The Borrowed Husband-7

CHAPTER SEVEN:

“SUWERTE mo, bosing. Hindi pa umaalis ang M/V Carmina II. Isa ‘yan sa mga barkong bumibiyahe patungong Zamboanga,” ang masiglang pahayag ng taxi driver habang maliksing nagmamaniobra sa mga nakakalat na kumpol ng mga pasaherong naghihintay sa palibot ng malawak na piyer.

“Salamat, ‘dre. Heto’ng bayad ko. ‘Wag mo ng suklian.” Iniabot ni Jake ang dalawang malutong na tigli-limang daan.

“Salamat din, bosing! Gusto mong samahan kitang bumili ng tiket?”

“‘Wag na. Alam ko na ang bilihan ng tiket.” Nakangiti si Jake nang tumanggi.

“Ituloy mo na ang pamamasada para makarami ng iuuwi sa pamilya,” dugtong niya, bilang paalam.

“Saludo ako sa bait mo, bosing! Sana’y makita mo na ang hinahanap mo.” Sumaludo ang tsuper bago isinara ang pinto.

“Sana nga,” wika ni Jake sa sarili.

Isinukbit niya sa isang balikat ang malaking travelling bag na kulay itim bago humakbang sa direksiyon ng ticket booth.

* * *

SAMANTALA, nagkamalay na si Natasha.

Want to read the Start of Stories Online titled – The Borrowed Husband…? Click Here!

“R-reymart…?” Ang pangalan agad ng asawa ang numulas sa bibig na nanunuyo.

“Reymart?” Kahit nanlalabo pa ang paningin, iginala na agad sa paligid.

Nang walang maapuhap na hugis ni Reymart, inut-inot na bumangon si Natasha.

Parang punum-puno ng bulak ang loob ng bao ng ulo niya.

Pero ang mga buto sa katawan ay parang naging bakal dahil napakabigat ng pagkilos.

Pasuray-suray ang paghakbang, nakarating si Natasha sa banyo. Nakita niya sa salamin ang namumutlang mukha at namumulang mga mata.

Nagmumog siya dahil mapait ang panlasa sa loob ng bibig.

Nakalas na ang mga munting ipit sa buhok kaya nagulo at buhaghag ang mga hiblang itiman.

Kahit na nanginginig ang mga daliri, pinilit niyang i-pony tail iyon upang mabawasan ang pagka-untidy ng anyo.

Nagpahid rin ng kaunting pulbo at manipis na lipstick upang maibalik ang normalidad.

Para bang sa likod ng utak ni Natasha, ‘alam’ na niya ang masaklap na sitwasyong kinasadlakan…

Mabibigat pa rin ang mga hakbang ni Natasha nang lumabas sa banyo at lumapit sa kinaroroonan ng closet.

Halos walang lakas ang mga daliri niya nang hilahin pabukas ang makitid na pinto.

Kakatwa ang kawalan niya ng reaksiyon, ngunit hindi na talaga nagulat si Natasha nang walang makitang pulang cosmetics case.

Para bang inaasahan na niyang mawawala iyon.

Pati na ang mismong maleta ni Reymart.

Parang tumanda ng tatlumpung taon, latang-lata si Natasha nang marahang naupo sa katre.

Hukot ang mga balikat. Baluktot ang linya ng likod. Yuko ang ulo.

Aywan kung gaano katagal siyang nakatitig lang sa mga palad na animo ibinabad sa suka.

Para siyang inihulog sa isang napakalalim na balon.

Na-blangko ang utak. Nahungkag ang kalooban.

Nakaahon lamang si Natasha nang may kumatok sa pintuan ng kabino.

Napapitlag muna dahil nagitla sa biglang pagkabasag ng nakabibinging katahimikan.

Ngunit dagling sumibol ang pag-asang binhi ng hibang na ilusyon.

“S-si Reymart–!” bulalas ng paos na tinig ni Natasha.

“Bumalik si Reymart!” Humangos siya sa pagtindig at paglakad patungo sa pinto.

“Reyma–”

“Good evening po, ma’am.” magalang na yumukod ang isang lalaking nakasuot ng simpleng uniporme.

“Pasensiya na po, naistorbo ang pamamahinga ninyo. Nais lang po naming ipaalam sa inyo na dadaong na po sa Manila Pier ang M/V Carmina II sa loob ng tatlumpung minuto. Kung nais ninyong makalabas agad, ipinapayo po namin na maghanda na po kayo. Mag-impake na kung hindi pa nakaayos ang mga gamit.”

Pinuwersang iwaksi ni Natasha ang pagka-groge na idinulot ng alak na ipinainom ni Reymart kahapon o kagabi?

“A-ano’ng araw na ba ngayon?” tanong ni Natasha.

Napamaang ang tinanong pero tumugon ito. “Miyerkules na, ma’am.”

“M-miyerkules?” Nabahiran ng kaunting lakas ang mabuway na tinig ni Natasha nang mapabulalas dahil sa pagkabigla.

Nakatulog siya ng isang buong araw at isang gabi? Nanginginig siya dahil sa gutom!

“Bakit po, ma’am? May problema po ba?” Nakadaklot na sa hawak na record book ang kausap.

Parang gusto nang umalis sa harapan ni Natasha pero hindi magawa dahil iginagalang ang pagka-pasahero niya.

Ipinilig niya ang ulo. “S-sorry. Pasensiya ka na. Nawawala kasi ‘yung—‘yung kasama ko dito.” Hindi masabi ni Natasha ang tutoo.

O nahihiya lamang siyang aminin na nagpaloko sa isang lalaki?

Parang nakahinga nang maluwag ang kaharap. Dali-dali nitong binuklat ang listahan ng mga pasahero.

“Hindi po siya nawawala, ma’am. Nandito po sa record namin na bumaba si Mr. Reymart Reyes sa Cebu, nung Martes ng gabi.”

“Bumaba?” hindi na naman makapaniwala si Natasha. “Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Umalis po siya dito sa barko namin–at lumipat sa iba.” Muling nagbasa sa pahina ang empleyado ng barko. “Maaaring hindi ang ruta namin ang pupuntahan niya, ma’am.”

Umiling si Natasha ngunit nanatiling umid ang dila at sarado ang lalamunan.

Isa pa, wala nang dahilan para magsalita.

Malinaw na ang nangyari. Inabandona siya ni Reymart.

At tinangay pa ang lahat ng pera at mga alahas na naipon.

Ang pinakamasaklap ay ni hindi niya maisusuplong sa mga pulis si Reymart dahil ‘asawa’ niya ito.

“Ma’am, ayos lang ba kayo? Namumutla kayo, a?” Nag-alala ang kausap niya habang nakatitig sa kanya.

Pinilit tumango ni Natasha. “O-oo. N-nagugutom lang siguro ako,” pagdadahilan niya.

“Magpapadala ako ng room service dito. Gusto n’yo, ma’am?”

Tatango sana si Natasha nang mapapatda. Biglang nag-alala na baka ni isang kusing ay wala na siya ngayon.

“Uhm, h-hindi bale na lang. Salamat sa alok mo. Mamaya na lang ako kakain.” May bahid ng pagkataranta ang tono niya.

“S-sige na. Maraming salamat na lang. Puwede mo na akong iwan. Baka marami ka pang gagawin o pupuntahan,” pagtataboy niya.

“Sige ho, ma’am. Kayo’ng bahala.” Nagkakamot ng ulo ang lalaki habang papatalikod kay Natasha. Halatang naiibahan sa kanya.

“S-sandali,” pahabol ni Natasha. Biglang may naalalang itanong.

Nakabadha sa mukha ng ship steward ang pagkabahala nang mapilitang huminto at humarap uli kay Natasha. Hindi na ito lumapit.

“Bakit po, ma’am?”

“A-ano’ng pangalan ng Kapitan ng barkong ito?”

Saglit munang natigilan ang tinanong bago tumugon. “Kapitan Lando Cuesta po, ma’am,”

Saka lang nakahinga si Natasha. Kahit paano, nagdulot ng kaunting ginhawa ang isang munting katotohanan.

Gayunman, kahit na naging tutoo si Reymart sa pagpapakasal sa kanya–ang naging katumbas naman ay ang personal na kayamanan, kinabukasan at kahihiyan niya.

Ano’ng mukha ang ihaharap niya sa pamilya? Kung hindi siya uuwi, paano niya bubuhayin ang sarili?

‘Reymart, ano bang nagawa kong kasalanan sa ‘yo? Bakit ginanito mo ako?’ bulong ni Natasha sa sarili.

“May itatanong pa po kayo, ma’am?”

Saka lang nakabalik sa kasalukuyan si Natasha nang magsalita ang kaharap.

“A, w-wala na. Salamat, salamat uli.” Tumalikod na siya at dali-daling isinara ang pinto.

Yapus-yapos ang sarili, hinanap niya ang handbag. Hindi niya sigurado, pero baka may mga barya pang natira sa kanyang pitaka.

Gayon na lang ang panlulumo ni Natasha nang matuklasang mga ‘barya’ nga lang ang laman ng leather wallet na kulay brown.

‘Paano niya bubuhayin ang sarili?’ tanong uli niya sa sarili. ‘Kailangang bumalik ako sa amin!’

Ngunit tiyak na hahanapin ng mga magulang niya ang lalaking sinamahan sa pagtatanan.

Tulak ng likas na pagiging masunuring anak, hindi maatim ni Natasha na umalis ng wala man lang iniiwanang kaunting mensahe tungkol sa mga plano sa kinabukasan.

Nagsisisi siya ngayon. Patung-patong na kahihiyan ang idudulot niya sa buong angkan.

Si Natasha lamang pala ang sisira sa maganda at matatag na pangalang Villanueva!

Si Natasha na bunso at paboritong anak.

Si Natasha na nag-iisang anak na babae.

Si Natasha na malapit nang tumandang dalaga…kaya nang lumandi ay lubus-lubos!

A, tiyak na masasaktan siya ng kanyang Papa!

At masasaktan nang husto ang kalooban ng kanyang Mama…

Isinubsob ni Natasha ang mukha sa mga palad at humagulgol ng iyak.

Biglang naglaho ang kagustuhang umuwi.

Gusto na lang niyang matunaw sa kinauupuan para mawala na lang sa mundo.

Ayaw na niyang mabuhay!

THE BORROWED HUSBAND-8

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age