The Borrowed Husband-5

CHAPTER FIVE:

NAMIMILOG ang mga mata ni Natasha habang palinga-linga sa paligid. Mistulang musmos siya na bagu-bago pa lamang nakakakita ng maraming bagay sa mundo.

“Ay!” dahil hindi nakatingin sa dinaraanan, muntik nang sumubsob si Natasha nang matalapid.

Maagap na umalalay si Reymart. “Kaunting ingat, Natasha. Ako na ang magdadala n’yan.” kinuha ng nobyo ang pulang cosmetics case.

“Ingatan mo lang, Reymart.” awtomatiko ang paalalang numulas sa mga labi, matapos ipaubaya ang munting bagahe.

“Bakit?” taka ng lalaki. Inakalang mga pangkolorete ang laman ng magandang sisidlang kaya palaging dala ni Natasha kahit saan.

“Nandiyan ang mga alahas at ang ATM card ko.” bahagyang inilapit ni Natasha ang bibig sa teynga ng nobyo para ibulong ang napakahalagang impormasyon.

Kapuna-puna ang pagkislap ng mga mata ni Reymart. “Talaga?” yumapos ang isang bisig nito sa beywang ni Natasha.

“Bakit hindi mo sinabi agad? Nag-alala pa naman ako na baka magkulang sa atin ang dala kong pera.”

Napamaang si Natasha. Saglit na naisantabi ang interes sa bagong paligid.

Want to read the Start of Stories Online titled – The Borrowed Husband…? Click Here!

“Sorry, Reymart. Hindi ko na sinabi dahil napag-usapan na natin ang tungkol d’yan nung huling pagkikita natin, hindi ba? Nawala pati sa isip ko dahil sa sobrang excitement.”

Isang halik ang iginawad ni Reymart sa noo ni Natasha. “Hindi bale, sweetheart, nandito na tayo. At tumupad ka naman sa usapan natin. I’m sorry din kung nasumbatan agad kita. Nag-aalala lang kasi ako nang husto dahil kaunti lang ang savings ko–kumpara sa naipon mo. Unang-una, mas malaki ang sinasahod mo at kaunti lang ang mga gastusin dahil nasa poder ka ng iyong mga magulang.”

May himig-pasumbat pa rin ang mga pananalita ni Reymart kahit nag-apologize na, kaya napapamaang pa rin si Natasha.

“Reymart, magiging mag-asawa na tayo kaya hindi na mahalaga kung sino ang mas malaki ang sinasahod at kaunti ang ginagastos. Ang mahalaga na lang ngayon ay magkasama na tayo. Importante sa akin ang pagtatagumpay ng pagtatanan natin. Ibig sabihin, kaya ko nang umalis sa poder ng mga magulang ko.”

Nagkaroon ng bahid-panunuya ang ngiti ni Reymart.

“Baka naman kapag dumaranas ka na ng hirap sa poder ko—iwanan mo na lang akong bigla para bumalik sa mansion ng Mama at Papa mo?” pambubuska nito. Parang may himig ng pagkainggit.

Napakunot-noo si Natasha. Napatitig muna sa maputing mukha ng nobyo.

“Bakit ganyan kang magsalita, Reymart? May ikinagagalit ka ba?”

Agad na umiling si Reymart.

“Walang kuwenta ang mga sinasabi ko, Natasha. Pasensiya ka na. Naiinggit lang siguro ako dahil mayaman ka–at mahirap lang ako. Kailanman, hindi mo naging problema ang pera.”

Agad na ngumiti si Natasha. Tinanggap agad ang apology ng nobyo upang hindi na humaba ang hindi magandang paksa na tungkol sa hindi pantay na estado nila sa buhay.

“Reymart, magmula ngayon—kung ano ang meron ako ay iyo na rin. Huwag kang mahihiyang magsabi ng pangangailangan tungkol sa pera. Marami akong dala. Lahat ng savings ko ay nasa ATM card. Basta mag-ingat lang tayo sa paggastos, hindi agad-agad mauubos ang malaking naipon ko.”

“Isi-share mo rin ba sa akin ang pin number mo?’ tanong ni Reymart, sa tonong nanunubok.

“Oo naman. ‘Lika na. Balik na tayo sa kuwarto natin. Gusto ko nang magpahinga. Hindi ako masyadong nakakatulog buhat ng bumiyahe tayo.”

Naisip ni Natasha na yayain nang magpahinga ang nobyo para matapos na ang diskusyon tungkol sa pera.

Ang gusto niyang pag-usapan ay ang tungkol sa pagpapakasal nila, ngayong nakapagtanan na.

“Ano’ng oras ba natin puwedeng kausapin ang Kapitan ng barko?” tanong niya habang naglalakad sa makipot na koridor, patungo sa kinaroroonan ng kanilang kabino.

“Ikaw na lang muna ang magpahinga, Natasha. Ako na lang ang bahalang makipag-usap sa apitan ng barko,” tugon ni Reymart.

Malumanay na uli. Masuyong nakaakbay ang isang kamay sa balikat ni Natasha.

“Pero–teka, hindi ba’t kailangan pa nating kumuha ng lisensiya bago magpakasal?” napahinto sa paglalakad si Natasha nang maalala ang isang importanteng detalye sa panibagong kabanata ng buhay.

Hinaplos ni Reymart ang isang pisngi ni Natasha bago tumugon.

“‘Wag mo nang alalahanin ang mga bagay na ‘yon, sweetheart. Nakaayos na ang lahat. Ang kailangan mo na lang gawin ay magbihis at magpaganda–pero magpapahinga ka muna, siyempre. Baka puwede na si Kapitan dahil malapit na tayo sa Maynila.”

Agad na bumukal ang kaligayahan sa dibdib ni Natasha. Matutupad na ang pangarap niyang makapag-asawa!

“Salamat, Reymart,” sambit ni Natasha. Halos mapaluha na sa matinding kasiyahan. “Napaka-thoughtful mo!”

“Pumasok ka na, Natasha. Mag-beauty rest ka na,” wika ni Reymart nang mabuksan ng dalang susi ang makitid na pintuan ng kabino.

Nasa second-class section sila kaya maliit lang ang ispasyo ng tulugan at gayundin ang banyo.

Di hamak na mas malaki pa ang linen closet ng kuwarto ni Natasha sa mansiyon ng mga Villanueva.

Pero balewala kay Natasha ang mga malalaking pagkakaibang napupuna.

Dapat na siyang magsanay na wala na ang karangyaang naging kakambal buhat nang isilang.

“Okey, Reymart,” sang-ayon ng dalaga. “Matutulog ako ng mga dalawang oras, pagkatapos ay maliligo at magbibihis na ako.”

“Gawin mo ‘yan, Natasha. In the meantime, sa labas na muna ako. Aabangan ko ang bakanteng oras ng Kapitan.”

Tatalikod na sana si Reymart nang mapuna ni Natasha ang bitbit nitong pulang cosmetics case.

“Sweetheart, iwanan mo na ‘yan,” pahabol niya. “Baka makaligtaan mo pa ‘yan sa pupuntahan mo.”

“Naku, sorry. Nakalimutan kong bitbit ko pa rin pala ‘yan.” bumalik uli si Reymart sa loob ng kabino. Binitawan sa ibabaw ng lamesa ang cosmetics case, malayo sa kinaroroonan ng katreng pandalawahan.

Humingi ng dispensa si Reymart ngunit aywan kung bakit ang nakuhang impresyon ni Natasha ay parang nayayamot ito.

Paano’y ni hindi na sumulyap sa gawi niya ang katipan hanggang sa makalabas at maisara na nito uli ang pinto.

Napa-buntonghininga na lamang ang dalaga. Unti-unti na niyang nararamdaman ang mga munting hirap ng pakikisama sa isang lalaking makakasama habambuhay.

Pero hindi natitigatig si Natasha. Nakahanda siyang magtiyaga para maging matagumpay at matiwasay ang kanilang pagsasama ni Reymart.

Sa kabila ng pagka-sumpungin paminsan-minsan, humahanga siya sa pagka-maginoo ng nobyo.

Nakahandang maghintay ng kasal bago sumiping sa kanya. Bihirang lalaki ang marunong magtimpi.

Ang mga positibong isipin lamang ang ibinaon ni Natasha nang matulog. Determinado na siyang isugal ang sariling kinabukasan alang-alang sa lalaking piniling pakasalan.

Magaan na magaan na ang pakiramdam ng dalaga, nang magising uli makalipas ang dalawang oras at kalahati.

Parang nakalutang siya nang magtungo sa banyo upang mag-shower.

Gayon pa rin kasigla at kasaya ang sumpong ni Natasha habang nagbibihis at nag-aayos ng mukha at mahabang buhok.

Katatapos lang suklayin sa ikatlong beses ang itiman at medyo kulot na buhok na hanggang balikat, nang pumihit ang seradura ng pinto.

Si Reymart ang nalingunan niyang marahan at maingat na pumapasok.

Nakatutok ang paningin nito sa cosmetics case matapos ang pahapyaw na sulyap sa katre.

Hindi napansin na nasa harapan ng tokador na nakadikit sa isang sulok si Natasha.

“Reymart?”

Kitang-kita ni Natasha ang pagkagitla ng nobyo.

Bahagya pa ngang namutla nang mamataan siya. Para bang isang musmos na nahuling nagtatangkang mang-umit…

“K-kanina ka pa ba gising?” Pautal ang pagtatanong ni Reymart.

“Medyo.” Isinenyas ng mga kamay ang kabuuan, partikular na ang puting bestida na animo isang gala dress.

“Ayos na ba para sa ‘yo ang kasuotan ko? O gusto mong magpalit ako ng ibang damit?”

Mabilis at sunud-sunod ang pagtango ni Reymart, matapos ang maliksing paghagod ng paningin sa kabuuan ni Natasha.

“Ayos na ‘yan.” kalmado na uli. “Siyanga pala, may magandang balita ako sa ‘yo,” dagdag pa.

Maluwang ang ngiting nasa maninipis na labi.

“Ano ‘yon?” Humakbang si Natasha palapit sa kinatatayuan ng lalaki.

Gusto sana niyang yumakap pero napunang umatras at humakbang palihis sa direksiyon niya, kaya nagkasya na lamang sa pagngiti nang matamis.

“Nakausap mo na ba ang Kapitan ng barkong ito?”

“Higit pa d’on, Natasha,” sang-ayon ni Reymart. Abot-teynga pa rin ang ngiti.

“Romantiko ding katulad natin si Kapitan Cuesta. Tuwang-tuwa siya dahil tayo ang unang pareha na humiling na ikasal sa kanyang barko. Bilang wedding present, si Kapitan Cuesta na mismo ang pupunta dito para ikasal tayo. Wala na raw mas romantiko pa sa isang very private at very intimate wedding ceremony, ayon sa kanya.”

“Oh, Reymart! Napakaligaya ko ngayon!” Napabulalas sa matinding kaligayahan si Natasha.

“Salamat!” Nagpasalamat siya dahil tinupad ng nobyo ang matagal nang pangarap.

At sinira ang matagal nang bangungot.

Kinatatakutan niya nang lubos ang maging isang matandang dalaga na lamang habambuhay.

Sabik na sabik na siyang magkaroon ng sariling pamilya. Gustung-gusto na niyang magkaanak.

THE BORROWED HUSBAND-6

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age