Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

THE CHAINED HEARTS

Tara loved Marco very much but they were both tied with responsibilities to their respective families… and she had to betray him. Years later, she had to face his hatred to ask for help because their small son was ill.

Paano ba pinaparusahan ang isang minamahal na nagtaksil? Have you ever been hurt by the one you loved so dearly? Have you ever been betrayed by the most important someone in your life?

Sumumpa si Tara na si Marco lang ang lalaking pakaiibigin ngunit ibang lalaki ang kanyang pinakasalan… Alam niyang walang kapatawaran ang pagtataksil ngunit nakahanda siyang lumakad nang paluhod. Kailangang mapatawad siya ni Marco!

* * *

Talunan ang hitsura ni Attorney Romy Agoncillo. Bagsak ang mga balikat na nahukot. Ang katawan nito na dati ay malusog ay bumagsak na rin. Isang linggo pa lamang ito sa loob ng kulungan. Ano na kaya kapag nasentensiyahan na ito sa nagawang mga paglabag sa batas?

“Anak, tulungan mo akong makalabas dito,” pagmamakaawa nito. “Maawa ka sa akin. Hindi ko kayang tumagal sa ganitong klaseng lugar!” Ginagap nito nang mahigpit ang mga kamay niya.

Nasa pagitan nila ang makitid na lamesang karaniwang makikita sa mga lugar-dalawan ng mga kulungan.

Awang-awa si Tara sa anyo ng ama. Bigla tumanda ito. Anino na lamang ito ng dating pinaka-matagumpay na abogado ng San Ignacio.

Ngunit wala naman siyang magawa. Halos lahat ng mga kamag-anak at kaibigan ng pamilya ay nalapitan na niya.

Inihingi na rin niya ng tawad ito sa mga kliyenteng nagawan ng kasalanan. Pero bigo siya.

“Papa, kaunting tiis pa po. Gumagawa po kami ng paraan ni Tita Lucing,” pang-aalo niya. Pinilit niyang pasiglahin ang tono. Ang tutoo’y wala na siyang maisip na solusyon. Ang binanggit na tiyahin, na bunsong kapatid ng ama, ay umalis na upang huwag madamay sa kahihiyang sinasapit ng pamilya nila.

“S-si Don Simon, anak. Sa kanya ka lumapit. Tiyak na tutulungan ka n’on,” suhestiyon ng ama. Puno ng desperasyon ang nanginginig na tinig nito.

“Si Don Simon?” ulit niya. “Pero wala na po siya dito sa atin, Papa. Nasa Amerika na siya, di po ba?”

“Dumating siya nung isang buwan. Tinawagan ko na siya. Pero ang nais niya’y ikaw mismo ang lumapit sa kanya,” patuloy ng magulang.

Parang sinuntok sa sikmura ang dalaga. Alam na niya kung bakit gayon ang kundisyon ng matandang don.

Isang biyudo na ubod nang yaman si Don Simon Claramonte, edad sisenta y sais. Nagpapalipad-hangin na ito sa kanya, magmula pa nung magdisiotso siya.

Ngunit kailanman ay hindi niya ito magugustuhan — dahil mayroon na siyang iniibig. Si Marco…

“P-papa — ”

“Tara, anak, makinig kang mabuti sa akin,” utos ng ama. “Nakasangla sa bangko ang bahay at lupa natin. Dalawang linggo na lang ay maiilit na iyon. Kung hindi mo tatanggapin ang iniaalok na tulong ni Don Simon, mabubulok na ako dito sa bilangguan at ikaw naman ay magpapalabuy-laboy na sa kalsada.”

Natulig nang husto si Tara. Naparalisa ang buong katawan niya. At napatitig na lang siya sa kulubot na mukha ng nag-iisang magulang.

Hindi natagalan ni Attorney Agoncillo ang pagtitig ng anak. Inakala nitong may piping pang-uusig sa mga mata ni Tara.

“N-nagawa ko lang namang manloko sa mga kliyente dahil sa iyong Mama. Nais ko siyang bigyan ng ginhawa, bago man lang mamatay,” pahayag nito, kasaliw ng malalakas na pagsigok. “Pinilit kong matustusan ang magastos na pagpapagamot niya, kahit na wala nang pag-asang mapagaling pa siya.”

Tutoong naging magastos ang mga huling buwan ni Mrs. Teresa Agoncillo sa mundo. Halos lingguhan kung lumuwas sila sa Maynila upang mamalagi sa ospital ng ilang araw para sa chemotheraphy ng kanser nito sa buto.

Hindi pa alam ni Tara ang suliraning-pinansiyal noon. Ni hindi siya nagtatanong kung saan nanggagaling ang perang ibinibigay ng ama sa tuwing hihingi siya.

Abala pa ang isip niya sa maraming bagay na nadidiskubre sa sarili. Disiotso lang siya, ang pinaka-romantikong edad sa buong buhay ng isang babae.

Ang isa pang pinagkakaabalahan niya ay ang katuparan ng isang sikretong pangarap–ang mapansin ni Marco Sanvictores. Matagal na niyang crush ang binatang anak ng may malawak na lupain sa Santa Rosa, kalapit-bayan ng San Ignacio.

Kaya naman nang ligawan siya nito nung isang taon, maligayang-maligaya siya. Agad na tinanggap ang iniluhog na pag-ibig kahit na may kundisyon na ilihim muna sa lahat.

“Hindi sa ikinahihiya kita, Tara.” May paliwanag agad si Marco. “Ako ang nakakahiya dahil masyado ka pang bata. Sa edad mong disiotso, parang napakalaki ng agwat na pitong taon sa pagitan natin.”

“Wala akong pakialam sa sasabihin ng mga tao, Marco. Mahal na mahal kita. Hindi ko ikahihiyang ipakita sa lahat ang pag-ibig ko para sa ‘yo.”

“Oh, Tara, Tara!” Niyakap siya nito nang mahigpit at siniil ng halik bilang pabuya sa matatamis na salitang numunulas sa bibig niya. “Iniibig rin kita. Kaya lang ay hindi ibang tao sa akin ang tiyak na magagalit sa sandaling mabunyag ang ating relasyon. Ang mga magulang ko ang unang pupula sa akin.”

“B-bakit naman? Tutol ba sila sa isang katulad ko?” May sinasabi lang ang pamilya niya, ngunit hindi mayaman.

“Hindi sila tututol sa isang katulad mo. You’re the sweetest girl I’ve ever met. Napakasuwerte ko dahil ako ang pinili mo sa kabila ng sangkatutak na nanliligaw sa ‘yo.”

Namula ang mga pisngi niya sa tinuran ng binata. “Wala akong gusto sa kanila. Bata pa ako, ikaw na talaga ang pangarap kong maging asawa.”

Tila napaligaya niya nang husto ang lalaki sa sinabi niyang iyon. “Talaga, Tara? Makakapaghintay ka ba ng dalawang taon? I’ll marry you when you reached twenty.”

“Bakit kailangan pa nating hintayin ang edad na iyon? Nakahanda akong magpakasal sa ‘yo, kahit na ngayundin.”

“Hindi gayon kadali ang pag-aasawa, Tara darling. Maraming dapat isaalang-alang,” paliwanag nito.

“Katulad ng ano?” tanong niya, medyo pamuktol na. Nag-iisang anak lang siya kaya medyo sunod sa layaw. Minsan ay mahirap siyang kumbinsihin.

“Katulad ng magiging kinabukasan ng magiging mga anak natin.”

Magiging mga anak natin… ulit niya sa sarili.

Nabahiran ng pait ang mga salitang nagdulot ng saya sa kanya noong unang marinig mula sa bibig ng lalaking minamahal.

Hindi na matutupad ang mga pangarap na iyon–puwera na lang kung mismong si Marco ang magbibigay ng tulong sa kanila.

“Ano, anak? Pupuntahan mo na ba si Don Simon?” untag ng ama. Pinutol nito ang paglalayag ng isipan.

“Huh!” Napapitlag pa siya nang mapagtantong nasa loob pa rin siya ng silid-dalawan sa bilangguan.

Inalog siya uli ng magulang. “Puntahan mo na si Don Simon, ha?” pangungulit nito.

“P-puwede po bang pag-isipan ko muna, Papa?” hiling niya. Litung-lito ang tono at ang anyo.

Nagpakita ng matinding panlulumo ang may edad na lalaki. “Hindi ka ba handang tumulong sa akin, anak? Ikaw na lang ang pag-asa ko. Ikaw na lang solusyon ko! Hu! hu!”

Parang pinipiga ang dibdib ni Tara habang naririnig ang pananangis ng kaharap.

“Oh, Papa! Tumahan na po kayo. Sige po, pupuntahan ko po si Don Simon,” pangako niya, kahit na may iba siyang planong gawin.

Biglang huminto ang pagngunguyngoy ng ama. Bagama’t patuloy pa rin sa pag-agos ang mga luha. “Aasahan ko ‘yan, anak. Huwag mo sana akong bibiguin,” wika nito.

“Opo, Papa. Malalaman n’yo po ang resulta sa pagbabalik ko,” tugon niya bilang pamamaalam na rin. Tumindig siya upang magawaran ng halik sa noo ang magulang.

“Balik ka agad, ha?” pahabol pa nito nang nasa may pinto na siya.

Tumango na lang siya at ngumiti bago tuluyang lumabas. Nahihiya siyang magsalita dahil napakalapit na niya sa guwardiyang pulis.

Nakakahiya kasi ang solusyon na naiisip nila!

Halos tumakbo siyang palayo.

Pasinghap niyang sinamyo ang sariwang hangin sa labas ng piitan. Para bang iwinawaksi niya ang mabigat na atmospera ng depresyon at desperasyon sa loob ng kulungan.

Ano’ng gagawin ko? tanong niya habang nakatingin sa maaliwalas na langit.

Nagpupumiglas sa pagtutol ang buong pagkatao niya sa nais mangyari ng magulang.

Hindi na siya katulad nang dati na may mura at makitid pang isipan.

Sa loob lang ng isang linggo, tumanda ang utak niya ng sampung taon. Agad na niyang nahuhulaan ang kahihinatnan ng maraming bagay-bagay.

Hindi naman kasi mahirap intindihin ang gusto ng kanyang Papa.

Siya ang papalit rito sa pagkakakulong. Para na din siyang nakabilanggo kapag nagpakasal kay Don Simon Claramonte.

Oh, Papa! Nalalaman n’yo po ba ang mangyayari sa akin? bulalas niya sa sarili. Magiging miserable na ang buhay para sa akin. Masisira na ang tsansa kong lumigaya!

Dala-dala niya ang masasakit na isipin hanggang sa pag-uwi. Isang munting milagro pa nga ang nakauwi siya nang buo. Para siyang nakalutang habang daan. Ni hindi niya napansin ang paglubog ng araw.

Bago tumawid, minasdan muna niya ang bahay na naging tahanan magmula pa nang isilang siya. Maraming masasayang sandali ang nasaksihan ng gusaling may dalawang palapag at katamtamang lawak ng bakuran.

Nakasangla sa bangko ang bahay at lupa natin. Dalawang linggo na lang ay maiilit na iyon. Kung hindi mo tatanggapin ang iniaalok na tulong ni Don Simon, mabubulok na ako dito sa bilangguan at ikaw naman ay magpapalabuy-laboy na sa kalsada.

Kumuyom ang mga palad ni Tara. Bumaon sa malambot na balat ang mga kuko niya. Ninamnam niya ang pisikal na sakit, upang mapawi ang pamamanhid na dulot ng labis na kalituhan.

Mabibigat ang mga hakbang niya habang marahang pumapasok sa pinto ng madilim na kabahayan. Siya na lang ang tao sa tahanan ng mga Agoncillo.

Halos kasabay na umalis Tita Lucing niya ang tatlong katulong na dati-rati ay nag-aasikaso sa bawat pangangailangan niya.

Nagtuloy na siya agad sa silid-tulugan. Wala siyang ganang kumain ng hapunan.

“Oh, Marco, matulungan mo sana ako!” ang pausal na sambit niya, matapos mahiga. Lumuluha habang nakatitig sa dilim. Pilit na binubuo ang makisig na larawan ng kasintahan sa karimlan.

Niyapos niya nang mahigpit ang unan at isinubsob ang mukha upang mapigil ang paghulagpos ng mga hagulgol sa naninikip na lalamunan.

“Kailangan kita, Marco. Huwag mo sana akong bibiguin!”

Nakatulugan niya ang pag-iyak. Pero may naramdaman siyang papausbong na munting binhi ng pag-asa sa dibdib kaya magaan ang katawan niya nang bumangon kinabukasan. May nabuo na siyang plano para sa araw na iyon.

Mangangahas siyang magtungo sa bahay ni Marco Sanvictores — kahit na ipinakiusap ng binata na huwag niyang gagawin ang gayon…

Mas malaki at mas maunlad ang Santa Rosa kaysa sa San Ignacio. Ganito ang naging obserbasyon ni Tara nang umibis mula sa dyip na sinakyan patungo sa karatig-bayan.

Nagmasid-masid siya sa paligid habang naglalakad. Bumili siya ng malamig na mineral water sa isang tindahan bago nagtanong.

“S’an po ba ang bahay ni Mr. Marco Sanvictores?”

“Sanvictores? ‘Yong may minahan ng ginto sa bundok?” paniniguro pa ng ale na nagbabantay sa tindahan.

“O-opo, siya nga po,” sang-ayon niya kahit nagulat sa narinig. May minahan pala ng ginto ang nobyo niya!

Lalong yumabong ang pag-asa sa kalooban ni Tara.

“Nandiyan sa kabilang kalsada ang bahay nila. Sumuot ka sa eskinang ‘yon, tumbuk na tumbok mo na ang kanto ng bakuran nila.”

“Maraming salamat po sa direksiyon.” Sinamahan niya ng matamis na ngiti ang pasasalamat niya.

“Walang anuman, ineng,” tugon ng kausap. “Kuu, ka-gandang bata naman,” papuri pa nang nakatalikod na siya.

Nagkaroon ng sigla ang mga hakbang ni Tara. Halos isang oras siyang namili ng isusuot at nag-ayos ng mukha at mahabang buhok.

Naka-puting summer dress siya at nakatali ng maliliit na lasong kulay rosas ang mga hiblang itiman na medyo kulot. Tinernuhan niya ng itim na pumps ang casual outfit. Preskung-presko siyang pagmasdan dahil parang natural lang sa nipis ang ipinahid niyang meyk-ap sa mukha.

Ibig niyang maging maganda sa paningin ni Marco. Para naman hindi ito tumanggi sa pagtulong sa kanilang mag-ama.

Maliit lamang ang puting istrukturang kahoy at bato, na napapalibutan ng napakalawak na bakuran.

May dalawang palapag rin ang bahay, katulad ng sa kanila. Ang tanging ipinagkaiba ay ang maluwang na hardin at ang tatlong sasakyan na nakaparada sa malaking garahe sa tagiliran.

Taliwas sa inaasahan ni Tara ang natagpuang bahay ng mga Sanvictores. Para kasing ubod ng yaman ni Marco… Pero hindi siya nabahala sa bagay na iyon.

Ang mahalaga ay kilala hanggang sa bayan nila ang pamilya ni Marco.

At diumano’y mayroong minahan ng ginto sa bundok.

Nilunok niya ang nerbiyos na bumabara sa lalamunan habang humahakbang palapit sa doorbell ng tarangkahang kahoy na pinturado ng kulay tsokolate naman.

Pinindot niya iyon ngunit paigtad siyang napabitaw doon. “Aray! May ground pala ito!” bulalas niya. Iwinisik-wisik niya ang kamay na nakuryente bago kinagat-kagat ng mga ngiping mapuputi.

Nasa gayong ayos siya nang may maulinigang kaguluhan mula sa loob ng bahay, na may sampung metro ang layo sa tarangkahan.

“Eeee! Papa! Papa!”

Iyon lang ang naintindihan niya mula sa halu-halong sigawan ng mga tinig-babae.

Pamaya-maya pa’y humahangos na palabas ang isa sa mga babae. Matangkad na balingkinitan at may maikling buhok. Parang lalaki na nga sa suot na maluwang na t-shirt at jeans. Agad itong sumakay sa owner-type jeep at pinaandar iyon.

“Dito n’yo isakay si Papa,” utos nito sa mga kasambahay. “Dalian n’yo!”

“Diyos ko po! Mario, magpakatatag ka, asawa ko!” ang malakas na usal ng isang babaeng may edad na.

Papalabas na ang sasakyan sa malaking gate na binuksan ng isang katulong na babae rin.

Parang itinulos na lang si Tara sa kinatatayuan habang pinapanood ang mga nangyayari.

At nakikinig sa mga tsismisan ng mga kapitbahay na nag-usyoso sa Pamilya Sanvictores.

“Kawawa naman si Mang Mario, ano?”

“Oo nga. Nagbakasakali kasi sa pagmimina ng ginto diyan sa bundok, e. Ayan, tuloy nawala pa ang mga kabuhayan nila.”

“Tutoo ba ‘yan, kumare? Akala ko tsismis lang ‘yan, e.”

“Hay, nakapanghihinayang ang mga lupa na naisangla ng matandang ‘yan, akala mo ba? Kaya nga wala ngayon ang panganay niyang si Marco, e. Naghahanap ng mauutangan ng pera sa mga kamag-anak sa Menila. Tutubusin niya naman ang mga lupain na nakasangla!”

“Kawawang Marco! Naubos na nga ang mga kabuhayan na mamanahin sana — mawawalan pa ‘ata ng ama!”

Napakarami palang problema ni Marco Sanvictores. Paano pa siya hihingi ng tulong dito?

Lulugu-lugo na namang umuwi si Tara.

Wala na siyang nobyong susulingan sana. Tanging si Don Simon na lang ang pag-asa niya…

Matuling lumipas ang mga araw.

Halos naibalik na sa dati ang lahat sa nagulong buhay ni Attorney Romy Agoncillo.

Nakalabas na ito sa kulungan. Na-areglo na ang karamihan sa mga kliyenteng nagsampa ng reklamo. At natubos na ang bahay at lupa, mula sa pinagsanlaang bangko.

Ayon kay Don Simon — este Simon pala, dahil magiging manugang na sa darating na linggo — mas maiging sa ibang bayan na maglingkod ang ama bilang abogado.

Kaya marami din ang mga naging pagbabago. Nagkaroon ito ng bagong kotse at bagong opisina. At sana ay magkaroon ng mga bagong kliyente, pagdating ng araw.

Ang lahat ng mga iyon ay utang nito sa kaisa-isang anak na si Tara.

“Masayang-masaya na uli ako, anak!” pahayag ni Attorney Agoncillo. Niyapos pa nito ang dalaga.

“N-natutuwa po ako, Papa,” pagsisinungaling ni Tara.
Ang tutoo ay kasalukuyan nang naghihingalo ang kanyang puso. Ilang araw na lang at tuluyan nang mamamatay ito.

“O, siya, maiwan muna kita. May pupuntahan pa kami ni Simon, e. Ipapakilala niya raw ako sa iba pang mga kaibigan nito.”

“M-mag-ingat po kayo, Papa,” ang matamlay na tugon niya.

Tumawa nang malakas ang abogado. Tila kaydali nitong nalimutan ang tungkol sa mga dinanas na kalbaryo, kamakailan lamang.

“Gagawin ko ‘yan, anak. Hindi ako papayag na mawala sa kasal n’yo ni Simon!” dugtong pa. Ni walang pagkailang kahit na ang manugang ay sisenta y sais at ito naman ay singkuwenta anyos lang. “Buweno, aalis na ako. Ayaw mo ba talagang sumama?”

“Dito na lang po ako, Papa,” aniya matapos umiling. Mas ibig niya ang magmukmok sa loob ng kuwarto kaysa lumabas at magpakita sa mga taong palaging sumusuri sa kanilang mag-ama.

Oh, Marco, nasaan ka ba, mahal ko? ang daing niya sa sarili sa tuwina. Kailangang magkita tayo, bago mahuli ang lahat!

Hangad niyang makaniig ang nobyo, bago siya makasal sa isang matandang hukluban.

Ngunit ang ilang ulit na patalilis na pagpunta niya sa Santa Rosa ay palaging bigo.

Ang huli nga ay nagdagdag pa ng sakit sa kalooban niya.

Gamit ang abaniko, pinindot niya ang doorbell. Nakatanaw siya sa bahay habang pinakikinggan ang pag-alingawngaw ng matitinis na ingay na nililikha niya.

Huminto lang siya sa pagpindot nang makitang bumukas ang harapang pintuan.

Medyo nabuhayan siya ng loob nang makita ang matangkad na babaeng papalabas. Alam niyang kapatid ito ni Marco dahil may malaking pagkakahawig ang dalawa.

Siguro naman ay may malalaman na siya tungkol sa kinaroroonan ng kasintahan.

“Ano ‘yon?” tanong nito, pa-singhal. Nakakunot pa ang noo habang sinisipat siya. “Bakit pabalik-balik ka dito? Ano’ng kailangan mo kay Kuya?”

Napaatras ng isa si Tara. Hindi niya inaasahan na didiretsahin siya nang paganito ng isang ka-pamilya ng lalaki, bagama’t palagi niyang inihahabilin sa katulong nung mga unang pagpunta niya.

“Uhm, k-kaibigan ako ni Marco,” ang pautal na tugon niya. “May mahalaga akong pakay sa kanya. S-saan ko ba siya matatagpuan ngayon?”

Naningkit ang mga mata ng kaharap. “Kaibigan ni Kuya?” ulit nito, pauyam. “Hindi ako maniniwalang makikipagkaibigan ang kapatid ko sa isang batang katulad mo. Baka nagkakamali ka ng kinakalantari, ineng?”

Napatigagal si Tara. Ngunit pinilit pa rin niyang magsalita.

“Pakiusap, miss. Kailangan kong makita si Marco. Mahalaga ang pakay ko sa kanya.” Itinutok niya rito ang mga matang nagsusumamo.

Pero nanatiling matigas ang kaharap. Umiling ito nang sunud-sunod at muli siyang sininghalan.

“Umalis ka na lang! Huwag mo nang dagdagan ang mga problema ng Kuya ko!” Padaskol nitong isinara ang gate. “O, ano pa ang hinihintay mo? Gusto mo bang ipapulis pa kita? Alis na!” asik nito habang tinititigan siya nang matalim.

Walang nagawa si Tara kundi ang humakbang paatras. Nakakatawag na sila ng pansin. May mga taong huminto na sa paglalakad upang panoorin muna sila.

“P-pasensiya na, miss,” sambit niya bago tuluyang tumalikod.

“Huwag ka nang babalik dito! Malandi!”

Hiyang-hiya si Tara. Yumuko siya habang nagdudumali sa paglayo.

Ngunit may ilang araw na ang lumipas, buhat nang mangyari iyon. Kaya dapat lang na maiwaglit na niya sa isipan ang mga salitang masasakit.

Dati nang problema ang mga pagtatagpo nila ni Marco. Ngunit hindi siya ang gumagawa ng paraan.

Click here to READ MORE

Comments are closed.