The Unexpected Lover-20

“I-inay, tama na po,” pakiusap ni Laurie.

Hiyang-hiya na siya dahil sa harap pa mismo ni Marco nangyayari ang pinaka-grabeng eskandalo na kinasangkutan nilang mag-iina.

“Pabayaan mo nga ako, pu–na! Tutoo naman, a? Prosti ka na rin!” pagtutungayaw ng ina.

“Hah! Pareho na lang tayong nasa putikan. Ang akala mo, makakaligtas ka, ano? Hindi ako papayag! Dudumihan ko rin kayo, para sama-sama lang tayo dito sa impiyerno! Pati ‘yang Joanna na ‘yan! Susunod rin ‘yan sa mga yapak natin, ha! ha!”

Humalakhak si Charito na para bang nababaliw na. “Pati mga lalaki, ibebenta ko na rin. Maraming pedopilya d’yan! Bwa! ha! ha!”

“Napakasama mo, Inay!”

Nanghilakbot si Laurie nang marinig ang galit na boses ni Junior. Pumipiyok pa pero buo na ang puwersa dahil sa naipon na poot at pagkasuklam.

“Ang sama-sama mong ina! Aaa!” Sumugod ang binatilyo habang sumisigaw dahil sa matinding sama ng loob.

Nakita ni Laurie ang bote ng serbesa na dinampot ni Charito nang makitang may paparating na panganib. Sumigaw siya para balaan si Junior ngunit huli na. Kitang-kita niya nang ihampas ng ina ang bote sa gilid ng ulo ng kapatid.

[Want to read the Start of Stories Online titled – THE UNEXPECTED LOVER…? Click Here!]

“Juniooor!” Tumakbo siya para sumaklolo. Nagkandarapa siya sa putikan, pero nakarating pa rin.

“Oh, Diyos ko po! Junior…!” Niyapos niya ang walang malay na binatilyo. Lungayngay ang patpating katawan at duguan ang ulo.

Sinaliwan ng malulutong na halakhak ni Charito sa di-kalayuan ang mga hagulgol niya. Ngunit hindi nagtagal ang tagpong iyon.

Maya-maya lang ay may bisig na kumuha kay Junior, kasabay ng pag-alalay sa kanya ng iba pang bisig. May boses din siyang narinig. Nang-aalo. Nagbibigay ng lakas ng loob, ng pag-asa.

“Ssh, sweetheart, tahan na. Maaayos din ang lahat. Huwag kang mag-alala.”

Nang hindi siya makahakbang dahil sa sobrang panlalata ng mga tuhod, pinangko siya ni Marco.

“S-si Inay… Si Junior…” sambit niya. Hinang-hina ang boses.

“Pareho nilang kailangan ng ospital.”

“S-sina Joanna — ”

“Sa bahay na muna sila para may mag-asikaso sa kanila. Kung kaya mo na, sasama na tayo sa ospital.”

“K-kaya ko na,” tugon niya, sabay ungol dahil biglang nagdilim ang kanyang paningin.

Sa ospital na siya natauhan. Kalapit pa ng kama niya ang kinahihigaan ni Junior. Agad na lumapit at naupo sa tabi niya si Marco nang mamalayang gising na siya.

“Kumusta ka na, Laurie? Ano na ang pakiramdam mo ngayon?” Sunud-sunod ang pagtatanong nito dahil sa pag-aalala.

“May sumasakit ba sa ‘yo? Tatawagin ko ba ang doktor?”

“O-okey na ako,” tugon niya bago pa mag-panic ang lalaki. “Salamat.”

Saka lang nakalma ito pero sandali lang. Tumindig ito at nagpalakad-lakad bago bumalik sa tabi niya. Ginagap nito ang kamay niya at tumitig doon habang tila nag-iipon ng lakas ng loob na makapagsalita.

Aywan kung paano niya natiyak na ninenerbiyos ang lalaki. Marahil, nakikilala na niya ito habang tumatagal.

“M-may sasabihin ka ba, Marco?” tanong niya, tulak ng simpatiya. Hindi niya kayang panoorin ang paghihirap nito.

“Uh, meron pero — ” Umiling ito habang minamasahe ang batok. “I’m an insensitive brute, Laurie. Huwag mo na lang akong pansinin. Hihintayin ko na lang na lumakas ka.”

“Malakas na ako,” salo niya. “Ano ba ‘yon?”

“P’ano ka lalakas?” Kinuwestiyon nito ang sinabi niya.

“Pagkatapos ng sunud-sunod na mga trauma, nag-collapse ka dahil sa over-fatigue daw, sabi ng doktor. Tapos susundan ko pa ng nag-aapurang marriage proposal? But, my God, I’m serious! Ngayon lang ako naging ganito ka-seryoso at ka-sigurado sa tanang buhay ko, Laurie. Pakasal na tayo. Hindi ako magkakaroon ng katahimikan hanggang wala akong karapatang pangalagaan at prutektahan ka–pati na ang mga kapatid mo,” ang mahabang pahayag nito sa tonong puno ng sidhi at katapatan.

“Marco — ”

“Kung si Trixie ang itatanong mo, na katulad ni Uncle Joe, wala na siya sa puso at isipan ko. Naalala ko lang siya kapag nababanggit. At gan’on lang. Naalala lang. Walang sakit, walang kirot,” pakli ni Marco.

Tila ayaw siyang pagsalitain hanggang hindi nailalabas ang lahat ng nilalaman ng puso.

“Pero isipin ko pa lang na mawawala ka, parang mamamatay na ako. Hindi ko makakaya, Laurie. Ikaw na ang buhay ko. Ikaw na ang kinabukasan ko.”

“Oh, Marco! Mahal din kita pero — ”

Muli, hindi siya pinatapos ng lalaki. Nahulaan na nito ang sasabihin niya.

“Kung ang Inay mo ang inaasahan mo na magpabago sa pag-ibig ko sa ‘yo, nagkakamali ka. Kahit na sampung gan’on pa ang magiging biyenan ko, balewala sa akin, Laurie — basta’t magkasama lang tayo habambuhay!”

Ramdam na ramdam ni Laurie ang malalim na sinseridad ni Marco. Pati na ang pagdurusa ng kalooban nito. Iyon ang kahinaan niya.

Hindi bale nang mahirapan siya nang husto, huwag lang ang sinuman sa mga minamahal. Lalung-lalo na ang lalaking pinakaiibig niya.

“Kailangan niya ng psychiatric help. Nagkaroon siya ng nervous breakdown dahil sa alkohol at puwedeng sa droga rin, Laurie. Ipinagagamot na namin siya, ngayon pa lang. Hindi kami nandidiri o nasusuklam sa kanya. Sa katunayan, si Uncle Joe mismo ang kumakausap sa espesyalista na titingin at mag-aalaga sa iyong Inay,” patuloy ni Marco.

“I — I don’t deserve you, Marco. Napakabait mo. Hindi ako bagay sa ‘yo — pero hindi ko na kayang panoorin ang paghihirap mo. Oo, pumapayag na akong magpakasal sa ‘yo. Ikararangal kong maging kabiyak mo.”

Hindi agad nakahuma ang lalaki. Tila manghang-mangha. Hindi makapaniwala.

“T-tutoo, Laurie? Magpapakasal na tayo?”

Tumango siya. Maluha-luha na pero nakangiti nang matamis ang mga labi.

“Puwedeng magbago ang isip mo kahit na ano’ng oras, Marco. Hindi ako magdaramdam.”

“No. Never!” Walang gatol ang pagtutol ni Marco sa suhestiyon niya. “Itatakda ko ang kasal natin sa lalong madaling panahon. The sooner, the better. Okey lang ba ang isang civil wedding muna, darling?”

“Kahit na saan, Marco. Ang maging bride mo ay napakalaking karangalan na para sa akin.”

Nagniningnging ang mga mata ng lalaki.

“Kung gayon, puwede pala kitang pakasalan sa lahat ng simbahan,” ang patudyong wika nito pero nagseryoso rin agad. “Kapag nagkamalay at lumakas na si Junior, pupunta tayong lahat sa isang judge. Gusto kong maging saksi ang lahat ng mga mahal natin sa buhay.”

“Maligayang-maligaya ako, Marco. Napakasuwerte ko. Ikaw ang pinakamalaking biyaya na ibinigay ng Panginoon sa akin,” hikbi niya.

“Pareho lang tayo, Laurie. Ikaw ang sagot sa mga panalangin ng aking puso noon. Salamat sa pagdating mo sa buhay ko, mahal.”

Katulad nung maubusan siya ng mga salita, ipinahayag ni Laurie ang damdamin sa pamamagitan ng maiinit na halik. Na nagbunga agad ng mas maiinit pa…

*** WAKAS ***

Click Here – LADY ROMANTICA TABLE OF CONTENT

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age