Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

THE LOST WIFE

Catlin was the perfect look-alike of Reuven’s missing wife. In exchange for money, she agreed to be his pretend wife until he got well from injuries caused by a bad accident.

It was supposed to be easy job if she did not fall in love with the man. What punishment was waiting for Catlin when Reuven discovered her as a fake?

Ulila na si Catlin at ang mga nakababatang kapatid ay mga responsibilidad niya. Dahil sa pagnanais na magkaroon ng magandang kinabukasan ang pamilya, pumayag siyang magpanggap na asawa ng isang mayamang pintor.

Madali lang naman daw ang trabahong gagampanan niya. Sigurado daw na hindi siya mabibisto, ayon sa tiyahin ni Reuven na nag-alok ng trabaho kay Catlin.

Ngunit pareho silang nagkamali. Nabunyag ang lihim niya…

Anong klaseng parusa ang nararapat sa isang manlolokong katulad niya?

Hindi pa ba sapat ang paghihirap ng puso niyang natutong umibig sa isang lalaking hindi na malaya?

* * *

Magulo. Mabaho. Maingay.

Ang mga katagang iyon ang eksaktong maglalarawan sa lugar na inuuwian ni Catlin. Isang squatters’ area na nakakalumpon sa magkabilang panig ng isang malawak sanang estero kundi nabubulunan sa dami ng sari-saring basura.

Nakatambak rin ang nangangalingasaw na basura sa isang panig ng makipot na eskinita patungo sa tinutuluyang bahay.

Ang istilo ni Catlin ay huminga nang malalim upang hindi niya masinghot ang lahat ng masangsang na amoy. Laki siya sa hirap pero ang kanyang sikmura ay tila pangmayaman dahil sensitibo sa mabaho.

Ngunit hindi mababakas sa maamong mukha ng dalaga ang nadaramang pagkadisgusto sa kanyang paligid. Mayroong nakasilay na bahagyang ngiti sa kanyang makipot na bibig.

“Ano kaya sa palagay mo, Cat? Nakapagsaing na kaya sina Polly?” usisa ni Marita, ang matalik na kaibigang kasabay niya sa paglalakad pauwi.

Hindi tumugon si Catlin dahil abala siya sa pagpipigil-hininga.

Ganito ang teknik na nadiskubre niya para hindi sumakit ang tiyan sa sobrang baho ng mga basurang nakatambak sa daraanan.

“Hoy, Cat!”

Tinapik siya ni Marita sa balikat kaya nasira ang konsentrasyon niya. Mabuti na lang papalampas na sila sa tambakan ng basura.

“Hintayin mo naman ako, hoy!” habol ng kaibigan nang tulinan pa niya lalo ang paglalakad.

“John! Sina Ate Catlin, nandito na!” hiyaw ni Polly, isang dalagitang nasa ikalawang taon na ng hayskul.

Kinipit nito sa kilikili ang hawak na walis tambo para sumalubong sa kanya.

“Ate, ako na ang magdadala n’yan,” anito habang kinukuha sa kanya ang plastik bag na puno ng groseri.

Iyon na ang huling bag ng groseri na bibitbitin ni Catlin pauwi.

Dalawang buwan na siyang hindi nagtatrabaho pero kanina lang naging opisyal ang pagiging sisante niya.

Tapos na ang lahat ng mga benepisyong tinatanggap niya. At mawawalan na sila ng perang panggastos…

Ngunit ayaw niyang sabihin sa mga kapatid ang tunay na estado ng family finance nila.

“O, nas’an si John?” Natanaw niya ang hinanap na kapatid na lalaki sa isang sulok. Nagbabasa ng libro. “Ano na naman kaya ang ginagawa ng bunso namin?” ang naglalambing na tanong niya habang pumapasok sa munting kuwarto.

Maliit lang ang silid pero kasya ang kumedor, kusina, sala, at tulugan.

“Nagdo-drowing ako ng assignment ko, ate,” tugon ng dose anyos na batang lalaki.

“Aba, magaling naman pala ang youngest brother namin, e!” papuri niya sa kapatid. “E, ang aking only sister naman? Baka naman napapagod ka na sa kalilinis mo, Polly. Mag-aral ka na muna ng leksiyon para bukas ay mayroon kang isasagot sa guro.”

“Maya-maya na, ate. Salamat sa paalala. Titingnan ko lang kung luto na ang sinaing ko.”

“Hay! Talaga ‘tong si Catlin. Iniwan mo na naman ako, bruha ka,” reklamo ni Marita pagbungad sa pinto.

“Pasensiya ka na. Hindi ko kayang samyuin ang pabango diyan sa labas,” paliwanag niya sa kaibigan. Magaan ang tono niya.

Nagpunas muna ng bimpo sa pawisang mukha at leeg si Marita bago tumugon.

“Naku, ewan ko ba diyan sa mga tao dito sa atin. May nagdaraan namang trak ng basura, hindi pa d’on ibigay ang mga basura. Hay, ang Pilipino talaga!”

Patuloy sa pagbubusa ito habang tahimik nang nag-aayos ng mga pinamili si Catlin. Inilagay niya sa maliit na kabinet ang mga delata at sabon.

“In-in na ba ang sinaing, Polly?” tanong niya sa kapatid.

“Puwede na siguro ‘yan, ate. Pakipatay mo na lang ang kalan,” tugon ng tinanong. “Ano nga palang gagawin dito sa isdang dala n’yo?”

“Ako, kahit na ano. Tanungin mo ang Ate Marita n’yo,” aniya habang nagpupunas ng mga kamay sa basahang nakasabit sa gilid ng lababo.

“Kahit na i-prito mo na lang, Polly,” ang maagap na sagot ni Marita. “Isawsaw na lang natin sa suka.”

“Magpapalit na muna ako ng damit,” pahayag ni Catlin habang papasok sa makitid na pinto ng munting silid-tulugan.

Mistulang aparador lamang ang kuwarto. Sina Polly at Marita lamang ang kasyang matulog sa papag.

Siya at si John naman ay kasya din lang sa salas.

Matapos magbihis, saka lang niya pinayagan ang sarili na magmuni-muni.

‘Paano na kami ngayon?’ tanong niya sa natatanaw na mga bubungan ng malalaking gusali sa labasan. Ayaw kong mahinto sa pag-aaral sina Polly at John!

Nadatnan siya ni Marita sa ganitong pagkatulala.

“Cat? May dinaramdam ka ba? Sumasakit pa ba ang pilay mo?”

Puno ng pag-aalala ang kaibigan habang sinisipat ang mukha niya.

Bumuntong-hininga si Catlin. “W-wala naman. Nag-iisip lang ako…”

“O, e ano na naman ba ‘yang iniisip mo?”

“Lumalaki na ang utang ko sa ‘yo, Marie. At hindi ko pa alam kung kailan kita mababayaran.”

“Ku, wala ‘yon, Cat,” pagwawalambahala ng kaibigan. “What are friends are for?”

Malungkot na ngumiti si Catlin. “Maraming, maraming salamat, Marie. Hindi ko alam kung paano ako makakabayad ng utang na loob sa ‘yo.”

“Huwag mong intindihin ang mga utang-utang na ‘yan. Hindi naman kayo pabigat sa akin. Tingnan mo nga, palaging malinis ang bahay. Palaging may lutong sinaing, ‘pag uwi natin. At higit sa lahat, may naghuhugas na ng mga pinggan at may naglalaba pa ng mga damit! O, meron ba sila niyan?” pagmamalaki ni Marita, sabay hagikhik.

Hindi na napigil ni Catlin ang mapangiti nang humagikhik ang kaibigan. Nakakahawa kasi ito kapag nagpapatawa.

“Ikaw talaga, Marie. Masyado kang mabait. S-sana lang, hindi ka namin maabusong masyado,” wika ni Catlin. Seryoso na naman ang tono.

“Sus! Ako nga ang abusado, e. Ni hindi ko napapasuweldo ang mga kapatid mo sa ginagawa nilang pagtatrabaho dito.”

“Hindi sila naghihintay ng bayad sa pagsisilbi nila sa ‘yo. Paraan nila ‘yon ng pasasalamat sa mga kabutihang ipinakikita mo sa amin.”

“Hay, Cat! Puwede bang huwag ka nang mag-isip nang mag-isip diyan? Kung tutuusin, ako ang sinusuwerte sa pagtira n’yo dito. Aba’y, saan ba ako makakakita ng mga kasamang ubod nang babait?”

“Salamat, Marie.” Pinilit niyang ngumiti. “Nakakataba ng puso ang mga sinasabi mong ‘yan.”

“At matatalino pa,” dagdag pa ni Marita. “Tingnan mo nga si John, nanalo pa sa quizbee contest!”

“Biyaya ng Diyos ang mga pagkapanalo niyang ‘yon,” sambit ni Catlin. Mas natural na ang ngiting sumilay sa kanyang mga labi. “Kung hindi sa premyong natanggap niya, hindi na sila nakapag-enroll ngayong taon na ito.”

Hinaplos ni Marita ang ulo ni Catlin. Mas matangkad ito nang ilang pulgada kaya ganito ang malimit na gawing pang-alo sa kaibigan kapag namumumrublema nang husto.

“Pasasaan ba’t matatapos din ‘yang problema mo, Cat. Huwag kang masyadong mag-isip. Mabuti nga’t magaling na ‘yang paa mo, e.”

Sinulyapan ni Catlin ang kanang paa. Makirot pa rin iyon kapag napapadiin ang pag-apak niya. At kahit na inalis na ang benda nung isang linggo, maputla pa rin ang bahaging nakabalot ng dalawang buwan.

Mabuti na lang, maayos ang siruhanong nanahi ng sugat. Maliit lang at maputi pa ang pilat na naiwan sa balat niya. Kinailangan siyang operahan para maiayos ang nalinsad na buto sa sugpungan ng paa at binti.

“M-matagal na matagal pa bago ako makakapagsayaw uli, Marie,” pahayag niya sa mababang tono. “O baka hindi na nga ako makapagsayaw uli!” Hindi niya nagawang maikubli ang lungkot.

Ginagap ni Marita ang isang kamay niya at tinapik-tapik. Inaalo siya. “Huwag kang mawawalan ng pag-asa, Cat. Alalahanin mo ang iyong mga kapatid. Hindi ka dapat tumitigil sa pakikipaglaban,” pagpapayo nito. Seryoso na rin.

Hindi umimik si Catlin.

“Alalahanin mo rin ang sinabi sa ‘yo ni Inay Paula noon,” dugtong pa nito. Ipinaalala sa kanya ang yumaong ina.

“Catlin, anak, huwag kang bibigay. Ikaw ang panganay. Hindi ka dapat nagpapatalo sa kahit na anong klaseng problema. Palagi kang mananalig sa Diyos.” Ganito ang mga huling sinabi ni Aling Paula bago ito nalagutan ng hininga dahil sa sakit na hika.

“Isa kang babaeng maparaan at matalino sa paghanap ng solusyon, Catlin Almonte,” ang mariing pahayag ni Marita. “Malaking-malaki ang tiwala ko sa ‘yo.”

Bahagyang gumaan ang pakiramdam ni Catlin sa mga sinabing iyon ng kaibigan. Medyo lumakas ang loob niya.

“Pinasasalamatan ko ng marami ang pagtitiwala mo sa akin, Marie. Palagi mong napapalakas ang loob ko,” sambit niya habang nakangiti nang buong tamis sa matalik na kaibigan.

Yumukod nang pakengkoy ang babaeng pinuri. “Ako ang iyong bertud. Bow!”

Isang kahera sa restawran ng Intsik si Marita. Magaling ito sa eskuwelahan nung nag-aaral pa sila. Kaya lang, napilitan itong huminto para kumayod nang sabay na mamatay ang mga magulang sa isang aksidente.

Si Catlin naman ay sinuwerte pang makatapos ng hayskul at makapag-aral nang libre sa isang vocational school, bago yumao ang kanilang mahal ina.

Kahit paano, mayroon na siyang kakayahan na tanggapin ang responsibilidad sa pag-aaruga sa tatlong nakababatang kapatid.

Ang pinili niyang kurso ay modern dancing. Dahil bata pa siya, pangarap na niyang maging ballet dancer. Ngunit imposible nang matupad iyon kaya nagtiyaga siya sa second choice.

Matapos ang isang taon na training, nag-audition siya at agad na nakasali sa isang dance group na sumasayaw sa mga television shows.

Anim na taon na siyang kumikita nang maayos nang maganap ang isang seryosong aksidente habang nag-e-ensayo.

Natalisod ang isang kasamahan at nahagip siya. Nawalan sila pareho ng balanse. Hindi sana mapapasama ang bagsak niya kung hindi napilipit ang isang paa. Noon natapos ang lahat ng magagandang pangarap na hinahabi niya sa tuwina.

Naubos sa pagpapaospital ang kaunting naiipon niya. Tinanggihan siyang tulungan ng production group para makapagpagamot siya nang maayos. Sapat na raw ang nakukuha niya sa benepisyong galing sa gubyerno.

Kaya beinte tres pa lang siya, wala na siyang makitang pag-asa sa kanyang balintataw…

“Tsk! Nakakunot-noo ka na naman,” piksi ni Marita.

Parang nahimasmasan naman si Catlin. “Pasensiya ka na, Marie — ”

Umiling-iling si Marita. “Makinig ka sa akin, kaibigan. Huwag mong hanapin ang solusyon–kusang darating sa ‘yo ang pagkakataon na makaalis sa kinaroroonan mo. Maniwala ka sana.”

“Sana nga, magdilang-anghel ka, Marie,” ang pausal na sang-ayon ni Catlin. “Dahil kahit na ano pa ang oportunidad na dumating sa akin bilang solusyon sa mga problema naming magkakapatid, susunggaban ko agad!”

Hatinggabi. Sa intersection road ng Vito Cruz at Taft Avenue, at sa mismong kinatatayuan ng malaking poste ng ilaw…

Isang humahagibis na motorsiklo ang bigla na lang sumampa sa bangketa, matapos lumiko. Sumagitsit ang goma ng mga gulong sa semento, na nag-iwan pa ng itim na marka sa kalsada, habang tinatangkang ipreno ang sasakyan. Sa kasamaang-palad, tuluy-tuloy lang na sumalpok sa isang poste ang naturang motorsiklo.

Namilipit sa matinding sakit ang lalaking nagmamaneho bago nawalan ng tinag sa pabaluktot na pagkakahiga nito sa matigas na konkreto. Tila nawalan ng malay-tao.

Naka-helmet ang lalaki ngunit hindi yata naka-lock kaya nawala sa ayos dahil sa lakas ng impact. Mayroong dugong umaagos mula sa gilid ng ulo nito at sa kaliwang hita. Tila natusok o napunit ng matalas na bagay nang madaganan ng motorsiklo matapos bumangga sa malapad na poste.

Agad namang may dumating na saklolo. Ilang sandali pa, makapal na ang taong nakapalibot sa eksaktong lugar na pinangyarihan ng aksidente.

Halos magkasunuran lang na dumating ang mga pulis at ang ambulansiya.

“Buhay pa ‘to!” hiyaw ng imbestigador, matapos pulsuhan ang lalaking nakasuot ng black leather jacket. “Dalhin agad sa ospital!”

“O, mga uzi, padaanin n’yo naman ang stretcher,” utos ng mga hospital attendants na pawang nakasuot ng putting uniporme.

Ineksamin muna ito ng kasamang duktor bago ipinabuhat.

“Concussion and multiple contussions. Three broken ribs. Left leg ripped open.” Inisa-isa ng prupesyonal ang mga pinsala habang kinakapa ang buong katawan ng bagong pasyente.

“That’s all, guys. Buhatin n’yo na. Be careful.”

Maliksing naialis ang biktima. Naiwan ang mga awtoridad.

“Heto ang I.D. ng biktima, tsip.”

Kinuha ng lider ang kard. “Reuven Cervantes ang pangalan niya. May telephone number na tatawagan, in case of emergency. Dizon, tawagan mo agad ‘to!”

“Yes, tsip!” Sumaludo pa muna ang inutusan bago maliksing tumalikod.

Sumabad ang isang reporter. “Ser, mayroon tayong sikat na Filipino painter na ang pangalan ay Reuven Cervantes, a? Siya kaya ‘yang nakaaksidente?”

“Talaga? I-verify mo muna ang impormasyon na ‘yan bago mo ilabas ang balita,” pagpapayo nito.

Di naglipat-saglit, naialis na din doon ang mamahaling modelo ng motorsiklo.

Ang tanging bakas na naiwan sa kalsada ay ang mga mantsa ng tumagas na masagang dugo at ang mga durog na bubog mula sa nabasag na headlight.

“Kape! Kape! ‘As’an ang kape ko!” hiyaw ng matinis na boses ng baklang direktor. Tila walang pumapansin dito sa napakagulong set ng kasalukuyang sinu-shoot na drama seryeng pan-telebisyon.

Narinig ni Catlin ang mataray na direktor kaya dali-dali siyang nagsalin ng mainit na kape sa isang styropor cup para dalhin dito.

“Heto na po ang kape — ay!”

Isang dipa na lang ang layo niya sa bakla nang biglang may bumangga sa kanya. Ang artistang lalaki na kaya lang naging bida sa episode na ito ay dahil ‘asawa’ ng direktor.

“Ay!” Muling napabulalas si Catlin.

“Bullshit! Ano ba? Ang tanga-tanga mo naman!” Panay ang pagpag nito sa harapan ng puting polo na kasusuot pa lang.

“P-pasensiya ka na. Hindi ko sinasadya,” ang mapagkumbabang sambit ng dalaga. Nanginginig ang boses niya habang humihingi ng dispensa. Namumutla na rin siya dahil sa takot. Isang linggo pa lamang siyang nagtatrabaho dito. Mawawalan na naman ba siya ng hanapbuhay?

“Anong pase-pasensiya? Sisante ka na! Sasabihin ko kay Mama, sisantihin ka na. Wala kang silbi dito!”

“Papa! Ano’ng nangyari sa ‘yo? Bakit ganyan ang hitsura mo?” tili ng baklang direktor pagkakita sa nangyari. “Hoy, bruha, ano’ng ginawa mo sa jowa ko?” singhal nito kay Catlin.

Nakaramdam ng panlulumo ang dalaga. Nais sana niyang magpaliwanag ngunit alam niyang sarado na ang isyu. Isa lamang siyang hamak na tagalinis sa set at taga-timpla ng kape.

Walang imik si Catlin nang tumalikod na lang at lumakad palayo. Inihulog niya ang hawak na styropor cup sa waste can bago lumabas sa maluwang na pinto ng studio.

“Bruha ka! Huwag ka nang babalik dito!” pahabol pa ng bakla.

Kinuha ni Catlin sa Accounting Department ang sahod niya bago umuwi. Lulugu-lugo siya habang naglalakad. “Diyos ko! Saan naman kaya ako maghahanap ng trabaho ngayon?” bulong niya sa sarili.

Ayaw na niyang bumalik sa pagluluto at pagtitinda ng banana cue sa tapat-bahay nila dahil lubhang napakaliit na ng kinikita magmula nung tumaas nang husto ang presyo ng asukal.

Mag-bar-b-cue na lang kaya siya? Bumuntonghininga si Catlin. Wala naman siyang ibang pagpipilian kundi ang magpatuloy sa pakikipagsapalaran…

Malalim pa rin ang iniisip ng dalaga habang nag-aabang ng dyip na masasakyan kaya hindi niya gaanong pinansin ang humintong taksi sa harapan niya. Gayundin ang pasaherong nagdudumaling umibis mula sa taksi.

“Armina!” ang pabulalas na wika ng isang babaeng may edad na habang dali-daling lumalapit sa kinatatayuan ng dalaga.

Dahil si Catlin lang ang okupante sa ilalim ng waiting shed, nagulat siya. “Hindi po ako si Armina, ma’am,” tanggi niya habang umiiling. Kusang umaatras palayo ang mga paa niya habang nakatitig sa estranghera.

Kumurap-kurap ang ginang na halatang maykaya sa buhay. Makapal ang meyk-ap nito kaya naitago ang karamihan sa mga wrinkles sa mukha. May kulay na ash blonde ang maikling buhok. Ang bestido at ilang mga alahas na suot sa medyo bilugang katawan ay pulos mamahalin.

“H-hindi ikaw si Armina?” Unti-unting nabura ang matinding excitement sa mukha nito. Parang nanlulumo.

“Misis? Napap’ano po kayo?” Napansin ni Catlin na tila mawawalan ito ng malay-tao dahil sumuray sa pagkakatayo. Agad niyang nahawakan ito sa isang braso bago tuluyang matumba.

“Ooh! Ang akala ko’y tapos na ang paghahanap ko!” ang pa-daing na sambit ng ginang habang sinasapo ng isang kamay ang noo.

“Dito po muna kayo maupo,” ani Catlin habang marahang iginigiya sa sementadong bench ang may edad na babae.

Hinang-hina ito nang tumalima sa suhestiyon niya.

“Hinahanap ko si Armina,” paliwanag ng ginang matapos maupo sa bench. “Ang akala ko’y natagpuan ko na siya. Kamukhang-kamukha mo siya, iha.” Tila namamangha pa rin habang titig na titig sa mukha ni Catlin.

Naiilang ang dalaga ngunit hindi niya magawang iwan ang estranghera habang hindi pa ito siguradong nakaka-recover mula sa pagkaliyo.

“Kumusta na po ang pakiramdam n’yo?”

Hindi umimik ang tinanong habang nakatitig pa rin sa kanya.

“Talagang kamukha mo si Armina, iha.” Inulit na naman ang unang obserbasyon. “Kahit na saang anggulo kita tingnan. Ikaw na ikaw si Armina.”

“Er, h-hindi po ako si Armina, ma’am,” tugon ni Catlin. “Gusto n’yo po bang dalhin ko kayo sa duktor?”

Umiling ang babae. “Huwag na, iha. Nabigla lang naman ako kanina nang makita ka.” Bumuntong-hininga ito. “Si Armina ay asawa ng aking pamangkin. Nung isang taon pa siya nawawala–at hanggang ngayon ay patuloy kaming naghahanap sa kanya.”

Ayaw sana niyang ma-involve sa prublema ng iba ngunit hindi ganoon ang pagpapalaki ng butihing ina sa kanilang magkakapatid.

“Kahit na wala tayong pera, kung marunong naman tayong makinig at makiramay–malaking tulong na rin ‘yon, anak,” ang palaging katwiran ni Aling Paula.

“Gusto n’yo po bang ikuha ko kayo ng tubig?” alok niya sa babae nang mapansing masasal pa rin ang paghingal nito.

Umiling uli ang ginang. Lalong humigpit ang pagkakahawak sa kamay ni Catlin. Para bang natatakot na bigla niyang iwanan doon.

“H-huwag mo muna akong iwan, iha,” hiling nito. “Ano nga palang pangalan mo?”

“Uh, C-catlin po,” tugon niya.

“Catlin — ?”

“Almonte po. Catlin Almonte.”

Tumangu-tango ang kaharap. “Catlin,” sambit uli nito. “Napakagandang pangalan para sa isang napakagandang dalaga.”

Isang matipid na ngiti lang ang itinugon niya sa papuring iyon dahil wala siyang ilusyon sa kanyang hitsura.

Kapag tumitingin siya sa sariling mukha salamin, ang agad na nakikita niya ang mga matang bilugan ang hugis at medyo sobra sa laki.

Click here to READ MORE

Comments are closed.