The Unexpected Lover-2

“Oo naman,” ang nakangiting sagot niya. Inilagay niya sa magkabilang kamay ang pantay na bilang ng barya bago itinikom ang mga iyon.

“O, ayan. Marami ‘yan, ha? Huwag puro kendi ang bilhin n’yo. Magtinapay din kayo para mabusog,” pahabol-habilin niya.

“Oo, ate! Tayamat!” hiyaw ng kapatid habang tumatakbo na palabas ng pinto ng kanilang maliit na estresuwelo.

Napailing na lamang siya habang tinatanaw ang bata. Nang mawala na ito sa paningin, saka lang siya kumilos uli. Ipinagpatuloy niya ang ginagawa. Namamalantsa siya ng mga uniporme nilang magkakapatid na nilabhan niya kagabi.

Bukod kay Bebot at sa kanya, may dalawa pang pawang nasa hayskul na. Sina Joana at Junior, kambal pero hindi pareho ng antas dahil sa malimit na pagluluko ng huli. Third year na ang babae at second year naman ang lalaki. Lihim niyang ipinagmamalaki na may bahagi siya sa pag-aaral ng mga kapatid. Siya ang umako sa baon ng mga ito para mapapayag ang kanilang ina na magbigay ng pangmatrikula at pang-uniporme.

Humigop siya ng maligamgam na kape habang nag-iimis ng mga samut-saring kalat sa palibot ng munting tirahan. Isinupot niya ang mga bote ng beer na nasa ilalim ng butas na lababo.

Pihong may deposito ang mga iyon kaya sayang kung pababayaan niyang makuha ng mga batang gala sa kanilang looban. Hinugasan niya ang mga pinggan at kaldero. Pati ang mga baso at kubyertos.

[Want to read the Start of Stories Online titled – THE UNEXPECTED LOVER…? Click Here!]

Inipon niya ang mga damit na marumi sa isang balde. Isasama niya ang mga iyon sa mga lalabhan niya mamayang gabi. Nang mapasulyap sa orasang nakasabit sa dingding na plywood, nagdumali siyang pumasok sa batalan. Treinta minutos na lamang pala ang natitirang panahon niya sa paghahanda sa pagpasok sa eskuwela.

Makalipas ang kinse minutos, nagsusuklay na siya ng maikling buhok. Diretso ang mga hiblang itim na itim. Isa sa mga pangarap niya ang mapahaba iyon pero hindi niya matupad dahil impraktikal sa isang katulad niyang punum-puno ang iskedyul sa bawat araw.

At gabi rin, dahil malimit siyang magpuyat sa paglalaba at sa pamamalantsa ng mga damit ng mga suki niya.

“I-Inay?” Hesitante ang pagtawag niya sa ina. Nakadapa ito sa pagkakatulog. Nakalilis ang maikling palda ng suot na bestidong panggabi kaya tinakpan niya ng kumot ang mga hita at binti na mapuputi pa rin bagamat medyo luyloy na ang balat. Umungol ito nang mahina. Para bang tinugon siya.

“Er, aalis na po ako. Gusto n’yo bang ipagtimpla ko na kayo ng kape?” Mahigpit ang bilin nito na gigisingin niya sa tuwing aalis na siya sa hapon.

Magmula nang mag-umpisa ang kasalukuyang semester, palaging alas dos na ang oras ng pasok niya dahil nga iregular siya. Palagi siyang underload para hindi gaanong maapektuhan ang kalidad ng mga grado. Pirming fifteen units lamang ang nakakaya niyang kunin tuwing semester.

“Ayoko.” Paungol pa rin pero tila paasik na.

Lalayo na sana siya para kunin ang handbag at mga libro sa laemsa pero nag-alangan siyang iwan ang ina nang di nakakasigurong gising na nga ito. Baka kasi nagsasalita lang ito sa panaginip.

“Er, Inay? Hindi ba kayo papasok sa trabaho ngayon?” Marahan niyang idinampi ang isang palad sa tagiliran ng leeg upang damhin ang temperatura ng katawan. Normal naman.

“Hindi! Ano ka ba, Laurie? Bakit ba nang-i-istorbo ka?” singhal ng may edad na babae habang bumabalikwas ng bangon.

Nagulat siya nang tampalin nito ang kamay niya. Pero saglit lang ang pagkatigagal niya. Parang inaasahan na niya dahil palagi naman masungit sa pakikitungo sa kanilang magkakapatid si Charito Cruz. Para bang hindi sila mga anak nito kung ituring.

Pinigil niya ang panginginig ng mga labi bago nagsalita. “P-Pasensiya ka na, Inay. Ang akala ko kasi, may sakit ka,” paliwanag niya. “Er, k-kumain na po ba kayo?”

Nagmura ang tinanong bago sumagot. “May lalamunin pa ba dito sa buwisit na bahay na ‘to?”

Pinilit niyang itago ang nararamdamang sakit ng loob habang tumatango. May diyes minutos pa siya, kaya puwede pa niyang ipaghanda ng makakain ang nag-iisang magulang na nakilala. Kumita siya ng maganda sa magmamakinilya kanina, kaya puwede niyang ibili ng ibang ulam kung ayaw nito ng tuyo at tinapa na ipinirito kaninang umaga.

“M-may sinangag pa po, Inay,” umpisa niya.

“Leche! Tuyo at tinapa na naman!” bulyaw nito. Nahulaan agad ang idurugtong niya. “Akina nga ‘yang sigarilyo ko. Buti pa ‘yan, sosyal!”

Walang imik, tumalima siya. Kabisado na niya ang sumpong ng ina. Kapag ganito na kataras ang tono, tumatahimik na lamang siya para hindi siya makatikim ng sampal at kurot.

Matapos iabot ang kaha ng sigarilyo at disposable lighter, dinampot na niya ang mga gamit sa eskuwela para makaalis na.

“Hep-hep! Saan ka pupunta? Hindi ka man lang ba magpapaalam?”

Agad siyang napahinto sa akmang maghakbang palabas ng pinto. Yumuko siya at tumingin sa dulo ng suot na sapatos na itim.

“Uh, aalis na po ako, Inay,” sambit niya.

“Ano’ng oras ang uwi mo?”

Nagtaka siya dahil ngayon lang nagtanong ang ina. Napalinga siya rito. “Alas sais po siguro.”

Tumango-tango ito. “Mabuti. Kung puwede, agahan mo pa, ha?”

Natigilan siya nang ngumiti pa ito matapos ang magiliw na habilin.

“Er, bakit po..?” Sumikdo ang dibdib niya nang dagling kumunot ang noo ng may edad na babae. Dali-dali niyang binawi ang tingin. “Er, s-sige po, Inay. Pipilitin kong umuwi ng maaga,” pangako niya bago lumakad palayo.

Hanggang sa makarating siya sa eskuwelahan, dala-dala niya ang palaisipan ng pagpapakitang-giliw ng kanyang ina. Ano kaya ang kailangan nito sa kanya? A, sana ay makakaya niyang ibigay! Ginagawa nitong miserable ang buhay niya kapag nabibigo ito sa mga nais mangyari.

Kinagabihan, muntik na siyang himatayin nang malaman ang planong gawin ni Charito Cruz sa buhay niya.

“A-ayoko po, Inay!” bulalas niya. Hindi makapaniwala sa narinig. Nanlalaki ang mga mata habang nakatitig sa kulubot na mukha ng kaharapa.

THE UNEXPECTED LOVER-3

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age