Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

THE CITY MAN’S BRIDE

Unknown to her, Nympha was arranged to be married by a man known only to her late father. Orion sought her out in the middle of her forest home.

She agreed to marry him because he needed her help to fight his enemies. He was stranger but she felt they were mates before…

Kuntento na si Nympha sa buhay na tahimik na nasa gitna ng gubat ngunit may ibang plano ang kapalaran para sa kanya. Isang binata ang biglang dumating at kumatok sa kanyang puso.

Lingid sa kaalaman ni Orion, isang dalaga ang ipinagkasundo sa kanya para pakasalan. Muntik pang hindi matuloy ang kanilang arranged marriage dahil sa isang aksidente.

Masarap mamuhay sa payapang pusod ng kabundukan pero mas kailangan nilang bumalik sa siyudad para harapin ang panganib…

* * *

Dagling dumilim ang ekspresyon ni Orion Horatio, tanging heredero ng higanteng Horatio Enterprises — at isa na sa mga nangungunang business tycoon ng bansa sa edad na treinta singko lang — pagkakita sa identidad ng panauhin sa marangyang sala ng ancestral house ng Familia Horatio.

Tila isang mamahaling damit na nakasampay sa isang mahabang sopa ang isang seksi at sopistikadang babae. Nakahawi ang biyak sa tagiliran ng puting bestida upang ilantad ang isang maputi at makinis na hita.

“Ano’ng ginagawa mo dito?” Pa-brusko agad ang pagtatanong niya.

Kumurba pataas ang mga eleganteng kilay. Tattoo ang mga iyon kaya perpekto ang hubog at pantay ang pagkakulay tsokolate.

“‘Yan ba ang tamang pagbati sa isang magandang babae, Orion?” paninita ni Alona, ang batam-batang madrasta niya. Ito ang naging ikatlong asawa ni Don Onofre Horatio, bago namatay nung isang taon.

“Sabihin mo na agad ang iyong kailangan — para makaalis ka na,” utos niya. Inignora ang narinig.

Bahagyang umalon ang mayamang dibdib nang lalo pang iliyad matapos ang padaskol na pagtindig.

Lalaki si Orion kaya napasulyap sa malalim na cleavage na ipinakikita ng v-shaped neckline.

Pero sansaglit lang ang pasinasyon niya sa mala-perlas na kutis.

Matagal nang nasira ang anumang atraksiyon na naramdaman niya para sa babae. Mula pa nung nagpakasal ito sa kanyang ama…

“Hindi mo pa ba ako napapatawad sa pagpili ko sa iyong Papa?” pananalakab nito. Para bang nababasa ang nasa isipan niya.

“Huwag kang mag-ilusyon, Alona,” pakli niya. “May limang minuto ka kanina. ‘Pag naubos ang natitira, puwersahan kang ilalabas ng mga guwardiya dito,” pagbabanta pa niya.

Namutla ang babae. Nanlaki nang husto ang mga mata.

“Bastos ka pa rin talaga!” asik nito. Poot na poot. “Pero naiganti na ako ni Onofre sa mga pambabastos mo. Hah! Isang buwan na lang ang natitira sa palugit ng testamento, remember? Kapag wala ka pang naging asawa bago dumating ang takdang araw — kailangang pakasalan mo na ako!”

Hindi nagpakita ng anumang reaksiyon si Orion kaya lalong nagngitngit ang dating madrasta.

“Ako na ang magiging kahati mo ako sa mga kumpanya. Hay, kawawang Orion! Nasa mga kamay ko pa rin pala ang kapalaran — at ang kaligayahan mo!” Puno ng nang-uuyam na galit ang malutong na paghalakhak ni Alona.

Buong panunuyang ikiniling ni Orion ang ulo. Nakakubli ang lahat ng mga pangamba sa ilalim ng aroganteng ngisi niya.

“At sinong maysabi sa ‘yo na wala pa akong mapapangasawa?” bawi niya. “Tsk! tsk! Ikaw ang magiging kawawa, Alona. Dahil kapag nagka-asawa ako — habang buhay ka na lang magkakasya sa buwanang sustentong iniwan ni Papa sa ‘yo!”

“Hayup ka! ‘Wag mong kalimutang ako naman ang tagapagmana mo. Kapag namatay ka — akin pa rin ang huling halakhak!” Nanlilisik na ang mga mata. “Kaya mag-iingat ka sa bawat araw na darating, Orion Horatio!” Punum-puno ng kamandag ang banta nito.

“Salamat sa babala, Alona — kahit na hindi kailangan. Unfortunately for you, hindi ako natatakot sa ahas. Marunong akong manghuli — at pumatay ng kahit na anong uri ng ahas!” ganting-pagbabanta niya.

“Now, get out! Your time here is up!” Inangilan niya ito bago tumalikod.

“Animal ka, Orion Horatio! Magsisisi ka sa mga kasalanan mo sa akin! Pagdudusahin kita!” sigaw nito.

Hindi tumugon si Orion. Lumapit siya sa intercom.

“Guard, pumunta ka dito ngayundin.” Tinawagan niya ang security outpost, sabay pukol ng matalim na sulyap sa dating madrasta.

“Double time, guard. Mag-dalawa na kayo. Kailangan pang kaladkarin ang taong ito para mapaalis,” dugtong pa niya, patuya.

“Aba’t — walanghiya ka!” Nagmura si Alona. Namumula sa galit. “Tarantado ka! Hayup ka!” Dinampot nito ang isang mamahaling plorera at ubos-lakas na ibinato sa direksiyon niya.

Maagap na sinalo ni Orion ang naturang palamuti.

“Wala kang karapatang basagin ito. Ang Mama ko pa ang bumili nito.”

Naghanap ng iba pang ibabato ang babae, ngunit maagap na niyang nahawakan sa isang braso ito.

“Umalis ka na, Alona,” utos niya. “Get out — and stay out of this house!”

“Hindi ako aalis dito! Sa ngalan ng batas — bahay ko rin ito!” tili nito. “Legal ang kasal ko kay Onofre!”

“Patay na ang pinakasalan mo. Wala ka ng lugar dito. Layas!”

Hinila niya ito patungo sa direksiyon ng front door. Nasalubong nila ang humahangos na dalawa sa tatlong security guards ng Horatio Residence.

“Ilabas n’yo si Alona. Ipadampot n’yo sa pulis kapag nag-eskandalo. At huwag na huwag n’yo na siyang papapasukin dito kahit kailan!”

Malamig at matigas ang habilin niya habang ibinibigay sa mga guwardiya ang nagwawalang babae.

“Hayup ka, Orion! Hindi pa ito ang huling pagkikita natin! Masama akong kaaway! Tandaan mo ‘yan!” Nagpupumiglas si Alona habang minumura siya.

“Ang masama ay hindi nagwawagi, Alona,” bawi niya. “Magpasalamat ka na lang at hindi ko pa pinuputol ang sustento ni Papa sa ‘yo — kahit alam kong may kinakasama ka nang ibang lalaki. Pero mapipilitan akong alisan ka ng allowance kapag inulit mo pa ang pagpunta dito!” Mabangis ang pag-angil niya.

Sa unang pagkakataon, sinagilahan ng takot ang maganda ngunit mapag-imbot na mukha.

“H-hindi tutoo ‘yan! Hindi mo magagawa ‘yan! Panghabambuhay ang sustentong ibinigay ni Onofre sa akin!”

“Seloso at makasarili si Papa, Alona. Alam mo ‘yan. Ang biyayang ibinigay niya sa ‘yo ay kaya niyang putulin kahit na nasa hukay na siya!”

Nakabawi na agad ang babae. “Pareho kayong maramot na mag-ama! Dapat lang na magsama na kayo sa hukay! Humanda ka, Orion! Susunod ka na sa inutil na Papa mo!”

Tumawa si Orion. Ipinakitang wala siya ni katiting na sindak.

“Siguraduhin mo lang na magtatagumpay ka, Alona,” tugon niya. “Dahil ikaw naman ang magsisisi kapag nabuhay pa ako!”

“Gagawin ko ‘yan! Pwe!” singhal ng babae, sabay dura sa mukha niya.

Maagap pa ring nakailag si Orion. “Tatawag na ako ng pulis. Ikulong n’yo muna siya sa outpost,” utos niya sa mga guwardiya.

“Opo, sir.”

“Hah! Hindi mo magagawa sa akin ‘yan, Orion!” Nagmatigas pa si Alona. “Taglay ko pa ang pangalan n’yo. Mae-eskandalo ka lang!”

“Tutoo ‘yan, Alona. Kaya nga magmula sa araw na ito, hindi mo na puwedeng gamitin ang apelyido namin.”

“Biyuda ako ni Onofre. Ibinigay niya ang apelyido n’yo sa akin,” pagmamatigas ni Alona.

“Mamimili ka lang — ang sustento mo o ang apelyido namin?” Naging singlamig ng yelo ang tono ni Orion.

Napalunok si Alona nang makitang seryosung-seryoso siya, ngunit talagang desperada na kaya nanatili ang pagmamatigas.

“Hindi pa ito ang huli, Orion Horatio!” Humina na ang boses nito. Mistulang ahas na sumisingasing. “‘Wag mong maliitin ang katalinuhan ko. Isipin mo kung paano ko napaikot si Onofre, ang Papa mong napakatuso!”

“Kung ako sa ‘yo, ang isang matalinong babaeng katulad ko ang pakakasalan mo — para hindi ka na magkaroon ng problema, hmm?” Naging malambing ang tono at ang anyo ni Alona bago humagikhik ng buong pang-aakit.

Ngunit gumapang lang ang balat ni Orion, imbis na maakit.

“Hindi mo ako mabubulag na katulad ni Papa, Alona. Malinaw kong nakikita kung ano ang talagang kulay mo!”

Muling bumadha ang bangis sa magandang mukha ni Alona.

“Ito na ang huling pag-aalok ko sa ‘yo, Orion Horatio! Palagi ka na lang mag-iingat!” Nagpumiglas ito para makakawala sa dalawang guwardiya. “Bitiwan n’yo ako! Kaya kong lumakad mag-isa!”

Isang bahagyang iling lang ang isinagot ni Orion nang magtanong ang sulyap ng mga tauhan, bago tumalikod para bumalik sa loob ng bahay.

Hinabol siya ng mga pasigaw na banta ni Alona. Tumawag siya sa pinakamalapit na presinto ng pulis.

“Patawad, Papa. Susuwayin ko ang kahilingan n’yong pangalagaan ang ahas na madrasta n’yo!” bulong niya habang pinipindot ang numero ng solicitor ng Familia Horatio.

“Hindi ko siya bibigyan ng perang ipantutustos para ipapatay ako!”

Makalipas ang dalawang linggo, biglang nagkaroon ng seryosong engine trouble ang bagong bili at bagong modelong helicopter ng Horatio Enterprises.

Pero sigurado si Orion — ang may-ari at ang piloto — na isang sabotahe ang biglang pagluluko ng makina ng higanteng sasakyang panghimpapawid.

“Damn!” bulalas niya sa sarili habang maliksing pinipindot ang automatic pilot button.

Nahirapan siyang tumindig at lumakad patungo sa likuran. Gayundin ang pagsusuot ng parachute pack dahil gumegewang na ang paglipad ng sasakyan.

Pabugsu-bugso na ang ugong ng makina nang mabuksan niya ang salaming bintana/pinto. Muntik na siyang bumagsak pasalampak sa sahig nang humugos papasok ang malakas na ihip ng hangin buhat sa nakapalibot na mga bundok na nagtatayugan.

‘Humanda ka, Alona! May kalalagyan ka na sa muli nating pagkikita!’ ang mabangis na bulong niya, bago tumalon sa sahig ng mga nagtatayugang punongkahoy na may makakapal na sanga at dahon.

Pinalis ng naglalatang na galit sa dibdib ang anumang bahid ng takot sa nakaambang kamatayan.

Ilang minuto matapos ang pagtalon ni Orion, tuluyang namatay ang motor. Nagmistulang isang higanteng tutubi ang helikopter nang pabulusok na bumagsak sa ibaba.

Nauna itong naglaho sa kasukalan dahil pinagaan ng dilaw na parachute ang pagbagsak niya.

Ilang sandali pa, niyanig ng sunud-sunod pagsabog ang tahimik na kagubatan. Umalingawngaw sa payapang paligid ng kalikasan ang malalakas na dagundong ng naganap na helicopter crash.

Nanggigitil si Orion. Ang mala-bakal na mga bisig niya ay pasakal na nakayapos sa black leather attache case. Sa nag-iisang bagahe naibubunton ang poot na nadarama.

Ang tanging ipinagpapasalamat niya ay nasa mapunong bahagi ng kabundukan tumapat ang pagkasira ng helikopter.

Hindi niya mapapatawad ang sarili kung may madadamay pang ibang mga inosenteng tao sa makamandag na kabuktutan ni Alona!

Wala pa mang pinanghahawakang ebidensiya, nakakasigurado na siyang may kinalaman ang dating madrasta sa aksidenteng naganap.

Lalong sumidhi ang galit at desperasyon ng batang biyuda nang ipa-freeze niya ang bank account nito. Nagtagumpay siyang ipaputol ang sustento nito dahil siya ang CEO o chief executive officer ng Horatio Enterprises.

Ngunit hanggang kailan?

Ang apela niya sa korte laban sa ridikulosong testamento ng nasirang Onofre Horatio ay nananatiling malabo. Kung ipagpapatuloy niya ang pagpapairal ng katigasan ng ulo, maaaring mawala ang lahat-lahat sa kanya.

At ang tanging sandatang maipanlalaban na lamang niya ay isang asawa. Kailangan na niyang magsakripisyo.

“Talagang desidido ang iyong Papa na pag-asawahin ka, Orion,” ani Attorney Leoncio, ang matanda at matapat na abugado ng pamilya at mga kumpanya nila. Kilala niya ito magmula pagkabata kaya lubos ang kanyang pagtitiwala.

“Hindi natin madadaya ang batas–lalupa’t may isang Alona na hindi titigil sa paghahabol. Ang mga ari-arian ng buong angkan ninyo ang nakataya sa pagsusugal natin, iho. Kaya kung ako sa ‘yo, hahanap na ako ng babaeng mapapangasawa — bago pa tayo maubusan ng panahon.” Ganito ang palaging ipinapayo ng abugado sa kanya.

“Ang kalayaan ko ay singhalaga ng kayamanan namin, Attorney,” katwiran ni Orion. “Kaytagal kong naiwasan ang mga bitag ng mga babaeng piranha sa mundo natin. Hindi ko masisikmurang kusang ipasagpang ang sarili sa isang anaconda na katulad ni Alona!”

“Naghahanap ka kasi sa maling lugar, Orion. Sumubok ka sa probinsiya. Marami pang malilinis at ma-prinsipyong mga babae sa ating kanayunan.”

“Baka nung kapanahunan pa hu ninyo ‘yang sinasabi n’yo, Attorney,” ang sinikal na salo niya. “Ang lahat ng mga babae ay mulat na sa modernong sibilisasyon. Naging pawang mapaghangad at mapag-imbot na sa kapangyarihan at kayamanan.”

Napailing ang kausap. Bumadha ang lungkot sa kulubot na mukha.

“Maniwala ka sana sa akin, hindi lahat ng mga babae ay katulad ni Alona, iho,” giit nito.

“May kilala ba kayo? Aalukin ko agad siya ng kasal — ‘wag lang ‘yung kaedad n’yo, siyempre.” Binahiran niya ng tonong pabiro ang panghahamon.

“Siyempre!” Natawa ang matandang kausap. Lumitaw ang mga gintong ngipin nito. Nagkaroon ng makahulugang kislap ang mga matang matatalino. “May kakilala ako na siguradong hindi mo maaatrasan. Bata, maganda at matalino.”

“Whoa! May phobia ako sa mga babaeng matalino, Attorney,” bawi niya, pero may himig-pabiro pa din. “Sa paningin ko, isa na namang Alona ‘yan.”

“Tsk! Ang anak ng kaibigan ko ay kakaiba sa lahat ng mga babae,” pagtatanggol ni Attorney Leoncio.

“May pangalan ba ang anghel na ‘yon?” Patudyo pa rin ang pagtatanong niya kahit bahagya nang napukaw ang kuryosidad.

“I forgot her name, pero ang ama niya na isa sa mabubuting kaibigan ko ay si Pastor Nicandro Fontana, isang Amerisian missionary.”

“Baka naman isang madre ang ipinagmamalaki n’yong babae?”

Dagling tumabang ang interes ni Orion dahil lumutang sa imahinasyon niya ang isang babaeng walang maipagmamalaking katawan at mukha.

Ni hindi sumagi sa isip niya na ang mga Alona ng mundo niya ay nakakubli sa likod ng mala-anghel na kariktan.

Tumingin sa malayo ang abugado.

“Matagal-tagal na akong hindi nadadalaw sa mag-amang iyon. Medyo humina na ang mga tuhod dahil sa rayuma,” pahayag nito. Hindi tinugon ang katanungan niya.

Sumubok uli si Orion. “Paano n’yo nasigurong papayag ‘yon kung aalukin ko ng kasal?”

Saka lang bumalik sa kanya ang atensiyon ng kausap.

“Sabihin mo sa kanila ang buong katotohanan — bago mo alukin ng kasal. Use your boardroom tactics, boy. Magaling ka namang mangumbinsi. Sigurado akong papayag si Nicandro sa iaalok mong security sa anak niya kapag nagpakasal sa ‘yo.”

“A marriage of convenience?” Iskeptikal pa rin ang tono ni Orion.

“Frankly speaking, I’ve been thinking about this proposal for some time. May inihanda na nga akong mga papeles na kailangan mong papirmahan bago kayo ikasal. Uso na ngayon ang mga sari-saring pre-marital agreement.”

“Kundi ako nagkakamali, pumirma din sa ganyang kasunduan si Alona.” Di-sinasadyang tumalas ang tono niya.

“Ibahin mo sana ang anak ni Nicandro, iho,” ang seryosong salo ni Attorney Leoncio. “Isa pa, wala ka ng opsyon kundi ang babaeng iyon. Magtiwala ka naman kahit minsan lang, Orion.”

“Halos imposible nang paniwalaan na may babae pang hindi masisilaw at mababago ng kinang na salapi, Attorney,” buntonghininga ng binata.

“Iho, huwag naman sanang marinig ng iyong mabuting Mama ang sinikal na pahayag na ‘yan.” Tila naeskandalo ang abugado sa tinuran niya.

Nagkibit siya ng isang balikat upang ipahiwatig ang pagtitika niya.

“Wala na si Mama, kaya wala nang babaeng mapapagkatiwalaan ngayon,” giit ni Orion.

“Subukan mo ang anak ng kaibigan kong pastor, iho. Walang mawawala sa ‘yo,” pangungumbinsi ni Attorney Leoncio kay Orion. “Kung hindi kayo magkasundo, bumalik ka agad dito. Maghahanap pa ako ng iba habang wala ka.”

“Sa palagay ko, ‘yung iba na lang ang gusto kong subukan. ‘Yung mas malapit dito. I’m a busy man, remember?”

“You don’t want any anacondas, remember?” ganting-bawi ng medyo tusong matandang abugado.

“We’ll try the best first, the second-best second, and so on and so forth. Kailangang pag-ukulan na natin ng panahon ang pagpapakasal mo, Orion. If not… you won’t be a busy man for long.”

Tumimo ang pasimpleng babala sa utak ni Orion. “Okey, kung ‘yan na ang pinakamatinding payo n’yo — susundin ko na. Paano nga ba ako makakarating sa lugar ng kaibigan n’yo?”

“Narito ang mapa.”

Napamaang si Orion nang mabasa ang mga simbolong naka-drowing.

“Nasa gitna ng kagubatan?” bulalas niya kapagkuwan.

“Malapit lang sa gubat ang isang resettlement area na napagdestinuhan kay Pastor Nicandro Fontana,” pagtatanggol ng abugado.

“Pero mauubos ang panahon ko sa paglalakad sa kagubatan!”

“Hindi ka maglalakad, iho. Ihahatid ka ng ilang sundalo sa kampo na nasa malapit.”

“Ano’ng ibig n’yong sabihin? May sasakyan ba doon?”

“Of course. Marami akong mga kaibigan sa kampo. Hindi ka nila pababayaan.”

“Para makasiguro, dadalhin ko na ang helikopter.”

“Tama. Magsama ka ng dalawang bodyguards.”

“Hindi na, Attorney. Delikado. Mawawalan ng saysay ang aking marriage of convenience kung malalaman ni Alona. Huwag n’yong kalimutan ang isang subclause ni Papa. Isang kasal na totoo lang ang hinihingi — wala ng iba.”

“Oo nga pala.” Nagpunas ng panyo sa noo ang kausap. “Pero delikado ring palakarin kitang mag-isa, Orion.”

“I’ll have to take the risk, Attorney,” salo niya. “Besides, wala kayong dapat ipag-alala. I’m a licensed and experienced pilot even before I became an heir.”

Hindi siya katulad ng ibang mga anak-mayaman na mahilig sa mga matutuling kotse o motorsiklo. Simula pagkabata, ang paborito niya ay mga sasakyang lumilipad. Kaya nga nagpumilit siyang mag-aral ng pagpipiloto habang nagpapakadalubhasa sa kursong business management sa England noon.

“Alam ko pero — sige na nga. Basta’t palagi na lang tayong magtawagan.”

Ang plano ay lalapag siya sa kampo ng mga sundalo upang sunduin ang tatlong military escorts na ini-request ni Attorney Leoncio para maging proteksiyon niya.

May mangilan-ngilang tao ang nakakaalam ng plano niyang pagbiyahe. Naikuwento marahil sa iba pa — kaya nakarating kay Alona ang plano niya. Hindi nag-aksaya ng sandali at sinabotahe agad ang helikopter. Ang hangad ay maaksidente siya at tuluyan nang mawala.

“Hindi madaling kalaban ang pinili mo, Alona,” wika niya habang dahan-dahang lumalapag sa madamong bahagi ng kagubatan ang mga paa niya.

Dali-dali niyang kinalas ang mga buckles ng body straps matapos tumindig buhat sa paupong paglapag. Pinagpag niya ang puwitan ng suot na jeans bago dinampot ang itim na attache case.

Nandoon rin ang ilang personal na gamit, bukod sa mahahalagang papeles na di-umano’y magiging proteksiyon niya sa mga golddiggers at fortunehuntresses ng mundo.

Inilabas niya ang mamahaling celfone at sinubukang gamitin. Ngunit walang signal.

Ngali-ngaling ibato ni Orion ang munting mekanismo, isinuksok na lang uli niya sa bulsa at muling nag-isip kung ano ang dapat gawin.

May mapa nga pala siya! Inilabas niya ang xeroxed copy na ibinigay ni Attorney Leoncio. Ngunit makalipas ang ilang minutong pagsipat at pag-aaral, inamin niyang wala siyang gaanong nauunawaan.

Gayunpaman, maaari siyang sumugal sa direksiyon ng silangan, kungsaan nakaturo ang arrow na diumano’y patungo sa resettlement area ni Pastor Nicandro Fontana.

Padaskol, ibinalik ni Orion sa attache case ang naturang papel. Kinuha na lamang niya ang natirang mineral water na nasa plastic bottle.

Matapos lumagok ng isa, ibinulsa niya iyon at nagsimula nang maglakad. Wala siyang ibang opsyon kundi iyon lang.

Maghahanap lang siya ng lugar na may signal ang celfone niya…

Papagabi na naman.

Click here to READ MORE

Comments are closed.