The Unexpected Lover-18

“Napaibig mo ako agad. Hindi imposible ang pag-ibig na sumibol sa isang iglap lang,” pagtatapat ni Marco.

“Nangyari sa akin ‘yan. Sa ating dalawa. Mahal mo na rin ako, hindi ba? Nararamdaman ko ang pag-ibig mo sa tuwing ibibigay mo ang iyong sarili sa akin. Buong puso kasi. Para bang pati ang kaluluwa at isipan ay kalakip na rin.”

“O-oo, Marco. Umiibig na yata ako sa ‘yo–pero sapat na sana ang ganito…”

“Sa ngayon,” salo ng lalaki. Bahagyang nabawasan ang ningning sa mga mata nito pero nanatili ang masuyong ekspresyon.

“Hindi kita mamadaliin, pero sana ay hayaan mong makilala ko ang pamilya mo. Gayundin ang makilala nila ako,” ganting-hiling nito.

“Salamat, Marco,” sambit niya, pahikbi na naman. “Maraming salamat!”

Muli nitong ginawaran ng halik ang kanyang bibig. Ngunit magaan lang at maikli.

“Tena’ng umuwi. Ihahatid na kita sa inyo — puwede?”

Nang mga sandaling iyon, umaapaw sa kaligayahan ang puso niya. Walang puwang ang kahit na katiting na pag-aalinlangan. Saka na uli, kapag nag-iisa na naman siguro siya.

[Want to read the Start of Stories Online titled – THE UNEXPECTED LOVER…? Click Here!]

“Oo. Pagpasensiyahan mo na lang sana ang bahay namin. Maliit lang, kumpara sa inyo.”

“Gaano man kababa ang pinanggalingan mo, isa ka pa ring ekstraordinaryong babae — at napakasuwerte ko nang matagpuan kita.”

Siya naman ang humalik sa lalaki dahil hindi na makapagsalita. Buong pagmamahal niyang ipinadama rito ang pasasalamat.

“Oh, Laurie…” HIndi na napigil ng lalaki ang pag-alab ng pagnanasa. “I can never resist you, darling…”

“Hatinggabi na naman, Laurie,” bulong ni Marco sa gawi ng teynga ni Laurie. Nilinga niya ito para ngitian ng buong pagsuyo. “Nagiging paboritong oras ko na ito,” dugtong pa niya.

“Ako rin.” Ngumiti rin sa kanya ang babae. “Hindi kaya naiinip na si Mang Nestor?” Bumadha ang pag-aalala sa maamong mukha.

Bumangon siya, isinabay ang yapos na katawan ng dalawa.

“Uuwi na talaga tayo ngayon,” aniya, habang dinudukwang sa silya ang nakatumpok na mga damit nila. “Magbihis na tayo.”

Ayaw mang ipakita, halatang nahihiya si Laurie kapag nakatingin siya sa kahubdan nito.

“You’re a sweet woman,” papuri niya habang kinukuha ang isang kamay nito para hagkan.

Tinangka nitong bawiin ang kamay. “H-huwag — ” pigil ni Laurie.

Hindi bumitaw si Marco. Inilahad pa muna niya ang palad atsaka hinagod ng bibig ang mga kalyong naruroon.

“Iniisip mong pangit ang mga kamay mo?” panghuhula niya. “Ang mga ito ang pinakamaganda sa buong mundo dahil walang hinto sa pagkilos at pagsisilbi sa iba.”

“Salamat sa papuri, Marco, pero tutoong pangit silang tingnan.”

Tumawa nang patudyo si Marco.

“Pangit o maganda, gusto ko sila dahil bahagi mo, Laurie,” giit niya.

Isang nakikiming ngiti na lamang ang naitugon ng dalaga. Wala na itong masabi.

Hinagkan niya ang ilong nito bago nag-umpisang magbihis. Ilang sandali pa, papalabas na sila ng motel.

Pinili niya ang pinakamumurahing lugar kanina para gamiting pambukas sa nabubulagang isipan ni Laurie. Pero ngayon ay iyon na ang pinaka-memorableng motel.

Naka-parke sa loob ng garahe si Mang Nestor. Natutulog ito pero agad na nagising nang katukin niya ang bintana. Pinindot nito ang power button kahit pupungas-pungas pa.

“Pasensiya na, Marco. Nakatulog na pala ako. Kanina pa ba kayo?”

“Ngayon lang. Kami nga ang dapat na humingi ng dispensa. Maraming salamat sa paghihintay,” pahayag niya.

“Kuu, wala ‘yon. Mahigpit na ibinilin sa akin ni Sir Joe na samahan ko kayo sa lahat ng lugar na pupuntahan n’yo.” Nagsuklay ito ng gulong buhok bago naghandog ng magalang na ngiti kay Laurie.

Sa tuwa niya, tinapik niya ang mabait na empleyado ng tiyuhin sa balikat.

“May bonus kayo sa akin, Mang Nestor,” bulong niya rito.

Napakamot sa ulo ang may edad na drayber. Nagulo tuloy uli ang puti-puting buhok nito.

“Natutuwa ako dahil bumalik na ang dating sigla mo, Marco,” sambit nito, nakatawa.

Nagulat siya pero saglit lang. Kapagkuwa’y tumawa na rin siya.

“Tama ka, Mang Nestor. At si Laurie ang dahilan.”

Namula ang mga pisngi ng dalaga pero nakangiti nang matamis.

“Uuwi na ba tayo?” tanong ni Mang Nestor nang makabawi sila.

Sumulyap muna siya sa dalaga bago tumugon.

“Oo. Mamayang umaga na lang uli kami aalis,” aniya. “Okey ba ‘yon?” tanong niya sa katabi, pabulong.

“Oo, salamat.”

Ini-adjust niya ang anggulo ng malambot na upuan sa likuran para maging kumportable ang kanilang posiyon. Nakayapos sa isa’t isa habang nakaupo.

Mahaba-haba na ang katahimikan nang sambitin niya ang pangalan nito. Di-sinasadya. Di lang makapaniwala na tapos na ang mga bangungot sa buhay niya. Na tutoo na ang mga panaginip.

“Laurie…”

“Hmm?”

Kumilos ang kamay niya na nakalatag sa beywang. Hinaplos iyon, pati na ang balakang.

“I love you,” anas niya. “I really love you.”

Isiniksik ni Laurie ang mukha sa leeg niya. Humigpit pa ang pagkakayapos.

“I love you, too, Marco,” bulong nito. “Pero natatakot ako.”

“Saan?”

“K-kay Inay. Sa lipunan.”

“Tayong dalawa lang ang mahalaga, Laurie. Iniibig kita at iniibig mo ako. ‘Yan lang ang importante.”

“Oh, Marco, huwag ka sanang magbago…”

Ang sumunod na umaga ay punum-puno ng saya at pag-asa. Pero hindi maiwaksi ni Laurie ang mga agam-agam. Alam niyang may paparating na unos, sa katauhan ni Charito.

Nangangamba siyang baka idaan agad sa pagsubok ang bagong relasyon. Nakaukit na sa isipan niya ang stigma ng pagiging anak ng isang protitute. Kaya ang takot ay palagi lang nasa palibot ng kanyang isipan.

“Ano’ng iniisip mo, darling?” Pabulong ang pagtatanong ni Marco dahil nasa malapit lang ang mga kapatid niya.

Nasa iba’t ibang posisyon ng pag-upo at paghiga sa damuhan na nasa paanan ng sementadong bench sa Luneta ang mga paslit.

Lingid kay Laurie, nagpahanda ang lalaki ng isang malaking picnic basket na sinundo ni Mang Nestor. Sinorpresa nito ang lahat nang magyayang mamasyal sa tabing-dagat, pagkatapos makisalo sa kanilang simpleng almusal na kape at pandesal sa loob ng barung-barong.

“Iniisip ko si Inay,” pag-amin niya.

“Ano ang ikinatatakot mo sa kanya?”

Bumuntonghininga siya. “Nakakahiyang sabihin ito. At mali siguro dahil magulang ko siya,” umpisa niya.

THE UNEXPECTED LOVER-19

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age