The Rich Man’s Poor Wife

Diana was born poor and her only one ambition was to have her own house and lot someday. She’d marry any man to make her dream come true.

By a cruel twist of fate, she got married to Jake… who hates her so much!

Ambisyosa si Diana. Ayaw niyang maging dukha habang buhay kaya ang gustong mapangasawa ay isang lalaking mayaman.

Huli na para magsisi nung pikutin niya si Jake. Mas mahirap pala ang maging mayaman kung walang nagmamahal…

* * *

“Diana! Diana!”

Dali-daling lumabas ng kuwarto si Diana. “Ano ka ba, Ningning? Para kang hinahabol ng kung ano d’yan? Mag-ingat ka naman, baka madapa ka.”

“Ay!” Natapilok nga ang kaibigan at ka-trabaho. Muntik na itong sumubsob bago nakalapit sa kanya.

“Naku, sinasabi ko na nga ba, e!” Mabuti na lang, maagap niyang nasalo at naalalayan ito. “Bakit ba?”

“Hay, teka muna, hinihingal pa ako!”

“‘Lika nga muna dito sa loob. Maupo ka muna.” Halos kinaladkad na niya si Ningning.

“May magandang balita kasi ako sa ‘yo,” umpisa nito, matapos bumawi sa paghingal. “Naglilinis ako ng mga pigurin sa sala nang kumuriring ang telepono. S’yempre, sinagot ko. Naku, muntik na ‘kong himatayin nang marinig ko ang boses ni Sir Jake!”

Sumikdo ang dibdib ni Diana. “T-talaga?”

“Oo. Si Nyora Augusta ang kinausap. Dinig na dinig ko na uuwi na siya. Nasa airport na nga raw ngayon at gustong magpasundo.”

Umapaw sa galak ang kalooban ng dalaga. Matagal na niyang hinihintay ang araw ng pagdating ni Jake Cuevas!
May sasabihin pa sana si Ningning, ngunit naunahan ng matinis na pagtunog ng intercom.

Ang kanilang amo ang nasa kabilang linya, si Nyora Augusta.

“Diana, iha, may sakit pala si Mang Indo. Maaari bang ikaw na muna ang utusan kong magmaneho?” anang matandang donya.

Muntik nang mabitawan ni Diana ang awditibo. “A-ako po ang magmamaneho s-saan hu ba?” Pinandilatan siya ni Ningning kaya nabago ang pangungusap. Muntik na rin kasi siyang madulas.

“Sa airport. Dumating na si Jacob, ‘yung aking anak na nasa Amerika. Sawa na siyang manirahan d’on — mabuti naman,” ang mahabang tugon ng matandang babae. “Ang mabuti pa’y puntahan mo na lang ako dine. Nasa balkon ako ng sala.”

“E, oho, sige po.” Natataranta siyang ibinalik ang receiver sa intercom na nakadikit sa dingding. Bawat silid ng antigong mansiyon ay mayroong gayong mekanismo kaya madaling magkaalaman kahit na napakalaki ng lugar.

“Pumayag ka na?” usisa agad ni Ningning.

“Puwede ba akong tumutol?” ang nakangiting pamimilosopo niya. “Alam mong matagal ko nang gustong makita ang Señorito Jacob natin, ‘no? Pipigilan mo pa ba ako?”

“Hay, baliw ka pala talaga! Naniniwala ka talagang mapapangasawa mo ang lalaking ‘yon?” Namimilog na ang mga mata ng kaharap. “Siguradong dadaan ka sa butas ng karayom — at siguradong hindi ka pa rin magtatagumpay!”

Tinapik ni Diana ang bilugang balakang. “Flawless ‘ata ‘to, ‘no?” pagmamalaki niya.

“Hoy, sa ‘Merika galing ang amo natin. Sawang-sawa ‘yon sa magaganda at mapuputi, no?”

“Tumpak! Hindi ako maputi, Ningning. Molata ako pero napakakinis. Tiyak na sa unang kita pa lang sa akin n’on — maglalaway agad siya!” pagyayabang niya, pero may halong komedya.

Humagalpak ng tawa ang kausap. “Sira! P’ano kung isa palang matandang binata na ‘yon? Tiyak na amoy-lupa na,” paniniste nito.

Ginaya ni Diana ang maarteng pag-ingos ng mga artistang napapanood sa telebisyon. “So what? Ang importante’y magiging mayaman na ako. Sawang-sawa na ako sa hirap, sa tutoo lang!”

Napailing na lang si Ningning. “Hay, ‘wag ka sanang mabigo, my friend,” sambit nito, sumeryoso na. “Pero ‘wag ka ring masyadong umasa. Napakatayog ng pangarap mo. Halos imposibleng matupad.”

“Alam ko,” bawi niya, sabay talikod upang isuot ang palda. Naka-shorts lang siya dahil oras ng pahinga mula sa trabahong ginagampanan. Siya ang secretary/companion ni Nyora Augusta, nitong nagdaang dalawang taon.

Nakagiliwan siya ng matandang donya dahil masigla at masayahin siya. Idagdag pa ang pagiging biba at lista niya. Hindi raw siya nauubusan ng kuwento. Palabati pa, kaya naman kinagigiliwan siya ng halos lahat ng mga tao sa lugar na iyon.

Pero hindi siya tagaroon. Nagbuhat pa siya sa Maynila. Sinuwerte lang na kaibigang matalik ng nasirang ina niya ang mayordoma at katiwala sa mansiyon, kaya natanggap ang application niya noon bilang ‘dakilang alalay’ ng mayamang matanda.

Kamakailan, nagretiro na si Manang Mameng. At tila ang napipisil na ipalit ay siya.

Tanggap naman ng mga kasambahay ang haka-hakang iyon. Hindi pa man nagiging opisyal, siya na ang halos inaasahan ng mga ito sa mga desisyon na may kinalaman sa pagma-manage sa malaking bahay.

Ikinatutuwa ni Diana ang bagay na iyon ngunit mas gusto niyang maging ‘maybahay’ kaysa maging mayordoma lang.

Si Ningning lamang ang nakakaalam ng sikretong ambisyon niyang iyon. Ito lang ang pinagsabihan niya, pero hindi pa naniniwalang magkakatutoo ang pangarap niya.

“P-pasensiya ka na, Diana. Pinapaalalahanan lang kita.” Inakala ng kaibigan na na-offend siya. Sinundan siya nito sa paglabas ng silid.

Luminga siya rito. Nakasilay na naman ang pamilyar at masiglang ngiti niya. “Ayos lang ako, Ning. Alam ko naman ‘yan. ‘Wag kang mag-alala. Hindi pa naman ako obsessed,” ang pabirong wika niya. “Malay mo, hindi ko pala kayang sikmurain ang pagmumukha ng anak ni Nyora Augusta?”

Napahagikhik naman agad si Ningning. “Sira! O siya, umalis ka na. Baka mainip pa ang senyora,” pagtataboy nito.

“Okey. Babalik pa naman ako dito para magbihis,” tugon niya habang papalabas.

“Hihintayin kita,” ang nakatawang pangako nito.

Nakangiti pa rin siya hanggang sa makarating sa loob ng kabahayan. Isang makitid pero mayabong na halamanan ang naghihiwalay sa mababang bungalow ng servants’ quarters na pambabae. Nasa kabilang tagiliran naman ng bakuran ang para sa panlalaki.

“A, Diana, iha,” ang masiglang salubong ni Nyora Augusta sa kanya. “Pasensiya ka na, ha? Alam kong oras ng pahinga mo pero kailangang-kailangan ko ang tulong mo. Nasa airport na raw si Jacob–diyaskeng bata ‘yon. Tatawag kapag ‘andito na,” reklamo pa sa tonong masaya.

Halatang sabik na sabik nang makita ang unico hijo na matagal na nawalay.

“Baka naman tumanggi po siyang sumakay kung babae ang magmamaneho?”

“Tama ka d’yan, iha. Malamang na siya nga ang magmaneho sa pauwi. Kaya bale ihahatid mo lang ang sasakyan para may magamit siya.”

Tumango siya. Hindi na nagpakipot. “Aalis na po ba ako agad?”

“Oo. Naku, maraming salamat, iha! Kundi lang may sakit si Mang Indo, hindi kita pagagawain ng panlalaking trabaho.”

“E, kumusta hu pala siya? Ba’t daw hu pala masakit ang tiyan?”

“Ku, e, na-impatso daw, sabi nung pamangkin na si Delfin. Naparami daw ng kain ng pinya kagabi, e, hindi na kaya ng panunaw.”

“A, ang akala ko ho’y kung ano na. E, sige ho, Nyora Augusta, tutuloy na ho ako.”

“Isama mo kaya si Delfin?” suhestiyon ng senyora.

“Sige ho.”

Nagbalik siya sa servants’ quarter. Habang naliligo at nagbibihis, sinasagot niya ang mga pang-uusisa ni Ningning. Hanggang sa mabanggit niyang si Delfin ang piniling maging kasama niya.

“Si Delfin ba ‘kamo? Aba’y nasa kabilang baryo ‘ata ‘yon. Kaaalis lang. Kumukuha ng gamot sa impatso kay Apo Epong.”

“E, di mag-iisa lang pala ako,” aniya. Hindi nababahala. “Aalis na ako para hindi gabihin sa daan.”

Dumaan siya sa kinaroroonan ng donya matapos kunin ang carkeys sa key cabinet na nasa kusina.

“Ang van po ang dadalhin ko, Nyora Augusta. Atsaka, wala po pala si Delfin. Nasa kabilang baryo daw po, kumukuha ng gamot ni Mang Indo,” pagbabalita niya. “Pero hindi po bale, kaya ko naman pong mag-isa. Isang oras lang po naman ang biyahe patungo sa airport,” dugtong niya.

“Sigurado ka ba, iha?”

“Oho,” tugon niya. “Aalis na po ako para makabalik din agad.”

“Este, dalhin mo nga pala ito, Diana.” Isang karton na may nakasulat na ‘Jacob Cuevas’ ang iniabot nito sa kanya. “Isabit mo na lang sa leeg mo, iha, para madali kayong magkakitaan ng anak ko.”

Ngumiti si Diana. “Nakalimutan ko ho ang tungkol dito. Salamat ho, Senyora.”

“Ingat ka!” pahabol pa nito.

Isang kaway at isa pa uling matamis na ngiti na lamang ang itinugon ni Diana.

Ininspeksiyon muna niya ang buong sasakyan, bago pinaandar ang makina. Ilang minuto pa, papalabas na ng malaking tarangkahan ang puting van.

Bale isang domestic airport ang destinasyon niya. Walang naging aberya sa paglalakbay niya. Diri-diretso lang hanggang sa pumarada siya sa harapan ng mababang gusali.

Sinigurado muna niyang naka-locked ang sasakyan bago humangos papasok sa loob. Sa ilalim ng manipis na waist jacket na cream ay naka-sleeveless blouse siya na naka-tucked-in sa fitted jeans.

Fuschia pink ang kulay ng pang-itaas at medyo kupas naman ang maong niya. Magaan ang mga hakbang niya dahil sa suot na kumportableng tanned canvas shoes.

Tuluy-tuloy siya, patungo sa arrival waiting area. Pagdating doon, sinuyod ng paningin niya ang paligid habang itinataas sa tapat ng dibdib ang plakard.

Nagpalakad-lakad siya. Iniisa-isa ang kakaunting pasahero na nanduruon.

Nagtanong siya sa isang sekyu. “Ser, may iba pa hu bang waiting area para sa mga pasahero?” Inilahad rin niya ang hawak na karton. “Er, ‘andito pa kaya ang pasaherong ‘to?”

Sinulyapan ng guwardiya ang pangalan sa plakard. “Si Mr. Cuevas pala ang hinahanap mo. ‘And’on siya sa airconditioned room na ‘yon. ‘Yung katabi ng coffee shop na ‘yon. Halika, ihahatid na lang kita.”

“Okey. Salamat ho.”

Nagkamot ng ulo ang empleyado ng paliparan. “Bata pa ako, miss,” bulong nito, patay-malisya lang.

‘Hmp! Bata at guwapo ka nga, hindi ka naman mayaman!’ bulong naman ni Diana sa sarili.

Ipinagbukas pa siya nito ng pinto.

“Salamat,” sambit niya bago pumasok sa loob.

“Walang anuman, miss.”

Bahagya na lang niyang narinig ang tugon nito dahil ang pansin niya ay inagaw na ng nag-iisang okupante ng silid-hintayan ng mga first class passengers.

Klasiko ang hubog ng mukha ni Jake Cuevas. Guwapo kahit na walang kangiti-ngiti sa manipis na bibig. Elegante ang matipunong katawan dahil perpekto ang pagdadala sa mamahalin at makisig na business suit. Hindi pangkaraniwan sa Pilipino ang tangkad nito bagama’t kayumangging kaligatan ang kulay ng balat.

Ayon kay Nyora Augusta, treinta y cinco na ang anak. Pero wala sa hitsura ni Jake Cuevas ang tunay na edad. Parang nasa late twenties lamang.

At parang napaka-suplado. Tila hindi approachable. Ganito ang naging impresyon niya nang makalapit na sa kinatatayuan ng lalaki.

Gayunpaman, naghandog siya ng matamis na ngiti habang nagtatanong. “You are Mr. Jacob Cuevas?” Pa-inosente, kunwa’y hindi pa niya alam.

“Yes.” Kumunot ang noo ng lalaki habang sinisipat uli siyang maigi. “And you are — ?”

“Diana Guzman, sir. I’m your mother’s secretary, sir,” pagpapakilala niya, may himig ng kumpiyansa.

Tila lalong dumilim ang anyo ng lalaki. Bahagyang naningkit ang mga mata.

“Ah, yes, my mother’s companion/secretary,” sambit nito, pa-sarkastiko. “I’ve heard so much about you, y’know. Maganda at matalino ka raw. Tutoo pala.” Mapakla ang pagsambit sa huling pangungusap.

“Thank you, sir,” sambit niya. Magaan at magiliw pa rin ang tono. “Nakakatuwa naman, matatas pa rin kayong mag-Tagalog kahit na matagal na kayo sa Amerika,” dugtong pa niya, bilang papuri.

“Hindi ko kinakalimutan kung sino at ano ako, Miss Guzman,” pakli nito. Mas mabigat na ang sarkasmo.

“Is that your luggage? We should be on our way, sir. Baka gabihin tayo.” Minabuti niyang ihinto na ang pag-uusap na iyon. Baka masugatan pa siya sa mga salita ni Jake na pawang may dalawang talim.

Binubuksan niya ang sidedoor ng van nang magsalita uli ang lalaki. Iniitsa nito sa loob ang kawawang maletang itim.

“Tsk! tsk! Bilib din naman ako sa talas mo, Miss Guzman. Imbis na lalaking matanda–isang babaeng matanda ang hinanap mo para kuwartahan!” Walang ligoy ang pag-atake nito.

“Hindi ko alam kung ano’ng sinasabi n’yo, Sir Jake,” bawi ng dalaga. Naikubli agad ang pagkagulat.

“Huwag ka nang magmaang-maangan, I know your type, Diana Guzman. Isa kang golddigger at fortunehuntress, hindi ba?” salo nito. Lantaran na ang pang-iinsulto. “Ihinto mo na ang panghuhuthot mo kay Mama–kung ayaw mong maging impiyerno ang buhay mo,” pagbabanta pa nito.

May bahagi sa kalooban ni Diana ang nanlamig. Ngunit may bahagi rin na nasiyahan. Hindi alam ni Jake Cuevas ang tunay na balak niya!

Ngunit nagkamali siya. Hindi pa pala tapos ang lalaking arogante.

“At kung ako naman ang pinag-iisipan mong puntiryahin, huwag mong ituloy. Hindi ako pumapatol sa mababang uri ng babae, Diana!”

Kahit binusabos na, nanatili pa rin ang hinahon niya. Buo pa rin ang determinasyon.

Hindi dapat maging hadlang ang pagka-matapobre ng binata sa plano niyang maakit at matukso ito sa kanya!

“You’re so conceited, sir,” aniya. Pilit na pina-kaswal ang tono. “Ba’t hindi n’yo muna itanong kung… lalaki ang tipo ko, hmm?”

“Lesbian ka?”

Nagbigay siya ng matalinhagang ngiti at isang kibit-balikat, bago iniba ang usapan. “Would you like to drive, sir?” alok niya. Tuwid ang tingin matapos ilawit sa hangin ang mga susi.

“No, you drive!” asik ng lalaki. Pinaningkitan siya ng mga mata bago padaskol na naupo sa passenger’s seat.

Lihim na nagdiwang si Diana. Nanalo siya sa unang round!

Tumagal ang mabigat na katahimikan hanggang sa makarating sila sa antigong mansiyon ng Pamilya Cuevas.

Walang lingon-likod na umibis at lumakad palayo ang pasahero ni Diana.

Tumaas ang mga kilay ng dalaga habang sinusundan ng tingin ang matangkad na lalaki hanggang sa makapasok sa maluwang na pintuan.

Napapailing siya nang ipagpatuloy ang pagmamaneho, upang ipasok sa garahe ang van. Dinatnan niya doon si Delfin.

“Aba, mabuti’t nakauwi ka na,” bati niya rito. Binuksan niya ang tagilirang pinto upang ilabas ang maleta ni Jake.

“Kararating-rating ko nga lang. Pasensiya ka na raw, sabi ni Tiyong. Nahihiya siya dahil ikaw ang gumampan sa tungkulin niya.”

“Walang anuman. May sakit naman siya. Magpagaling na lang ‘kamo siya agad. At umiwas na sa pinya,” ang nakatawang tugon niya.

“Ay, oo. ‘Yan din ang pangako ni Tiyong sa sarili niya.” Maagap nitong kinuha ang maleta mula sa kanya. “Mabigat ‘yan. Ako na lang, Diana.”

“Salamat. Sa bahay dadalhin ‘yan.”

Nagsabay sila sa paglalakad patungo sa kabahayan. “Ito lang ba ang bagahe ni Sir Jake?”

“Oo.” Sinulyapan niya si Delfin bago nagtanong. “Gaano katagal na siyang hindi umuuwi dito?”

Kumunot ang noo ng binata habang nagbibilang sa loob ng isip. “Noon, nakakapagbakasyon pa siya dito tuwing ika-anim na buwan. Pero nitong huling tatlong taon, wala na. Pulos mga tawag na lang sa telepono ang dumarating kay Nyora Augusta,” ang mahabang salaysay nito.

“Kaya pala lungkut na lungkot na ang senyora,” sambit niya.

“Ay, oo. Mabuti nga’t dumating ka dito. Napapasaya mo siya.”

“Hindi naman ako lang. Lahat tayo,” salo niya.

“Marami nang nauna sa ‘yo, Diana. Ikaw lang ang nakatagal dito.”

“May mga pamilya naman kasi silang naiwan, kaya naho-homesick,” katwiran niya.

“Ikaw ba? Wala ka na bang pamilya?”

Maagang namatay ang kanyang ama. Silang mag-ina lang ang nagtulungan upang maigapang ang pag-aaral niya. Dahil likas na matalino, palagi siyang may scholarship. Nakatapos siya ng secretarial course dahil sa tulong ng iba. Matapos ang graduation, yumao naman ang sakiting ina.

“Wala na akong pamilya,” pag-amin niya. Isa lang siyang dukha at ulila. ‘Pero mababago na ang sitwasyon ngayon,’ pangako ni Diana sa sarili.

“Saan ko ba dadalhin ‘to?” Nasa loob na sila. Natatanaw na ang hagdanang marmol na patungo sa ikalawang palapag.

“Alam mo ba kung nasaan ang kuwarto ni Sir Jake?”

“Sa master’s bedroom siya.”

Nahulaan na niya iyon bago pa tumugon si Delfin.

“Ihahatid ko na ba ‘to d’on?”

“Sige, paki-diretso mo na.” Nag-alangan siya kung magpapakita na kay Nyora Augusta o magtungo na lang muna sa kanyang silid para magpalit ng damit.

Ang huli ang pinili niyang gawin. Nakapag-shower na siya at kasalukuyang nagbibihis nang tumunog ang intercom.

“Iha, gusto kong sumalo ka sa amin sa hapunan. Alas siyete ang simula. Magkita na lamang tayo sa sala.”

“Er, opo, Senyora,” tugon niya.

“Salamat, Diana. Siyanga pala, gusto kong isuot mo ang iyong puting bestida na iniregalo ko sa ‘yo nung Pasko. Paborito ko ‘yon sa ‘yo.”

Bahagyang napamaang ang dalaga pero hindi siya tumanggi. “Masusunod, Senyora,” tugon uli niya.

“Buweno, magbibihis na ako. Salamat uli, iha.”

Ipinusod ni Diana ang mahabang buhok. Kaunting meyk-ap lang ang ginamit niya. Para mas makaagaw-atensiyon ang magandang hubog ng katawan niya.

Nakahakab sa kabuuan niya ang manipis at madulas na tela ng bestida. Malalim ang tabas ng leeg kaya nakalantad ang makinis at malambot na dibdib. Gayundin ang mga binti at kalahati ng hita dahil maikli at makipot ang laylayan. Kapansin-pansin ang kawalan ng stockings niya.

Para mabawasan ang pagiging seksi at mapanukso ng bestida, naglagay siya ng cream lace shawl sa mga balikat. Isinuot din niya ang mga pearl earrings at white high-heeled shoes.

Sinipat pa muna niya ng ilang ulit ang sarili sa salamin bago nakumbinsing ayos na ang kanyang hitsura.

Nagkita sila ni Ningning sa koridor ng mansiyon. Sa kusina siya nagdaan para makapasok. Nagmula ito sa gawi ng sala.

“Wow! Ang ganda naman ng kaibigan ko!” Napapalatak ito pagkakita sa kanya. Hinawakan pa ang isang kamay niya. Para bang hindi makapaniwalang tunay siya.

“Talaga? Salamat. ‘And’on na ba si Senyora?” Hindi niya isinama sa tanong ang aroganteng anak.

“Oo. Nagpahatid na nga ng yelo at mga baso, e,” ang nakangiting tugon ni Ningning. “Tutuloy na ako sa kusina. Marami pa ‘atang gagawin sa kumedor.”

“Sige. Huwag kayong masyadong matataranta. Tiyak namang masarap ang mga niluto ni Aling Chabeng.”

“Naku, oo. Pulos mga lutuing Pinoy ang hiniling ng Senyora para sa bagong dating na anak. Sa amoy pa nga lang, e, nagugutom na kami!”

Nabawasan ang tensiyon niya nang mapatawa sa narinig. “Ikaw talaga, Ning. Puro ka biro. O, sige, baka naiinip na si Nyora Augusta.”

Nagkawayan pa silang dalawa bago tuluyang naghiwalay. Nakangiti pa rin siya hanggang sa makalapit sa pintuan ng sala.

Nasa aktong pinipihit ni Diana ang seradura nang magsalita si Jake. Mula iyon sa gawi ng hagdanang marmol na nasa bandang unahan ng koridor.

“Alam ba ni Mama kung ano ka?”

Hindi tumugon si Diana. Hindi rin muna niya binuksan ang pinto. Luminga siya at gumanti ng pagsipat sa kabuuan ng lalaki, katulad ng ginagawa nito sa kanya.

“Nice legs,” sambit nito, patuya. “Nice body. Pero sayang ang ganda mo.”

Napakatamis ng ngiting ibinigay ni Diana. “Salamat sa mga papuri, Senyorito Jacob,” ang malumanay na wika niya. “Naghihintay na sa loob ang Mama n’yo. Puwede na ba tayong pumasok? O meron pa po kayong idadagdag?”

Nanliit ang mga matang singdilim ng gabi. “Huwag kang masyadong presko, Diana. Hindi ka pa sigurado sa katayuan mo sa bahay na ito.”

Click here to READ MORE

Comments are closed.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age