Falling in love with someone is always dangerous. You are entrusting your whole self to a person who may not be as in love with you as you are with him or her.
And what if the person you fell in love with was a stranger shrouded with mystery? Would you still be brave enough to continue with loving?
Paano mo mamahalin ang isang taong tila kabilang sa paranormal na daigdig?
***
Setyembre 23, 2009, Caloocan City.
MINSANG natulog si Leo sa isang mumurahing motel, isang napakatandang diary ang natagpuan niya sa drawer ng dresser.
Kung paano iyon napunta doon, tadhana lang ang nakakaalam.
Ngunit ang nilalaman ng isang pahina ay nakintal sa kanyang memorya…
’1926. Umuulan ngayong araw ng libing mo, mahal ko. Nagluluksa pati ang langit sa iyong pagkawala.
Tupdin mo sana ang iyong pangakong magbabalik sa akin.
Pangako rin, maghihintay ako sa ‘yo. Maghihintay habang buhay!
Tutulungan kita sa abot ng aking makakaya…
Buong pusong umiibig, Althea.’
Makalipas ang mahigit isang taon…
Oktubre 30, 2010. San Marcelino, Manila.
Nag-iinat si Leo habang lumalakad nang paika patungo sa bintana. Nahulaan niyang mag-uumaga na dahil naaaninag na sa mga dahong kapis ang nagliliwanag na kalangitan.
Hinayaan niyang nakatabing ang mga kurtina matapos itulak pabukas ang isang dahon. Nakakasilaw kasi ang sinag ng araw kapag wala pang tulog. Lalo lang sasakit ang ulo niya.
“Kape,” bulong niya sa sarili, pa-ngamol.
Bumuwelta ang mga paa niya pabalik sa lamesang sulatan. Katabi niyon ang coffee table, kungsaan nakalagay ang thermos, mga garapon ng kape at asukal, at mga tasa’t kutsarita.
Ngunit nadismaya siya nang matuklasang wala nang laman ang thermos.
“Damn!” bulong niya bago pakamot na sinuklay ang maikling buhok.
Tuwid at makintab ang mga hiblang itim kapag bagong ligo at bagong suklay siya, pero kagabi pa niya sinasabunutan ang sarili kaya mistulang mga munting sibat na nakatirik ang mga iyon ngayon.
Pabagsak siyang naupo sa computer chair, para muling harapin ang kuwentong tinatrabaho sa computer. Maghihintay na lang siya ng ganap na pag-uumaga bago lumabas ng silid.
Nakakahiyang magpunta sa kusina ng ganito kaaga dahil maiistorbo niya ang butihing kasera.
Nang maalala si Miss Montenegro, naging maliksing muli ang kanyang mga daliri. Napakabait ng matandang babae sa kanya kaya naman ayaw niyang bigyan ito ng ikasasama ng loob.
Kahit na palagi siyang nade-delayed sa pagbabayad ng renta, hindi ito nagagalit. Kaiba sa tipikal na babaeng tumandang dalaga. Masigla at masayahin, imbis na masungit.
At maganda pa rin kahit nga pulos kulubot na ang mukha.
Di-sinasadya, bumaling ang mga mata niya sa antigong portrait painting na nakasabit sa dingding ng silid na inuupahan.
Natatandaan pa niya ang unang pagkakataon na nasilayan niya iyon. May isang taon na ang nakakaraan…
“Pasensiya ka na sana, Leo, medyo maagiw ang silid na ito. Malimit kasing walang nakatira. Ayaw nila dito dahil sa painting na ‘yan, e.”
Sinamahan siya ni Miss Montenegro sa tanging bakanteng kuwartong pinauupahan. Iyon ang attic room ng matandang bahay-Kastila na hinati-hati nito para maging paupahang-bahay.
Sinipat ni Leo ang naturang painting. “Aba’y, bakit naman hu kaya? E, napakaganda naman ng subject?” sambit niya kapagkuwan. “Kuhang-kuha ng pintor ang ngiti ng magandang dalaga, a?”
“Kuu, ikaw lang ang pumuri d’yan. Salamat.” Halatang ikinatuwa ng landlady ang tinuran niya. “Ang ibig bang sabihin, e, hindi mo hihilinging ipaalis ‘yan d’yan?”
“Kasama hu ang painting na ‘yan dito sa kuwartong pauupahan n’yo?” Hindi pa makapaniwala si Leo noon.
“Oo. Hindi dapat alisin ang painting na ‘yan sa attic room kailanman.”
“Gan’un hu ba?” Na-intriga si Leo pero nahiya siyang mag-usisa. Ayaw niyang mainis ang magiging kasera. Kailangang-kailangan niya ng lugar na matutuluyan.
“Kung gayo’y hinding-hindi ko hu gagalawin ‘yan d’yan, Miss Montenegro,” pangangako niya agad.
“Kapag tinupad mo ‘yan, magkakasundo tayong maigi, Leo.” Abot-teynga ang ngiti nito habang tatangu-tango. “O, siya, puwede ka nang lumipat kahit na anong oras. Pumili ka sa mga kasangkapan dito na gusto mong ipaalis.”
“Kayo na hu ang pumili, Miss Montenegro. Kunin n’yo hu ‘yung hindi puwedeng ipagamit sa akin.”
“Lahat ng ito ay maaari mong gamitin, Leo. Kung hindi makakasikip sa iba mo pang mga gamit, gusto ko sanang manatili na rin sila dito.”
Tila lalong nadagdagan ang katuwaan at pagkagiliw nito sa binata. “Kailan ka ba ‘kamo lilipat dito?”
“Baka hu mamaya ay nandito na ako. Maaari hu ba?”
“Aba’y, magaling! Ipalilinis ko na pala ito agad. Teka’t tatawagin ko ang aking mga maid.”
“Huwag na hu kayong mag-abala, Miss Montenegro,” pigil pa nga niya dito noon. “Kayang-kaya ko na hung maglinis mag-isa.”
“Hus, walang abala ‘yon. Sandali lang gagawin nina Tentay at Anday ang trabaho dine. Ang mabuti pa, e, kunin mo na lang ang mga gamit mo, hala,” pagtataboy pa nito.
Hanggang ngayon, naiwan pa rin kay Leo ang impresyon na tila inapura siya nito nang husto sa paglipat noon. Tila ba labis ang pagkagusto ng kasera na maging boarder siya.
E, ngayon kaya? Gusto pa rin kaya siya nito?
Mahigit isang taon na siyang naninirahan sa matandang bahay-Kastila na iyon. At kaya lang siya tumagal ay dahil nga pasensiyosa ang kasera.
Ayos lang dito kahit na maantala ang pagbabayad niya ng tatlo hanggang apat na buwan. Okey lang kahit na may natitira pa siyang utang sa kuryente at tubig.
“Huwag mong alalahanin ang mga utang. Saka mo na lang bayaran ang mga kakulangan mo kapag nagkapera ka na, Leo.” Ganito ang malimit sabihin ng kasera.
“O, halika’t kumain muna. Magkuwentuhan muna nga tayo.”
Pagbibigyan niya ito hindi dahil gusto niyang magpalapad ng papel. Ang tutoo’y naaaliw siya sa makulay at malikot na imahinasyon nito. Halatang edukada at palabasa si Miss Montenegro. Maraming nalalaman na di-pangkaraniwan.
“Naniniwala ako na mahiwaga ang buhay, Leo. Hindi lang napupuna ng ordinaryong tao ang mga ito, pero ang imposible ay maaaring maging posible. Basta’t gagamitin lang ang kapangyarihan ng puso at isip…”
Gusto niyang maniwala sa mga sinasabi ng matanda, pero hindi niya magawa. Mas naniniwala siyang tutoong mayroong kamalasan. Paano’y malas na siya sa pag-ibig ay malas pa siya sa trabaho.
Nung isang buwan lang, tuluyan na silang nagka-break ni Daisy. Natapos na sa wakas ang malabong realsyon nila.
Ang trabaho niya bilang manunulat ay gayundin kalabo ang sitwasyon. Parang napakalabong maging sikat at tagumpay siya sa napiling prupesyon.
Ano ba ang kulang sa kanya?
‘Maniwala ka sa hiwaga — para mabago ang iyong kapalaran…’
Napapitlag si Leo. Nagpalinga-linga siya sa palibot ng maluwang na attic room. Para kasing may ibang taong nandoon at nagsalita nang pabulong.
Pero nag-iisa lang siya.
Ipinilig niya ang ulo. Malakas. Baka lipas-gutom lang. Pulos kape na lang kasi ang laman ng tiyan niya magmula pa nung isang araw. Wala na siya ni isang kusing para ipambili ng pagkain.
God, ano bang nangyayari sa buhay niya? bulalas niya sa sarili, sabay tindig.
Nagpalakad-lakad siya kahit na mabuway ang mga tuhod. Hindi lang pagod at puyat ang umuubos ng lakas niya. Pati ang kawalan din ng pagkain.
Wala na rin siyang pag-asa kundi ang kuwentong pilit na binubuo kahit na napakagulo na ang utak.
Kapag na-reject pa iyon, hindi na niya alam kung saan siya dadamputin.
Nakaramdam siya ng pagkaliyo. Sobra na rin ang panginginig niya. Para bang ang bawat himaymay ng kanyang katawan ay niyayanig ng pangangatal.
Humangos siya patungo sa banyo. Pasadya iyong ipinagawa ng kasera para daw hindi siya naaabala sa kanyang pagsusulat. Balak din nitong magpagawa ng munting kusina ngunit tumutol na siya.
“Baka po pagmulan lang hu ng sunog, Miss Montenegro. Atsaka, hindi po ako marunong magluto. Isa pa, mainit na tubig lang para sa thermos ang kailangan kong isalang sa kalan.”
“E, di mag-airpot ka na. Meron ako. Ang mabuti pa’y ipahiram ko na sa ‘yo. Tutal, hindi ko naman ginagamit,” alok pa ng butihing kasera.
Tumanggi uli si Leo. “Naku, huwag na ho, Miss Montenegro. Nakakahiya na hung masyado. Dadagdag lang hu ‘yon sa kuryenteng makukunsumo ko. Me computer at electric fan na hu ako, e.”
“Kuu, napakamahiyain mo naman, Leo. O, siya, ihahabilin ko na lang kay Tentay na igahin ang laman ng thermos mo sa tuwing magpapakulo siya ng tubig.”
“Hindi n’yo na hu kailangang abalahin si Aling Tentay, Miss Montenegro,” tutol niya na naman. “Mayroon hu akong takuri. Ako na lang ho ang bahala.”
“Kuu, ikaw na nga ang bahala. Pero mangako ka — na kapag me kailangan ka, e, magsasabi ka sa akin agad, ha? ‘Wag ka sanang mahihiya, Leo.”
“Oho, Miss Montenegro,” pangako niya kahit na wala siyang balak tupdin.
Masyado na namang makapal ang kanyang mukha kung sasamantalahin niya nang husto ang kabaitang ipinakikita ng matandang dalaga.
Marami na nga siyang naririnig na alingasngas at intriga tungkol sa kanilang dalawa ng kasera. Manggagamit at oportunista daw siya kaya naaatim na pumatol sa babaeng amoy-lupa na.
Hindi lang niya pinapansin dahil hindi naman tutoo. Malimit pati siyang nakakulong sa kanyang silid kaya hindi siya naaapektuhan.
Nakasubsob siya sa lababo ng banyo at lumalagok ng tubig mula sa bukas na gripo, nang may kumatok sa pinto ng attic room.
“Leo? Leo?”
Napapatda siya nang maulinigan ang boses ni Miss Montenegro. Napalitan ng pangamba ang pagtataka nang maisip na baka pinuntahan siya ng kasera upang paalisin na sa kuwartong iyon.
God, huwag naman sana!
“N-nandiyan na ho,” tugon niya. Pinilit ilakas ang boses na nanghihina pa rin.
“Leo, gising ka ba?”
Hindi na siya nagsalita para hindi maubos ang kaunting lakas. Kinailangan na nga niyang mamaybay sa dingding upang hindi bumigay ang mga tuhod.
“M-magandang umaga ho, Miss Montenegro,” ang magalang na bati niya nang mabuksan ang pinto. “Er, ano hu ang maipaglilingkod ko sa inyo?”
“Aba, me sakit ka ‘ata, Leo. Namumutla ka, a?” Nag-alala agad ang matandang babae matapos sipatin ang kanyang mukha.
“W-wala ho akong sakit,” bawi niya. “Puyat lang ho. Este… me kailangan hu ba kayo sa akin?”
“Kuu, oo sana. Magpapabili sana ako ng yero sa ‘yo. Wala kasi ang binatilyong helper ng karpintero. Wala kaming mautusan, e, kailangan na.”
Hindi iyon ang inaasahan niyang marinig kaya napakurap pa muna si Leo habang ibinabalik ang pokus ng utak.
“Puwede ka bang maabala sandali?” patuloy ng kasera. Naging alanganin na ang magiliw na ngiti nito.
“D’yan lang naman sa me kanto ang hardware store. Atsaka, puwede ring isakay sa traysikel.”
Napakamot sa batok si Leo. “Oho naman ho, Miss Montenegro,” salo niya. “Este, magpapalit lang ho ako ng kamiseta. Susunod na hu ako.”
Nanumbalik ang tamis ng ngiti ni Miss Montenegro. “Salamat, Leo,” wika nito. “Nasa kusina ako. Doon kita hihintayin.”
“Oho.”
Kataka-taka, pero parang biglang nanumbalik ang lakas niya. Nagawa niyang kumilos nang maliksi. Nakapaghilamos at nakapagpalit ng damit, gayong kanina lang ay parang makakalas na ang mga buto niya.
Malayo pa siya sa kusina, nalalanghap na niya ang masarap na amoy ng bagong timplang kape at sinangag na may kaulam na itlog at tapa.
Nagmarakulyo agad ang kanyang mga bituka. Mistulang mga munting halimaw na ikinulong sa isang masikip na hawla.
Huminto muna siya upang makontrol ang nagpupumiglas na gutom. Baka hindi siya makapagtimpi kapag nakita ang mga bagong lutong pagkain!
Nabuglawan niyang nakaupo si Miss Montenegro sa harap ng mahabang lamesang hiwaan ng kusina, kungsaan may nakahaing dalawang pinggan na style-’tapsilog’.
Mayroon ding isang piling na saging, isang plato na puno ng pandesal, isang pitsel ng malamig na tubig, isang mangkok ng malapot na sopas, at dalawang coffee mug ng umuusok na kape.
“Kumain ka muna, Leo,” ang nakangiting alok ng matandang kasera. “Saluhan mo ako sa aking almusal. Mamaya pa naman magbubukas ang hardware, e.”
Napalunok si Leo. Hindi siya makapagsalita dahil biglang na-blangko ang kanyang utak. Ang simpleng almusal ay nagmistulang pista para sa kanya.
“Halika na.”
“O-oho. Salamat ho.” Aywan kung saan nanggaling ang pagaw na tinig. Halos hindi niya naramdamang humulagpos sa nanunuyong lalamunan ang mga kataga ng pasasalamat.
“Mabuti’t nagpaunlak ka na ngayon. Maupo ka na.”
Nagmistulang robot si Leo. Awtomatikong humakbang ang mga paa palapit sa lamesa.
Hindi bihira ang pagkakataong nagkakasalo sila ni Miss Montenegro sa hapag-kainan.
Pero ngayon lang ito nanatiling tahimik habang marahang kumakain at panaka-nakang sumusulyap sa kanya. Para bang may malalim na iniisip ito.
“Me problema hu ba kayo, Miss Montenegro?” Natighaw na ang kalahati ng gutom niya, kaya nakapag-ukol na ng pansin sa ibang bagay.
Ginaya niya ang mabagal na paraan nito sa pagnguya. Hindi dapat mabigla ang kanyang mga bituka. Ayaw niyang magkaroon ng ulcer.
“Meron,” tugon ng kasera.
“Tungkol hu ba saan? Baka makatulong ako.” Nakahanda siyang gawin ang lahat para makatanaw sa utang na loob kay Miss Montenegro.
“Mahirap ipaliwanag.”
“Subukan n’yo hung ipaliwanag,” tugon niya. “Para matulungan ko kayo.”
Umiling-iling ang matandang babae. Mayroong mahiwagang ngiti sa kulubot na mga labi nito.
“Hindi ko puwedeng sabihin sa ‘yo, Leo — pero puwede kang makatulong,” ang matalinhagang pahayag nito.
“Paano ho?”
“Hindi mo puwedeng malaman habang tumutulong ka, Leo,” sagot nito. “Pero ipapaalam ko sa ‘yo kapag natulungan mo na ako,” pangako pa nito.
Ngunit lalo lang nalito si Leo, imbis na maliwanagan. “H-hindi ko kayo maintindihan, Miss Montenegro.”
“Darating ang takdang araw na mauunawaan mo ako. Huwag kang mag-alala,” pang-aalo nito.
“Hala, kumain ka na, Leo. Kailangan mong magpalakas.” Tinapik-tapik pa nito ang isang kamay niya.
Aywan kung bakit bigla siyang nakaramdam ng pangingilabot.
Iwinaksi ni Leo ang kakatwang pag-uusap nila ni Miss Montenegro habang patungo siya sa hardware. Ang dapat niyang pagtuunan ng pansin ay ang kanyang personal na problema.
Dapat siguro, tanggapin na niyang wala siyang pag-asang umasenso sa pagsusulat. Na hindi siya ang susunod sa mga yapak ng mga batikan at kilalang mga manunulat sa kasaysayan ng Pilipinas.
“Mag-clerk ka na lang sa opisina. O di kaya’y mag-piyon muna para magka-pera agad,” wika niya sa sarili. “Hindi puwedeng makikikain ka na lang palagi!” panenermon pa niya.
Ngayon siya nakakaramdam ng pagkapahiya dahil napagtanto na niyang alam ni Miss Montenegro ang tinitiis niyang gutom kaya kunwa’y uutusan siya para mapuntahan sa silid.
Mahilig itong mag-obserba sa paligid, kaya tiyak na napuna nitong hindi siya lumalabas magmula pa kahapon para bumili ng pagkain o kumain sa labas.
Buo na ang resolba niyang bumago ng hanapbuhay, nang makarating sa hardware. Isang piraso lang naman ang yero kaya hindi na sumakay ng traysikel si Leo. Sinunong na lamang sa ulo at naglakad pabalik sa bahay-Kastila.
Nakatingin na siya sa dinaraanan kaya nakita agad ang isang lumang bulsikot na kulay pula. Malapit iyon sa mga nakahilerang basurahang dram. Itinapon na marahil pero hindi lang nai-shoot.
May kung anong puwersang nagtulak sa kanya na damputin iyon. Basta na lang niyang ibinaba ang dalang yero at isinandal sa gilid ng pader upang kunin ang bulsikot.
Naramdaman ang mabigat na laman kaya awtomatiko ring binuksan upang ibuhos sa nakasahod na palad.
Namangha siya nang isang antigong singsing ang lumantad sa kanyang paningin. Pamilyar ang naturang singsing, ngunit hindi niya matandaan kung saan nakita.
Nagpalinga-linga siya. Ang mga dram ay nasa tapat ng pader ng bahay-Kastila. Baka nagkamali ang kasera o ang mga katulong nito kaya naisama ang isang alahas sa mga basurang itinapon.
Hindi posible na nagmula sa mga kapitbahay iyon dahil pulos mga bagong tayong gusali ang mga nasa kalapit nila. Tanging ang bahay ni Miss Montenegro na lamang ang natitirang antigo at klasikal.
Pawang mga modernong istruktura na ang mga nakahilera sa magkabilang panig ng kalsadang iyon. Mangilan-ngilan na lamang ang mga natitirang centennial houses sa Maynila.
Ang karamihan ay reproduction at reconstruction na lamang.
Ibinulsa ni Leo ang bulsikot na may lamang kakaibang singsing at muling binitbit ang yero. Itinuloy niya iyon sa likod-bahay dahil nandoon ang bahaging ipinakukumpuni sa karpintero.
Si Aling Tentay ang unang namataan niya. “Saan hu ba ilalagay ito?” tanong ni Leo sa nakatatandang babae na katiwala ng kasera.
“Pakisandal na lang siguro d’yan. Para madaling makita ni Manong Nilo mem’yang pagdating niya.”
“Heto ang sukli, Aling Tentay. Sa inyo ko na lang ibibigay.”
“Okey.” Tinanggap nito ang iniabot niyang pera at resibo. “O, siya, mauna na ako sa ‘yo. Paalis ako, e. Magsisimba kami sa Baclaran.”
Papatalikod ito nang pigilin niya. “Este, sandali lang ho, Aling Tentay. ‘Asan hu si Miss Montenegro?”
“‘And’on ‘ata siya sa orchidarium niya.”
“May napulot kasi ako d’yan sa labas,” wika ni Leo habang dinudukot sa bulsa ang munting bulsikot.
“May lamang singsing ito. Tila antigo. Baka kay Miss Montenegro ito.” Habang nagsasalita, inilabas niya ang singsing.
“Aba!” Nanlaki ang mga mata ni Aling Tentay. Bumuka ang bibig nito pero tumikom rin agad. Para bang may gustong sabihin pero nagdalawang-isip.
“Ang mabuti pa’y dalhin mo ‘yan kay Miss Montenegro, Leo. Ipakita mo sa kanya.” Hindi pa natatapos ang sinasabi, tumatalikod na ito. Tila dumaling-dumali sa paglayo sa kanya.
Takang-taka naman si Leo. Lalo na nang makitang nag-antanda ang may edad na babae.
Sinunod niya ang payo nito. Pumunta siya sa likod-bahay para hanapin si Miss Montenegro. Dinatnan niya itong papalabas mula sa orchidarium. May bitbit na isang palumpon ng mga orkidyas na iba-iba ang uri at kulay.
“Aba, nakabalik ka na pala, Leo.” Ngumiti agad ito nang makita siya. “Nakabili ka ba ng yero?”
Tumango si Leo. “Naibigay ko na ho kay Aling Tentay ang sukli at ang resibo,” wika niya. Hindi na siya naghintay ng tamang tiyempo. Ipinakita na niya agad ang singsing sa matandang babae.
“Sa inyo hu yata ito, Miss Montenegro. Napulot ko hu sa labas ng bakuran.”
Tila hindi naman nagulat ang kasera sa ipinakita at tinuran niya. “Mabuti’t napulot mo ‘yan,” ang tanging winika lang nito bago nagpatuloy sa paglakad.
Iniabot niya iyon ngunit hindi tinanggap. “Kunin n’yo na ho, Miss Montenegro,” untag niya. “Sa inyo hu ito, di hu ba?”
“Pag-aari ng pamilya ko ‘yan, Leo, pero hindi kasama sa mga ipinamana sa akin.”
Napakunot-noo ang binata. “Kung gayo’y inyo pa rin ito.”
“Mayroong kasamang mensahe ‘yan, a? Nabasa mo na ba?”
“Hindi hu akin ito para butabutin, Miss Montenegro,” tugon niya.
“Kunin mo ang papel na kasama n’yan, Leo,” utos ng kasera. “Basahin mo nang malakas.
Tumalima siya. Isang naninilaw at malutong na papel ang natagpuan pa niya sa bulsikot. “Ang singsing na ito ay pag-aari na agad ng sinumang makakapulot. Ito ay may kakayahang baguhin ang kapalaran kapag isinuot at sinambit ang dasal na banyaga.” Inilakas nga niya ang pagbasa.
“Nasaan ang dasal?” tanong niya, nang makitang blangko ang kabilang panig ng mensahe.
“Tingnan mo sa singsing,” suhestiyon ni Miss Montenegro.
Tiningnan muna niya ang ilalim at loob ng singsing, bago tinitigan ang disenyong kakaiba.