One night with a full moon, a goddess named Artemis appeared before Giron to enchant him with her beauty. There was instant attraction between them.
But a relationship would be impossible between a goddess and a mortal man…
Paano magagawang umusbong at yumabong ang isang pag-ibig na tila imposible? Mapag-isa kaya ng pagmamahalan ang mga pusong kabilang sa magkaibang daigdig?
* * *
Tinungga ni Isko ang lambanog na nasa basong dating sisidlan ng kape. Nagusot nang husto ang dati nang pangit na mukha matapos mag-apoy ang loob ng bibig at lalamunan.
Nagtawanan ang mga nakapaligid. Bale apat silang magkakaharap sa kuwadradong lamesita ng pondahan ni Aling Consuelo.
“Hindi ka na yata sanay, ha, Isko?” kantiyaw ni Basting.
“Oo nga. Napahinga, e,” tugon ni Isko matapos uminom ng tubig. Kinikilig-kilig pa siya. “‘Ala kasing lambanog sa Menila, e,” pagbibiro pa niya.
“Kumusta nga pala ang Menila?” tanong ni Andoy. Kunwa’y kaswal ang tono nito gayong hindi pa nga nakakatuntong sa siyudad, katulad ng karamihan. Masyado kasing malayo sa kabihasnan at liblib na lugar ang Baryo Bayawak.
Sa kanilang apat, si Isko lang ang nakaranas makipagsapalaran sa Maynila. Umalis siya bago natapos ang hayskul at bumalik matapos ang limang taon. Payat na payat at iniihit ng ubo. Hindi nahiyang ang katawan niya sa mahirap na buhay sa lungsod.
“Ayun, gan’un pa rin. Makapal ang tao. Mabaho ang hangin.” Isinubo ni Isko ang isang piraso ng inadobong bayawak bago nagpatuloy. “Nagkumahog na nga akong umuwi dito pagkatapos kong makita ang tagapagmana ni Tandang Miguel.”
“Akalain mo nga naman, ano? May kamag-anak pa pala si Tandang Miguel. Hindi ba’t matandang binata ‘yon?” sabad ni Romy. Nagsasalin ito ng malinaw na likido sa maliit na baso. “Akin na ‘to, ha?” wika pa bago uminom.
“Kuu, e, napakalayo na. Apo na lang sa tuhod ‘yon ng nasirang matanda. At sa pinsan pang makalawa,” paliwanag ni Isko.
“Nakow, ay talagang napakalayo na pala.” Si Basting uli.
“O, e, kailan daw darating ‘yon?” usisa ni Romy kahit na medyo nangingiwi pa.
“Interesado raw ba sa lumang bahay ni Tandang Miguel?” tanong ni Andoy. Pinatulis pa ang nguso paturo sa bahay na abot-tanaw na mula sa kinaroroonan nila.
Napapalibutan ng madawag na hardin ang malapad at mababang gusali na gawa sa bato at kahoy. Nasa ituktok ng isang burol ang pondahan ni Aling Consuelo kaya kitang-kita nila ang bubungan na yari sa tisa na kulay kupas na pula.
“Ewan ko. Parang kakaiba ang taong ‘yon. Kakatwa ang trabaho, e.” Sumubo uli ng pulutan si Isko, matapos magkibit-balikat.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong ng namumungalan na si Basting. Isang malaking tipak ng karneng bayawak ang isinubo nito.
“May tawag sa mga tulad niya, e. Pero sa simpleng salita siguro ay puwede ko nang sabihin na isa siyang espiritista.”
“Espiritista? ‘Yung nakakakita ng mga kaluluwa?” Si Andoy naman.
“Oo, parang gan’on nga. Nakakausap rin daw niya ang mga espiritu ng mga namatay na.”
Nagkatinginan sina Andoy, Romy at Basting. Tila natigilan. At nanlalaki ang mga mata.
“Bakit?”
“Wala,” agap ni Romy.
“Nakakatakot naman ang pinag-uusapan natin,” reklamo ni Basting.
“Ikuwento mo na lang ang pinanood mong sine sa Menila,” suhestiyon ni Andoy.
Naibahan si Isko sa naging reaksiyon ng tatlo. Kilalang matatapang ang mga ito sa baryo nila. Ang trabaho ay ang maghanap at manghuli ng mga sawa at bayawak sa gubat. Hindi pupuwede ang mga hindi buo ang loob.
Pero tila ang bagsik at tapang ng mga ito ay walang bisa sa multo. Kaya ipinagwalambahala na lang niya.
Katulad ng pagwawalambahala niya sa kakaibang kilabot na gumapang sa kanyang likod at batok. Para bang mayroong nakatingin sa kanya na hindi niya nakikita…
Pinalis niya ang karuwagan na nais lumukob sa isipan. Wala siyang dapat ikatakot. Apat ang mga kasama niya. At napakaliwanag pa ng paligid. Alas tres pa lang ng hapon.
Tumungga uli siya ng lokal na alak para magbalik ang normal na pakiramdam.
“Isang sine lang ang napanood ko. ‘Yun lang ang aksiyon sa mga palabas, e. Hindi pa kay Fernando Poe,” pahayag niya. “Ingles pati, kaya hindi ko gaanong naintindihan.”
“Kahit na,” salo ng tatlo, halos sabay-sabay.
Napansin ni Isko na nagsisunuran ang mga ito sa pagtungga ng alak. Pero nagwalang-kibo lang siya.
Hindi na uli nabanggit ang tungkol kay Tandang Miguel at sa kakatwang heredero nito hanggang sa matapos ang barikan.
Nang kumalat na ang dilim, pinaalis na sila sa pondahan. Mas nagiging maingay na rin kasi ang kanilang kuwentuhan. Kanya-kanya kasi silang interpretasyon sa mga dayalogo ng bidang banyaga na natandaan ni Isko.
“Oy, oy, lumalalim na ang gabi. Magpapahinga na ako. Magsiuwi na kayo,” pagtataboy ni Aling Consuelo.
Kasabay ng dapithapon ang pagsikat ng bilog na buwan sa kalangitan. Hindi nila napansin na naging pilak na ang liwanag na nakasabog sa kapaligiran.
“Pasensiya na kayo, Ka Connie.” Humingi agad ng dispensa si Isko. “Pagbilhan n’yo pa kami ng dalawang takal na lambanog. Atsaka isang kahang tsampiyon.” Siya uli ang bumunot ng perang pambayad. Marami siyang sumobrang sukli mula sa panggastos na ibinigay ng abugado para sa pagluwas niya sa Maynila.
“O, hayan. Huli na ‘yan, ha? Ubos na!” Itinaktak pa nito ang malaking container na itim sa harapan nila. “Huwag na kayong mangangatok mamaya.” Nagbabala pa ang may edad na babae matapos ibigay ang kaha ng sigarilyo.
“Masungit ka pa rin Ka Connie, pero ayos lang ‘yon dahil lalo ka namang gumaganda,” pambobola ng malagihay nang si Basting.
“Heh, bayaran mo na lang ang utang mo dito, para matuwa ako sa ‘yo!” singhal ni Aling Consuelo, sabay hila sa pansara ng tindahan.
Nagkatawanan silang lahat habang lumalakad nang pasuray.
“Saan naman tayo ngayon?” tanong ni Isko.
“D’on tayo sa dampa namin sa bukid,” aya ni Andoy.
“Napakalayo naman. Dadaan pa sa sementeryo,” reklamo ni Romy. “Diyan na lang sa waiting shed.”
“Baka magalit si Kapitan?” paalala ni Isko.
“Hindi naman siguro. ‘Lika na. Baka humulas pa ang ininom natin. Masasayang ang panlilibre ni Pareng Isko!” aya ni Basting.
Umuwi silang lasing na lasing nang dakong hatinggabi na.
Nagkakantahan at nagtatawanan pa nga sila. Maalwan ang paglakad dahil may puting liwanag na nakalambong sa daraanan.
Ngunit nang mapatapat sa bahay ni Tandang Miguel, halos sabay-sabay silang napahinto. Para bang biglang nawala ang kanilang boses dahil sa matinding pangingilabot.
Si Isko ang unang nakabawi ng wisyo.
“T-t-takbo na,” utos niya, sabay karipas ng takbo.
Nagsisunod ang tatlong kasama. Hindi sila huminto kahit na nagkakandarapa sa baku-bakong kalye.
Malayu-layo na sila nang makaulinig si Isko ng mga hagikhik ng isang babae. Para bang nakasunod pa sa kanila.
Lalong siyang kinilabutan. At lalo pang binilisan ang pagtakbo. Hindi na niya inintindi kung kasunod pa niya ang iba pa.
Napilitan lang siyang huminto nang bumaligtad ang kanyang sikmura. Lumuhod siya sa damuhan at tuluy-tuloy na sumubsob. Kasunuran niya sina Basting.
Halos sabay-sabay nilang isinuka ang pulutan at alak na kinain at ininom sa kanal ng irigasyon na nasa tabing daan.
Bigla tuloy silang nahulasan.
Wala na silang imikan habang nagdudumali sa pag-uwi. Pero nakakintal na sa isipan nilang apat kung saan ang eksaktong lugar na nakaramdam sila ng sobrang sindak.
Nakalimutan na ni Isko ang pangingilabot na naramdaman nung maaga-aga pa.
At hindi rin niya napuna na huminto ang mga pagtawa nung makarating na sila sa lilim ng mga punongkahoy. Kungsaan ay wala nang nakakalusot na sinag ng buwan.
Kinaumagahan, hindi nila napigil ang mga sarili na ibida ang tungkol sa nakakatakot na karanasan.
Mabagal at salat sa excitement ang buhay-baryo. Naging usap-usapan agad sa bawat sulok ng Baryo Bayawak ang nangyari sa kanilang apat. Kinagat ng lahat ang kanilang istorya.
Pati na ang konklusyon na may babaeng multo sa bahay ni Tandang Miguel.
“Bakit babae? Hindi ba’t dapat ay matandang lalaki?” taka ng karamihan.
Walang makasagot sa mga tanong na iyon. Pero si Isko ay may naisip kapagkuwan.
“Baka ang apo ni Tandang Miguel ang makakapagpaliwanag ng tungkol diyan.”
Pumukaw ng marami pang katanungan ang tinuran niyang iyon.
“Hintayin na lang natin si Giron Lacuesta,” ang naging palagiang sagot niya. “Isa siyang espiritista. Baka makausap niya ang babaeng multo.”
Kaya kinasabikan ng buong Baryo Bayawak ang pagdating ng isang binatang espiritista.
Samantala, ang bahay ni Tandang Miguel ay kinatakutan na.
Ibinilot ni Giron ang kumot at kulambo bago ipinaloob sa sleeping bag na inilulon naman nang mahigpit.
Pagkatapos maitali nang mahigpit iyon, ang travelling bag na itim naman ang nilagyan niya ng laman. Mga kamiseta at pantalon, mga damit-panloob at shorts, dalawang dyaket, ilang sando, at ekstrang pares ng sneaker shoes.
Inilagay niya sa bulsa ng bag ang dalawang kahon ng sabong pampaligo at isang botelya ng shampoo.
Wala sa loob, hinimas niya ang papatubong balbas at bigote. Magdadala pa ba siya ng pang-ahit?
Umiling siya habang isinasara ang zipper. Ang importante ay palagi siyang malinis.
Matagal na siyang walang pakialam sa hitsura niya. Ngayon pa ba siya mag-uumpisa?
Nagsuksok siya ng mga notebooks at ballpens sa isa pang bulsa. Ang kamera at mga films. Mas ang mga iyon pa nga ang kailangan niya. Prubinsiya ang pupuntahan niya. Tiyak na marami ang magnanais na ‘makipagkaibigan’ sa kanya.
Bata pa siya ay lapitin na siya ng mga iba’t ibang klase ng espiritu. Sa tao o sa lamanlupa man.
Matapos ang mabilisang pag-iimpake, ang pinansiyal na estado naman ang inasikaso niya.
Kinuwenta niya ang mga expenses para matantiya kung magkano ang pera na kakailanganing dalhin.
Hindi siya mahirap, pero hindi rin naman mayaman. Nasa gitna lang siya. Malakas ang kita niya kahit na unconventional ang kanyang career. Unti-unti nang kinikilala sa lipunan ang pakinabang ng pagiging psychic niya at ang pagkakaroon ng third eye.
Pa-bulto pero hindi steady ang pagpasok ng pera kaya kailangan palagi ng ibayong pag-iingat sa paggastos.
Binilang niya ang makapal na bungkos ng salaping papel bago inilagay sa beltbag. Kasya na siguro ang bente mil dahil mura naman ang pagkain sa prubinsiya.
Binitbit niya ang binilot na sleeping bag at ang namumutok na travelling bag. Namataan niya ang portable typewriter sa ibabaw ng coffee table sa sala. Dinampot rin niya iyon. Pati ang plastic envelope na sisidlan ng mga bond papers.
Nag-uumpisa na siya sa paggawa ng libro tungkol sa nakilalang mga paranormal na nilalang. At sa mga kakatwang karanasan. Plano rin niyang isama ang mga letrato ng mga ‘kaibigan’ na nakunan niya ng kamera sa mga lugar na kinaroroonan din ng mga ordinaryong tao.
Bakasakaling makapagdagdag siya ng ilang pahina habang nasa bahay ng nasirang Miguel Lacuesta, ang diumano’y pinsan ng kanyang Lola Sista.
Natitiyak niyang maraming pambihira sa pook na iyon dahil liblib na nga.
Nung isang araw pa dumating ang isang kababayan ng kanyang di-nakikilalang agwelo. Ayon kay Isko Santacruz, mahigit isang linggo na ang nakakalipas mula nang mamatay si Tandang Miguel. Inatake ito sa puso at inilibing agad matapos ang isang gabing lamay.
Nagulat pa nga raw ang lahat nang basahin ng abugado nito ang huling testamento at malaman ang tungkol sa isang heredero, na nagngangalang Giron Lacuesta.
Siya na nga raw iyon.
Nagulat rin si Giron, nang marinig ang kuwento ni Isko. At nagtataka rin.
Pero hindi naman kataka-taka na makaligtaang banggitin man lang ni Lola Sista ang tungkol sa pinsan nito. Mag-second- o third-degree cousins na lang ang dalawa.
Ang talagang makapukaw-isip ay kung paano nalaman ni Tandang Miguel ang tungkol sa kanya at sa kinaroroonan niya.
Napailing si Giron. Kaya nga siya pupunta ngayon sa isang liblib na bayan ay para alamin ang mga sagot sa napakaraming mga tanong.
Idineposito niya sa sahig ng passenger’s seat ng owner-type jeep ang mga abubot. Kapagkuwan ay sinipat niya ang mga bintana sa itaas at sa ibaba.
May naaninag siyang mga hugis na gumagalaw sa loob. Ang mga iyon ay bantay niya sa bahay.
Doon na siya isinilang. Doon na rin namatay at ibinurol ang kanyang Lola Sista, pati ang mga magulang.
Ngayon ay mag-isa na lang siyang naninirahan sa lumang istruktura na itinayo pa nung panahon ng mga Hapon. Ang tanging kasa-kasama ay ang mga ‘kaibigan’ na siya lang ang nakakakita.
Beinte otso anyos na siya ngunit wala pa ring balak mag-asawa.
Bukod sa mga espiritu, lapitin din siya ng mga babae. Kaya marami na siyang nagiging nobya.
Pero wala pa ni isa sa mga naka-relasyon niya ang nagpatibok ng kanyang puso.
Tanging ang katawan lang niya ang nagagawang gisingin ng magagandang dilag. Hindi kasama ang kanyang isipan.
Ang gusto sana niyang babae ay iyong tipo na pupukaw rin sa kanyang kaluluwa.
“A crazy wish,” buska niya sa sarili habang napapangiti.
Wala na sigurong matatagpuan si Giron na may napakalakas na epekto sa kanya — kung sa normal na mundo siya maghahanap. Malamang na taga-ibang daigdig pa ang babaeng hinahanap niya. Isang multo o isang diwata kaya…
Nasisiraan na ba siya ng ulo? Pati ba naman ang mga paranormal na nilalang ay pagnanasaan pa niyang maka-relasyon?
Muling napangiti si Giron. Hindi siniseryoso ang paglilikot ng utak.
Pinaandar niya ang makina ng sasakyan. Nang mag-init na nang bahagya, nagmaniobra siya papalabas ng garahe.
Pinanood niya sa rearview mirror ang dahan-dahang pagsara ng tarangkahang bakal kasabay ng paglabas ng dyip. Pati ang kusang paggalaw ng panuksok na bakal. Hindi na niya kailangang umibis ng sasakyan para ikandado iyon. Epektibo ng tagabantay ang mga ‘kasambahay’ niya.
Alas sais ng hapon, nang makarating siya sa dulo ng Bayan ng Majayjay, na malapit na sa pusod ng Laguna.
Ngunit hindi pa doon ang destinasyon niya. Isang mahaba at paliku-likong highway pa ang kailangan niyang bagtasin para marating ang Baryo Bayawak.
Halos isang araw ang inabot ng biyahe niya mula sa pinanggalingan. Sa San Jose, Bulacan. Tinawid niya ang buong Maynila, ang buong Rizal, at ang kalahati ng Laguna.
Hindi naman siya nainip dahil nagkaroon siya ng iba’t ibang pasahero na nakakuwentuhan habang daan.
Kanina lang ay isang matabil na dalagita ang bigla na namang lumitaw sa passenger’s seat nang makalampas siya sa arkong bato ng Paete. Iyon ang bayan na kilala sa mahuhusay na woodcarvers ng bansa.
Nakasalampak sa pagkakaupo ang tinedyer na nakasuot ng shorts na pula at puting blusa. Nakatirintas sa likod ang mahabang buhok nito. Makinis at maputi ito. May lahing mestisa siguro ang angkan.
“Magandang hapon, kuya,” bati nito sa kanya. Nakatingin nang mataman sa mukha niya. Para bang hinihintay na magulat siya.
“Magandang hapon din,” bati niya, matapos pukulin ng sulyap ang bagong sakay. “Ayusin mo ang pag-upo mo. Magdadalaga ka na,” utos niya. Malumanay ang kanyang tono.
Tumalima naman ang multo. “Alam mo, may kakilala ako na katulad mo,” wika nito. Magkahalong pagtataka at pagkatuwa ang nasa tinig. “Tagarito rin siya dati sa prubinsiya.”
“Dati?” Sumulyap uli siya sa katabi.
Malungkot na tumango ang dalagita. “Wala na siya ngayon. Umalis na nang tuluyan. Hindi na raw siya babalik dahil — ” Napahinto ito. “Dahil may kapalit na raw siya. Ikaw ba ‘yon?” Nagbalik na naman ang sigla nito.
“Kapalit saan? Atsaka sino ba ang sinasabi mo?” tanong ni Giron, kahit na nahuhulaan na niya kung ano ang sinasabi ng kausap.
“Siya si Tata Miguel. Sa kanya lumalapit ang mga katulad ko para makapagpahatid ng mensahe sa mga pamilya namin na buhay pa.”
“Kung si Miguel Lacuesta ang sinasabi mo, lolo ko siya.”
“Talaga? E, ikaw, kuya? Ano’ng pangalan mo?”
“Giron Lacuesta.”
“Ako naman si Mabel. May-asawa ka na ba?”
“Wala pa.”
“Puwede bang ako na lang ang ligawan mo ‘pag naging dalaga na ako?”
May kumudlit na awa sa kalooban ni Giron. Pinilit niyang ngumiti sa tinedyer. “Alam mong hindi posible ang gan’on, Mabel,” wika niya. Sinadya niyang maging prangka kahit na magiging masakit sa kausap.
Lumamlam ang ekspresyon ni Mabel. “Oo, alam ko. Nangangarap lang naman ako, e.”
“Paano ka ba naging ganyan?” Sigurado siyang aksidente lang ang dahilan ng pagkamatay nito. Hindi pa nito panahon kaya nagpapagala-gala pa.
“Ako naman ang may kasalanan, e. Bigla akong tumakbo sa pagtawid sa kalsada. Hindi nakapagpreno ang drayber kaya nasagasaan ako.”
“Sandali lang ba ang sakit na naramdaman mo?” Ang ibig niyang itanong ay kung namatay ba ito agad matapos masagasaan.
“Oo. Sa isang kisapmata lang ay nakalutang na ako.”
“Matagal na bang nangyari ‘yon?”
“Tatlong taon na.”
“Siguro ay labing-isang taon ka pa lamang noon?” panghuhula niya.
“Ang galing mo naman!” papuri ni Mabel, sabay hagikhik. “Sa palagay ko, mas magaling ka pa kaysa kay Tata Migs. At mas guwapo pa!”
“Sa palagay ko ay binobola mo ako, Mabel,” salo niya, pero nakangiti. “Hindi rin matutuwa si Lolo Miguel kapag narinig ka niya ngayon.”
Humagikhik lang uli ang dalagitang multo. “Sinabi ko naman na mas guwapo ka, a? E, di, ibig sabihin ay guwapo rin siya!” katwiran nito.
“O, siya, tama na ang pambobola. Ang mabuti pa ay umuwi ka na at medyo gumagabi na.”
“Alam mo na ba ang daan?”
“May mapa ako.”
“Patingin.”
Isinenyas niya ang isang piraso ng papel na naka-tape sa dashboard. Iginuhit iyon ni Isko Santacruz.
“Tama ba ‘yan?”
“Oo.”
“Nakarating ka na ba sa bahay ni Lolo Miguel?”
Umiwas ng tingin ang multo. “Alam ko kung saan ang bahay niya. Pero hindi niya kami iniimbitahan doon.”
Kumunot ang noo ni Giron. “Bakit naman?”
“May kasama kasi siya doon, e.”
Lalo siyang nagtaka. Sinabi ni Isko na matandang binata ang kanyang agwelo. Walang asawa o ni kaanak.
“Hindi tao ang kasama niya doon,” dugtong ni Mabel. Tila naunawaan ang pagkalito niya.
“Gan’on ba?”
Bago dumating sa Lumban, unti-unting naglaho ang hugis ng dalagita.
“Magkikita pa ba tayo, Mabel?” pahabol niya.
“Oo, Kuya Giron. Babay!” Boses na lang nito ang narinig niya.
May iba pang multo na sumunod dito. Ngunit hindi gaanong masalita. May isang matandang babae, isang binatilyo, isang may edad na lalaki, at ilang mga batang pawang mga utal pa.
Pero ang nalikom niyang impormasyon ay katulad ng sinabi ni Mabel. Isa ring psychic si Lolo Miguel.
Nang nasa highway na siya, pulos mga duwende na ang naging pasahero niya. Palibhasa, ang magkabilang panig ng aspaltadong kalsada ay kadawagan lang. Bibihira ang mga bahay.
“Magtatagal ka ba dito?” tanong ng isang nuno sa punso.
“Hindi ko pa alam,” ang matapat na tugon niya. Pero sa likod ng isip niya, alam niyang nagiging interesante na sa kanya ang lugar ng agwelo.
Tumangu-tango ang munting nilalang. “Kapag nakita mo ang diyosa ng buwan, tiyak na magpapabalik-balik ka dito, binata,” pahayag nito bago nawala.