The Necklace

A long time ago, an ancient necklace was cursed. Anyone who owns it will be given great power – good or bad.

What will happen when it goes to a bad person? There will be chaos!

Isang antigong kuwintas na may angking hiwaga ang naiahon mula sa ilalim ng lupa.

Paano na kung sa kasamaan gamitin ang kapangyarihan ng kuwintas…?

* * *

2001 A.D. Athens, Greece. Alas otso ng gabi. Ika-trese ng Abril…

Halos nakasubsob na si Miss Mira Greco, isang kilalang psychic/archaeologist, habang pilit na inaaninag ang mga banyagang letra na nakaukit sa marmol na plake.

Napalipat na doon ang atensiyon niya dahil ang kuwintas na nakapulupot ay natapos nang linisin. Kasalukuyan na iyong nakalatag sa ibabaw ng pulang velvet cloth.

“Miss Greco, it is already past your dinner time,” paalala ng kanyang assistant na Ingles. Nakangiti ito pero pormal. “I could continue your work while you’re eating.”

“Oh, I didn’t notice the time,” wika ni Mira habang marahang nag-iinat.

Nagulat pa siya nang matanaw sa munting bintana ng office tent nila ang karimlan. Anong oras ba siya nagsimula? Ni hindi pala niya namalayan. Nakatutok ang buong konsentrasyon niya sa ginagawa.

Maingat niyang ibinalik sa box ang malaki at modernong magnifying glass. Pagkatapos, nag-inat siya ng mga balikat upang mabawasan ang pananakit ng likod.

“There’s no need to do overtime tonight, Marie. We are almost finished,” pahayag niya habang dinadampot ang kuwintas. Hinaplos ng mga daliri niya ang makintab na pendant. Yari sa di-pangkaraniwang metal na kulay itim at may kakatwang hugis. Para bang palakol na itinaga sa isang bungo…

Pero parang hindi rin naman…

Habang nakatitig si Mira, biglang may sumaging pangitain sa kanyang isipan. Isang eksena na naganap sa kalagitnaan ng hatinggabi, kaya halos mga anino na lamang ang naanag-agan ng ikatlong mata niya.

Isang lalaki ang pinipigilan ng isa pa sa mga braso habang ang ikatlong anino ng lalaki ay nakatayo at may hawak sa nakaambang palakol na gamit ng mga berdugo.

Napatili ng mahina at maikli si Mira nang makita ang mabilis na pagbagsak ng pamatay na sandata. Paano’y iyon na yata ang pinaka-kalunus-lunos na tagpong nasaksihan niya. Hindi sa leeg pinatama ang nangingintab na talim — kundi sa mismong ulo!

“Miss Greco, are you alright?” ang nag-aalalang tanong agad ni Marie.

Sunud-sunod ang pag-iling ni Mira. Dali-dali niyang isinauli ang kuwintas. Para bang nakakapasong hawakan.

“I — y-yes,” agap niya. “Yes, I’m okey — ” Naudlot ang sinasabi niya nang mapunang nagbabaga na ang ga-palad na pendant!

“What the — !” Hindi natuloy ang pagbulalas ni Marie dahil biglang nagliwanag ang pendant. Animo tinamaan ng kidlat pero nagmula sa loob ang sumiklab na kuryente. Para bang isang puwersang ubod-lakas na pumiglas at kumawala mula sa matagal na pagkakapiit.

Hindi natagalan ng assistant ni Mira ang kakaibang kapangyarihan na pumuno sa paligid. Nalugmok ito sa sahig na lupa matapos mawalan ng malay-tao.

Siya naman ay nangatal at nanginig ang buong katawan. Pumikit siya nang mariin upang magamit ang angking lakas. Nilabanan niya ang mapang-usig na panganib, sa pamamagitan ng isip.

“Pinatay n’yo akooo! Pinatay n’yo akooo…!” anang banyagang tinig na tila nagbubuhat sa pinakailalim ng lupa. Nanggagaling pa sa hukay.

Ang ipinagtataka ni Mira, banyaga rin ang salita. Ngunit nauunawaan niya nang lubos. Para bang sinaunang lengguwahe ng bansang Griyego, pero naiintindihan niya nang malinaw.

“Nandito na ako para maningil! Papatayin ko rin kayo! Papatayin ko rin kayo…!”

Nangibabaw ang masidhing kuryosidad kaysa sa sindak. Unti-unti, nakabawi ng wisyo ang dalagang psychic.

“Sino ka? Sabihin mo sa akin kung saan ka nagmula?” Sinadya niyang tigasan ang boses para may awtoritismo.

At bahagya na lang siyang nagulat nang marinig ang ibang wika mula sa dila niya. Para bang dati na siyang gumagamit ng ibang diyalekto.

“Ako si Osiris! Anak ng Olympus! Taglay ko ang poot ni Zeus! Ibinalik niya ang kapangyarihan ko para makapaghiganti!”

“Hindi ako ang pumatay sa ‘yo, Osiris,” tugon ni Mira. “Malinis ang aking kunsensiya!”

Agad na nakaramdam ng paninikip ng lalamunan at pangangapos ng hininga ang dalaga. Kaipala, sinasakal siya ng mga pinong kadena ng naturang kuwintas. Nakapa pa nga ng kanyang mga daliri nang kusang umangat ang mga kamay upang prutektahan ang leeg.

“W-wala akong kasalanan sa ‘yo, Osiris!” hiyaw niya kahit nahihirapan. Pinilit niyang haklitin ang kuwintas palayo sa balat niya. Ramdam na ramdam niya ang nakakapasong pagbabaga ng metal na tanikala. “Kahit na itanong mo kay Zeus!” dugtong niya, tulak ng desperasyon.

Ilang mahahabang sandali pa muna ang lumipas bago siya nakaranas ng ginhawa sa paghinga. Naglaho ang masikip na pagkakapulupot ng mala-alambreng bagay sa leeg niya. At unti-unting lumuwag ang lagusan ng oksihena sa mga baga.

“Hindi nga ikaw,” sambit ng malagom na tinig. “Nasa ibang lugar ang mga mamamatay-tao. Pupuntahan ko sila. Kailangang makita ko sila. Walang puwang ang masasamang-loob sa mundong ito! Wala! Wala…!”

Habang dahan-dahang humihina ang boses, sunud-sunod na pagkulog at pagkidlat ang nagaganap. Nayanig ang palibot ng tent. Natulig ang mga teynga ni Mira.

Ngunit kitang-kita ng mga mata niya ang paglalaho ng kuwintas ni Osiris. Para bang nilalamon ng pulang liwanag.

Nang magbalik sa normal ang paligid, nawalan siya ng ulirat. Natauhan siya habang pinapaamoy ng ammonia sa bulak ni Marie.

“Thank God, we’re alive, Miss Greco,” sambit nito, pabulalas.

Napaubo siya dahil sa masangsang na amoy ng gamot pero hindi iyon ang may hawak sa buong pansin niya.

“The necklace?” tanong agad niya, kahit na groge pa. “Where’s the necklace?” Pinilit niyang ibangon ang sarili.

Inunahan siya ni Marie. Tila saka pa lang nito naalala ang tungkol sa mahiwagang kuwintas. Natutop nito ang bibig at dagling nanlaki ang mga mata sa nakita.

“Oh, my God!” panghihilakbot nito.

“W-what happened?” tanong niya habang ibinubuhos ang buong lakas sa pagtayo.

Gusto pa niyang isipin na isang masamang panaginip lamang ang mga naganap. Ngunit nabura ang anumang pag-asam nang matunghayan ang pulang velvet cloth. May bakas ng pagkasunog sa lugar na kinapapatungan ng kuwintas. Nakatatak ang itim na imahe ng pinag-isang palakol at ulo…!

2001 A.D. Manila, Philippines. Alas onse singkuwenta y singko. Ika-trese ng Abril…

Subsob ang ulo ni Jigs Mercado, isang baguhan pero matiyagang police investigator, habang nagbabasa ng mga resulta ng autopsy tests. Isang karumal-dumal na krimen ang sinisikap niyang malutas.

Ngunit halos isang buwan na siyang nagpapagod at nagpupuyat — ng walang nakukuha ni katiting na lead sa kasong hinahawakan.

Katulad ng dati, parang pinanghihinaan na siya ng loob. Pero likas ang kanyang tiyaga at determinasyon kaya patuloy lang siya kahit na unti-unti nang kinakain ng mapaklang sinismo ang kanyang katauhan.

Malimit na tuloy niyang naiisip na marahil ay hindi para sa kanya ang propesyong napili…

Napakaraming sagabal. Napakaraming lihim na kaaway. Sa loob man o sa labas ng departamentong pinagsisilbihan.

“Bulok ang sistema!” bulong niya, paasik. Sabay bitaw sa mga papeles na ilang ulit nang binasa at nirekisa.

May mga nabuo na siyang suspetsa, oo. Pero ang pinakamalaking problema ay kung paano niya mapapatunayang tutoo ang haka-haka at kutob niya. Halos imposible nga dahil isang malaking personalidad sa mataas na lipunan ang isa sa mga suspect niya…

“Paano kaya? Paano kaya?” angil niya sa sarili habang sinasabunutan ang sarili

Mahaba na kaysa dati ang kanyang buhok. Hindi na kasi siya nakakapag-day-off para makapagbigay-atensiyon sa mga personal na bagay.

Hinipo ng mga daliri niya ang papahaba na namang balbas at bigote. Dalawang araw na naman pala niyang nakaligtaang mag-ahit.

Padaskol siyang tumindig. Nakalapat ang mga palad sa gilid ng office desk dahil biglang nakaramdam ng pamimitig sa mga binti at paa. Maghapon na yata siyang nakaupo. Tumatayo lang siya kapag magkakape at magpupunta sa comfort room.

Nag-iinat siya ng mga tuhod, nang tumunog ang telepono. Bago lumapit para sagutin ang tawag, nahuhulaan na niya ang caller. Tiyak na ang girlfriend na naman niya, si Nona.

“Hello?” sambit niya matapos idikit sa teynga ang awditibong kulay krema.

“Kung ako sa ‘yo, Mercado, ititigil ko na ang paghahanap ng karayom sa dayami,” anang pamilyar na tinig-lalaki sa kabilang linya. “Kapag minamalas-malas ka pa, baka matulad ka d’yan sa kasong hawak mo ngayon,” dagdag pa sa himig-nagbabanta.

Sumulak agad ang galit sa loob ni Jigs, pero na-kontrol niya rin agad. “Maraming salamat sa magandang balita, sir. Unfortunately, bad news ‘yan para sa inyo. Ngayong nagkausap na tayo, alam ko na kung saan ako magsisimulang maghanap sa mastermind ng karumal-dumal na double murder case.” Banayad na banayad ang boses niya. Walang bahid ng takot pero napakatatag.

“Kung ako sa inyo, mangangatog na ako dahil mabibilang na ang maliligayang araw ninyo.” Sinadya niyang bahiran ng pakunwaring paggalang ang tono kaya naging sarkastiko.

“Pinagbibintangan mo ba akong isang mamamatay-tao?” Lalong tumindi ang pagbabanta ng di-nakikitang kausap.

“Ganoon na nga po, sir,” sang-ayon niya. Bahagya na niyang inilayo ang receiver dahil inaasahan na ang pagdating ng palagabog na ingay.

“Pagsisisihan mo ang araw na isinilang ka, Mercado!” bulyaw ng suspect bago ibinagsak ang telepono.

Napangisi si Jigs. Iiling-iling siya habang ibinabalik ang receiver. “You’re on the right track, boy,” bulong niya sa sarili habang hinihimas ng isang kamay ang baba. “Pero baka bilang na rin ang maliligayang araw mo.”

At dahil tutoo ang iniisip niya, minabuti ng binata na mag-ahit at mag-shower na sa community shower ng gusaling kinaroroonan.

Tahimik na tahimik ang paligid. Paano’y hatinggabi na at kaunti lamang ang mga naka-duty. Nasa probinsiya ang karamihan.

Ngunit kahit na walang katau-tao ang paligid, triple ang ingat ni Jigs. Alerto siya habang naliligo. Malikot ang mga mata niya habang kinakalis ng labaha ang mga balbas sa magkabilang panga at baba. Itinira niya ang bigote dahil naubos na ang shaving cream.

Nang magsimulang humuni ang pinahinang sirena mula sa di-kalayuang guardhouse upang ihudyat ang pagsapit ng alas dose ng gabi, nagsimula na ring mangalisag ang balahibo sa buo niyang katawan.

Dagli niyang tinapos ang ginagawa. Agad na nagpunas ng mga kamay para mahawakan ang baril. Nagpalinga-linga siya sa paligid bago humakbang patungo sa pintuan. Dahan-dahan. Nakaumang ang puluhan ng kuwarenta y singko.

Nakatingin siya sa karimlang naghihintay sa kanya sa koridor, nang mapunang may pagbabago na sa kulay ng liwanag na nasa loob ng shower room. Nagiging mapula ang puting iluminasyon ng mga fluorescent bulbs na nakasindi.

“A-ano’ng — ?” Napalitan agad ng panggigilalas ang pagtataka niya dahil napatutok ang kanyang mga mata sa salamin. Isang anino na hugis-tao ang tila namumuo doon. Nililikha ng itim na usok.

Ilang ulit na kumurap-kurap si Jigs. Hindi makapaniwalang tutoo pa ang nakikita. Baka halusinasyon lamang, sanhi ng matinding pagod at gutom.

O baka iyon na ang parusang sinasabi ng nasirang lola niya kapag hindi nangilin sa mahal na araw. Pinalipas niya ang buong linggo sa kanyang opisina. Hindi siya huminto kahit na nag-Huwebes o nag-Biyernes santo pa.

Para makasigurado, kinurot ni Jigs ang tagiliran ng hita. Naramdaman niya ang sakit kaya natiyak na gising siya.

“Sino ka?” tanong niya, nang makumpleto ang hubog ng isang matipuno at matangkad na lalaki sa salamin.

Humalakhak muna ang anino bago tumugon. “Ako si Osiris! Anak ng Olympus! Taglay ko ang poot ni Zeus! Ibinalik niya ang kapangyarihan ko para makapaghiganti!”

“Osiris?” ulit ni Jigs. Hindi namalayang napalakas ang pagsambit niya, habang hinahalukay sa memorya ang mga natutuhan tungkol sa Greek mythology nung nasa kolehiyo pa. Pahapyaw lang ang interes na inukol niya sa naturang subject dahil wala doon ang kanyang interes.

Sino ba naman ang mag-aakalang may magpapakilala sa kanyang isang taga-Olympus pagdating ng araw?

Pero tutoo naman ba ang nagaganap ngayon?

Paano kaya niya matitiyak na tutoo na nga ang mga nangyayari?

“Wala na akong panahon para magpaliwanag. Kailangan ko nang umalis. Iiwan ko sa ‘yo ang kuwintas na ito. Gamitin mo sa paghahanap ng mga mamamatay-tao!” Pautos na ang tono ng malagom na tinig.

“Kuwintas?” Pagkasambit niya sa kataga, biglang lumitaw sa harapan niya ang isang kuwintas na kulay pula at itim. Kumikinang-kinang iyon. Animo may mga munting kidlat na nakakulong sa loob.

Halos wala sa sarili, pinitas ng isang kamay niya ang kuwintas na nakalutang sa hangin. Mainit-init iyon, pero hindi nakakapaso.

Wala pa rin sa loob, nagtanong siya. “P-paano ginagamit ito?” Tutoo palang may mga agimat! bulalas niya sa sarili.

“Isusuot mo ‘yan sa leeg ng taong pinatay. Bubuhayin siya ng aking kuwintas para ituro kung sino ang pumatay.”

Napamaang siya sa sobrang pagkamangha. “Bakit sa akin mo ibinigay ‘yan?” Kusa uling numulas sa bibig niya ang katanungan.

“Galit ka sa mga mamamatay-tao, hindi ba?”

“Oo, pero — ” Ipinilig ni Jigs ang ulo. Talagang nahihirapan siyang maniwala.

“Paalam, binata. Patnubayan ka nawa ni Zeus…” Muling tumingkad ang liwanag na pula habang naglalaho ang anino sa salamin.

Sumakit ang mga mata ni Jigs kaya napilitan siyang pumikit. Kusang humigpit ang pagkakahawak ng mga daliri niya sa pinong kadena ng mahiwagang kuwintas. Para bang mapipigilan niya kung kasama rin iyong maglalaho.

Nanumbalik na sa dati ang paligid nang dumilat uli siya. Puti na uli ang iluminasyon. Siya lang ang repleksiyon na nasa salamin. Wala na ni bahid ng pula o dilim ang palibot.

Ang tanging katunayan na may naganap na kahiwagaan sa ordinaryong shower room na iyon ay ang kuwintas na kakaiba.

Iniangat niya iyon upang mapagmasdang maigi. May mga banyagang kataga na nakapaikot sa kakatwang hugis ng pendant.

At gayon na lamang ang kanyang pagkagimbal, nang mabasa niya ang maikling mensahe.

‘Buhay sa buhay. Kamatayan bilang parusa.’

Wala na si Osiris pero nasa kanya pa rin ang kaalaman sa paggamit ng sinaunang diyalekto!

Isusuot mo ‘yan sa leeg ng taong pinatay. Bubuhayin siya ng aking kuwintas para ituro kung sino ang pumatay.

Muling umalingawngaw sa loob ng isipan niya ang mga sinabi ng mahiwagang anino.

Ano kaya kung subukan niya? Wala namang mawawala sa kanya kung sakaling pulos kalokohan lamang ang mga nangyari ngayong gabi…

Hindi na siya nag-isip pang maigi. Maliksi niyang tinapos ang pagbibihis. Iniwan na lang niya ang toiletry bag at bath towel sa lavatory counter dahil ayaw niyang mag-aksaya ng oras. Gusto niyang makita kung ano ang mangyayari kapag sinunod ang inihabilin ni Osiris.

Nagtungo siya sa morge.

HINDI makapag-concentrate si Mira dahil pagal na pagal, pati ang katawan niya. Kaya naman napilitan siyang magpa-confine sa isang ospital upang mapawi ang over-fatigue at nervous breakdown na nagnanais maghari sa kanyang kabuuan.

Sumuko na lang siya agad kaysa matalo habang lumalaban.

Makalipas ang tatlong araw ng regular na pagtulog at ng payapang kapaligiran, may sapat nang lakas ang dalaga.

Naghihintay sa reception area si Marie nang lumabas siya mula sa elevator na sinakyan galing sa private ward na tinigilan ng tatlong gabi.

“Good afternoon, Miss Greco,” ang magalang na bati ng dalagang Ingles. “You look fine today.”

“Thank you.” Sinabayan niya ng ngiti ang tinuran nito. “I feel fine, too. How about you?” Inaya niya itong magpa-confine rin para makabawi mula sa shock na dinanas nila nung gabing mawala ang mahiwagang kuwintas.

“I’m rested, too, Miss Greco. I also had several days-off.”

“Good. Shall we go?”

“Sure, ma’am.” Akmang kukunin ng assistant ang mas malaki sa dalawang luggage niya, pero tumanggi siya.

“Please, don’t,” aniya habang kumakaway sa isang hospital porter na nakatanaw sa kanila mula sa kinatatayuan nito sa tabi ng front door security guard.

Isang taksi ang sinakyan nila para magpahatid sa kanilang hotel.

“What shall we do now, Miss Greco?” tanong ni Marie nang makarating na sila sa kanilang suite, hatid ng bellboy.

“We shall continue our interpretation on the stone first, of course,” dagdag niya, wala na sa loob. Nakatuon na ang isip sa gagawing trabaho.

Magiging madali na sana ang pagbabasa sa mga banyagang salita, dahil nagkaroon na siya ng kakaibang kakayahan sa sinaunang lengguwahe ng mga griyego pero marami sa mga bahagi ng malapad na bato ang nagasgas at naagnas na ng maraming panahong nagdaan.

“This is amazing,” pahayag ni Marie, nang mag-inat siya ng mga balikat at braso na nanakit sanhi ng matagal na pagkakayuko sa working table.

Ngumiti lang si Mira. Alam niyang namamangha ang assistant sa bilis niyang magbasa. Ito ang tagasulat sa mga salitang idinidikta niya.

“Still, our work is terribly incomplete,” wika niya habang inaalis ang suot na one-eye magnifying glass. “Dinner by room service again?” tanong niya bago tumitig.

Ginaya ng dalagang assistant si Mira. Nag-unat na rin ito ng likod at mga biyas, habang tumatango. “If you like,” tugon nito. “I’m pretty tired myself. What about you?”

“I’d like to have an early night, yes.” Dinampot niya ang receiver ng intercom unit para um-order ng hapunan nila.

Matapos kumain, nagkanya-kanya na silang punta sa kanilang kuwarto. Pinauna siyang mag-shower sa adjoining bathroom kaya napapakinggan niya ang nightly rituals ni Marie habang nagsusuklay siya ng mahaba at medyo kulot na buhok. Nakatayo siya sa tapat ng bintana. Bahagyang nakasandig ang balakang sa pasamano habang nakatanaw sa mabituing kalangitan.

Ibang klase ang langit sa lungsod ng Athens. Parang ang lapit-lapit ng kalawakan. Halos abot-kamay na nga ang mga tala. Lalo na ang buwan….

Nawalan ng tinag si Mira, nang mapatitig sa makinang na mukha ng bilog na buwan. Parang may nabuong hugis-tao ang malikot na imahinasyon.

Si Osiris…?”

Nakaramdam ng kakatwang pagkasabik si Mira. Na ikinagulat niya. Matapos ang ginawang pagbawi ni Osiris sa kuwintas, magkahalong pagkayamot at pagkabahala lamang ang dapat niyang madama.

Nayamot siya sa pagka-makasarili ng diyoses. Inilayo nito ang kuwintas na magiging simbolo sana ng kanilang tagumpay ni Marie.

Nabahala rin siya ng labis sa maaaring maging resulta ng kanyang kapangahasan. Ang kuwintas at ang stone tablet ay nakabaon sa ilalim ng kung anong pulbos, na nasa loob ng isang baul na yari sa makapal na metal. Sa takip ng naturang baul ay may nakaukit ring mga salita. Umarkila siya ng isang ekspertong interpreter sa sinaunang Greek language.

‘Huwag bubuksan! Isang kahindik-hindik na lihim ang mabubunyag…’

Marami pang kasunod ngunit hindi na rin mawawaan. O marahil ay hindi na tinapos ng matandang babae. Naunahan na ng sindak. Muntik na nga nitong makalimutang kubrahin ang perang bayad sa serbisyo nito.

At habang nagdudumaling lumakad palayo ay walang hinto sa pag-a-antanda. Isa ang lahing Griyego sa mga debotong relihiyoso sa buong mundo.

Isa rin sila sa may pinaka-maraming pamahiin, nakabase sa mitolohiya. Kahit na moderno na ang panahon, marami pa ring tagasunod ang mga diyosa at diyoses sa maalamat na Bundok Olympus. Hindi lang mga turista ang mga taong nagtutungo sa mga guhong templo sa iba’t ibang isla ng Greece.

Paano kung makapagdulot ng ibayong pinsala ang pinaalpas niyang ‘lihim’? Hindi malayong gayon ang mangyari dahil ramdam na ramdam niya ang kinimkim na poot–na siyang natatanging puwersa sa ilalim ng mahiwagang kapangyarihan ni Osiris.

Kailangang mahanap niya agad ang kuwintas!

Click here to READ MORE

Comments are closed.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age