The Secret Mistress

Tumakas si Lara sa isang masakit na pangyayari sa buhay niya. Napadpad siya sa malayong lugar.

Natagpuan niya ang mag-amang Betty at Ralph Altamilano… na tila binabalot rin ng kalungkutan ang mga puso…

Sa unang pagkikita pa lang, nagtiwala na agad sa isa’t isa sina Betty at Lara… habang si Ralph ay punum-puno ng pagdududa sa pagkatao niya.

Pero hindi naging hadlang ang malamig na pakitungo ng lalaki para mapigilan ang pag-alab ng physical attraction sa pagitan nila.

Nakabukas ang mga mata ni Lara nang tanggapin niya ang sikretong relasyon. Pumayag siyang maging secret mistress ni Ralph kahit alam niyang one-sided love affair lang pagsasaluhan nila.

Saan hahantong ang kahibangan ni Lara? Siguradong siya na naman ang masasaktan bandang huli… Pero paano pa ba niya mababawi ang pusong naibigay na nang buung-buo kay Ralph?

Si Mariah Carey ay may love song para sa mga babaeng katulad ni Lara… “My All

* * *

“An’laki-laki mo na, umiiyak ka pa — ”

Napapitlag si Lara nang marinig ang matinis na boses.

“Hmm — nawawala ka rin ba?”

Agad na luminga si Lara ngunit nakita lamang ang nagsalita nang ibaba ang direksiyon ng paningin. Isang batang babaeng nasa walong taong gulang ang nakatayo sa tabi niya at nakatingala sa kanya. Namimilog ang mga mata, sanhi ng kuryosidad. May ilang kristal na butil ng luha sa malalantik na pilikmata.

“Hindi,” tugon ni Lara habang maingat na idinadampi sa mga mata, ilong at pisngi ang panyolitong kulay rosas. “Ikaw? Nawawala ka ba?” Napuna agad niyang nag-iisa lamang ito.

“Oo.” Bumagsak ang linya ng mga munting balikat at mistulang bulaklak na nalanta ang ulo ng bata nang marahang yumuko. Sanhi naman ng pagkapahiya.

“Kungsaan-saan na ako nagpunta, hindi ko pa rin makita sina Daddy. An-dami-dami kasing tao dito sa zoo!” Halatang nagtatapang-tapangan lang ang paslit dahil gumaralgal na ang matinis na boses.

“Saan ba kayo huling nagkahiwalay? Tiyak na doon ka babalikan ng mga kasama mo,” ang mahinahong wika ni Lara. “Halika, sasamahan kita.”

Naging hesitante ang bata. Tinitigan siya ng walang kakurap-kurap.

“Bakit?” Napamaang ni Lara.

“Hindi kita kilala. Sabi ni Teacher Daisy, ‘wag daw kaming sasama sa mga strangers.”

Bahagyang napangiti si Lara. Unti-unting napalis ang nadarama niyang kalungkutan. “Hindi ba sinabi ng teacher mo na ‘wag ka ring makikipag-usap sa mga strangers?” ang masuyong tudyo niya.

Nagkamot ng baba ang bata. “Sinabi rin po niya, pero…” Kumiling ang ulo habang sinisipat na maigi si Lara. Parang kurtinang lumugay ang buhok na hanggang balikat at singtuwid ng mga patak ng ulan. “Umiiyak ka kasi kanina. You looked so kawawa when you cry.”

Tuluyan nang lumuwang ang ngiti ni Lara. “Good girl ka pala,” papuri niya. “Siguradong tuwang-tuwa ang Mommy at Daddy mo sa ‘yo.”

Dagling bumadha ang lungkot sa munting mukha. Isinubo sa makipot na bibig ang isang hintuturo. Isang pahiwatig ng insecurity, ayon sa isang psychology teacher ni Lara nung college.

“Bakit?”

“Wala na akong Mommy, e. Namatay siya nung baby pa ako.”

“Oh.” Agad na bumukal ang simpatiya sa kalooban ni Lara. Pareho pala sila… “Hindi bale, may Daddy ka pa naman, e.” Hindi katulad niya…

Kumibit ang mga munting balikat at muling yumuko. “Palagi namang wala si Daddy, e. Palaging maraming work.” Halatang napilitan lang na magsabi ng tutoo.

“E, mga brothers and sisters?”

“Wala rin, e.” Parang papaiyak na.

“Gan’on ba?” Ilang sandaling nawalan ng imik si Lara. Paano’y walang maisip sabihin dahil sa tumitinding awa. “Ano kaya kung magpunta tayo sa pulis o sa security guard? I-report natin na nawawala ang mga kasama mo,” suhestiyon niya nang makitang may namumuo na namang mga butil ng luha sa mga matang bilugan.

“S-sige.” Suminghut-singhot ang bata.

“Heto ang panyo ko. Wipe off your tears.”

“Tenk yu.” Mistulang basahang inilampaso sa mukha ang panyong iniabot ni Lara.

“What’s your name nga pala?”

“My name is Elizabeth G. Altamilano.”

“Ano’ng nickname mo?”

“Betty, pero ‘pag big girl na raw ako–Eliza naman,” ang bibong tugon ni Betty. Nakalimutan na agad ang pag-iyak. “Ikaw? What’s your name din?”

“I’m Lara K. Suarez, from Davao City!” Ginaya ni Lara ang pakuwelang tono ni Betty.

Humagikhik muna si Betty bago nagtanong. “Davao City? Malayo ba ‘yon dito sa Manila?”

“Malayung-malayo. Kailangan mo pang sumakay ng airplane o ferry ship.”

“Oh! Hindi pa ako nakakasakay sa airplane o kaya’y sa ferry ship!” Manghang-mangha ang bata. “Hindi ka ba natakot, Lara?”

Umiling si Lara. Matamis at mainit ang ngiting nakasilay sa bibig. “Ikaw? Matatakot ka ba?”

Nag-isip muna nang husto si Betty bago tumugon. “Hindi siguro… pero hindi rin siguro ako papayagan ni Daddy.”

Nagsisimula nang mag-speculate si Lara sa workaholic Daddy ni Betty. Tila bagama’t palaging wala sa paningin, malaki pa rin ang pagmamahal at paggalang ng bata sa ama.

Iwinaksi ni Lara ang mga ispekulasyon. Masyado nang kumplikado ang kanyang sitwasyon sa ngayon. Hindi na niya kailangan ng dagdag na pampagulo.

“Halika na. Ihahatid na kita sa security outpost. O kaya’y sa information desk.”

“Tenk yu sa handkerchief, Lara.” Ibinalik ni Betty ang panyong nagkagusut-gusot na. “Puwede bang humawak sa kamay mo?”

May sumikdong pulso sa kaibuturan ni Lara. Nakakaantig ang simpleng request ni Betty.

“Sure.”

Nang magdaop ang kanilang mga palad, parang may mga taling hindi nakikita na nagbuhol sa mga kaluluwa nila. Napatitig tuloy sina Lara at Betty sa isa’t isa. Parang matagal pero ilang sandali lang ang nagdaan.

“Betty!”

Sumiksik sa tagiliran ni Lara ang bata bago pa man luminga sa direksiyong pinagmulan ng galit na tinig-babae. Awtomatiko ang pagtatabing niya ng katawan upang gawing proteksiyon habang inaapuhap ng paningin ang kinatakutan ni Betty.

Isang babaeng slim, elegante at sopistikada ang maliksing lumalakad patungo sa kanila.

“Betty! My God, you naughty girl! Kaninang-kanina pa kami naghahanap sa ‘yo, a? Saan ka ba nagsuot? Naku, lagot ka sa Daddy mo!” ang pagigil na pang-uusig ng babae.

“Kung naughty girl ako–ikaw naman, bad girl!” ang pasigaw na sumbat naman ni Betty. Umilag ito sa mga daliring padaklot na huhuli sana sa isang balikat ng paslit, pero nakapangunyapit pa rin nang mahigpit kay Lara kaya nagmistulang poste siya ng isang maliit na merry-go-’round.

“Sandali lang, ma’am. Huwag n’yo naman sanang biglain ang bata–”

“Heh!” Isang mataray na singhal ang nagmistulang gunting na pumutol sa malumanay na pangungusap ni Lara. “Ba’t ba nakikialam ka dito? Ibigay mo nga sa akin ang malditang batang ‘yan!”

“‘Wag mo akong ibigay sa kanya, Lara! Ayoko sa bruhang ‘yan!”

“Aba’t–bruha pala, ha? Sige, tingnan natin ngayon kung gaano ako ka-bruha sa mga batang matitigas ang ulo na katulad mo!”

“Aray! Aray! Lara, iligtas mo ako sa kanya! Nasasaktan ako!”

“Ma’am, bitiwan n’yo na ang bata. Nasasaktan siya sa mga kuko n’yo.” Habang nakikiusap, tinatangka ni Lara na kalasin ang mga daliring pumulupot sa isang yayat na braso ni Betty.

“Talagang masasaktan na siya sa akin! Tarantada kang bata ka! Sinira mo na nga ang araw ko ngayon. Nagpumilit kang pumunta dito sa zoo kahit alam mong hindi pan-zoo ang attire ko!” Papatindi ang panggigigil ng babae habang nagsasalita.

Nangamba si Lara na baka magkaroon ng maiitim na pasa sa mura at malambot na balat ni Betty. Ibinaon rin niya ang mga kuko sa pulsuhan ng babae. Mas malalim ang pagdiin upang mabigla ito at agad na makabitaw.

Sari-saring maaanghang na insulto ang ipinukol ng babae kay Lara. Pulos galit at poot ang kalakip.

“You bitch! Sinugatan mo ang balat ko! Magbabayad ka!” Nagmistulang maskarang natutunaw ang makapal na make-up ng babae dahil tumatagaktak na ang masaganang pawis.

“Beh! Buti nga sa ‘yo!” Tinuya ni Betty ang babae.

“Lagot ka sa Daddy mo! Isusumbong kita! Hindi ka pala tutuong nawawala! Sasabihin kong pinagtataguan mo lang pala kami!” pagbabanta ng babae.

“H-hindi maniniwala sa ‘yo ang Daddy ko! Sinungaling ka!” ganting-singhal ni Betty.

Nabigla si Lara sa ipinakitang poot ng batang walong taong gulang. Parang hindi pa dapat gayong nasa murang edad pa lang.

“B-betty, calm down,” sambit niya. Nang-aalo ang tono. “Calm down, baby. There’s a good girl, okey?”

Napahikbi nang malakas ang paslit. “I’m sorry, Lara,” wika nito. Dagling bumaba ang tono. “N-napakasalbahe kasi niya. Gusto niyang ilayo sa akin ang Daddy ko!” Garalgal ang matinis na boses habang nagsusumbong kay Lara.

“Hah! Buti’t alam mo! Nakakasawa kasi ang ugali mong napakasama!”

“Ikaw rin!” ganting-tili ni Betty. Inilipad na naman sa hangin ang hinahon. “Ikaw rin, masama!” Bumitaw ito sa hita ni Lara para sugurin ang kalaban ngunit maagap niyang napigilan.

“You’ve done enough damage, ma’am,” pakli ni Lara habang niyayapos ang nagpupumiglas na katawan ni Betty. “Umalis na lang kayo, please? Papuntahin n’yo na lang dito ang Daddy ni Betty, okey?” Malumanay ang pananalita pero malamig na ang ekspresyon niya.

Isang matalas na irap ang ibinigay ng babae sa kanila ni Betty bago walang lingon-likod na umalis.

Isiniksik ng bata ang mukhang basa ng pawis at luha sa leeg ni Lara. “Hindi niya sasabihin kay Daddy na ‘andito ako, Lara,” ang tiyak na pahayag nito bago humagulgol ng iyak.

“Tahan na, baby. Hahanapin natin ang Daddy mo.” Inalo niya ang musmos. Niyapos ang nanginginig na katawan. Paulit-ulit na hinagod ng kamay ang likod. Lalong sumiksik si Betty sa kanya ngunit unti-unti nang humina ang mga hikbi.

“Okey ka na?” Sinilip ni Lara ang mukha ni Betty. Padampi-damping pinahi ng panyo ang mga bakas ng luha sa mga mata at mga pisnging namumula.

Tumango si Betty. Hindi makatingin nang diretso. Panakaw kung sumulyap sa kanya. “Bad girl na rin siguro ang tingin mo sa akin?” tanong nito matapos ang ilang saglit na pakikiramdam.

“Of course not. You’re still my Betty Good Girl.” Tiyak ang tugon ni Lara. Malambing ang tono. Hinawi ng mga daliri niya ang mga hibla ng buhok na nanikit sa pawisang noo. “Halika na? Hanapin na natin ang Daddy mo?”

“Okey.” Nagniningning ang pagtitiwala sa mga matang bilugan. Walang pag-aalinlangan ang pagtanggap ng munting kamay sa mas malaking palad na nakalahad.

Nakatingala si Betty at bahagyang nakayuko si Lara habang nagpapalitan ng matamis na ngiti sa isa’t isa kaya hindi nila napansin ang paglapit ng isang matangkad na anino.

“Betty.”

Dagling bumadha ang aprehensiyon sa inosenteng mukha ng musmos, pagkarinig sa baritonong tinig.

May gumapang namang kakaibang kilabot sa gulugod ni Lara nang mapatitig sa mga matang singdilim ng gabing walang buwan o mga bituin.

“D-daddy?”

Saka lang nakalaya si Lara sa mapambihag na titig ng lalaki nang luminga ito sa hesitanteng pagtawag ng anak.

“Kanina ka pa namin hinahanap, Betty. Thank God, you’re okey.” Pormal ang pagsasalita. Parang hindi isang musmos ang kausap. Parang hindi anak…

“A-ako rin, Daddy. Kanina pa rin ako naghahanap sa inyo ni Tita Erica.”

Bumuntonghininga ang lalaki. “Hahanapin pa muna natin siya ngayon bago tayo makauwi.”

Saka lang napagtanto ni Lara na kaya nagmistulang robot ang mga reaksiyon ng lalaki ay dahil sa sobrang pagkokontrol sa sarili. Iyon marahil ang defense mechanism na ginagamit upang makatagal sa paligid ng dalawang babaeng parehong hyper. May suspetsa siyang ang pagbabangayan nina Erica at Betty ay madalas at pangkaraniwan na.

“Maaari mo ba akong ipakilala sa bagong kaibigan mo?” ang seryosong hiling ng lalaki habang nakatitig sa mga kamay nila na magkahawak. Unti-unti nang nagkakaroon ng kunot sa intelihenteng noo. Para bang may nakikini-kinita nang isa na namang panibagong problema.

“Opo!” Maagap ang tugon ni Betty. Dagling nagbalik ang sigla at ang likas na pagka-bibo. “Lara, siya ang Daddy ko. Ang pangalan niya ay Ralph C. Altamilano. Daddy, siya naman si Lara K. Suarez, from Davao City!” Pa-kenkoy na ginaya ng bata ang pagpapakilala ng mga contestants sa isang beauty pageant.

Isang matipid na ngiti lang ang naging premyo ni Betty mula sa ama pero labis na ang katuwaang bumadha sa munting mukha.

“Davao City?” Nagtanong pati ang mga matang misteryoso.

Napakurap naman si Lara. Naging abala siya sa pagsipat sa kabuuan ni Ralph Altamilano habang abala sa anak. Napuna niyang elegante at sopistikado rin ang pananamit na katulad ng kasuotan ni Erica.

Isang cream-colored blazer na may pang-ilalim na puting polo at tinernuhan ng medium brown tailored slacks. Makinis ang pagkaahit ng balbas at bigote. Makintab ang ayos ng maikli at itimang buhok na sing-tuwid ng kay Betty.

“Taga-Davao ka, Miss Suarez?”

Muling napakurap si Lara nang marinig ang pormal na katanungan. Biglang humulas ang paghangang iniuukol sa perpektong kaguwapuhan ng aristokratikong mukha ni Ralph. Dali-dali niyang binawi ang paningin.

Lihim siyang nagpasalamat nang makita ang panyong nahulog sa sementong pavement. Naitago niya ang pamumula ng mga pisngi sa ilalim ng lumugay na mahabang buhok nang yumuko upang damputin ang panyo.

“Oo.” Kalmado na uli siya nang tumuwid ang pagkakatayo. Isinuksok niya ang panyo hanggang sa kailaliman ng bulsa ng white skirt, upang itago ang panginginig ng mga daliri.

Tinitigan siya ng lalaki. Naghihintay sa iba pang sasabihin niya.

Ngunit ang pinto sa pribadong sarili ni Lara ay parang kabibe ng perlas. Dagling sumasara kapag may naramdamang panganib. Ang dalawang taong kaharap ba niya ngayon ay may taglay na panganib…?

Pinilit niyang ngumiti nang natural kay Betty. “Nandito na ang Daddy mo. ‘Bye, Betty.” Pilit ang pa-kaswal na paalam niya. Sa maikling panahong pagkikilala, nagkapuwang na agad sa kalooban niya ang bata.

“Aalis ka na, Lara?” Basag na naman ang tinig ni Betty.

“Oo, Betty. May appointment akong pupuntahan mamayang two o’clock.” Sinulyapan niya ang suot na wristwatch. One-twenty na. “Nag-lunchbreak lang ako dito sa zoo.” Nagpaliwanag si Lara sa bata, pero mataman ding nakikinig ang ama.

“I want to see you again, Lara,” ang prangkang pahayag ni Betty. “Can I have your address and phone number?”

Napasulyap muna si Lara sa matangkad na lalaking tahimik na nakamasid bago sumagot. “Cell number lang ang maibibigay ko sa ‘yo, Betty. Wala pa kasi akong permanent address.”

“Okey lang! Kukuha ako ng pen and notebook!” Lumuhod si Betty sa pavement habang kinakalas ang nakasukbit na kulay hot pink na mini-backpack sa likod at maliksing binuksan ang zipper.

“A cell number is also not permanent,” ang banayad na sambit ni Ralph Altamilano. “Bagong dating ka lang ba dito buhat sa Davao?”

Napilitan lang na tumango si Lara.

“Since when?”

“T-two days ago.” Sumagi sa isip niya ang magsinungaling pero piniling magsabi na lang ng tutoo.

“Two days ago,” ang marahang ulit ng baritonong tinig. Lalong sumidhi ang panunuri sa mga mata ni Ralph habang nakatitig sa mukha ng dalaga.

“Pakisulat na lang dito, Lara,” sabad ni Betty habang iniaabot ang kulay pink na mini-notebook at katernong mini-ballpen.

Agad na tumalima si Lara upang maialis ang pansin kay Ralph.

“Puwede ka ba naming ihatid sa pupuntahan mo bilang pasasalamat sa panahong inaksaya mo kay Betty?” alok ng lalaki nang muling naging abala sa pag-aayos ng gamit ang bata.

Bigla ang pagsulak ng emosyon ni Lara. Namalayan lang niya nang sumabog na. “Hindi ako nag-aksaya ng panahon kay Betty!” angil niya, pero mahina lang.

May kumislap sa kailaliman ng mga matang madidilim. Tila isang malayong bituin. “Sorry, ma’am, I stand corrected.” Bahagyang kumiling ang aroganteng ulo. “Pero siguradong maaaksaya ang panahon mo sa pag-aabang ng masasakyan patungo sa iyong pupuntahan–kaya sumabay ka na.”

One-thirty na agad nang muling sumulyap sa relong panggalang si Lara. Kaya napatango uli siya kahit laban sa kalooban. “O-okey.”

“Don’t look so sad, Miss Suarez. Tiyak na matutuwa si Betty.” May himig-panunuya na uli ang pabulong na pahayag ng lalaki.

Hindi umimik si Lara, kahit medyo nasaktan sa talagang motibo ng imbitasyon ni Ralph. Ginagamit lang pala siyang pampakalma sa sumpong ng anak!

Tila epektibo naman ang teorya ng lalaki dahil nanatiling well-behaved si Betty kahit ‘nakita’ na nila si Erica.

Si Erica Vasquez ay kabilang sa isang elite family at isang restaurant proprietress. Napaka-charming nito ngayong kaharap na si Paolo. Matapos ang isang pakunwaring kumusta sa kalagayan ni Betty at sa pagpapakilala kay Lara, inignora na nito ang dalawa.

“Saan ka bababa, Miss Suarez?” Kinausap lang siya uli ni Paolo nang nakasakay na silang lahat sa mamahalin at matuling kotse.

“Sa kanto ng Buendia.” Pinagkurus ni Lara ang mga daliri dahil hindi niya alam kung nasaan ang kanto ng Buendia.

Tila nabasa ng lalaki ang iniisip ni Lara. “Saan ba ang eksaktong destinasyon mo, Miss Suarez?” tanong nito. “Don’t worry, doon rin ang ruta namin,” dagdag pa.

Saglit na kinagat ni Lara ang loob ng ibabang labi bago sinambit ang pangalan ng isa sa mga buildings na nasa kahabaan ng Ayala Avenue.

“Daddy, ‘di ba d’on ang office at — ” sabad ni Betty.

“Ssh, Betty! ‘Wag kang hahalo sa usapan ng mga matatanda,” ang maagap na saway ni Erica.

Hinaplos agad ni Lara ang likod ng bata upang kalmahin ang umalsang antagonismo laban sa babae.

“Ano’ng pangalan ng kumpanyang pupuntahan mo?”

Bumuntonghininga muna si Lara bago tumugon. Sinadya niyang hinaan ang boses upang hindi gaanong marinig ni Ralph.

Ngunit inulit ng matinis na boses ni Betty. “R.C.A. Compu-Nets! Daddy, ‘yon ang company mo, di ba?” Tumatalbug-talbog na sa pagkakaupo sa malambot na upholstered backseat dahil sa kasiglahan.

Napatigagal naman si Lara. Hindi makapaniwalang si Ralph Altamilano pa ang prospective employer na nakatakdang mag-interview sa kanya para sa posisyong governess/nanny!

“Ang suwerte-suwerte mo naman, Lara!” bulalas ng may-ari ng employment agency habang pinapanood ang pag-iimpake ni Lara. “Biruin mo, pa-dalawang araw mo pa lang dito sa akin, e, nakakita ka na agad ng trabaho?”

“Suwerte nga pong talaga, Mrs. Lapus,” sang-ayon ng dalaga. Hindi na niya ipinaliwanag ang mga eksaktong detalye ng ora-mismong pagkakatanggap sa kanya sa trabaho.

Si Betty na mismo ang nagdesisyon na kunin siya bilang yaya. Wala nang nagawa ang ama kundi ang pumayag matapos makita ang ilang identification papers ni Lara. Mabuti na lang, dala niya ang passport, birth certificate, at nbi clearance.

“Maraming salamat po ulit sa kabutihan n’yo sa akin, misis. Aalis na po ako.”

“Oo, sige, iha. Mag-iingat kang palagi, ha? Kung kailanganin mo uli ang tulong ko, ‘wag kang mahihiyang bumalik, ha?” Panay ang habilin ng ginang habang sinusundan siya sa pagbaba sa hagdanan.

“Opo, Mrs. Lapus.”

Tumindig ang matangkad na lalaking nakaupo sa isahang sofa sa maliit na sala ng apartment nang mamataang pumapanaog na si Lara.

“Ito lamang ba ang mga gamit mo?” tanong ni Ralph habang kinukuha ang malaking maleta. Hinayaan na kay Lara ang mas maliit na overnight bag.

Click here to READ MORE

Comments are closed.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age