The Borrowed Husband-8

CHAPTER EIGHT:

NANG humupa ang unos ng paghihinagpis ni Natasha, nakahiga na naman siya sa ibabaw ng magulong kama.

Nakatagilid at nakabaluktot.

Nakayakap sa sarili at bahagyang yumuyugyog.

Sa sandali ng matinding sakit na dinaranas, kusang naghahanap ng paraan ang katawan upang maalo ang kalooban. Nagmistulang bata siyang inihehele sa duyan.

Humihikbi na lang si Natasha nang makatulog, pero mugtung-mugto at basa pa rin ang mga mata nang magising makalipas ang maraming minuto.

Hindi siya bumangon. Walang dahilan para kumilos.

Kung puwede lang na huminto na ang kanyang paghinga…

May kumatok na naman sa pinto ng kabino. Ngunit hindi man lang natinag si Natasha.

Ni kaunting igtad. Nanatiling nakatitig sa kawalan ang mag matang binlangko ng matinding disilusyon.

Naulit ang mga katok. Mas malakas. Mas imperatibo.

Want to read the Start of Stories Online titled – The Borrowed Husband…? Click Here!

Umiral ang pagka-masunurin, napilitang bumangon si Natasha.

Mistulang robot na hindi nalalangisan ang pagkilos ng mga biyas.

Halos hindi maihakbang dahil sa paninigas, pero nakarating pa din sa pintuan.

Ang inaasahang makita ay isa na namang ship steward, ngunit isang lalaking may edad na ang nabuglawan.

Nakasuot ng isang puting uniporme na may dignidad at isang puting sumbrero na may awtoridad.

Bahagyang nakangiti ang bagong dating habang matamang sinisipat ang kanyang mukha.

Nailang si Natasha. Sinapo ng isang kamay ang isang pisngi upang maikubli ang kahit kalahati ng mukha.

“A-ano pong kailangan nila?” Paus na paos at nanghihina ang boses niya.

“Bago ang lahat, isang magandang hapon muna,” tugon ng malalim na tinig-lalaki.

“Wala akong kailangan, pero na-intriga ako dahil nabanggit ng isa sa mga tauhan ko na isang binibini ang nakakakilala sa aking pangalan.”

Bahagyang pagkamaang lang ang naging reaksiyon ni Natasha.

“S-sino po ba kayo?” ang awtomatikong tanong niya.

“Ako si Captain Lando Cuesta, binibini.”

Hindi na nakahuma si Natasha.

Paano’y nabingi na siya ng malalakas na ugong sa magkabilang teynga.

Kasabay ng muling paglamon ng karimlan sa kanyang ulirat.

Wala nang malay-tao ang dalaga nang palugmok na bumagsak sa sahig.

Nang matauhan si Natasha, nasa loob na siya ng isang kuwartong may maputing dingding at kisame.

Tinangka niyang bumangon agad.

“N-nasaan ako?” tanong niya.

Nakapikit uli dahil naliyo matapos bumagsak pabalik sa higaan.

“Nasa clinic ka ng barko, miss.” Isang nakangiting nurse ang nalingunan ni Natasha.

“Sandali lang, ha? Tatawagan ko lang si Captain Cuesta. Inihabilin niyang sabihin ko agad sa kanya kapag natauhan ka na.”

Muling iniangat ni Natasha ang katawan buhat sa pagkakahiga.

Nagtagumpay siyang makabangon nang magdahan-dahan.

Nakaupo na siya at nakasandal sa dingding nang dumating ang may edad na lalaki.

“Kumusta ang pakiramdam mo, Miss Villanueva?” May seryosong ngiti sa kulubot na mukha ng Kapitan ng barko.

Naka-pantalong puti at kamisetang puti na lang ito. Wala na ang almiradong uniporme.

“M-mabuti na po,” ang nakikiming tugon ni Natasha.

“Kaya mo na bang lumakad? May ipinahanda akong pagkain sa aking kumedor. Inaanyayahan kitang makisalo sa aking late lunch.”

Gustong tumanggi ni Natasha.

Hindi dahil sa nahihiya siya, kundi dahil mas gusto niyang mapag-isa.

Unti-unti nang humuhulas ang pamamanhid ng kanyang kalooban.

Isa-isa nang humahapdi ang mga sugat na nilikha ni Reymart.

“Huwag kang tumanggi, Miss Villanueva. Hindi ako papayag na umalis ka ng aking barko nang hindi nagpapaliwanag kung bakit ka hinimatay matapos marinig ang aking pangalan.” Nakabadha ang determinasyon sa ekspresyon ni Kapitan Cuesta.

“S-sige po,” ang napipilitang tugon ni Natasha.

Napilitan din siyang tanggapin ang pag-alalay ng may edad na lalaki habang naglalakad sila sa koridor.

Isang simple ngunit masustansiyang pananghalian ang nakahain sa munti at pribadong kumedor ng captain’s cabin.

Inihatid muna siya ng Kapitan sa banyo.

“I know you’ll want to refresh. Nandiyan sa medicine cabinet ang mga kailangan mo,” anito bago hinila pasara ang pinto.

Isang estranghera ang tumitig kay Natasha buhat sa kuwadradong salamin.

Hapis ang mukha. Humpak ang mga pisngi. Nanlalalim at nangingitim ang mga mata. Bagsak ang mga balikat.

Sa loob lang ng isang linggo, si Natasha Villanueva ay naging larawan ng isang talunan.

Pinuwersa niya ang sarili na kumilos. Binuksan ang gripo at sinabuyan ng malamig na tubig ang mukha.

Kumuha ng bagong sabong mabango na hugis-barko at kulay asul, bagong toothbrush at munting toothpaste.

Nagsabon siya ng mukha, leeg at mga braso. Sinuklay ng mga daliri ang mahabang buhok na nakalas na naman sa pagkakaipit.

Hindi niya mapapalitan ang gusot na suot na palda at blusa. Iyon ang pangkasal niya. Parehong puti pero nang mga sandaling iyon ay kulay gray na.

May kaunting kumpiyansang nanumbalik nang matapos na ang pag-aayos sa sarili.

Gayunman, sugatan pa rin ang kanyang kalooban.

Naghihintay na si Kapitan Lando sa hapag-kainan nang lumabas si Natasha.

Tumindig ito nang mamataan siya. Isinenyas ang silyang para sa kanya.

“Maupo ka, Miss Villanueva,” imbita nito. “O, maaari ba kitang tawaging ‘Natasha’?”

“Opo.” Medyo matatag na pagaw na tinig ni Natasha.

Tumangu-tango ang Kapitan. “Natutuwa akong makita na medyo maayos ka na, Natasha. Ngayon, puwede na nating pag-usapan ang tungkol sa kung paano mo nalaman ang pangalan ko. Tell me, iha, isa ka ba sa mga anak na hindi ko pa nakikilala?”

“Ho? Hindi po, Kapitan.” Maagap na tumanggi si Natasha, bago ikinuwento ang tungkol sa nobyong manloloko.

Pahapyaw lang ang pagsalaysay dahil unti-unti nang gumagaralgal ang tinig.

Ngunit sapat na ang kaunting detalyeng sinabi ni Natasha upang ganap na maintindihan ng kausap ang mga naganap.

“Hindi ko mapapalampas ang paggamit ng pangalan ko sa panloloko, Natasha. Umasa kang ipapahanap ko ang mga taong iyon upang maparusahan.”

Naantig ang kalooban ni Natasha. Hindi na niya napigilan ang muling pagdaloy ng luha sa kanyang mga mata.

“M-may kasalanan din po ako, Kapitan. Naniwala at nagtiwala agad ako. Hindi ko ginamit ang isip ko.”

“Dahil puso ang ginagamit mo, Natasha. Huwag mong sisihin ang iyong sarili. Napakasama ng dating nobyo mo para gamitin ang pag-ibig upang makapanloko.”

“At makapagnakaw,” dagdag ni Natasha. “T-tinangay po ni Reymart ang malaking pera at mga alahas ko.”

“Lahat?” Napasuntok sa lamesa ang Kapitan. “Napakawalanghiyang tao naman n’on! Dinala ka pa dito sa Maynila–kung saan wala kang kakilala ni isa. Ni hindi niya inisip kung paano ka makakauwi!”

Yumuko si Natasha. “W-wala na po akong mukhang ihaharap sa pamilya ko,” pagtatapat niya, pahikbi.

“Talagang nakakahiya para sa lahat ang mga nangyari sa ‘yo, Natasha–pero wala ka ng ibang opsyon. Kailangan mong umuwi.” Tinapik-tapik ni Kapitan Lando ang isang kamay ni Natasha.

“‘Wag mong alalahanin ang pamasahe. Mananatili ka sa iyong kabino pero hindi mo na kailangang magbayad.”

“S-salamat po, Kapitan! Napakabuti n’yo. Hindi ko po makakalimutan ang kabaitan n’yo sa akin.” Muling gumaralgal ang tinig ni Natasha.

“Walang anuman, Natasha. Buweno, kumain na tayo bago lumamig nang husto ang pagkain. Este, taga-saan ka nga pala?” Sinadya nitong pagaanin ang tono nang ibahin ang paksa.

“Taga-Maniog po ako. ‘Yung isa sa mga inter-island ng Calamandarin.”

“A, oo. Minsan na akong nakarating doon. Taal na tagaroon ang iyong angkan, ano? Mga pinsanin n’yo siguro ang ilang kaibigan kong tagaroon na Villanueva ang apelyido. Naging kumpare ko nga ang isang Villanueva, si Ka Juan.”

“Opo. Malaki nga pong angkan ang mga Villanueva,” sang-ayon ni Natasha.

“Halos kalahati po ng Maniog ay mga kamag-anakan po namin. At marami po ang Juan Villanueva d’on.” Maraming tao ang maaapektuhan sa kahihiyang kinasangkutan niya.

Tila nabasa ng kaharap ang iniisip ni Natasha. Inalo agad siya.

“Puwede kitang samahan hanggang sa inyong bahay, Natasha. Ako mismo ang magpapaliwanag sa iyong pamilya,” prisinta ni Kapitan Lando.

“H-huwag na po. Sobra-sobra na po ang tulong na ibinibigay n’yo sa akin. Maraming salamat na lang po.”

“Kung gayon, ibigay mo na lang sa akin ang contact number mo para makumusta kita kapag nakauwi ka na. Huwag mo sanang masamain, pero gumaan agad ang loob ko sa ‘yo.”

Ibinigay ni Natasha ang numero ng telepono sa mansiyon.

“Maraming, maraming salamat po uli, Kapitan Cuesta.”

“Ipakita mo ‘yan sa pamamagitan ng paglimot sa walang kuwentang lalaking nagpaibig sa ‘yo, Natasha,” panghahamon nito.

“Opo. Gagawin ko po ‘yan,” ang matatag na tugon ni Natasha.

THE BORROWED HUSBAND-9

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age