Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

THE FLAME WOMAN

Preziosa has the power to create fires from her finger tips. But her magic was cursed and led her to a lot of misfortune… until Luc came to rescue her.

He had magical powers, too. And he wanted to marry her. But she wanted freedom if he could not love her.

If you were given the power to create fire, how would you pay for it? If you were offered a chance to be happy with someone you love — but who doesn’t love you… will you stay with him forever?

Love is magical. Love is letting go.

If you love something, set it free. If it comes back, it was, and always will be yours. If it never returns, it was never yours to begin with.

* * *

Nagisnan ni Preziosa na ang mga magulang, mga kapitbahay, at mga kalaro sa lugar na kinalakhan ay iba ang kulay at laki kaysa sa kanya.

Larawan siya ng isang taong taga-kapatagan, samantalang ang nakilalang Itay at Inay na sina Hugo at Apito ay mga purong dugong Aeta.

Napapunta siya sa kandili ng mga ito nang bumagsak ang eroplanong sinasakyan ng maraming pasaherong nasawi agad, maliban sa isang batang babae na walang nakaraan.

Dalawang taong gulang pa lamang siya noon…

Labinlimang taon na siya ngayon. At nagsisimula nang lumikha ng mga mumunting kaguluhan sa pagitan ng mga kalarong lalaki.

Napansin ng pinuno ng munting tribo ang bagay na ito.

Ipinatawag ang mga magulang ni Osa, ang palayaw ni Preziosa.

Hindi na nalaman ni Osa kung anuman ang napag-usapan sa loob ng pinakamalaking kubol na iyon sa gitna ng kagubatan.

Namalayan na lamang niya na nagising siya sa isang tunay at walang katapusang bangungot…

Sinundan si Preziosa ng mga lumipas na taon sa iba’t ibang parte ng probinsiyang itinuturing na teritoryo nina Ciriaco.

Limang mababagal at matutuling mga taon ng walang pagbabagong mga araw at mga gabi — para sa alila sa araw at ‘Ang Babaeng Ningas’ naman sa gabi.

“Osa!” sigaw ni Ciriaco. “Linisin mo nga ang mga kulungan ng mga aso!”

Kahit ang gusto ng amo ay mangaykay siya sa takot at mataranta sa pagkilos, hindi na magawang tumakbo ni Preziosa. Wala na siyang lakas para ipakita ang sindak na palaging nasa dibdib. Kahit na barilin pa siguro siya, hindi siya makakakilos nang mabilis.

Isang beses lamang pinakakain sa buong maghapon si Preziosa. Ang kaligtasan ng grupong may-ari ng peryahang ito ang dahilan. Kapag nanghihina kasi ang katawan niya, hindi siya makakalikha ng naglalagablab na apoy.

Para tanging mga ningas sa sandaling pupulandit sa mga dulo ng kanyang daliri ang puwede niyang likhain sa pamamagitan ng puwersang nanggagaling sa kanyang isip.

Tatlong beses iyon para sa isang gabi. Kapag maraming manonood, pakakainin siya ng isang pirasong biskwit at paiinumin ng isang basong tubig para muli pang makapagtanghal.

Matapos ang paglilinis ng kulungan ng mga aso, inutusan naman siya ng kanang kamay na si Burong.

Liligpitin daw ang mga boteng nagkalat sa loob ng silid ng mga ito. Liyung-liyo siya sa masangsang na amoy ng alak at sa malansang hitsura ng mga nagkalat na suka sa paligid ng karaban.

Halos gumapang na ang balat sa tindi ng pandidiri niya. Patakbo niyang tinungo ang malayu-layong batis para hugasan ang maruruming pinggan at kubyertos, pati na ang sarili.

Sinipa kasi ni Burong ang bayong na pinaglagyan niya ng inipon na dumi at basura, tumalsik sa kabuuan niya ang ilang malalagkit at malalapot na bagay.

Halos mapahikbi siya sa labis na gutom at pagod na nararamdaman.

Takot lamang siyang makulong sa bartolina ni Ciriaco kaya nagtitiis.

Madilim sa loob ng munting silid na hugis-kahon. Walang bintana kundi ang maliit na kuwadradong butas na isang basong tubig lamang ang puwedeng kumasya. Naranasan na niyang mabartolina sa loob ng isang buwan. At dalang-dala na siya!

Dahil bago mabartolina, mistulang hayop muna siyang ikinulong sa isang hawlang yari sa kawayan. Nakatalungko lang siya sa loob ng ganoon kahabang panahon. Hindi maaring gumalaw. Natutulog siyang nakabaluktot at nakayapos sa mga hita at binting palagi lang nakatiklop.

Binubuhusan siya ng isang baldeng tubig na sinalok sa kanal, balon, o sapa para makainom siya nang kaunti at makaligo na rin. Ang sahig na nagtututong na sa dumi ay lalo lang umaalingasaw sa baho. Mas mabango pa ang mga alagang aso ni Ciriaco.

Pinarusahan siya dahil nasunog niya nang di-sinasadya ang isang karaban noon…

Ibinenta si Preziosa ng pinuno ng tribo sa mga mangangasong malimit dumalaw sa tribo ng mga Aeta.

Itinuturing na pala siyang malas noon. Nagsisimula nang magnasa sa kanya ang halos lahat ng mga binatilyo at binatang Aeta nang tumuntong siya ng katorse anyos.

Nagkakaroon na ng hilian at selosan sa pagitan ng mga magkakapatid na katutubo. Hindi siya nararapat doon kahit na mayroon siyang galing. Marahil daw ay bigay ng demonyo ang bagay na iyon, hindi galing sa Bathala.

Tinangka siyang halayin ng grupo ni Ciriaco nang magkamalay siya matapos buhusan ng tubig sa mukha.

Nanlaban siya. Malakas pa siya noon. Matigas pa ang kanyang mga kalamnan. Ngunit siguradong magagapi dahil malalakas ang mga kalaban na nagtutulung-tulong kaya napilitan siyang gamitin na ang lihim na galing sa apoy.

Ipinitik ni Preziosa nang sabay-sabay ang kanyang mga daliri. Ang normal na ginagawa niya ay ang hintuturo lamang at ang hinlalaki ang pinalalabasan niya ng mga munting dila ng apoy. Sapat lang ang laki ng mga ningas para masindihan ang isang tumpok na kahoy na gagawing siga sa gitna ng tribo kapag gabi na.

Ngunit dahil sa bugso ng magkahalong takot, galit, at hinanakit, malalaki ang mga ningas na sumirit mula sa kanyang mga kamay. Naging mala-impiyerno agad ang buong paligid. Agad na nagdiklap at nagdikit ang mga kahoy na tuyo sa mahabang paglalakbay sa initan. Nasunog ang karaban.

Nasindak ang mga tauhan ni Ciriaco ngunit hindi ang mismong lider. Pangit na lalaki. Malaki ang tiyan at madulat ang mga mata. Maitim ang nangingintab na balat dahil sa makapal na layer ng magkahalong dumi at pawis.

Mabagsik ang pag-uugali kaya kahit na pinakamaliit, si Ciriaco ang naging pinuno ng grupo.

Matapos ang tatlong buwan sa kawayang hawla, naging buto’t balat na si Osa.

Inilipat siya sa isang kuwartong mas malaki nang kaunti. Yari naman sa yero at bakal. Nakakakilos na siya pero kulang pa rin ang ibinibigay na pagkain.

Ineksperimento siya para ihanda sa una niyang pagtatanghal. Kinuha ang tamang sukat ng pagkain makakapagbigay ng sapat na lakas para makalikha ng mga ningas na mayroong katamtamang laki.

Dahil mahinang-mahina pa ang resistensiya ni Preziosa, mas malakas pa ang apoy ng isang palito ng posporo sa mga munting ningas na nagagawang palitawin sa mga dulo ng kanyang mapuputlang mga daliri.

May buti namang naidulot ang sobrang pangangayayat ng dalaga. Pinandirihan na siya at wala nang nagtangkang humalay sa kanya. Mistula na kasing kalansay ang dating balingkinitang katawan.

At kahit na salat na siya sa lakas, ginawa pa rin siyang alipin at utusan.

Wala nang magawa si Preziosa kundi ang lumuha na lang sa tuwing naaalala ang dating buhay sa piling ng mga Aeta. Paborito ng kanyang Inay Apito na sabay silang maligo sa batis. Nag-iipon ito ng mga dahon na ginagawang panlinis sa mahahaba at medyo kulot na itimang hibla ng kanyang buhok.

Matiyaga siyang hihiluran ng lumang basahan sa lahat ng parte ng kanyang katawan para manatiling makinis at sariwa ang kanyang kutis noon. Susuklayin ang mahabang buhok niya habang nakalubog sila sa malinaw na tubig. Pagkatapos maligo, uuwi sila sa tahanang kubol at magbibihis ng malinis na damit.

Ngunit ang bestidang suot niya magmula nang mapunta sa perya ay halos taunan kung mapalitan. Ang kulay pulang daster ay kupas na nung ipasuot sa kanya. Pero ngayon ay halos abo na dahil sa sobrang dumi.

Malalim pa rin ang pag-iisip ni Preziosa nang may humalong kung-anong puwersa sa hangin na umihip sa kabuuan niya. Tila maliliit na alon ng kakaibang pakiramdam na gumagapang sa kanyang balat. Parang ibig patindigin ang kulot na buhok niya kahit ma mahigpit na nakatali ng makapal na goma.

Nagpalinga-linga si Osa sa paligid. Siya lamang ang tao doon ngunit mayroon ibang nilikha na nasa malapit.

Alam niya. Natitiyak niya. Nararamdaman niya.

Ngunit hindi niya nakikita.

Dagling nanginig ang kanyang buong katawan. Sindak ang nadarama niya sa sandaling maisip ang salitang lakas o puwersa.

Matapang si Preziosa noon. Mayroon siyang kumpiyansa sa sarili.

Pero magmula nang maging alipin siya ng grupo ni Ciriaco, nawalan na siya ng personalidad. Parang batong dinurog at ginawang buhangin ang mga buto niya sa gulugod. Hindi na niya alam kung paano pa ang mabuhay mag-isa.

Winasak ng malupit at mapuwersang personalidad ni Ciriaco ang anumang tigas at tatag ng loob na mayroon siya. Wala siyang ibang sinusunod kundi ang taong iyon, ang pangit na demonyong iyon.

Sinabi ng pinuno ng mga Aeta na sa demonyo galing ang kanyang kakayahang lumikha ng apoy mula sa wala kaya si Ciriaco ang kanyang panginoon.

Dahil sa tagal ng kanyang pagkakakulong noon sa bartolina, nagkapalit-palit ang kanyang mga paniniwala. Dala marahil ng matinding pagkagutom at pagkauhaw na dinanas niya, nawala sa posisyon ang kanyang lohika.

Hindi na siya marunong mag-isip. Sunud-sunuran lamang siya.

Ngunit dahil sa matinding at kakatwang takot na sumakmal sa kanyang kabuuan, kusang kumilos ang mga paa niya para kumaripas ng takbo. Pero sa isip lang niya ang maliksing paggalaw. Mistulang musmos lang na bago pa lamang nakakalakad ang tulin ng kanyang paghakbang.

Hindi magkandatuto si Osa sa pag-ahon. Nadudulas ang kanyang mga talampakan sa mga batong maliliit at nababalutan ng lumot na nagkalat sa sahig ng batis. Hila-hila ng isang kamay ang baldeng lalagyan ng mga kasangkapang hinugasan sa batis.

Nakarating na siya sa madamong pampang nang biglang maparalisa ang buong katawan. Binalot ng kuryente ang utak niya. Inutusan siyang lumingon.

Mula sa makapal na kakahuyang nasa kabilang pampang ng batis, isang matangkad na hugis ang unti-unting iniluluwa sa liwanag.

Bumuka ang bibig niya para magpagibik ngunit parang may puwersang nakasakal sa kanyang lalamunan.

Wala siyang nagawa kundi ang makipagtitigan sa mahiwagang lalaki. Para siyang binabangungot dahil sa sari-saring pakiramdam na umaalon sa loob ng kanyang utak. Parang may winawasak. Parang may binubuo. Parang may binabago.

T-tama na po!

Wala pa siyang nadaramang kirot pero parang nasasabik na siyang makaramdam ng sakit.

S-sino ka?

Walang tinig na nakakaalpas sa bibig ni Preziosa pero nabakas niyang tila nagulat ang lalaki. Narinig nang malinaw ang isinigaw ng kanyang utak.

Nakita niyang bahagyang nanliit ang mga matang maitim at malalim habang sinisipat ang kanyang hitsura.

Ang kanyang karimarimarim na hitsura…

Wala suot na tsinelas ang mga paa ni Preziosa. Pulos sugat at mga baku-bakong kalyo ang mga talampakan. Ang kanyang buhok ay buhul-buhol at pabalumbon na nakatali. Sugat-sugat rin ang kanyang anit dahil sa dami ng mga insektong nakatira.

Ang kanyang katawan ay mistulang kalansay na sinuutan ng malulwang na damit. Malalaki at malalalim ang kanyang mga mata. Humpak ang mga pisnging namumutla. Manipis ang mga labing palaging walang kulay.

Aywan kung gaano katagal siyang naging bihag ng makapangyarihang titig ng lalaki. Nang maglaho ito sa kanyang harapan, saka lang uli siya nakakilos.

Paatras munang humakbang si Preziosa. Nakatutok pa rin ang mga mata sa lugar na kinakitaan sa estranghero. Nang matiyak na nag-iisa na lang uli siya, saka lang siya tumalikod para magdumali sa pagbalik sa peryahan.

Hindi pala iyon ang huli nilang pagkikita ng mahiwagang lalaki. Nang nagtatanghal na si Osa pagsapit ng takipsilim, namataan niyang isa ito sa mga nanonood.

Kapansin-pansin ang kaibahan ng kasuotan ng estranghero. Tila maayos ang pamumuhay dahil malinis ang balat at buhok, at nakaahit ang bigote at balbas. Pinakamatangkad pati sa karamihan kaya agad na mahuhuli ng paningin ninuman.

Agad siyang yumuko habang hinihintay ang iuutos ng lalaking nasa kanyang likuran, isa sa mga tauhan ni Ciriaco.

Natuto siyang makaintindi ng Tagalog habang nakikinig sa mga kuwentuhan nina Ciriaco ngunit hindi nasanay ang kanyang dila na sumambit sa kahit na isang kataga.

Ang alam ng grupo ay ignorante pa rin siya dahil hindi na nagsalita pa matapos ang unang pagpaparusang naranasan niya noon.

Mahinang paghagupit ng latigong maikli sa kanyang likod ang mga senyas para malaman niya ang pinagagawa sa kanya.

Sinimulan na nga niya ang ilang bagay na itinuro nina Burong. Inilahad niya sa mga manonood ang kanyang mga palad, magkakahiwalay ang mga butuhang daliri para makita nang malinaw ang pagpuslit ng mga dila ng apoy sa bawa’t dulo.

Ang ikalawang eksibisyon ay ang pagbibilog ng mga naturang dila para maging isang bola ang maliit na nag-aapoy. Kulay pula ang sentro ng bola kaya hindi gaanong nakakapaso.

Puwedeng hipuin ng mga nasa unahan habang pilit na pinatatagal ng utak ni Osa ang bolang apoy.

Sanhi marahil ng sumasabay na matinding tensiyon dahil sa nararamdamang lakas na galing sa matangkad na lalaki, naubos agad ang kakayahan niya.

Kahit na magsigawan nang magsigawan ang mga tao, wala na siyang magawa kahit na isang ningas lang.

Kinaladkad siya palabas ng entabladong kulong ng rehas na kahoy ni Pulo, ang bantay niya sa gabing iyon.

“Tangnang babae ‘to! O, ayan, lumamon ka muna,” utos ng lalaking barubal.

Sinalaksakan siya ng dalawang pirasong tinapay na matigas bago binuhusan ng isang basong tubig sa pinisil na bibig.

Wala siyang nagawa kundi ang lumunok ng mga nakaharang sa kanyang lalamunan.

“Magtrabaho ka na uli!” singhal ng tauhan sabay hampas ng maikling latigo sa likod niya.

Ibinalik siya sa harap ng mga nasabik na tao para muling pagtanghalin ngunit nandoon na naman ang lalaki.

Nabigo na naman siya. Ayaw umalis ng inhibisyon.

Hinagupit siya nang paulit-ulit ni Pulo sa likod ngunit wala na siyang natitirang lakas.

Hanggang sa mapaluhod siya at tuluyang mapalugmok. Tinigilan siya ni Pulo nang maawa ang mga manonood at isa-isang magsialis.

“Tumindig ka na nga diyan, maarte!” hiyaw ng lalaking may hawak ng latigo. “Wala nang nanonood sa iyo!”

Naglalaho na ang ulirat ni Osa. Gusto na niyang mamatay…

Nagising si Osa nang mag-uumaga na. Iniwan siya ni Pulo sa gitna ng entabladong dalawang metro ang haba at lapad.

Pinilit niyang ibangon ang sarili.

Nararamdaman niya hindi na siya magtatagal.

Oh… gusto ko nang mamatay…

Muli siyang nalugmok nang mangatog nang husto ang mga tuhod para bang hinihila siya ng matigas na sahig na plywood.

Napadaing siya nang tumama ang buto ng isang pisngi sa magaspang na sahig.

“Ano ba ‘yang si Osa?” Singhal ni Ciriaco. “Buhay pa ba iyan? Aba’y kung patay na, itapon na. Baka dito pa mamaho iyan.”

Hindi na siya makapagmulat ng mga mata. Nakapagkit na yata ang kanyang mga talukap.

“Boss, paano naman ang kita natin sa mga pagtatanghal niya?” protesta naman ni Burong. “Malakas kumita ang ‘Babaeng Ningas’, natin, a!”

Humalakhak na parang nakakaloko si Ciriaco. “Magiging ‘Babaeng Bangkay’ na ‘yan kapag hindi n’yo pa ako sinunod. Doon sa batis ninyo itapon iyan. Ano, Pulo? Wala na bang pulso?”

“Wala na ‘ata, boss,” tugon naman ni Pulo gayong hindi naman siya hinawakan. Natatakot na pala dahil mistulang bangkay na ang hitsura ni Osa nang mga sandaling iyon.

Walang kulay ang mga pisngi. Nangingitim ang mga labi. Ang mga mata ay halos singlalim na ng sa bungo.

“O, ano pa ang hinihintay!” singhal uli ng pinuno.

“Boss, sayang ang kita natin,” panghihinayang pa rin ni Burong.

“Pun — ! Nabawi na natin ang isang daang pisong pinuhunan ko sa kanya, Burong! Kaya, puwede ba? Tumahimik ka na!”

Papalayo na ang mga tinig ng mga magagaspang na lalaki. Kaipala, inilalayo na siya ni Pulo at ni Sitong.

Iginapos si Osa na animo hayop sa mga paa at kamay at saka binitbit na patungo sa batis. Iniitsa siya nang walang abug-abog. Hinayaang maanod palayo ng mabagal na agos ng tubig.

Ni hindi niya nagawang pumusag kahit gustuhin pang iligtas ang sariling buhay. Ngunit ayaw na niyang mabuhay kaya nagpaagos na lang siya.

Natapos na rin sa wakas ang kanyang kabanata sa daigdig na ito. Namuhay siyang parang hayop sa loob ng maraming taon.

Wala nang natitira pang dahilan para mabuhay ang isang katulad niyang may talento na hindi galing Kay Bathala…

Sinalubong ni Osa nang buong lugod ang karimlan at pamamanhid na hudyat ng paparating na kamatayan. Ginhawa na ang ibibigay sa kanya ng katapusan…

Iyon ang mga huling laman ng utak ni Osa bago tuluyang pumanaw ang diwa.

At nang salubungin ng nakasisilaw na liwanag ang muling pagdilat ng mga mata, inisip niyang nasa langit na siya.

Ito na kaya ang langit na sinasabi nina Hugo at Apito? tanong niya sa kanyang sarili. Makikita na kaya niya ang kanyang tunay na mga magulang? Makikilala pa kaya siya ng mga ito?

“Wala ka sa langit,” tugon ng isang malumanay na tinig na malapit sa kanya. “Hindi mo pa makikita ang iyong mga tunay na magulang. At tiyak na hindi ka makikilala ng mga iyon.”

Biglang napamulagat si Osa. Nanlalaki na ang kanyang mga mata. Iginala niya sa paligid ang kanyang paningin.

Nasaan ako?

“Nandito ka sa bahay ko, sa ituktok ng bundok,” sagot uli ng tinig-lalaki.

Nahaluan ng matinding pagtataka ang nadarama niyang pangangamba.

Nababasa ba ang kanyang isipan?

“Oo,” anang tinig uli.

Iniba niya ang anggulo ng nakahimlay na ulo. Nakita niya ang matangkad na lalaking nakaupo sa silyang katabi ng hinihigaan niyang malambot.

N-nakahiga ako sa kama?

Tumango ang lalaki. Enigmatiko ang ekpresyon.

Nakatalikod ito sa liwanag ng malaking gasera na nakatindig sa isang lamesitang nakatayo sa may paanan ng kama. Wala siyang maaninag na emosyon sa mga matang nakakubli sa aninong likha ng makapal na kilay at butuhang pisngi.

Kama, ulit niya sa sarili. Ito nga ba ang kama na sinasabing higaan ng mga taga-kapatagan?

Bahagyang natigilan ang lalaki bago muling tumango.

“Hindi ka pa nakakahiga sa ganitong klaseng higaan?”

Hindi pa… tugon ni Osa sa pamamagitan pa rin ng isip.

“Gusto mo nang kumain? Isang linggo ka nang walang malay,” pag-aalok ng lalaki nang mapuna ang pamimigat ng kanyang mga talukap.

Hindi makapaniwala si Osa sa narinig.

P-pakakainin mo ako?

Iyon agad ang naisip niyang itanong. Nagtataka siya sa tila mga maninipis na taling plastik na nakadikit sa isang kamay niya. Nakasugpong ang dulo sa isang boteng mayroong laman na likidong malinaw.

Pero umagaw sa kanyang pansin ay ang mahiwagang lalaki at ang inialok na pagkain — kaysa malaman kung paano siya nakarating doon o kung bakit buhay pa siya.

Click here to READ MORE

Comments are closed.