The Unexpected Lover-5

Tumawa muna ang anino bago sumagot. “Gusto ko ang kaprangkahan mo, madam,” wika nito. Malumanay ang pagsasalita pero medyo malalim ang boses.

“Oo, gusto sanang ilabas ang iyong alaga. Magkano ba ang presyo niya?”

“Ilang oras?”

“Isang gabi sana, madam.”

“Ikaw ang buwena-mano sa kanya, sir. Ikaw na ang magbigay ng presyo. Tingnan natin kung magkakasundo tayo.” Hithit-buga sa sigarilyo ang ina ni Laurie. Halatang ninenerbiyos.

Tila natigilan sandali ang anino. O marahil ay saglit siyang nawalan ng malay-tao habang naninigas sa pagkakaupo. Basta namalayan na lang niyang tumatawa ang kustomer, pati na rin ang kanyang ina.

“Maaari bang mamaya na natin pag-usapan ang tungkol sa presyo? Gusto ko munang makausap si, er, Lota.”

“Okey. Ikaw ang bahala, sir. Babalik ako mamaya.” Taas-noo nang tumindig si Charito. “Buweno, ikaw na ang bahala sa ating panauhin, Lota,” bilin nito kay Laurie.

[Want to read the Start of Stories Online titled – THE UNEXPECTED LOVER…? Click Here!]

Kahit na nakakaduling ang iba-ibang kulay ng malamlam na iluminasyon, nakita pa rin ni Laurie ang nagbabantang kislap sa mga mata ng ina.

“O-opo, madam,” tugon niya. Nanginginig ang mahinang tinig.

Kinawayan ng kustomer niya ang isang weyter. “Ano’ng order mo?” tanong nito sa kanya.

“K-kayo na po ang bahala, sir,” sambit niya.

“Isang single whisky pa at isang ladies’ drink,” anito sa unipormadong tagsilbi.

“Pulutan po, sir? O kaya’y chaser?”

“Isang platitong mani at tubig na lang.”

“Three minutes lang po, sir,” pangako nito bago tumalikod sa kanila.

“Maari ka bang lumipat sa tabi ko, Lota?”

Aywan kung paano niya nagawang kumilos. Nagulat pa siya nang makatayo siya at makalakad patungo sa silyang hinila ng kustomer para sa kanya.

“Huwag kang matakot, Lota. Hindi ako maniac,” ang pabirong wika nito, nang mahipo ang nagyeyelong kamay niya matapos gagapin iyon. “Gusto ko lang malaman kung tutoo ang sinabi ng madam. Talaga bang ako ang unang kustomer mo?”

Kusang tumango ang ulo niya.

“Bakit ka umalis sa dating klab na pinapasukan mo?”

“I-ito rin po ang unang klab na pinasukan ko, sir,” pagtatapat niya. Pagaw at paos na ang tinig.

Natigilan na naman ang kausap. Tiyempo namang dumating na ang weyter. Nagsalita lang ito nang mapag-isa uli sila.

“Ilang taon ka na ba, Lota?”

“T-twenty two po.”

“Bakit ka pumasok sa trabahong ganito?”

Sumagi agad sa alaala ni Laurie ang marungis ngunit nakapainosenteng mukha ng bunsong kapatid. Sumunod ang kina Bebot, Joana at Junior.

“D-dahil po sa mga kapatid ko, sir.”

“Mga bata pa sila? Sa ‘yo umaasa ng pangkain at pampa-aral?” panghuhula ng lalaki.

“O-opo.” Yumuko si Laurie.

Kahit na hindi niya nakikita ang mukha ng kaharap, nararamdaman naman niya ang pagdududa sa tono nito. Palasak na ang mga ganitong istorya ng mga babaeng nagtatampisaw sa putik.

“P-pasensiya na po kayo, sir,” dugtong niya.

“Para saan ang paghingi mo ng pasensiya?” Tila napamaang ang lalaki.

“H-hindi po nakakaaliw pakinggan ang istorya ko. Mas maigi po sigurong ibahin na lang ang kuwentong pag-uusapan natin,” suhestiyon niya, sa napakagalang na tono.

“Gusto mong iba na lang ang pagkuwentuhan natin?” paniniguro ng kausap. Tila hindi makapaniwala.

“Kustomer po kayo, sir. Hindi kayo dapat ma-bore,” katwiran niya. Habang tumatagal, nagkakaroon siya ng kaunting kumpiyansa. Kahit na bahagya pa lamang niyang naaninag ang anino, nakakatiyak na siyang isang mabuting tao ang kaharap niya.

Tumawa sandali ang kustomer. “I like you, Lota. You are refreshing,” papuri nito.

“S-salamat po.”

“Sa palagay ko, hindi ako magsisising kumagat sa mataas na presyong nakakabit sa katawan mo,” dugtong nito, sabay senyas sa weyter na umaali-aligid magmula pa kanina. “Ipapatawag ko si Madam,” utos nito.

Nang mga sandaling iyon, parang inihulog sa kumukulong tubig si Laurie. Ngunit imbis na mamilipit siya sa sakit, nanigas siya at nagmistulang estatwa.

Maikli at simple lang ang transaksiyon sa negosyo ng laman. Ganito ang natuklasan ni Laurie. Kahit na namamanhid ang kanyang buong katawan, gumagana pa rin ang isang bahagi ng utak niya.

Naobserbahan pa niya kung paano ibinulong ng kanyang ina ang presyo ng dangal niya sa lalaking nagnanais bumili. Pati na ang di-maitagong pagkagahaman nang kunin ng una ang makapal na bungkos ng perang papel.

“O, Lota, sumama ka na kay Mr. Rodriguez,” Pagtataboy ni Charito kay Laurie. “Mr. Rodriguez, kayo na ang bahalang mag-ingat sa alaga ko, ha? ‘Yan ang future star ng klab na ito.”

“Sure, Madam.” Tumindig na si Mr. Rodriguez para alalayan siya sa pagtayo. “Ipahahatid ko siya sa bahay n’yo bukas ng tanghali, Madam.”

“Tanghali? Isang gabi lang ang pinag-usapan natin, Mr. Rodriguez,”sunggab na naman ni Charito. “Kailangan mong magdagdag.”

Isang malamig na bahagi ni Laurie ang unti-unting humahanga sa pagiging mautak ng kanyang ina. Ganito ang tunay na negosyante.

“Walang problema.” Dinukot uli ng lalaki ang pitaka. Hindi na nito binilang ang hinugot doon. Iniabot na lang agad sa may edad na babae.

“Gusto kita, Mr. Rodriguez,” ang nakatawang wika nito habang isinususok sa loob ng bra ang ikalawang bungkos ng salapi. “Sana’y maging suki ka ni Lota.”

Sumusuray na si Laurie sa kanyang kinatatayuan. Parang nauubos na ang oksihena sa paligid niya.

“Goodnight, Madam. Sa muli nating pagkikita.” Nagpaalam na ang lalaki. Naramdaman na nito ang pagsuray niya dahil lumipat sa beywang ang kamay nito. “C’mon, Lota. Let’s get out of here.”

Umikot ang paningin niya kaya napilitan siyang pumikit. Nang dumilat siya, nasa labas na sila. Nakasunod pa rin ang kanyang ina. Gusto sana niyang isipin na nag-aalala pa rin ito sa kanya kahit na paano ngunit isang ilusyon lamang ang gayon.

“Pag-igihin mo, Laurie. Kapag nasiyahan sa ‘yo ‘yan, puwede ka nang magpa-garahe d’yan,” bulong nito sa kanya nang maka-tiyempo.

Ni hindi niya magawang tumango. Parang ibig niyang maduwal, kasabay ng pagkamatay ng isang tagong damdamin sa kalooban niya. Hindi pala talaga siya minamahal ng sariling ina. Tuluyan nang pumanaw ang isang musmos na Laurie…

“Puwede mo na kaming iwan, Madam. Tapos na ang papel mo,” pagtataboy ni Mr. Rodriguez kay Charito. “Pinasasama mo lang ang pakiramdam ni Lota.”

“Enjoy!” pahabol pa ng ina sa kanila.

THE UNEXPECTED LOVER-6

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age