkabulag na dinaranas ni Natasha. Paniwalang-paniwala siya sa matatamis na salitang naririnig.

Ni hindi sumagi sa utak niya na kanina lamang ay nagpaalam na ang nobyo.

At tinakot pa nga siyang iiwanan na kung hindi sasamang magtanan.

“Don’t worry, Reymart. Darating ako sa tipanan natin. Hindi kita bibiguin.”

“Salamat, Natasha.” Isang maikli at magaan na halik ang inihandog ni Reymart sa bibig ni Natasha.

“Magkita na lang tayo sa Sabado ng gabi. Linggo tayo tutulak na pa-Maynila. Puwede tayong ikasal ng Kapitan ng barkong sasakyan natin. Hindi ba’t kakaiba ‘yon? Napaka-romantiko pa! Sino sa mga kakilala natin ang nakaisip ng gan’on?”

Nangislap ang mga mata ni Natasha. Napukaw ang excitement niya.

“Talaga? Puwede ba ‘yon? Baka hindi legal?”

“Maniwala ka, Natasha. Puwede ‘yon. At legal na legal.”

“P’ano mo nalaman ang tungkol sa gan’on?”

“Nabasa ko sa isang magasin. ‘Wag mo ng itanong kungsaan dahil nakalimutan ko na. Para makasigurado, itanong natin kapag nasa barko na tayo.”

“Oo nga.” Kuntentong sumiksik sa dibdib ng katipan si Natasha.

Sinamyo niya ang malinis na amoy ng pabangong nakadikit sa balingkinitang katawan ni Reymart.

Maraming katangiang ipinagkapareho ang magnobyo. Kapwa maputi at makinis ang balat.

Gayundin ang pagka-slim ng pangangatawan. Hindi gaanong matangkad si Reymart kaya halos pumantay na si Natasha.

Parehong matangos ang ilong at mapungay ang mga mata. Makipot at mapupula rin ang mga labi.

Sa biglang-tingin nga ay parang magkapatid sila dahil halos magkamukha na.

Mas mahaba nga lang ang hanggang balikat na buhok ni Natasha. Hanggang batok naman ang kay Reymart.

“Gusto mo bang samahan kita sa bangko bukas?”

“Huwag na. Baka maabala ka pa.”

“Hindi ka abala sa akin kailanman, Natasha.”

“Mag-iimpake ka rin, hindi ba?”

“Madali lang namang iimpake ang mga gamit ko. Nag-aalala lang ako dahil may dala kang malaking halaga ng pera.”

“Walang problema d’on. Baka ipalipat ko na lang sa ATM card ang savings na nasa bankbook.”

“Gan’on ba? Matalino talaga ‘tong mahal ko.” Hinagkan siya sa noo bago marahang itinulak palayo.

“Kung gayon, ihahatid na kita sa parking lot. Baka gabihin ka sa daan. Mag-iingat ka sa pagmamaneho.”

“Oo, Reymart.” Ngayong lubos nang nakumbinsi na magtanan, parang nakalutang na sa alapaap si Natasha.

“Darating ako sa tipanan natin sa takdang alas sais sa Sabado.”

“Alas singko pa lang ay nag-aabang na ako doon, mahal ko. Goodnight.”

“Goodnight, sweetheart.” Mula sa tabing-dagat, magtatakipsilim na nang makarating sila sa parking area.

“Ingat, darling.” Kumaway si Reymart habang nagmamaniobra siya. Inihatid ng tingin ang kotse bago tumalikod para lumakad patungo sa jeepney stop.

Hanggang sa makauwi, nasa langit pa rin ang pakiramdam ni Natasha. Masayang-masaya siya habang nangangarap ng gising.

Malimit matagpuan ang sariling humuhuni ng mga love songs. Sa kanyang paningin, naging makulay ang daigdig.

Wala siyang nakikitang madilim at pangit. Ang lahat ay marikit at maganda.

Masigla pa rin ang sumpong ni Natasha hanggang kinabukasang nagtungo sa bangko.

Magaan sa loob niya ang paglimas sa lahat ng laman ng savings account na inipon sa loob ng sampung taon.

Hindi naman kasi nilustay. Inilipat lang naman sa ATM account.

Habang naghihintay sa processing ng ATM card, ipinalabas na rin niya ang mga mamahaling alahas na ilang taon na ring ipinatatago sa bank safety box.

THE BORROWED HUSBAND-4

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age