Do you believe in arranged marriages? Can you imagine yourself marrying someone you don’t love?
Do men still court women before marriage? It should be yes! Romance is a must!
Mula pagkabata, mainit na ang dugo ni Xandra kay Keith. Mayaman kasi kaya mayabang at arogante. Napaka-possessive pa ng pagtrato sa kanya kaya palagi siyang nakaiwas na makaharap ang binata.
Wala naman siyang kamalay-malay na hindi ordinaryong panliligaw ang gagawin ni Keith para mapakasalan siya…
* * *
Madilim-dilim ang paligid dahil bukangliwayway pa lamang. Ngunit ang mga tao sa Baryo Gintong Butil ay pawang gising na. Nagkakagulo na ang lahat. Tila natataranta pa nga dahil paroo’t parito ang karamihan.
Nag-aagaw-antok pa si Xandra pero nagtataka na siya. Bihirang magkaingay sa munting baryo nila. Palibhasa nasa gawing duluhan at malapit na sa niyugan, kaya medyo liblib na.
“Xandra! Bangon na, anak! Ab’e'y tatanghaliin na tayo! Hindi pa luto ang puto. ‘Ala pa tayong gatas!” Parang umalingawngaw ang boses ng ina kaya pinilit na niyang bumangon mula sa makitid na katre.
Pupungas-pungas ang dalaga nang magtungo sa kusina. “Ina, ginatasan ko po si Kapintugan kahapon. ‘And’yan po ang mga bote sa tabihan ng pagkain,” paliwanag niya bago naghikab. “Baka hindi n’yo lang nakita,” dagdag pa niya.
“Kuu, iniambag ko na kina Ka Mameng para sa gagawing espesyal na pastilyas.”
“Pastilyas? Bakit ho? May ikakasal hu ba?” Lumapit siya sa paminggalan para magmumog. “Ano hu bang pinagkakaabalahan n’yo? Bakit parang nagkakagulo pati ang mga kapitbahay natin?” usisa niya habang naghihilamos. Sinabon at binanlawan niya ang mukha at leeg ng tubig na binantuan ng bagong kulong tubig mula sa lumang termos.
“Hindi mo ba alam na darating ngayon ang kaisa-isang anak nina Ma’am at Sir?” Napamaang si Aling Leonora.
Biglang napawi ang antok niya sa narinig. Kumunot pa nang husto ang noo niya.
“Sus! Bakit n’yo pa ipaghahanda ‘yon? E, hindi rin naman magtatagal dito? Maya-maya lang, aalis na naman ‘yon. Magpapagod lang kayo!”
“Anak! ‘Wag kang magsalita ng ganyan,” saway ng nagulat na ina. “Obligasyon nating magbigay-galang sa kanila dahil — ”
“Dahil ang lupang sinasaka natin ay pag-aari nila,” salo niya. Bahagya na lang mapigil ang pagkayamot. “Alam ko hu ‘yan, Ina. Pero hindi na pagbibigay-galang ang pagpapakakuba n’yo sa pagluluto. Aba’y lahat ‘ata kayong magkakapitbahay ay hindi na natulog, a?” panenermon niya.
Umiling-iling ang nakatatandang babae. “Kuu, bihirang-bihira naman ang mga ganitong kasayahan dito sa atin. Ang buhay natin dito ay kabagut-bagot,” katwiran nito. “Ipagkakait mo pa ba naman ang kaunting kasiyahan namin?”
Naantig si Xandra dahil tutoo ang sinabi ng ina. “O, siya, magkape muna tayo bago ko gatasan si Kapintugan,” pagbibigay niya.
“Salamat, anak.” Naalo naman agad ang ina. Ngumiti na uli ito. “Narine ang puto. Para sa atin ang unang luto. Tikman mo na nga.”
Tumalima siya. “Mmm, an’sarap mo talagang magluto, Ina!” Tuluyan nang nabura ang pagkainis niya. Pambihira din kasi ang espesyal na puto ng kanyang ina.
Tumulong si Xandra sa mga gawain upang mapadali. Dakong alas nuwebe nang matapos sila.
“Sino ang maghahakot ng mga ito?” usisa niya.
“Hindi pa nga bumabalik ang Ama mo, e. Ano kaya kung ikaw?”
“Sa karitela? Baka magkadurug-durog ang mga puto, Ina,” prutesta niya. “Baku-bako ang kalsada.”
“Hindi naman. Tatalian na lang ang mga bilao para hindi magulo sa ayos.”
“Bahala kayo. Basta ihahatid ko lang ang mga ‘yan.”
“Kasama naman ako, anak.”
Hindi na nakatanggi si Xandra. “Magpapalit lang ako ng damit,” paalam niya.
“May oras ka pa para maligo, iha,” pahabol nito. “Isuot mo ‘yong bestidang bigay namin ng Tiya Conching.”
Bumuwelta siya pabalik. “Bakit naman ho?”
“Ab’e'y, siyempre, maraming bisita d’on.”
“Maghahatid lang naman ng puto, a?” katwiran niya.
“Imbitado tayo d’on, iha.”
“E, ba’t kayo ho?”
“Kuu, ano ba’t pati ako? Matanda na ako kaya sa lugar-lutuan lang ako matotoka. Samantalang kayong mga dalaga, e, tiyak na magsisilbi sa mga panauhin.”
Umasim ang ekspresyon ni Xandra. “‘Kala ko ba, imbitado tayo? E, ba’t kusinera’t serbidora lang pala ang mga papel natin?”
“Hus, gan’on na rin ‘yon. Pinapunta tayo nina Sir Franco d’on sa malaking bahay upang salubungin ng isang masayang salu-salo ang kanilang unico hijo. Hala, magbihis ka na’t tatanghaliin tayo nang husto.”
Napailing ang dalaga. Ngunit sumunod na lang siya kaysa makipagtalo pa uli. Kaya naman niyang umiskapo kung kailan niya gusto!
Maliksi siyang naligo at nagbihis. Basa ang mahabang buhok kaya hinayaan niyang nakalugay sa likod ang mga hiblang alun-alon.
Hindi pangkaraniwang dalaga si Xandra. Wala siyang hilig magpaganda kaya ni hindi minasdan ang sarili sa salamin. Hindi tuloy niya napunang hakab na hakab ang manipis na tela ng bestida sa bawat kurba ng katawan. Na bumagay ang kulay rosas sa kanyang morenang balat.
Nakuntento na siyang lumampas ang maluwang na laylayan sa mga tuhod niya. Mataas ang leeg at maikli ang manggas kaya sigurado siyang disente ang simpleng damit.
Mas gusto kasi niyang magpunta sa ilog para maglunoy habang hinihintay makahuli ng isda ang lambat na iniumang.
Nung bata pa siya, palagi siyang may dahilan na magpunta doon. Kahit na may poso sa tabing-bahay, doon pa rin siya naglalaba. Para siyang ipinaglihi sa tubig.
Naging madalang na ang pangingisda at paliligo niya nang magdalaga na siya dahil naging abala na sa pag-aaral. Araw-araw siyang lumuluwas sa kabisera dahil kumukuha ng kursong Edukasyon. Isang taon na lang ang bubunuin niya. Plano niyang magtayo ng maliit na eskuwelahan sa kanilang baryo kapag naging isang ganap na guro na siya.
May dalawa pang kabitbahay na nakasakay sa karitela nang lumabas siya. Sina Aling Connie at Aling Marina ang naging katuwang ng ina sa pagbabasta ng mga bilao ng puto. Ang tanging ginawa na lang niya ay ang pagsisingkaw ng primitibong sasakyan sa leeg ni Kalakian.
“Lalarga na ba tayo, Ina?” tanong niya.
“Bakit naka-tsinelas ka lang?” puna ng magulang.
“‘Andito sa bag ang sandalyas ko, Ina.” Laman din ng nakasukbit na bag sa balikat ang pantalon at kamiseta. Papalitan niya agad ang bestida kapag nagkaroon ng pagkakataon mamaya.
“O, siya, tayo na. Kayo ba, Connie at Marina? ‘Ala na ba kayong nakakalimutan?”
“Wala. Naisara ko na ang aming bahay. Kagabi pa ‘and’on ang mag-aama ko, e,” tugon ni Connie.
“Ako rin, kagabi pa nag-iisa d’yan,” ani Marina naman.
“‘And’yan na hu ba ang mga murang niyog at kudkuran?” paalala niya.
“Oo, ayun ang sakong pinaglagyan natin. Kung naisara mo na ang mga pinto at bintana natin, tayo na.” Ibinuhol nito sa leeg ang bandang ipinandong sa ulo. Pawang nakasuot ng salakot ang dalawa.
Saka lang sumampa si Xandra sa karitela. Hinawakan niya ang lubid at pinitik ng isang maiksing latigo sa malapad na puwitan ang malaking kalabaw.
“‘Buti’t hindi nagbabago ‘tong si Xandra, ano, Ka Adora? Aba’y malapit na siyang maging guro, hindi ba? Pero aya’t marunong pa ding magmaneho ng karitela,” papuri ni Connie.
“Oo nga. Balita ko’y nangingisda pa nga rin daw sa ilog ‘yang dalaga mo, a?”
“Kuu, bihirang-bihira na nga siyang nakakapunta sa ilog, e. Ayaw na nga ni Desto ko. Baka raw umitim, e, dalaga na’t magiging titser pa naman.”
Inignora ni Xandra ang pagkukuwentuhan ng tatlong pasahero. Baka lalo siyang sumpungin. Ibinaling na lang ang pansin sa magagandang tanawing nadaraanan habang sinasamyo ang sariwang amoy ng mga palayang nagsisimula nang mahinog.
Kundi sa mataas na pangarap ng kanyang ama, hindi niya gugustuhing iwanan kahit na sandali ang napakagandang lugar na kinalakhan.
“Anak, ayaw kong maging isang magsasaka ka rin na katulad namin ng iyong ina. Baguhin mo naman ang guhit ng kapalaran ng ating pamilya. Mag-aral ka. Ibig kong maging titulada ka. Kunin mo ang kursong nais mo.”
Kahit na may sariling disposisyon at may katigasan ang loob, isang masunuring anak si Xandra. Nag-aral siyang maigi upang makapasa sa unibersidad sa kabisera. Gusto rin pati niyang makapagdala ng pagbabago sa buhay ng iba, kaya pinili niyang maging gurong pang-elementarya. Marami sa mga taga-baryo ang hindi pa marunong magbasa at magsulat.
Ganito lang ka-simple ang pangarap niya.
* * *
Nang matanaw ni Keith ang arkong bato na nagbibigay-pugay sa lahat ng mga taong papasok sa Bayan ng San Isidro, pinatay niya ang car stereo upang tahimik niyang manamnam ang pag-uwi sa lugar na sinilangan.
Kahit na anong layo pa ang bansang kinaroroonan, kusang-loob siyang umuuwi. Nagtataka ang mga kaibigan niya kung bakit. Hindi maintindihan ng mga ito ang pagnanais niyang magbakasyon sa liblib na probinsiya kaysa manatili sa modernong Amerika!
Bukod kasi sa mga magulang, may likas na pagmamahal din siya sa lupaing pag-aari ng kanilang angkan.
“Bakit ba babalik ka pa d’on? Ano bang meron d’on?” usisa ni John.
“Pilipino ako, kaya babalik ako sa Pilipinas ngayong nakatapos na sa aking pag-aaral,” katwiran niya.
“Sa Manila, maiintindihan namin. Pero sa isang liblib na bayan? You’re simply nuts!” salo naman ni Ronald.
“Doon ako ipinanganak, buddies. Kaya ako nagpaka-dalubhasa dito sa ‘Merika, e, para mapaunlad ang pamumuhay ng mga kababayan ko doon,” ang seryosong paliwanag niya.
“Mabuhay si Keith! Tatanghalin kang isang dakilang bayani!” pambubuska naman ni Rommel.
“Kidding aside, gusto ko kayong imbitahan sa San Isidro. Makikita n’yo, malaki ang potensiyal ng lugar namin para maging site ng isang food processing plant,” pagmamalaki niya.
“Talaga? Okey, we shall visit your place. Just keep in touch, Keith.” Interesado agad si Jimmy. Seryoso din itong katulad niya, bagama’t lahat silang limang magkakabarkada ay pawang mga anak-mayaman sa Pilipinas.
“Kelan ba ang uwi mo?”
“Next week. Puwede na kayong sumama kung gusto n’yo.”
“Right after graduation? Wow, pare, paano si Tiffany? Isasama mo ba siya sa ‘Pinas?”
“Hindi. No strings attached naman ang relasyon namin. She won’t miss me.” Naikakama na niya ang dalagang Amerikana pero wala silang commitment sa isa’t isa.
“Type ko rin siya, buddy,” pagtatapat ni Rommel. “Puwede ko ba siyang pormahan ‘pag wala ka na?”
“Sure. Magtatagal ka pa ba dito?”
“Medyo. ‘Papahinga muna ako. Pulos trabaho lang naman ang naghihintay sa akin sa ‘Pinas, e.”
“E, kayo?” tanong niya sa iba pa.
“Baka susunod na rin kami sa ‘yo. Missed na namin ang mga pamilya namin.” Si John ang sumagot para sa iba pa.
Si Keith nga ang naunang umuwi. Mula sa airport, dumiretso na siya sa probinsiya. Dumaan lang sandali sa bahay nila sa Fairview, para kunin ang isa sa mga kotseng naruruon. Siya mismo ang nagmaneho kahit inaalok ng katiwala ang serbisyo.
Matapos ang apat na oras na paglalakbay, abot-tanaw na niya ang San Isidro. Nasa gitna na siya ng ekta-ektaryang palayan. Tinatawid na ang aspaltadong kalsada patungo sa malaking bahay ng mga Medrano.
Hindi palalo, at lalong hindi bago, ang gusaling yari sa malalaking tipak ng adobe. Panahon pa raw ng mga Kastila nung itayo iyon kaya ang arkitektura ay klasikal.
Ang mas lalong kahanga-hanga ay ang makulay at mayabong na hardin sa paligid. Ang bawat henerasyon ay nagdadagdag ng iba’t ibang uri ng halaman, kaya naman ispektakular ang palibot.
Napangiti siya nang maalala ang mga buto ng halamang ipapasalubong niya sa kanyang Mama. Nagmula pa sa Hawaii ang mga flower seeds. Kumpirmadong tutubo sa Pilipinas dahil halos pareho ng klima ang dalawang bansa. Tiyak na matutuwa ito.
Kumuriring na naman ang celfone ni Keith. Ang ina na naman niya siguro ang caller. Halos oras-oras kung tumawag ito magmula nung malaman ang takdang oras ng pag-uwi niya.
“Naiinip ako, iho. Pasensiya ka na.”
“Good morning again. Ten minutes na lang at nandiyan na ako, Mama.”
“Talaga? Naku, teka, iiwan na uli kita. May aasikasuhin pa ako. See you!”
Tiyak na abala ang ina sa sa paghahanda para sa pagdating niya.
“Ma, don’t fuss, please,” pakiusap niya kanina pa. “Ayoko sana ng maraming tao muna.” Sawang-sawa na siya sa mga tao. Gusto niyang maging tahimik at payapa ang kanyang pag-uwi.
Ngunit hindi napagbigyan ang kahilingan niya dahil punum-puno ng mga tao ang bakuran nila! Ang karamihan ay mga magsasakang nakikisaka sa malawak na lupaing pag-aari ng kanyang pamilya.
Pero sa umpisa lang siya nayamot. Dakong huli’y napalitan iyon ng pagkasabik. Paano’y unti-unting nanumbalik sa kanya ang isang alaalang itinago nang matagal sa pinakasulok ng isipan.
Mula sa pinakalikod ng memorya, lumutang ang imahe ng isang pambihirang nilalang.
Kumusta na kaya si Xandra? bulong ni Keith sa sarili habang minamaniobra ang pagpasok ng kotse sa garahe.
Sinadya niyang kaligtaan ang tungkol sa dalagita dahil hindi pa puwedeng pag-ukulan ng pagnanasa. Disisais pa lang si Xandra nung beinte dos siya. Kumbaga sa bunga, bubot pa.
Apat na taon siyang nawala. Sinadya niyang magtagal sa kanyang pag-aaral sa ibang bansa. Nagpaka-dalubhasa siya sa mga kursong makakatulong sa pangangalaga ng kanilang kabuhayan kahit na hindi iyon ang talagang nais niya.
Dahil sa kanyang pagbabalik, ibig niyang makasiguradong dalagang-dalaga na ang tanging babaeng nagpaliyab sa kanyang pagnanasa – kahit sa unang pagkikita pa lang nila ni Xandra noon…
‘Maaari na pala kitang pitasin, Xandra!’
***
“Dumating na kaya ang anak na binata nina Mam at Ser?”
Malayu-layo pa sila, pero abot-tanaw na ang malawak na bakuran ng malaking bahay. Nagkakandahaba na ang mga leeg ng tatlong babaeng pasahero ni Xandra.
“Oo yata.”
“P’ano mo nalaman?”
“Aya’t nagkakagulo na sila sa paghahain, o.”
“Aba’y tamang-tama pala ang dating natin.”
Hindi umiimik ang dalaga. Abala siya sa pagmamaniobra ng karitelang hila-hila ng kalabaw. Ilang minuto pa ang inubos ng kaunting distansiya bago sila nakapasok sa loob ng maluwang na bakuran.
Sumalubong ang kanyang ama at ilang kapitbahay nang mamataan sila. Nagtulung-tulong sa pagkuha ng mga bagahe kaya natapos agad.
Mailap naman ang mga mata ng dalaga. Pahapyaw agad na sinipat ang paligid. Marami siyang nakitang mga pamilyar na mukha. Halos lahat ng mga kababaryo niya ay nanduruon nga. Maging ang mga taga-ibang baryo.
Pero laking pasalamat dahil hindi nakita ni ang anino ni Keith Medrano.
Nagulat si Xandra nang may madama siyang kakatwa. Umaasam ba siyang makita uli ang lalaking pinakamayabang at pinaka-arogante sa lahat ng mga nakilala niya?
‘Hindi!’ Papilig siyang umiling.
“Dadalhin ko ho sa labas si Kalakian, Ama, para makakain ng damo,” paalam ni Xandra. “Hindi pa siya tapos mag-almusal kaninang kinuha ko sa kamalig, e.”
“Sige, anak. Ilayo mo lang nang kaunti, hane? Baka may makaaway. Marami-rami nang kalabaw ang nandiyan sa labas,” habilin ng ama.
“Opo, Ama.” Nagpalinga-linga muna siya. Wala na siya sa paningin ng ina. Puwede na siyang tumakas!
“Tsk! tsk! Halika na sa labas, Kalakian,” yaya niya sa kalabaw, sabay pitik ng maikling latigo sa tagilirang puwitan ng hayop. “Oo. Uuwi na tayo! Hindi na tayo kailangan dito,” dagdag pa niya.
Sa kanyang opinyon, masyado nang marami ang mga dalagang magsisilbi. Kalabisan na siya. At iyon ay ayon sa kagustuhan niya!
* * *
Nasa balkon si Keith at kasalukuyang sinisimsim ang ibinigay na iced tea ng ina, nang mapalingon siya sa tarangkahan. Isang karitela na hila-hila ng malaking kalabaw ang kasalukuyang pumapasok.
Nakaharap ang babaeng nagmamaniobra ngunit hindi tumingala kaya hindi siya nakita.
Sabik na minasdan ni Keith ang katuparan ng lihim na inaasam. Dalagang-dalaga na nga si Xandra!
Hinug na hinog na ang hubog ng balingkinitang katawan. Hindi itinago ng bestida ang maliit na beywang at ang balakang na bilugan. Katamtaman lang ang yaman ng dibdib. Eksakto lang ang sukat para masapo ng palad niya.
Pino at makinis ang balat na tila naging ginintuan dahil kumupas ang pagka-kayumanggi. Mas mahaba ngayon ang alun-along buhok na sing-itim ng gabi.
Nagsimulang sumikdo ang pagpintig ng pulso ng binata habang nagiging mapusok ang paglalayag ng imahinasyon.
“Iho, maliit na pagtitipon lang naman ang inihanda namin. Apat na taon kang nawala sa aming piling. Natural lang na masabik ang mga kaibigan at kakilala natin na makita kang muli.”
Nagsalita ang ina niyang nakaupo sa sopa kaya napilitan siyang ibalik dito ang atensiyon.
“Please, don’t be offended,” dagdag pa ni Mrs. Medrano. Mahirap hulaan ang edad dahil mapustura at maalaga sa kutis.
“It’s alright, Mama. Actually, it’s a nice surprise. Thank you.” Ang tinutukoy niyang sorpresa ay ang pagdating ni Xandra. Biglang napawi ang pagod niya nang makita ang dalaga.
Lumuwang ang ngiti ni Mrs. Medrano. Mas kilala sa tawag na Ma’am Kate.
“Kuu, salamat naman. Nagsisi na nga ako, when I saw your tiredness.”
“Okey lang, Mama.” Nilapitan ni Keith ang ina at ginawaran ng masuyong halik sa noo. “Huwag lang sanang aabot hanggang gabi?”
“Sure, isang maagang pananghalian lang naman ang selebrasyon. Baka hanggang meryenda lang.”
“Good. Let’s start the party now.” Hinawakan niya ang kamay ng ina at marahang hinila para tumayo.
“Ay, oo nga. Nasaan na ba ang Papa mo?”
“Nasa likod-bahay siya. Tiningnan yata kung luto na ang litson.”
“Luto na siguro ‘yon. Kaninang madaling-araw pa nakasalang ‘yon, e.”
Sumulyap siya sa suot na wristwatch. Itinatago lang niya ang pagkainip pero kanina pa niya gustong bumaba upang magkaharap na sila ni Xandra.
“Let’s join them now.”
Habang nananaog sila sa hagdanang marmol na nasa harapan ng bahay, gumagala na ang paningin ni Keith. Hinahanap niya ang dalaga.
“Sa likod tayo?” suhestiyon niya. Iniisip na nandoon ang dalaga.
Ngunit wala si Xandra. Pati na ang karitela. Nagduda pa rin siya kahit nakita ang mga magulang ng dalaga. Kinilala niya sina Aling Adora at Mang Desto.
Kumunot ang noo niya pero hindi pa gaanong nabahala. Maaaring nasa kusina lang si Xandra.
“Ma, pupunta ako sa kusina. Dito na muna kayo?” Nagpaalam si Keith sa ina upang makatiyak.
“Okey, iho.”
Maliksing naglakad ang binata.
Isang grupo ng kadalagahan ang dinatnan niya sa kusina, ngunit hindi kabilang si Xandra.
“Magandang umaga, Sir Keith!” ang halos sabay-sabay na sambit ng mga babae.
“Magandang umaga rin.” Ikiniling niya ang ulo at pinilit ngumiti. Tumuloy siya sa pagpasok upang marekisa rin ang loob ng bahay. Maaaring nasa kumedor ang hinahanap niya.
Wala pa rin.
Umakyat uli siya sa verandah. Tatanawin niya ang kalsada. Baka umuwi na si Xandra!
Hindi nagkabisala ang hinala niya. Natanaw nga niya ang papalayong karitela, sakay ang dalagang pakay.
Dali-dali siyang pumanaog upang habulin ito. Sa malas, nasalubong niya ang ina.
“O, iho? Nag-alala ako kung bakit ang tagal mong bumalik. Umakyat ka pala uli?”
“A, yes, Mama. Please, excuse me. May gusto lang akong imbitahan,” pagdadahilan niya.
“Sino?”
“Makikita n’yo siya mamaya.”
“Pakibilisan mo lang, ha?”
Tumango na lang si Keith habang inuubos ng malalaking hakbang ang distansiya sa pagitan ng malaking bahay at tarangkahan.
Kailangang maabutan niya ang dalaga. Sa unang araw ng kanyang pagdating, kailangang magbigay siya ng panibagong first impression.
Pangit ang naging pagkakilala ni Xandra sa kanya nung una silang nagkita. Kaya kailangan niyang makapagpa-impressed.
Handa na siya. Handa na siyang ilantad ang atraksyon na sinupil niya noon…