The Reluctant Bride

To dream the impossible dream… is as frustrating as trying to fly high to reach the skies without proper wings.

To love someone belonging to another planet is unthinkable.

Secretly in love si Madeleine kay Andre. Isang dalagang anak ng magsasaka at isang binatang asendero…

Isang araw, ang kanilang magkaibang mga daigdig ay nagtagpo.

At sa kisapmata lang, ang kanilang mga kapalaran ay pinag-isa…

* * *

Bigla ang pagbuhos ng malakas na ulan. Halos walang abug-abog.

O masyado lamang siyang abala sa kanyang ginagawa?

Tumingala sa makulimlim na kalangitan si Madeleine. Wala nang kuwenta kung magkukumahog siyang umuwi ngayong basam-basa na siya.

Ipinagpatuloy na lamang niya ang pagbubunot sa mga damong nasa gilid ng dasian. Kailangang maging pantay-pantay ang pagtubo at ang paglaki ng mga seedlings ng palay.

Napapailing-iling siya habang napupuna at nadidiskubre ang ilang kasinungalingang winika ng sinuyong magdadamo ng kanyang ama.

Ano kayang ginawa ni Pitoy kaninang umaga rito? taka niya sa sarili.

Nagbayad sila ng tao para maglinis ng damong ligaw sa kanilang binhing palay ngunit hindi naman pala maayos ang trabaho.

Napapitlag siya nang punitin ng matinis na ingay ang katahimikan ng masinsing pagpatak ng ulan. Kasunod niyon ay ang nakangingilong dagundong ng sunud-sunod na pagkulog.

Alam niya ang panganib sa pananatili sa gitna ng bukid kapag ganitong masungit ang panahon.

Minabuti niyang ipag-pabukas na lamang ang ilang gawain na ipinatong niya sa sariling balikat.

Dinampot niya ang dalang bayong na kinalalagyan ng kanyang tabak at karit. Nadulas siya sa pilapil at napuno ng putik ang kanyang puwitan.

Naging itim na ang kulay ng puting rubber shoes at maong na pantalong isinuot niya nitong tanghali lamang.

Minabuti niyang sumilong sa lilim ng isang puno ng akasya na pinakamalaki at pinakamatanda sa iba pang puno na nasa paligid.

Iyon din ang nagsisilbing pagitan ng dalawang bukid na magkalapit sa dakong ito. Kaya napapatda siya nang matanaw ang mataas na hugis na nakatayo sa lilim ng mga berdeng dahon.

Ilang metro na lamang ang layo nila sa isa’t isa. Bigla siya na-conscious sa kanyang kasuotan na alam niyang hakab na sa kanyang katawan.

Manipis lamang ang kamisa de tsinong asul na isinuot niya. Aninag na ang kanyang kamison na manipis din.

Halata na ang kanyang namumurok na dibdib dahil sa ginaw na dulot ng malamig na ulan.

Muling kumidlat at kumulog kaya napawi ang sandaling pagkatulala niya. Napatalon siya sa sobrang pagkabigla at napatakbo palapit sa mga puno.

Kunwa’y hindi niya nakita ang lalaking nakatitig na sa kanya nang matiim.

Sa isang sulyap lamang, nakintal na sa kanyang isipan ang hitsura ng lalaki.

Isang kakatwang pangyayari dahil hindi siya gaanong interesado sa kabilang kasarian.

Marami siyang kaklase at kaibigang lalaki sa eskuwelahan ngunit hindi siya kailanman nakaramdam ng kakaibang panlalambot. Kinikilabutan siya nang husto. At parang ibig niyang pagpawisan nang malamig.

Paano’y tila nanghuhubad ang paghagod ng mga mata nito!

Niyapos ni Madeleine ang sarili at sinikap na ituon ang pansin sa nagdaraan na unos.

Hindi panahon ng tagbagyo ngayon kaya panandalian lamang ang pagsusungit na ito ng kalangitan.

Hindi niya napigil ang pangangaligkig nang minsang umihip ang malakas na hangin.

At hindi rin niya inaasahan na mawawalan na naman siya ng panimbang sa kanyang pagkakatayo sa madulas na lupa.

Sa isang iglap, nasa tabi na niya ang lalaki. Inaalalayan siya patayo.

“Okey ka pa ba?” tanong nito sa malalim at mababang tinig. Pormal at blangko ang ekspresyon. Halatang pormalidad lamang ang katanungan.

Gayunman, tumango siya at agad na kumawala sa kamay na nakahawak sa kanyang braso.

“S-salamat”, tugon niya sa nanginginig na boses. Tinanaw niya ang langit. Medyo nagliliwanag na. Tumigil na ang pagkulog at pagkidlat. Maaari na siguro siyang umuwi.

Muli niyang dinampot ang bayong na nabitawan.

Mula sa sulok ng mga mata, nakita niyang sumulyap sa relong panggalang ang lalaki. Bahagyang nakakunot ang noo.

“Taga-rito ka ba?” tanong nito uli sa kanya. Muli na namang hinagod ng matitiim na mga mata ang kabuuan niya.

Nagulat siya sa katanungan. Hindi agad siya nakahuma. Napatitig siya sa pamilyar na mukha ng lalaki.

Kung kanina pa niya ginawa ang ganito, baka hindi na siya mabibigla nang ganito.

Si Andre Esquibal pala ang lalaki! Ang pinakamayamang tao dito sa bayan nila.

Isang matalinong negosyante na may mga ari-arian sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas at, kung paniniwalaan ang mga tsismis, sa iba’t ibang sulok ng daigdig man.

Ano ang ginagawa ng lalaking ito sa gitna ng bukid?

Naumid ang kanyang dila kaya tumango na lang uli siya at umiwas na ng tingin. Hindi dahil nangungunti siya sa pagiging mayaman nito kundi dahil sa isang pangyayari sa nakaraan nilang mag-ama.

“Ano’ng ginagawa mo sa gitna ng bukid?” May himig-pagkayamot na ang tono ng lalaki. Hindi marahil sanay sa matabang na pakikitungo mula sa isang babae, lalo’t ng isang katulad lang niya.

“Nagtatrabaho — ”

“Sa gitna ng ulanan?” pakli nito sa pangangatwiran niya.

Nagtagis ang mga bagang ni Madeleine. Ayaw niyang magpaliwanag dahil may namumuong takot sa kanyang dibdib sa maaaring maging reaksiyon nito sa sandaling malaman ang tutoong katauhan niya.

Bakit? usig ng konsensiya niya. Wala ka namang kasalanan, a?

Dumagundong ang ingay na sanhi ng pag-akyat ng dugo sa magkabilang teynga niya.

Minabuti niyang sumugod na lang sa lakas ng hangin kaysa danasin pang muli ang kirot na dulot ng makitid na pamantayan ng lipunang ginagalawan.

Mahirap lang siya at mayaman ang kaharap. Para sa kanya, ang mga taong masalapi ay pawang mga matapobre.

“Sandali,” pigil ng lalaki sa braso niya. Mala-bakal ang mahahabang daliri na nakahawak sa malambot na bahagi ng kanyang bisig.

Basa at manipis ang tela ng suot na kamisa kaya ramdam niya ang init ng palad nito.

Sinagilahan siya ng pangamba. Lalupa nang magsimulang manlambot ang mga tuhod niya sanhi ng tila nagbabagang pakiramdam ng pagdadaiti ng mga balat nila.

“U-uuwi na ako,” wika niya habang pinipilit na ikawala ang sarili sa pagkakapigil ng lalaki.

“Ikaw ba ang anak na babae ng may-ari ng lupang ito?” usig nito.

Parang nanlaki ang ulo ni Madeleine. Nawala ang lakas sa mga kalamnan niya nang mapagtanto na nakilala na siya nito.

Nanatiling nakapaling sa kabilang direksiyon ang mukha niya habang hinihintay ang susunod na masasakit na mga salita na paukol sa kanyang ama.

At patungkol na rin sa kanya dahil nasasaktan siya kapag naririnig ang pag-aalipusta sa pagkatao ni Teofilo Juarez.

“Maaari ba kitang makausap?”

Nagtutumutol ang kamalayan niya. Nag-igtingan ang mga ugat niya. Nakatagpo siya ng kaunting lakas upang makakawala.

Agad siyang lumayo ngunit hindi nakisama ang malambot at madulas na lupa.

Bumagsak na naman siya sa kanyang pang-upo at sa kanyang likuran pa sana kundi sa maagap na paghaklit ng lalaki sa kanyang kamisa.

“Ay!” bulalas niya kasabay ang mahinang tunog ng pagkapunit ng manipis na tela.

Luma at gapok na ang kanyang kasuotan dahil bumilang na ng taon sa kanilang pag-aari ang naturang kamisa.

Kaya bumigay sa puwersahang paghila ng lalaki habang tinatangka siyang iligtas sa pagbagsak.

Ngunit dahil bumigay ang kanyang lumang kasuotan, pati na ang kanyang kamison, hindi rin siya nakaligtas.

Tuluy-tuloy siyang dumausdos padulas sa pampang ng irigasyon na nasa malapit. Niyapos niya ang sarili nang maramdamang nalantad ang kanyang balat sa hangin at tubig kaya walang nakapigil sa kanyang paggulong.

Naiwan si Andre na nakatigagal habang hawak sa isang kamay ang nadaklot na bahagi ng kanyang damit. Hindi akalaing ganito ang mangyayari sa sitwasyong napaka-ordinaryo naman.

Tila ba naging isang eksenang pinabagal ang sumunod na pangyayari nang mabawi na ng lalaki ang wisyo.

Tumalon ito sa tubig habang tinatangay ng agos ang binitawang retaso upang abutin si Madeleine mula sa kanyang pagkakalublob.

Napasinghap siya nang dagli siyang pinangko ng matitigas na bisig upang iahon.

Ngayon lamang nahawakan ng ibang kamay sa kanyang likod at beywang si Madeleine. Nagdulot iyon ng kakaibang pakiramdam at bigla siyang napapiglas.

Nawalan nang panimbang ang lalaki. Dumulas ang suot nitong sapatos na mukhang mamahaling de-gomang kulay asul sa makapal na damong tumutubo sa pampang at sa mismong dingding ng kanal.

“Shit!” Narinig niyang bulalas nito bago ang pagtilamsik ng malamig na tubig sa hangin nang magkasunod silang bumagsak.

Sa muling paglubog niya, parang nahimasmasan siya. Napalis ang kanyang pangamba at napalitan ng matinding pagkayamot.

Sanhi marahil ng pagkapahiya dahil sa napunit ang kanyang damit sa konting paghila lang.

Dali-daling tumindig si Madeleine. Saglit niyang nalimutan ang kawalan ng saplot habang nagpupumiglas. Itinulak ng mga palad niya ang malapad na dibdib ng lalaki.

Kinalmot niya ang leeg at batok nito nang tila humigpit pa ang matipunong braso sa palibot niya.

Napaungol ang lalaki nang magurlisan ang balat nito. Nabitawan siya.

“Walanghiyang babae!” bulyaw ng matigas na tinig sa pigil na tono.

Hindi niya pinansin ang bayolenteng ekspresyon ni Andre Esquibal. Nagmadali siyang humakbang palayo at paahon sa pampang.

Dumadaloy ang adrenalin sa kanyang dugo at ito marahil ang dahilan kung bakit hindi siya nadulas pabalik. Nagkaroon ng lakas ang mga tuhod at biyas niya.

Nakailang dipa rin siya bago niya naulinigan ang papalapit na mga yabag. Dali-dali niyang dinampot ang bayong at kinipit ng mga bisig habang patuloy siya sa paglayo.

Napasigaw siya nang may tumalon mula sa kanyang likuran. Dinamba siya nito at sabay na naman silang bumagsak sa lupa.

Niyapos siya nang mahigpit ni Andre at sila ay nagpagulung-gulong nang hindi siya huminto sa pagpupumiglas kahit na wala na siyang tsansa para makakawala.

“Bitiwan mo ako,” utos niya sa nanggigigil na tinig. “Hayup ka!”

Tinangka niya uling kalmutin ang mukha ng tagabihag ngunit agad nakaiwas ang lalaki nang makita ang pag-atake ng kanyang mga kuko.

“Magtigil ka, babae!” utos rin ng medyo paos na boses. Nahipan ng mainit na hininga nito ang punong-teynga ni Madeleine at gumapang na naman ang kilabot sa kanyang katawan, patungo sa kanyang kaibuturan.

Napalunok siya nang magsimulang matunaw na naman ang kanyang mga buto. Unti-unti na para bang nagiging gulaman muna bago lumabnaw, kasama ng kanyang katinuan.

Nanlaban siya sa sariling kahinaan. “Bitiwan mo ako!” piglas uli niya.

Lalong humigpit ang mga bisig ni Andre. Dumudulas ang mga kamay nito sa nahubarang balat na basa ng tubig at putik kaya naghanap ng ibang bahagi niya na mahahawakang maige.

Di-sinasadyang nasapo ng isang mainit at malambot na palad ang kanyang dibdib. Dagli siyang nanigas at nawalan ng kilos.

Maging ang lalaki ay hindi rin nakatinag agad.

Naramdaman ni Madeleine ang paggapos ng di-nakikitang tali sa kani-kanilang katauhan.

O imahinasyon lang niya iyon?

Hindi siya humihinga habang naghihintay ng susunod na mangyayari.

Nagiging melodrama ang mga eksena habang tumatagal.

Hanggang sa maulinigan niya ang mahinang pag-ungol nito mula sa kanyang likuran.

Aywan kung bakit alam niyang hindi sa sakit galing ang munting ingay na iyon na humulagpos sa matipunong lalamunan. Parang tumututol…

“Bit-bitiwan mo ako,” aniya sa nanginginig na tinig.

Saka lang uli gumalaw ang lalaki.

Ngunit sa halip na sundin siya, iniharap lang siya nito at pinailaliman ng matipunong katawan. Marahas ang matipid na mga kilos.

Ni hindi siya nakahuma nang matagpuang kaunti na lang ang distansiya sa pagitan ng mga mata nila ni Andre Esquibal.

May kung anong magneto na humihila sa buong kamalayan niya. Binubura ang lahat ng tama at mali ng moralidad.

Kapwa sila hinihingal at kapwa hindi pansin ang patuloy pa ring pagbuhos ng ulan.

Nilipad na ng hangin ang suot niyang sumbrero at nakalatag na sa damuhan ang mahabang buhok niya.

Nakadait sa sensitibong balat niya ang magaspang na tela ng suot nitong polo-shirt na nakahakab sa malapad na dibdib.

Kulay itim iyon kaya nakakontra sa malambot na kurba ng maputing dibdib niya.

Lumipat doon ang mga mata ni Andre. Halos matunaw siya sa sobrang kahihiyan nang titigan nito ang mga dibdib na namumurok.

Ibinaling niya ang isang pisngi sa damuhan at kinagat nang bahagya ang ibabang labi.

“Please, gusto ko nang u-umuwi…” Huminto siya nang muntik na siyang mapahikbi. “B-baka hinahanap na ako sa amin — ”

“Ssh!” saway ng lalaki. Enigmatiko ang ekspresyon nito ngunit malinaw niyang nakita ang pagniningas ng pagnanasa sa mga matang mapanghigop.

“Napakakinis ng balat mo. Ngayon lang ako nakakita ng natural na pino.” Hinagod ng mga daliri nito ang isang pisngi niya. Masuyo. Marahan. Para bang kinakabisa.

“Ikaw si Madeleine, hindi ba?”

Bahagyang kumunot ang noo niya. “B-bakit kilala mo ako?”

Gumuhit ang isang nanunuyang ngiti sa bibig ng lalaki.

“Nagpunta ako rito upang tingnan ang lokasyon ng lupang nakasangla sa akin at malapit nang mailit. Hindi ko akalain na makikita ko rin dito ang maaaring maging pambayad.”

Matalinghaga ang mga salita ngunit agad niyang nakuha ang kahulugan nang makita ang kislap ng kalkulasyon sa mga mata ng kausap.

“A-ano’ng ibig mong sabihin?” Ikiniwal niya ang katawan na bihag pa rin ng bigat ng lalaki. “Please, gusto ko nang tumayo. B-baka malamigan ang likod ko.”

“Huwag kang malikot,” utos ng lalaki. Winalambahala ang kalusugan niya.

Bahagya ring ikiniwal padiin sa kanya ang katawan. May naramdaman siya na nagpaapoy sa kanyang mga pisngi.

Tila ikinagulat ng lalaki ang bagay na iyon. Titig na titig ito sa kanya kaya napupuna ang kahit na gaano kaliit na reaksiyon niya.

Ang palad naman ang humipo sa pisnging nag-iinit at namumula.

“Amazing,” bulong nito, tila sa sarili lang. “Incredible.”

Hindi siya nakaiwas nang muli na namang arukin ng mga matang misteryoso ang kanyang kaluluwa.

Pamaya-maya, nagsimulang tumigas at lumamig ang anyo nito habang sumisilay ang sinikal na ngiti sa mga labing pirmi.

“Tsk! tsk! Sayang na kagandahan,” panunuya nito. “Hanggang balat lamang ang lalim. But, don’t worry, baka puwede mo pa akong kumbinsihin. You’ve got something that other women don’t have. You know how to blush beautifully.”

Napamaang si Madeleine. Hindi niya naiintindihan ang sinasabi ng lalaki.

Nakuha niya ang literal na kahulugan ngunit hindi siya makapaniwalang nakapatungkol sa kanya ang mga salitang puno ng sexual insinuation.

Siya? Si Madeleine Juarez? Pinagbibintangang nag-iimbita ng atensiyong seksuwal? Samantalang manhid at —

Walang abug-abog na tumindig ang lalaki. Hinila siya nito patayo.

Bumuway ang tindig niya dahil nanginginig pa rin nang husto ang mga tuhod kaya napilitan ang lalaki na alalayan siya.

Papahinto na ang ulan ngunit patuloy pa rin sa pag-ihip ang hangin.

Nangaligkig siya kahit na nakayapos sa sarili para takpan ang hubad na harapan. Kahit na nakalugay sa palibot ng katawan ang mahabang buhok, hindi pa rin naging sapat ang proteksiyon.

Hinubad ni Andre ang polo-shirt na itim at iniabot sa kanya. “Isuot mo ‘yan. Ihahatid kita sa inyo.”

Nabigla si Madeleine sa kanyang narinig. “B-bakit?”

Sinaklot siya ng pangamba para sa ama. Nanlalabo man ang diwa kanina, may naunawaan siya sa sinabi ng lalaki na iilitin na ang lupang nakasangla.

At siya nga ay maaaring maging pambayad.

Naririnig lang niya sa mga bulung-bulungan na nakasangla raw ang kanilang lupang sinasaka.

Tutoo pala.

Parang natulala siya nang ilang sandali. Matagal na palang naglilihim sa kanya ang sariling ama!

“Dalian mo, Madeleine. Baka umulan na naman. Hindi na tayo makakatawid kapag lumalim pa nang husto ang tubig.”

Napilitan siyang isuot ang iniaalok na poloshirt, kahit na nakatingin ito sa kanya. Nagtiimbagang siya bago tumalikod.

Laban sa loob ni Madeleine ang tumanggap ng kahit na ano mula sa aroganteng nilalang. Ngunit hindi niya kayang maglakad sa kalsada nang nakalantad ang harapan niya.

Kahit na mababa ang tingin ng lalaking ito sa pagkababae niya, may mataas na respeto naman sa kanya ang mga kabaryo.

“Uh, m-mahirap ang daan patungo sa amin. Hindi mo na ako kailangang ihatid. Kaya ko na,” wika ni Madeleine pagkatapos magbihis. Dinampot niya ang bayong.

A, ilang beses pa ba niya kailangang damputin ang diyaskeng bayong?

Narinig niya ang mahinang pagtawa ng lalaki ngunit hindi na niya ito nilingon.

“Ano’ng palagay mo sa ‘kin? Luku-luko? Hindi ako tatandang ganito kung hindi ko alam ang kara ng mga babaeng katulad mo,” wika ng lalaki, patuya.

Parang sinampal si Madeleine. Napapitlag siya ngunit pinilit pa rin niyang magpakatapang.

“Ang dami mo nang sinabi agad,” pakli niya. “Samantalang ayaw ko lang na maabala ka pa.”

“Gusto ko lang makasiguro na hindi ka magsisinungaling sa iyong ama at sa harap ng isang abogado, pagdating mo sa bahay.”

“Ano’ng sinasabi mo?” maang niya.

May sira kaya ang ulo ng lalaking ito? tanong niya sa sarili. Baka dahil sa dami ng pera, nasiraan na ng bait.

Hindi tumugon ang lalaki kaya napilitan siyang lingunin ito.

Naniningkit ang mga mata ni Andre Esquibal. Para bang may kinayayamutan.

Muli, naramdaman na naman ni Madeleine ang kakatwang sensasyon na iginagapos siya.

Ipinilig niya ang ulo upang mawaksi ang pangitain.

Dumako ang paningin ng lalaki sa beywang niya, kungsaan nakalaylay ang natirang bahagi ng nasirang kamison.

Wala itong sabi-sabi nang hilahin iyon at itapon sa kanal ng irigasyon.

“Wala ka nang ebidensiya. Hindi mo ako mapapagbintangan ng salang panghahalay,” wika ni Andre habang sinusundan ng tingin ang retasong yagit na tinatangay ng malakas na agos.

Napatigagal si Madeleine sa narinig. Na-blangko ang utak niya. Napatitig na lang siya sa lalaking tila nagiging demonyo na sa paningin niya.

“Ang ipapaliwanag na lang natin ay ang poloshirt na suot mo,” patuloy nito, pauyam pa rin. “Hindi ba, sweetheart?”

Hindi pa rin makahuma ang dalaga. Panay ang iling ng ulo niya. At nanlalaki ang kanyang mga mata. Bumuka ang bibig niya ngunit walang numulas na salita.

“Magiging nobya kita. Tatanggapin ko ang alok ng iyong ama.”

“H-hindi!” bulalas niya sa nanghihinang boses. “Nasisiraan ka na ng bait. Hindi maaari ang gusto mo. Hindi maniniwala ang itay ko.”

Nanliit ang mga mata ni Andre. Halatang hindi nagustuhan ang pagtutol niya.

“Hindi ako pangkaraniwang lalaki kaya mas magtataka siya kung tatanggihan mo ako.”

“Napakayabang mo para mag-isip ka ng ganyan. Marami pang lalaki ang mas kagalang-galang kaysa sa iyo. Wala ngang pera sa bulsa pero marami namang respeto para sa kapwa-tao. Lalo na sa mga babae! Bastos!”

Tumalikod siya upang lumakad na palayo. Hindi na siya nagpabigla-bigla sa pagkilos upang hindi na maulit ang insidente kanina. Nagawa niyang makalayo sa lalaking nanatili lamang sa kinatatayuan habang tinatanaw siya.

Akala niya, nakumbinsi na niya ito. Nagkakamali pala siya. Narinig niya ang ugong ng makina ng sasakyang papalapit sa kinaroroonan ng lalaki.

Hindi niya napigil ang sariling kuryosidad. Nilingon niya ang lalaki. Nakita niyang kakamut-kamot ang tsuper ng isang landrover na puno ng putik ang katawang may pinturang itim at puti, habang nakikipag-usap kay Andre Esquibal.

Sumakay ang lalaki at umandar na uli ang sasakyan. Sa direksiyon niya patungo kaya nagkumahog siyang umiwas. Walang makakapagsabi kung ano ang tumatakbo sa isip ng lalaking ito.

“Madeleine!” hiyaw ng lalaki nang makitang tumalon siya sa papaluwang na bibig ng kanal.

Click here to READ MORE

Comments are closed.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age