Do you believe in magic? White magic or dark magic? Love can do magic in our hearts.
But this love that is surrounded by both white and black magic will definitely scare your heart!
Halos kasabay ng pagsikat ng pangalan ng isang lady magician ang paglitaw ng isang serial killer. Nababalot ng hiwaga ang katauhan ng primary suspect…
May pag-asa pa kayang malutas ang isang palaisipang nilikha ng mahika?
* * *
Sa isang napaka-liblib na bahagi ng mundo, nakatayo ang isang lumang kastilyo na bumilang na ng daan-daang taon.
At sa loob ng isang maluwang na sala, kungsaan nakaipon ang maraming mararangyang antigong kasangkapan at ng mga mamahaling obra-maestra ng mga pintor at iskultor…
“Ipinatawag mo raw ako, Papa?”
“Oo.”
“Bakit?”
“May… ipagtatapat ako sa ‘yo.”
Katahimikan, pero saglit lang.
“Ano ‘yon? Tungkol saan?”
Isang mahabang buntonghininga muna. “Mayroon akong ipapahanap sa ‘yo. Isang babae. Anak ko rin siya.”
“A-anak?! May kapatid ako?”
“Oo — pero huwag mong isiping kapatid mo siya,” ang maagap na bawi. “Dahil siya ang gusto kong mapangasawa mo.”
“Asawa?” Puno ng pagkabigla. “Ibig bang sabihin… kauri natin siya?”
“Siyempre! Dugo ko ang nananalaytay sa kanyang mga ugat!”
“Pero bakit wala siya rito?”
Isang galit na pagtikhim muna. “Dahil nakatakas ang ingratang ina niya!” Napilitan lang ang mabalasik na pag-amin.
“Saan ko naman sila hahanapin?”
“Siya,” pagtatama ng nakatatanda. “Tiyak na wala na ang kanyang ina.”
“Buhay pa kaya siya?”
Umalingawngaw ang malakas na halakhak. “Siyempre naman! Tayo ay walang kamatayan, iho. Kita mo nga, ni hindi nagbabago ang ating mga hitsura kahit na daang taon na ang ating mga edad?” pagmamalaki pa ng ama.
“At pati ng ating mga hitsura. Parang magkapatid lang tayo.”
Tumangu-tango ang anak matapos pagmasdan ang magulang. Halos kambal na nga sila, sa unang tingin. Parehong matangkad. Kapwa aristokratiko ang mga hugis ng mukha.
Matangos ang ilong. Mataas ang noo. Butuhan ang mga pisngi. Kuwadrado ang baba. Makinis bagama’t maputla ang balat. Matikas ang tindig. Payat pero matigas ang pangangatawan.
Ang higit na kapansin-pansin ay ang mga mata nilang matatalas. At matatalim. Paano’y malinaw silang nakakakita kahit na sa dilim. Ang mga titig nila ay mistulang mga balaraw na handang lumuray ng kaluluwa ng sinuman.
Ang tanging kaibahan lamang ay ang madalang na puting buhok sa magkabilang panig ng ulo.
“Tama ka nga, Papa,” sang-ayon nito kapagkuwan. “Kahawig rin kaya natin ang babaeng iyon?”
“Sigurado. Mas malakas ang dugo ko.”
“Bakit ngayon n’yo lang siya ipinahanap sa akin?”
“Dahil nagsawa na ako. Atsaka, naisip ko ring mas babagay siya sa ‘yo.”
“Ano’ng ibig mong sabihin, Papa? Balak n’yo siyang asawahin?”
“Oo, pero may nakursunadahan na akong iba. Kaya sa ‘yo na lang siya.”
Bumunghalit ng tawa ang nakababatang lalaki. “Palikero ka talaga, Papa!” Maya-maya’y biglang nawala ang katuwaan. “Pero paano kung hindi ko siya kursunada?”
Nagkibit ng mga balikat ang ama. “Basta’t hanapin mo na lang siya. Kung talagang ayaw mo sa kanya — e, di, sa akin na lang. Basta’t ang importante’y magkaroon siya ng anak sa akin o sa iyo.”
“Bakit?”
“Upang manumbalik ang ating kapangyarihan. Ang batang isisilang ay magiging higit na mabagsik dahil puro na ang dugong tataglayin sa mga ugat.”
“Gan’on ba? Kung gayo’y akin ang babaeng iyon. Gusto kong ako ang maging ama ng mga mababangis na salinlahi.”
Humalakhak na naman ang magulang. “‘Yan ang nais kong marinig, iho. Mas bata ka sa akin, despuwes, mas masigla ang iyong semilya,” papuri pa. “Kailan mo sisimulan ang paghahanap?”
“Sa lalong madaling panahon.”
“Buweno, lumakad ka na. Narito ang ating ginto. Kumuha ka ng babaunin mo sa iyong paglalakbay.” Binuksan nito ang malaking baul na nasa gitna ng sala. Isa lang iyon sa mga baul na nakaimbak sa dungeon ng kastilyo.
“Sampung bareta ang kukunin ko, Papa.”
“Buweno, ilagay mo sa maliit na maletang ‘yon.”
Matapos isalansan sa sisidlan ang mga ginto, nagtanong uli ang nakababata.
“Paano ko siya makikilala, Papa? Bukod sa kahawig natin, ano pa ang mga palatandaan n’yo sa kanya?”
“Puwede mo siyang maramdaman — tuwing kabilugan ng buwan.”
“Ano’ng pakiramdam?”
“Lumalakas tayo kung bilog ang buwan, iho. Tiyak na gayundin siya. Masusundan mo ang kanyang aura.”
“Kung gayon, bakit hindi mo siya nahanap?”
Bumadha ang lungkot sa aroganteng mukha. “Ayoko mang aminin, humihina na ang kapangyarihan ko. Hindi na ako katulad noon…”
“Huwag kayong mag-alala, hindi ako titigil hanggang hindi ko siya nakikita.”
“Magaling, iho. May gantimpalang naghihintay sa iyong pagbabalik.”
Nagpalitan ng ngiti ang mag-ama.
“Aalis na ako, Papa.”
“Sige, mag-iingat ka.”
Nasa may pintuan na ito nang tawagin.
“Zurdich?”
“Ano ‘yon, Papa?”
“Hindi siya pangkaraniwang babae. Kailangan mong maging mas higit na matalino upang mahulog siya sa mga kamay mo.”
“Natagpuan mo na siya!” Halos pabulalas ang panghuhula ni Zurdich.
Tumango ang ama. “Natagpuan ko na nga siya, pero bago ako nakalapit ay nakaalpas na. Mistulang mailap na hayup sa gubat na napakatalas ng pakiramdam. Nawala siyang parang bula, at mula noo’y napagtanto ko na sa aking sarili na ikaw ang mas nababagay na maging tagabihag niya.”
“At maging mangingibig.” Sumilay ang isang ngisi na puno ng kamunduhan.
“Sa ina lumaki, tiyak na naturuan siyang mapoot sa atin. Kabisado niya ang paggamit ng ating kapangyarihan. Kaya dapat mong pagplanuhan ang iyong mga hakbang — sa oras na natagpuan mo na siya — upang magtagumpay ka sa pagbihag at pagdala sa kanya dito sa atin,” ang mahaba at mahigpit na habilin pa.
“Oo, Papa. Gagawin ko ang lahat upang mahuli siya. Sa aking pagbalik, dala-dala ko na siya!”
“Ganyan nga, iho. Maging mabangis ka, pero mag-ingat ka pa rin.”
“Hah! Walang makakatalo sa aking taglay na lakas, Papa!”
“Ah, iho, mayroon pa din tayong kahinaan. At marami na ang nakakaalam n’yon sa makabagong panahon. Kung marunong ang iyong makakalaban — isang balang yari sa pilak lamang ang katapat ng ating pagiging imortal!”
KABILUGAN na naman ng buwan. Ramdam na ramdam ni Hanukkah ang nagpupumiglas na kapangyarihan ng kanyang lihim na pagkatao. Buo ang puwersa at nagbabantang kumawala.
Ngunit buo rin ang kanyang determinasyon at kumpiyansa na makontrol ang bangis at bagsik ng taglay na lakas. Sa halip, ginagamit niya iyon sa kanyang bagong propesyon bilang isang magician.
Taliwas sa mga habilin ng butihin ngunit yumao nang ina ang mga ginagawa niya ngayon.
“Iwasan mong maging kilala sa lipunan, Hanna. Huwag na huwag mo ring gagamitin ang iyong kapangyarihan, anak. Sa ganyang paraan ka nila matatagpuan.” Ganito ang palaging sinasabi ni Anita hanggang sa mamatay ito.
“Paano po, Inay?” Halos wala rin kasing kasawaan ang kanyang kuryosidad. Kahit na nagdalaga at humusto na siya sa gulang, hindi pa rin niya ganap na maunawaan ang pagiging pambihira niyang nilalang.
“Dahil may taglay rin silang galing na katulad mo. Mistulang compass ‘yan na magtuturo sa kanila sa kinaroroonan mo.”
“At ano ang gagawin nila sa akin, Inay?”
“Kukunin ka nila, anak. Dahil kauri ka nila.”
“E, ikaw po?”
“Hindi na nila ako kailangan, anak. Papatayin na nila ako.” May lakip na matinding sindak at lungkot ang mga kataga kaya nasusupil ang patuloy na pag-alsa ng kalituhan.
Marami siyang katanungan noon. Bakit may kapangyarihan siya? Bakit nagiging singgaan siya ng hangin? Bakit nawawala siya sa salamin? Bakit nauuhaw pa rin siya kahit marami nang nainom na tubig? Bakit hanggang ngayon ay buhay at bata pa siya…?
Makalipas ang maraming taon, ang lahat ng mga bakit ni Hanukkah ay isa-isang natugon simula nung ‘maramdaman’ niya ang puwersang di-hamak na mas superyor kaysa sa kanya.
Matalim na katulad ng isang antigong samurai. Masigasig na katulad ng isang beteranong mandirigma. At marahas na katulad ng mabangis na mangangaso.
Natiyak agad ni Hanukkah, wala siyang kalaban-laban sa sinumang may taglay ng naturang kapangyarihan. Kaya wala siyang nagawa kundi ang tumakas. Maliksi at walang lingon-likod niyang nilisan ang lugar na halos isandaang taon na niyang itinuturing na tahanan.
Tinangka siyang pigilan ng di-nakikitang tagahabol, sa pamamagitan ng isipan.
‘Hintay! Huwag kang umalis! Wala kang dapat ikatakot sa akin. Ako ang iyong ama. Kauri mo ako! Umuwi ka na sa akin!’
Natigilan si Hanukkah, ngunit sandali lang. Mas higit ang pagtitiwala at paniniwala niya sa yumaong ina. Dagling nakitil ang pagkasabik na pinukaw ng katagang ‘ama’.
Hindi niya tinugon ang makapangyarihang panawagan. Nagpatuloy lang siya sa pagtakas.
Nakarating siya sa isang masukal na kagubatan. Nakahanap siya ng kanlungan sa loob ng isang napakalalim na kuweba. Doon siya nanatili sa nakalipas na dalawang taon. Mistulang hibernation dahil hindi siya lumabas sa lungga ni minsan.
Ang mga unang buwan ay inubos niya sa pag-iisip. At sa pagtanggap sa kanyang tunay na pagkatao.
Matapos matanggap ang katotohanan, ang mga sumunod na buwan ay ginugol naman niya sa pagpa-plano ng mga gagawin.
Kung tatanggapin niya ang kapalarang nakaukit para sa kanya, kailangang magkaroon din siya ng karapatang makialam. Gusto niyang magkaroon ng kontrol sa pagmamaneho ng kanyang buhay. Lalo’t ito ay isang buhay na walang hanggan…!
Labag sa mahigpit na habilin ng ina, nagsanay siya sa paggamit sa kapangyarihan. Nag-aral siya nang husto. Tinuklas niya ang iba’t ibang aspeto ng kanyang kakayahan.
Sa pagdaraan ng mga linggo at buwan at taon, naging dalubhasa siya. Isa na siyang mahusay na tagapagtanggol. Mahihirapan ang sinumang magnais na manakit sa kanya. Angkin na niya ang liksi ng pusang-gubat, ang bangis ng baboy-ramo, at ang bagsik ng haring kobra.
Ngunit ang naging kabayaran ng pagbabago ay ang pagka-diskubre ng isang kagimbal-gimbal na lihim.
Ni minsan kasi, hindi nabanggit ng kanyang ina ang tungkol sa ‘uri’ ng kanyang ama. Basta’t palagi lang itong natatakot sa tuwing babanggitin si Senyor Zur. Inakala niyang nagmula sa traumang dinanas nito nung gahasain at buntisin ng malupit na lalaki. At sa taglay ngang kakaibang galing.
Ngunit mali pala. Mas higit pa pala ang dahilan.
A, dapat pala ay nilinaw niya noon ang mga mahahalagang bagay tungkol sa kanyang pagkatao!
Tuloy, sobra-sobra ang kanyang paghihirap nuong unang umatake ang ‘sakit’ na sanhi ng matindi at di-maipaliwanag na pagkauhaw. Nawalan siya ng kontrol sa sarili. Nawala siya sa sarili!
Ni hindi niya nawawaan ang mga nangyari. Basta’t namalayan na lamang niyang naliligo na siya sa mainit na dugo ng isang kawawang usa. Niluray ng kung anong matalas na sandata ang leeg ng munting hayop.
Ang kanyang bibig ay punum-puno pa ng dugo… At sa kanyang labis na pagkabigla, nilunok niya iyon nang buong pagkahayok.
Magkahalong reaksiyon ang kanyang nadama. Nandidiri siya, kasabay ng ginhawang tinamasa. Pinawi ng ininom na sariwang dugo ang kirot na dinaranas. Mistulang gamot iyon na nagpagaling sa kanyang karamdaman…
‘Diyos ko, isa ba akong — ?’ Umusal siya ng panalangin ngunit hindi nagawang aminin kung ano ang tutoong siya.
Ilang araw siyang naging tulala sanhi ng masidhing pagkatigagal. Nawalan siya ng gana kahit nagkaroon ng ibayong sigla ang katawan.
A, gusto na niyang mamatay!
Ngunit malusog ang pagmamahal niya sa sarili — salamat sa kanyang mabait na ina. Kaya unti-unting humulas ang pagkamanhid na sumaklot sa puso’t isipan. Muling nagpatuloy ang buhay.
Wala naman siyang opsyon, dahil wala siyang kamatayan. Ni ang kanyang kabataan ay tila wala ring hanggan.
Ayon sa salaysay ng kanyang ina, napadpad sila sa bansang Pilipinas nung itaboy ng isang malakas na bagyo ang barkong sinasakyan. Sa isang bayan na nasa tabing-dagat, natagpuan nito ang lugar na tahimik at payapa. Doon na siya nagkaisip at nagdalaga.
Nang mag-edad singkuwenta na si Aling Anita, nagpasiya itong lumipat ng tirahan. Paano’y walang ipinagbabago ang hitsura ng anak na dalaga. Treinta’y kuwatro anyos na si Hanukkah pero parang nasa dalawampung taong gulang pa lang.
Kahit na hanggang ngayon na halos sing-edad na niya ang pambansang kalayaan ng Pilipinas, na nagdiwang ng centennial independence kamakailan, ay batam-bata at sariwang-sariwa pa din ang kanyang mukha at katawan.
Naging ugali na nila ang lumipat sa ibang probinsiya tuwing ika-sampung taon. Iyon ang solusyon ng ina sa problemang lilikhain ng kanyang kabataang walang kupas.
Ang iniwan nitong huling tagubilin: “Kahit wala na ako, ipagpatuloy mo ang paglipat-lipat. Ipangako mo, anak. Para mapayapa ang aking loob bago mamatay.”
“Inay, hindi ka pa mamamatay. Huwag mo naman akong iwan.”
“Pasensiya ka na, anak. Ayokong iwan ka, pero wala na akong magagawa. Dumating na ang oras ko. Mangako ka sa aking iingatan mo ang iyong lihim, Hanna. Sige na, anak. Pakiusap!”
Dahil iyon naman ang nagisnang buhay, nangako si Hanukkah. “O-opo, Inay. Aalis ako dito sa ika-sampung taon ng pagdating natin.”
“Umalis ka na sa sandaling pumanaw ako, anak. Lumipat ka sa mas mataong lugar. Sa siyudad ka na tumira. Delikado para sa isang dalagang nag-iisa ang mamuhay sa baryo.”
“Pero magastos ang mamuhay sa lungsod, Inay. Hindi naman tayo mayaman.”
Ang hanapbuhay nilang mag-ina ay magtanim ng mga gulay at mag-alaga ng baboy at manok. O ng kahit na anong hayop, sa kahit na saang lugar pa sila mapadpad. Kaipala’y inihahanda ng kanyang ina sa sandaling hindi na niya mapigil ang sumpong ng pagkauhaw sa dugo…
“Hindi tutoo ‘yan, anak. Makinig kang mabuti. Buksan mo ang baul na ginagawa nating altar sa Mahal na Birhen. Nakatago doon ang mga bareta ng ginto.”
“B-bareta ng ginto?” Hindi man makapaniwala, lumapit ang dalaga sa naturang baul. Maingat niyang inalis ang imaheng babasagin upang maiangat ang takip. Natagpuan niya ang isang balutan.
“Kalasin mo ang buhol, anak.”
Tumalima siya. At gayon na lang ang pagkamangha niya nang makita ang limang pirasong ginto. Matagal siyang nawalan ng tinag habang nakatitig sa mga gintong hinulma ng parihaba. Isang pulgada ang kapal, anim at tatlong pulgada ang haba at lapad.
“I-inay, saan galing ang mga ito?” Impit ang pagbulalas niya dahil sa takot na baka may makarinig na kapitbahay.
“N-ninakaw ko sa — sa iyong ama nung tumakas tayo sa kastilyo niya.”
“Pero bakit ngayon n’yo lang inilitaw? Dapat ay noon pa para hindi kayo nahirapan sa paghahanapbuhay.”
“Sinadya kong itago ang mga ‘yan dahil talagang inilalaan ko para sa ‘yong pag-iisa. Hindi basta-basta mauubos ‘yan kung magiging matalino ka sa paggastos, anak.”
“Oh, Inay!” Napaluha na naman siya dahil sa kadakilaan ng ina. “Napakabuti mo. Bakit nagtiis kayo sa hirap gayong hindi naman dapat?”
“Mahal na mahal kita, anak.”
“Oh, Inay! Mahal na mahal ko rin kayo. Walang halaga ang kayamanan kung mawawala kayo. Oh, Inay, gagamitin ko ang mga ginto para maipagamot kayo!”
“Ay, anak ko, huwag mong gawin ‘yan! Para sa ‘yo ang mga ‘yan.”
“Hindi, Inay. Mas mahalaga kayo sa akin!”
“Ayoko pang umalis pero mahinang-mahina na talaga ako. Ingatan mo na lang ang iyong sarili, iha.”
“Inay, huwag n’yo akong iwan! Gagawin ko kahit na ano, basta’t magtagal pa ang pagsasama natin.”
Pumikit ang matandang babae. Tila nakipagtalo muna sa sarili. “M-may isang paraan, anak…” umpisa nito pero binawi rin agad. “Ngunit ayoko! Ayokong maging kauri ng mababangis na nilalang!”
“A-ano’ng ibig n’yong sabihin, Inay?”
“Oh, Hanna, anak! Mag-ingat ka sana. Pumunta ka agad sa siyudad, ‘pag wala na ako, ha?”
Tutol si Hanukkah, pero hindi na niya isinatinig. Ayaw niyang pabaunan ng alalahanin ang kaisa-isang magulang na nagisnan.
“O-opo, Inay.”
Nang mailibing ang ina, nais pa ni Hanukkah na manatili sa kanilang dampa. Gusto pa sana niyang magdalamhati sa pagkawala ng tanging taong mahalaga at nagpapahalaga sa kanya. Ngunit ang mga lalaking umali-aligid sa kanilang kubo ay nagdulot ng ibayong distraksiyon at iritasyon.
Kaya’t isang linggo matapos ilibing ang ina, nilisan niya ang Baryo Mabato. Bitbit ang isang malaking bag, kungsaan nakakubli sa ilalim ng mga damit ang mga ginto, sumakay siya sa bus. At umibis sa sumunod na prubinsiya.
Sa kabisera siya naghanap ng matutuluyan. Nagmasid-masid muna bago ginawa ng mga tiyak na hakbang.
Isang bangkong may mapapagkatiwalaang reputasyon ang pinagdalhan niya sa mga ginto. Hindi nagkaroon ng aberya dahil mayroong kalakip na testamento ang mga bareta.
Ang perang pinagbilhan ay inilagak niya rin sa naturang bangko. Bumawas lang siya ng kaunti upang may panggastos.
“Ma’am, ang inyong pera ay kikita ng malaking interes buwan-buwan,” paliwanag ng bank manager, na mismong nag-asikaso sa kanya. “Maaari namin kayong bigyan ng checkbook, bukod dito sa atm card at bankbook.”
Hindi niya alam ang mga iyon pero tinanggap pa rin. “Salamat.”
“Este, kami ang dapat na magpasalamat, ma’am. Napakalaking pera ng ipinagkakatiwala n’yo sa aming bangko. Ikinararangal naming maglingkod sa inyo.”
“Este, paano ko, er, makukuha ang interes?” Ayaw niyang magpahalatang ignorante siya.
“Ipapadala po namin sa inyo buwan-buwan. Tseke. Pero kung gusto n’yong cash, ide-deposit na namin sa inyong account. Notice na lang ang tatanggapin n’yo. Mag-withdraw na lang kayo dito o sa kahit na saang branches namin nationwide.”
Tumangu-tango siya dahil may kaunti nang natutuhan magmula pa kanina. Kailangan pa niyang mag-praktis para hindi na gaanong malito sa susunod.
Naging maalwan na ang pamumuhay niya magmula noon. Unti-unti siyang nasanay na makisalamuha sa mga tao. Marami-rami na siyang natututuhan sa paligid. Marunong na siyang manamit, magsalita, at kumilos na katulad ng karaniwang mamamayan. Habang tumatagal, nadadagdagan ang kumpiyansa niyang makakapamuhay siya sa siyudad. May posibilidad na matupad niya ang pangako sa yumaong ina.
Ngunit isang gabi, ang lahat ng magandang nasimulan ay biglang nasira. Nawasak ng isang pakiramdam sa paparating na panganib…
Ilang buwan matapos ang marahas na insidente sa usa, ganap nang naunawaan ni Hanukkah ang tungkol sa kakaiba at napakatinding pagkauhaw na panaka-nakang umaatake sa kanya.
Bago siya lumabas sa masukal na gubat, sinanay pa muna niya ang pagkokontrol sa sarili. Hindi na dapat maulit ang walang malay na pagpatay. Natatakot siyang isipin na baka sa tao niya magawa ang karumal-dumal na pagkalimot.
Mula sa gubat, dumiretso siya sa malaking siyudad. Buo na ang tiwala niyang may kakayahan na siyang mabuhay doon. Dahil kaya na niyang ipagtanggol ang sarili sa sinuman.
At ngayon nga ay isang taon na ang nakalipas. Napakalaki na ng ipinagbago ng kanyang kapalaran.
Isa na siyang personalidad ngayon. Sumikat agad siya bilang salamangkera, dahil sa pambihirang talento. At dahil sa kariktan at alindog na angkin niya.
Pinili niya ang gayong propesyon upang gawing pain ang sarili.
Nakahanda na siyang makipaglaban sa isang mabangis na katunggali!
‘Sawang-sawa na ako sa katatago! Gusto ko nang maging malaya, Inay! Pausal na sinambit ni Hanukkah ang mga paliwanag sa alaala ng yumaong ina. ‘Patawarin n’yo ako, Inay. Susuwayin ko ang inyong tagubilin. Ayokong maging bilanggo ng takot magpakailanman!’
Nauntol ang malalim na pagmumuni-muni ng dalaga nang may kumatok sa pinto ng kanyang dressing room.
“Madame Hanukkah? Nakahanda ka na ba? Oras na ng iyong pagtatanghal,” anang boses ng general manager sa isang three-star hotel. “Mangyaring lumabas na kayo, madame.”
Ipinilig muna ni Hanukkah ang ulo bago sumulyap sa relong pandingding upang tiyakin ang sinabi ng lalaking nasa labas. Binuksan niya ang makitid na dahon ng pintuan upang tugunin ito.
“May sampung minuto pa ako,” wika niya. “Lalabas ako sa eksaktong sandali, Mr. Balmaceda.”