The Ocean Princess

Oceana and Gordon are both accomplished treasure hunters. They can breathe underwater.

And they also share the same secrets in their murky pasts. But what they do not know is… they both lost their memories.

They belong to a different world. But they both lost the memories of their pasts. Will the strong attraction between them lead the way to their home?

Paano malalampasan nina Gordon at Oceana ang mapanganib na landas pabalik sa kanilang tunay na daigdig?

* * *

Pigil-hininga ang lahat ng mga taong nasa loob ng malawak na compound ng napaka-modernong Alta Residence Mansion.

Walang maririnig kundi ang malakas na ihip ng hangin mula sa kalangitan na nasa itaas at ang dumadagundong na ingay ng malalaking alon mula sa karagatan na kalapit lamang. Nasa bunganga ng Pacific Ocean ang naturang mansiyon at maluwang na bakuran.

Ang mabigat at makapal na katahimikan ay bunga ng matinding suspense. Paano’y hinihintay ang finale ng diving exhibition na kasalukuyang nagaganap sa loob ng isang higanteng aquarium.

Malalim at malaki, isang mabagsik na pating ang nakakulong doon. Pero ang pinapanood ng bawat isa ay ang mga kapangahasang kanina pa ginagawa ng isang matapang na diver.

Parang larong habulan ang nangyayari habang isa-isang kinukuha ng maninisid ang mga nakakalat na colored bars. Nung una’y ‘medyo’ ligtas pa dahil sa palibot lang na malapit sa malaking hawlang bakal.

Ngunit habang papalayo nang papalayo sa kaligtasan, palapit naman ng palapit ito sa nakaambang kamatayan.

Takut na takot na ang mga manonood. Ang ilan ay napapahiyaw pa nga kapag nabibingit ito sa matatalas na ngipin ng malaking pating ang kapirasong katawan na maliksing lumalangoy sa tubig.

Sa kasalukuyan, isa na lang ang natitirang colored bar. At iyon na ang pinakamalayo sa hawlang bakal. May dalawampung metro ang distansiya.

Isa sa mga manonood na babae ang hindi nakatiis. May edad na at bilugan ang katawan, at tila nerbiyosa. Tumili ito nang malakas. “‘Wag na! ‘Wag mo nang kunin ‘yan!”

“Umahon ka na! Umahon ka na!”

“Mamamatay ka na d’yan!”

Nagsigawan na rin ang iba pa.

Tila narinig ng diver ang mga hiyawan. Umakyat uli ito sa hagdanang bakal, pabalik sa itaas ng hawla.

Una nitong inalis ang oxygen tank na nakasabit sa likod. Sumunod ang rubber suit.

Nagpalakpakan ang mga tao.

“Wow, babae pala!” palatak ng mga kalalakihan, pagkakita sa maputi at makinis na katawan ng isang babae.

“Ang seksi!” Humakab lalo sa mahubog na katawan ang puting two-piece bikini, nang umangat ang mga kamay upang hagurin ang buhok na hanggang balikat.

“Alisin mo na ‘yang goggles,” ang sabik na bulalas ng isang lalaki. “‘Pakita ng mukha mo, babes!”

Hindi iyon ang nangyari. Itinali lamang ng goma ang mga diretso at itim na hibla.

Maya-maya’y naburang parang bula ang katuwaan sa paligid. Paano’y walang abug-abog na tumalon pabalik sa tubig ng aquarium ang babaeng diver.

Hindi makapaniwala si Gordon Vergara. Hindi rin niya gustong bumilib, pero kusang sumibol ang matinding paghanga.

Sa kauna-unahang pagkakataon, napabilib siya ng isang babae. Ngayon lang din kasi siya nakasaksi ng isang kabaro ni Eba na matapang at pangahas. Malakas ang loob na makipaglaro sa panganib at sa tiyak na kamatayan.

‘I think I need this daring creature,’ bulong niya sa sarili, pero napipilitan lang.

Sinilip niya sa largabista ang madulas na paglangoy ng babaeng maninisid. Napuna agad niya ang ekspertong istilo ng mga biyas sa pagkampay. Naging animo isang isda ito dahil sa bilis at tulin ng pag-usad sa ilalim ng tubig.

Limang ka-tao ang lalim ng aquarium. Ang tangkaing sisirin iyon ng walang gamit na oxygen tank ay isang kahanga-hangang abentura. Lalupa’t may kasama pang pating na pirming papadaluhong palagi.

‘Ibang klase,’ bulong uli niya sa sarili. Hindi napapansin na siya man ay nagpipigil na rin ng hininga.

Inaasahan niyang nagpapakitang-gilas lamang ito. Na babalik rin uli sa itaas kapag napuna na ng mabangis na pating.

Pero nagkamali siya ng akala. Ang gamit niyang binocular ay isa sa pinaka-powerful sa buong mundo. Naaaninag niya ang determinasyon sa mariing pagkakatikom ng manipis na bibig ng diver. Walang hesitasyon sa paglangoy nito patungo sa iron bar na nakabaon sa sahig na buhangin at napipinturahan ng matingkad na kulay pula at dilaw.

“My God!” bulalas ni Philip Garcia, ang kanang kamay niya. “She’s gonna get it!”

“Sino siya?” Wala sa loob ang pagtatanong ni Gordon. Nakatutok pa rin ang mga mata niya sa largabista.

“Siya si Oceana Alta.” Mahina ang pagsasalita ng katabi niya. Ayaw masira ang katahimikang nakalambong sa kanilang lahat.

“Oceana Alta?” Pamilyar sa pandinig niya ang pangalan, pero hindi lang matandaan.

“Siya ‘yung world record holder sa deep-sea diving,” paliwanag ni Philip. “She did the China Sea last. We watched her,” paalala pa nito.

“Ah, yes. Naalala ko na,” sambit niya. “I didn’t expect that she’s that fearless diver.”

“Well, she is one brave diver!”

Hindi na kumibo si Gordon. Ayaw niyang humanga nang husto kay Oceana Alta. Aywan kung bakit…

“Ayan na!” Halos iisang tao nang sumigaw ang mga manonood. “Nakita ka na! Akyat na! Akyat ka na!” utos ng mga ito.

Ngunit tuluy-tuloy lang ang babae.

‘Fool!’ Halos manggigil na ang binata. Nakaramdam siya ng matinding pagnanais na pumunta sa loob ng aquarium upang hanguin na ang mapusok na nilalang.

Tatlo, dalawa, isang dipa. Nang abot-kamay na nito ang dulo ng colored bar, ang pating ay nasa di-kalayuan na rin lang.

Mahigpit na hinawakan nito ang mahabang bakal, bago bumuwelo para lumangoy papaitaas.

Sinulyapan ni Gordon ang suot na diver’s watch. Awtomatiko pala niyang inoorasan ang pagsisid ni Oceana Alta.

Mahigit sampung minuto na sa ilalim ng tubig ang babae. Malapit na itong maubusan ng hangin. Kailangang makaakyat na ito bago mangapos ang hininga!

“Ay! Ayan na ang pating! Ayan na! Langoy na, langoy na!” tili ng isang matrona. Nawala ang poise nito nang magtatalon sa labis na pagkataranta.

Nagsisunuran ang iba pa.

Muling sumuway si Oceana Alta sa kagustuhan ng mga manonood. Lumihis ang landas na tinutugpa nito. Muling pumaibaba gayong nasa kalagitnaan na ito.

“Ay! Ano ba ‘yan!? Nagpapakamatay na ‘ata siya!”

“Ay! Ayoko na! Ayokong makakita ng taong nilalafang ng pating!” tili ng isang bading.

Gayunman, wala pa ring nagsitinag sa kinatatayuan upang umuwi. Tila naparalisa na dahil sa sobrang tensiyon.

Natagpuan ni Gordon ang mga daliri na nakabaon sa matigas na plastik ng largabista. Pumiksi siya at marahang humugot ng buntonghininga, upang maibalik ang nawawalang kalma.

Nakatutok pa rin siya sa tagpong nagaganap sa loob ng aquarium, ngunit wala na ang emosyon. Naging isang observer na lang siya. Isang matalas na treasure hunter.

Mataman niyang inoobserbahan ang mga kakayahan ni Oceana Alta. Siguradong magiging kapaki-pakinabang ito sa kanyang susunod na expedition.

May labinlimang taon na ang nakakaraan, nang ang isang malaking barko na sinasabing puno ng mga gold bars ay lumubog sa isang lugar ng karagatan na pinamumugaran ng mababangis na pating.

Matagal nang pinagpaplanuhan ng Vergara Ocean Hunters, Inc. ang pagpunta doon pero pulos imposible ang mga strategy na naiisip nila. Kahit mga moderno na ang mga kagamitang-pandagat at makinarya, kailangan pa rin ng human touch — sa ilalim ng tubig.

Puro mga ekspertong crew ang mga tauhan niya. Pero siya lang ang eksperto sa diving. Kahit na si Philip Garcia, na avid fan ng diving sport, ay nangangatog sa ilalim ng dagat.

Tila si Oceana Alta ang kasagutan sa maraming problema ng grupo niya…

Naghiyawan uli ang mga manonood kaya naudlot ang paglalayag ng utak ni Gordon.

Nakanganga na ang hugis-buwan na bunganga ng pating. Nakalantad ang mga dilaw na ngiping pawang matutulis at matatalas. Sabik na sabik nang sakmalin ang sinisilang pananghalian.

Ang nakatakda namang maging biktima ay nagtago sa loob ng isang manmade na kuweba, kungsaan ang mga maliliit na isda at ilang laman-dagat ay naninirahan.

Tukoy ng pating ang naturang kuweba. Agad na dinaluhong ng nguso ang taguang yari sa bato at semento. Paulit-ulit. Walang awa at walang patid sa pagsalakay. Pilit na tinutungkab at iniaangat.

Sinasaliwan ng mga panaghoy at panangis ng mga manonood ang bawat pag-atake ng halimaw-dagat.

Walang nakakakita sa babaeng diver, pero kitang-kita ng lahat ang pagbuga ng likidong kulay itim mula sa kinaroroonan nito. Pasirit na tumawid sa mangasul-ngasul na tubig upang tumama sa bibig mismo ng pating. Waring nanggaling sa isang malakas na water gun dahil tuluy-tuloy ang pagsirit.

Aywan kung anong kemikal meron ang naturang likido, ngunit iyon ay malinaw na epektibong shark repellent. Tila nagtatarang ang pating nang mapasukan ng kulay itim sa loob ng bunganga. Nagpapasag muna bago pakiwal-kiwal na lumangoy palayo. Dumaling-dumali. Para bang takut na takot.

Sumabog ang masigabong palakpakan nang muling lumantad ang matapang na babae mula sa kuweba. Bitbit pa rin nito ang colored bar, nang lumangoy papaitaas.

Tuluyan nang naagaw ni Oceana Alta ang buong atensiyon ni Gordon Vergara.

Nakaabang na ang isang may edad na babae sa bukana ng hawlang bakal. May hawak itong makapal at mahabang puting towelling robe. Itinakip agad sa basam-basang katawan ng maninisid.

Nag-ibayo ang palakpakan at sigawan ng mga tao, nang buong pagmamalaking ikinaway ng dalaga ang mga kamay. Nakatawa ito kahit na halatang pagud na pagod na.

Muling umalingawngaw sa paligid ang ngamol na boses ng lalaking announcer. “Ladies and gentlemen, a sumptuous lunch is waiting for all of you here. Please, let us proceed to the dining room. Miss Alta will surely join us there!”

Halos iisang tao nang tumalima ang mga panauhin. Unti-unting naging maugong na bulungan at kuwentuhan ang pagkakaingay ng mga ito habang patungo sa direksiyon ng dining area.

Nanatili namang walang tinag sa kinauupuang garden chair si Gordon. Sinundan niya ng tingin ang babae. Dumaan ito sa suspended steel bridge na tumawid sa ibabaw ng aquarium at patungo sa ikalawang palapag ng mansiyon.

Ang asul at abuhing istruktura ay split-leveled. Hindi agad masasabi kung ilang palapag meron iyon. Yari sa metal, salamin, at mga solidong bato.

Pihong napakayaman ng may-ari.

“We need her, Gordon!” bulalas ni Philip. Tila nakabawi na ng wisyo.

“Yes, I think so,” pag-amin niya. Pigil ang banayad na tono.

Nanlaki ang mga mata ng kausap. “Hindi ka pa rin kumbinsido?”

Nakaramdam siya ng pagdududa. “Ano ba talaga ang balak mo nung mag-ayang manood tayo dito?”

Hindi makatingin nang diretso ang kanang-kamay. Kababata at matalik na kaibigan rin niya ito.

“Well, aaminin ko na ipinaimbita ka ni Miss Alta sa akin,” pagtatapat nito matapos mapaubo nang kaunti.

Natigilan siya sa narinig. “Magkakilala pala kayo ni Oceana Alta?”

Umiling si Philip, pero nag-aalangan. “Actually, she called us up herself. Interesado raw siyang makipag — er, ‘doing business’ sa grupo natin.”

Bahagyang tumaas ang mga aroganteng kilay. “Ba’t ‘di mo nabanggit ‘yan sa akin?” pang-uusig niya.

“Well, she asked me not to tell you anymore.”

“Ano’ng sinabi mo sa kanya?”

Namilipit si Philip.

“I’m sure, sinabi mo sa kanya na isa akong womanhater? Na ayaw kong maka-trabaho ang mga babae?” panghuhula niya.

Pinilit magkibit ng mga butuhang balikat. “Well, sort of,” pangungumpisal ng kaharap. “Tutoo naman ‘yon noon, di ba?” May pakiusap sa panakaw na sulyap nito sa kanya.

“Kahit hanggang ngayon rin,” pakli niya. “I’ve never wanted to work with a woman before — and up ’til now.”

“Pero, Gordon — ”

“Magaling siya, Philip. Napakagaling,” sabad niya.

“But you’re interested with the black liquid,” bawi nito.

Nahirapan siyang umamin. “Well, yes, of course.” Pilit na pina-kaswal ang tono.

“But not with the intriguing and daring diver, huh?” Nagkabahid na ng pambubuska ang tono ni Philip. Matagal na silang magkakilala kaya nahalata na nito ang sinusupil niyang interes sa dalagang maninisid.

“I have many women to choose from, Philip,” bawi niya.

“Not one of ’em knows how to dive, buddy.”

“Walang babae ang gustong sumama sa paglalakbay ng Ocean Huntress.” Ang tinukoy niya ay ang modernong barko na ginagamit sa paghahanap ng mga lumubog na kayamanan sa dagat.

“Nagpiprisinta si Oceana.”

“Ano?”

Muling sumeryoso si Philip. “Alam niya ang tungkol sa plano nating pagpunta sa Sharks’ Pit, Gordon.”

“Paano niya nalaman — ?” Huminto siya dahil naalalang na-interview nga pala sila sa isang television show.

“I asked her, too. Napanood niya raw tayo sa t.v.,” tugon ni Philip.

“‘Yon ba agad ang tinumbok niya?” Ibinalik niya uli ang paksang pinag-uusapan.

“Wala siyang ligoy, Gordon. She was very business-like as she pointed out the problems that we had. She also cited the many solutions that she possessed. Would you believe that?” patuloy nito. “Well, I believed her today! Ano kaya ‘yung kemikal na ginamit niya sa pating? Surely, magiging malaking tulong siya sa ating expedition?”

Tumangu-tango siya habang mabilis na nag-iisip. “Alright, I think I’ll take her as one of our crew divers,” pahayag niya kapagkuwan. Napipilitan lang.

Tumawa si Philip. “Not good enough. She wants to be your partner, Gordon!” salo nito. “It’s a ‘take-it-or-leave-it’ deal!”

Nag-shower ng maligamgam na tubig si Oceana para mawala ang panlalamig na idinulot ng pakikipaghabulan kay Kamatayan. Nakatapis na lang siya ng tuwalya nang lumabas sa banyo.

Ngumiti siya sa naghihintay na si Inay Mameng. Tumindig ito mula sa pagkakaupo sa stool ng dressing table. Nakahanda na ang mga gamit sa pag-aayos sa buhok at mukha niya.

“Inihanda ko na ang mga isusuot mo,” pahayag nito habang isinesenyas ng isang kamay ang nakalatag na white silk dress sa may paanan ng malapad na kama. Katabi niyon ang puting sandalyas, lace gloves at silk stockings.

“Salamat, Inay.” Maliksi niyang inalis ang nakabalot na tuwalya sa basang buhok at naupo sa dressing stool.

Sinabayan niya ng pagpapahid ng pulbo at lipstick ang pagsusuklay nito sa buhok niyang hanggang balikat lang.

“Dumating ba ang hinihintay mong bisita?” usisa ng may edad na babae, nang tapos nang gamitin ang hairdryer.

Tumango siya. “Isinenyas sa akin ni Itay Kanor ang pagdating nila.” Ang asawa nito ang tagapamahala sa buong mansiyon.

Hindi niya kaanu-ano sina Mameng at Kanor, pero ang mga ito ang nagpalaki sa kanya mula nung mapulot siya sa buhanginan. Nasa anim na taong gulang pa lang yata siya noon. Walang kakilala at wala ring alaala.

Makalipas ang dalawampung taon, hinahanap pa rin niya ang nakaraan. Wala pa rin siyang naaalala pero mayroon nang mga clues na lumilitaw sa mga panaginip. At ang mga iyon ang isa-isa niyang sinusundan…

Pinangalanan siyang ‘Oceana’ dahil naging kapansin-pansin agad ang husay at galing niya sa paglangoy at pagsisid. Inampon siya ng mga ito upang magamit niya ang apelyidong ‘Alta’.

“Ano ba ang kailangan mo sa kanila?” tanong ni Inay Mameng nang mailagay na ang diamond hairclip sa buhok niya.

“Mayroon silang barko at mga tauhan na puwede kong magamit.”

“Saan mo sila gustong kausapin?”

“Pakihatid na lang sila sa veranda.” Ang pinili niyang lugar ay ang balkonahe na nasa tagiliran pero nakatanaw sa dagat.

“O, sige, itatawag ko kay Kanor.”

Isinuot niya ang guwantes at stockings habang nakikipag-usap sa telepono ang ina-inahan.

Bumalik agad ito para tulungan siya sa puting bestida.

“Ano’ng alahas ang isusuot mo?”

“Ito’ng kabibe lang.” Dinampot niya sa jewelry box ang isang gold bracelet na may nakakabit na kakaibang kabibe.

“Buweno, may kailangan ka pa ba?”

“Wala na, Inay. Salamat uli.” Ngumiti siya at yumapos dito. “‘Wag kayong masyadong magpapagod ni Itay, ha? Maraming katulong. Sa kanila n’yo ipabahala ang mga trabaho,” habilin niya.

Saka lang nawala ang seryosong ekspresyon ng nakatatandang babae. “Natakot ako kanina, Ceana,” pag-amin nito. “Hindi ko akalaing mapanganib ang exhibition na gagawin mo.”

“Para lang sa mga bisita ko ‘yon, Inay. Para hindi na ako magpakapagod na kumbinsihin sila.” Tinapik-tapik niya ito habang nagpapaliwanag. “Pasensiya na kayo. Hindi ko gustong matakot kayo.”

Hinaplos siya nito sa likod. “Dapat ay sanay na ako, di ba? Gusto sana naming payuhan ka na huminto na sa pagsisid. Tutal naman, yumaman ka na…” sambit nito, sa matamlay na himig. “Pero alam din namin na hindi ka matatahimik hanggang hindi mo natutuklasan ang sikreto sa iyong pagkatao…”

“Salamat sa pang-unawa n’yo ni Itay, Inay,” tugon niya. “Talagang hindi ako matatahimik hanggang nananatiling lihim ang aking nakaraan. Sana, manatili pa ang inyong suporta para sa akin.”

“Hindi ka namin iiwan, iha. Ikaw ang anak na hindi kami nagkaroon. Biyaya kang ibinigay ng dagat sa amin. Pinaginhawa mo pa ang buhay naming mag-asawa.” Kumampay ang kamay at mga mata nito sa marangyang paligid. “Kundi sa ‘yo, hindi kami makakatikim ng luho na katulad ng tinatamasa namin ngayon. Habambuhay kaming magpapasalamat sa ‘yo, iha.”

Ginawaran niya ng halik ang isang kulubot na pisngi. “Mahal ko rin kayo, Inay. Kayo ang inspirasyon sa lahat ng mga nakakamtan kong tagumpay.”

“Natutuwa akong marinig ‘yan,iha.” Gumanti ito ng halik sa isang pisngi niya. Garalgal na ang tinig nang muling magsalita. “Ipinagdarasal naming palagi ang iyong tagumpay, Ceana. H-huwag ka lang sana mawawala sa amin…”

Niyapos niya ito bago tumugon. “Inay, Inay, huwag na kayong mag-isip ng kung anu-ano. Basta’t tandaan n’yo lang palagi na hindi magbabago ang pagmamahal ko sa inyo.”

Suminghut-singhot muna ito. “Pinaligaya mo ako, Ceana. Salamat.” Pinilit nitong kalmahin ang sarili. “O, siya, lumabas ka na sa veranda. Baka nandoon na ang mga bisita mo,” pagtataboy nito.

“Okey ka na ba, Inay?”

Tumango si Inay Mameng. “Oo naman. Pagpasensiyahan mo na ako. Tumatanda na kasi.” Pilit ang pagtawa nito sa sariling biro. “O, siya, sasama pala ako sa ‘yo. Baka may kulang pa sa pagkaing inihain.”

“Salamat, Inay.” Sabay silang nagtungo sa kabilang dulo ng gusali.

Dinatnan nila ang dalawang matangkad na lalaking tahimik na nag-uusap habang nakaupo sa mga kumportableng dining chairs. Agad na tumindig ang mas mababa nang mamataan silang paparating. Nakangiti ito habang nakatingin sa kanya.

Ang mas matangkad naman ay marahang tumayo. Abala ito sa pagtitig sa kanyang kabuuan. Ngunit hindi naman niya mabasa ang ekspresyon.

“Good morning, gentlemen,” bati niya, sa prupesyunal na tono. Inialok niya ang nakalahad na palad sa nauuna. “You are Mr. Garcia?” panghuhula niya.

“Yes, Miss Alta,” ang magiliw na tugon nito. Mainit ang ngiti at pakikipagkamay sa kanya. “But, please, call me ‘Philip’.”

Gumiliw ang ngiti niya rito. “Okey, Philip. Thank you,” aniya bago bumaling sa lalaking pormal na nakamasid sa kanila. “And, of course, you are Mr. Gordon Vergara,” sambit niya, sa tiyak na tono.

Ikiniling ng lalaki ang ulo. Bagay na bagay sa pagka-arogante nito ang sadsad na gupit ng itim na buhok.

Click here to READ MORE

Comments are closed.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age