Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

THE UNEXPECTED LOVER

Laurie was fighting a losing battle against poverty. Marco was deeply depressed due to a broken heart. Fate made them meet in the most unexpected place.

Wala nang magagawa si Laurie kundi ang magsakripisyo ng sarili para sa kapakanan ng mga kapatid. Si Marco naman ay wala ring nagawa nang imanipula ng kaanak para tuluyang makalimot sa kabiguan.

Sa dalawang taong may kani-kanyang pagdurusa, mayroon kayang puwang ang pag-ibig?

* * *

“Yes, Uncle Joe, siguradong lalapag na diyan sa NAIA ang eroplanong sinasakyan ko by eight-fifteen,” pahayag ni Marco Rodriguez sa kausap sa celfone.

“Sure na ba talaga?”

“Confirmed na dito sa Hongkong Airport kaya sure na siguro.” Nagkibit siya ng isang balikat. Nasa bakasyon siya kaya balewala kung makarating man siya agad o hindi.

Narinig niya ang pagbubuntonghininga ng kausap.

“Tila hindi nakabuti sa ‘yo ang pagliliwaliw mo sa New York, iho. Mag-isa ka lang kasi. I should’ve gone with you,” wika ni Uncle Joe.

“Nabanggit sa akin ni Anutie Sophie mo na palagi ka ang nakatunganga sa mga ibon sa parke.”

Pilit ang pagtawa ni Marco. Ang tutoo ay nayayamot na siya dahil sa mga pakikialam na ginagawa ng mga kamag-anak sa buhay niya. Iniignora ng mga ito ang nais niyang mapag-isa.

“Tsk! tsk! Dapat yata ay kayo ang nagbabakasyon, Uncle Joe. You sound harrassed and frazzled over there.”

Nakahalata naman agad ang tiyuhin sa nag-iibang sumpong niya. Bumaba agad ang tono nito.

“Pasensiya ka na, hijo. Alam mo namang nadadala lamang ako ng habit. I’ve been taking care of you since you’re just a small babe. Kaya minsan ay nakakalimot ako, lalo nitong huli. You’ve been so depressed by what happened to your — ”

“Enough, Uncle Joe,” pakli niya para mapahinto sa sinasabi ang panganay na kapatid ng nasirang ama.

Sanggol pa lang siya nung inabandona ng sosyal na ina. At ang pobreng ama niya ay nagkasakit at namatay sa sobrang paglalasing sanhi ng matinding kahihiyan at dalamhati.

Nalaman niya ang mga impormasyong ganito mula sa bibig ng mga kamag-anak na naging katuwang ng matandang binata sa pagpapalaki sa kanya.

Dahil hindi naman niya nasaksihan at naranasan nang personal, hindi siya gaanong apektado — noon.

Pero ngayon, ramdam na ramdam niya kung ano ang sakit na ininda ng di-nakilalang ama.

Paano’y nagkapareho sila ng guhit ng kapalaran. Iniwanan siya ng nobya matapos papaniwalaing nagdadalang-tao na sa kanilang anak. Nakatakda na ang araw ng kanilang kasal.

Ngayon na nga sana iyon kung hindi biglang umalis ang babae ng walang paalam.

Isang linggo na ang nakalipas nang makatanggap siya ng isang maikling liham ng paliwanag. Diumano, nakunsensiya raw ito dahil hindi siya ang ama ng dinadala sa sinapupunan.

Bukod sa kanya, may iba pa palang nobyo ang taksil.

“Hay, naku! Lapitin yata ang lahi natin ng mga babaeng manloloko!” bulalas ng Auntie Sophie niya sa New York matapos mapakinggan ang kuwento mula sa overseas call ng Uncle Joe niya.

“Bakit, Auntie? Manloloko rin ba ang ina ko?”

Saglit lang na nag-alangan ang tiyahin. Bakas ang simpatiya nito para sa kanya sa bilugang mukha.

“‘Yun ang konklusyon namin nung makita namin sa diyaryo ang balitang pagpapakasal niya sa ibang lalaki matapos tanggihan ng ilang beses ang alok ng iyong Papa.”

“Ibig sabihin — maaaring hindi ako anak ng iyong kapatid,” patuloy niya. “Puwedeng si Trixie ang gumaya sa istilo ng Mama ko, hindi ba?”

“No, Marco. Of course not,” agap ng tiyahin niya. Nag-aalala na. “Huwag mong pabayaang malason ng Trixie na ‘yon ang puso at isipan mo, hijo. Isa siyang masamang babae. Higit na masama kaysa sa iyong ina.”

Lalong pumait ang pakiramdam ni Marco.

“Thanks, Auntie Sophie,” tugon niya habang mailis na gumagawa ng desisyon. Babalik siya sa Pilipinas sa lalong madaling panahon upang siguraduhin ang bagay na iyon.

Nagpalipas muna siya ng ilan pang araw bago nagpaalam na uuwi na para hindi sumama ang loob ng butihing tiyahin.

Sa kasalukuyan nga ay sakay na siya ng eroplano mula sa New York na napilitang mag-emergency landing sa Hongkong kagabi dahil sa ilang engine trouble.

Kung papalarin, matutupad ang eksaktong estimasyon ng arrival time nila sa Manila.

Kakambal na ni Laurie ang hirap at sakit ng katawan nung isilang siya. Kaya naman sanay na sanay siyang magbanat ng buto at magpatulo ng pawis.

Bata pa siya kung anu-anong trabaho na ang ginagawa niya para kumita ng kaunting barya na pantawid-gutom.

Ngayong dalaga na siya, tatlong uri ng hanapuhay na lamang ang pinagkakaabalahan niya. Plantsadora, labandera at partime trypist sa isang opisina ng notaryo publiko.

Sa awa ng butihing Diyos, sumasapat ang kinikita niya sa pagtustos ng pag-aaral niya sa kolehiyo. Kumukuha siya ng kursong komersiyo dahil mahilig siyang magnegosyo.

Kung susuwertihin, makaka-graduate na siya sa susunod na Oktubre. Isang taon na lang ang bubunuin niya kaya ang kanyang determinasyon ay mas mayabong pa kaysa dati.

“Ate, ‘enging peya. Bibiyi ako ng kendi.” Kinalabit siya ng bunsong kapatid. Si Remi, ang limang taong batang lalaki at ika-anim na miyembro sa kanilang pamilya.

Awtomatiko niyang dinukot ang panyo sa bulsa ng suot na pantalon upang punasan ang marungis na mukha ng paslit.

“O, saan ka naman ba galing, ha? Muntik na kitang nakalimutan, a?” ang pabirong wika niya habang bumibilang ng barya mula sa coin purse.

“Kumain ka na ba? Nasaan ang Kuya Bebot mo?” Ang tinutukoy niya ay ang pangalawa sa bunso na pitong taong gulang naman. Grade one ito sa public school pero pang-umaga lang kaya inaasahan niyang daratnan sa pag-uwi niya mula sa opisina.

“Nata kapitbahay ti Kuya Bot. ‘Anonood tibi,” ang mabilsi na tugon ng kausap. “Pati t’ya, bigyan mo yin, ha? May bibiyin din t’ya.”

Nakasahod na ang maruming palad nito habang nagsasalita.

“Oo naman,” ang nakangiting sagot niya. Inilagay niya sa magkabilang kamay ang pantay na bilang ng barya bago itinikom ang mga iyon.

“O, ayan. Marami ‘yan, ha? Huwag puro kendi ang bilhin n’yo. Magtinapay din kayo para mabusog,” pahabol-habilin niya.

“Oo, ate! Tayamat!” hiyaw ng kapatid habang tumatakbo na palabas ng pinto ng kanilang maliit na estresuwelo.

Napailing na lamang siya habang tinatanaw ang bata. Nang mawala na ito sa paningin, saka lang siya kumilos uli. Ipinagpatuloy niya ang ginagawa. Namamalantsa siya ng mga uniporme nilang magkakapatid na nilabhan niya kagabi.

Bukod kay Bebot at sa kanya, may dalawa pang pawang nasa hayskul na. Sina Joana at Junior, kambal pero hindi pareho ng antas dahil sa malimit na pagluluko ng huli. Third year na ang babae at second year naman ang lalaki.

Lihim niyang ipinagmamalaki na may bahagi siya sa pag-aaral ng mga kapatid. Siya ang umako sa baon ng mga ito para mapapayag ang kanilang ina na magbigay ng pangmatrikula at pang-uniporme.

Humigop siya ng maligamgam na kape habang nag-iimis ng mga samut-saring kalat sa palibot ng munting tirahan. Isinupot niya ang mga bote ng beer na nasa ilalim ng butas na lababo.

Pihong may deposito ang mga iyon kaya sayang kung pababayaan niyang makuha ng mga batang gala sa kanilang looban. Hinugasan niya ang mga pinggan at kaldero. Pati ang mga baso at kubyertos.

Inipon niya ang mga damit na marumi sa isang balde. Isasama niya ang mga iyon sa mga lalabhan niya mamayang gabi.

Nang mapasulyap sa orasang nakasabit sa dingding na plywood, nagdumali siyang pumasok sa batalan. Treinta minutos na lamang pala ang natitirang panahon niya sa paghahanda sa pagpasok sa eskuwela.

Makalipas ang kinse minutos, nagsusuklay na siya ng maikling buhok. Diretso ang mga hiblang itim na itim. Isa sa mga pangarap niya ang mapahaba iyon pero hindi niya matupad dahil impraktikal sa isang katulad niyang punum-puno ang iskedyul sa bawat araw.

At gabi rin, dahil malimit siyang magpuyat sa paglalaba at sa pamamalantsa ng mga damit ng mga suki niya.

“I-Inay?” Hesitante ang pagtawag niya sa ina.

Nakadapa ito sa pagkakatulog. Nakalilis ang maikling palda ng suot na bestidong panggabi kaya tinakpan niya ng kumot ang mga hita at binti na mapuputi pa rin bagamat medyo luyloy na ang balat.

Umungol ito nang mahina. Para bang tinugon siya.

“Er, aalis na po ako. Gusto n’yo bang ipagtimpla ko na kayo ng kape?” Mahigpit ang bilin nito na gigisingin niya sa tuwing aalis na siya sa hapon.

Magmula nang mag-umpisa ang kasalukuyang semester, palaging alas dos na ang oras ng pasok niya dahil nga iregular siya.

Palagi siyang underload para hindi gaanong maapektuhan ang kalidad ng mga grado. Pirming fifteen units lamang ang nakakaya niyang kunin tuwing semester.

“Ayoko.” Paungol pa rin pero tila paasik na.

Lalayo na sana siya para kunin ang handbag at mga libro sa laemsa pero nag-alangan siyang iwan ang ina nang di nakakasigurong gising na nga ito. Baka kasi nagsasalita lang ito sa panaginip.

“Er, Inay? Hindi ba kayo papasok sa trabaho ngayon?” Marahan niyang idinampi ang isang palad sa tagiliran ng leeg upang damhin ang temperatura ng katawan. Normal naman.

“Hindi! Ano ka ba, Laurie? Bakit ba nang-i-istorbo ka?” singhal ng may edad na babae habang bumabalikwas ng bangon.

Nagulat siya nang tampalin nito ang kamay niya. Pero saglit lang ang pagkatigagal niya. Parang inaasahan na niya dahil palagi naman masungit sa pakikitungo sa kanilang magkakapatid si Charito Cruz. Para bang hindi sila mga anak nito kung ituring.

Pinigil niya ang panginginig ng mga labi bago nagsalita.

“P-Pasensiya ka na, Inay. Ang akala ko kasi, may sakit ka,” paliwanag niya. “Er, k-kumain na po ba kayo?”

Nagmura ang tinanong bago sumagot. “May lalamunin pa ba dito sa buwisit na bahay na ‘to?”

Pinilit niyang itago ang nararamdamang sakit ng loob habang tumatango. May diyes minutos pa siya, kaya puwede pa niyang ipaghanda ng makakain ang nag-iisang magulang na nakilala.

Kumita siya ng maganda sa magmamakinilya kanina, kaya puwede niyang ibili ng ibang ulam kung ayaw nito ng tuyo at tinapa na ipinirito kaninang umaga.

“M-may sinangag pa po, Inay,” umpisa niya.

“Leche! Tuyo at tinapa na naman!” bulyaw nito. Nahulaan agad ang idurugtong niya. “Akina nga ‘yang sigarilyo ko. Buti pa ‘yan, sosyal!”

Walang imik, tumalima siya. Kabisado na niya ang sumpong ng ina. Kapag ganito na kataras ang tono, tumatahimik na lamang siya para hindi siya makatikim ng sampal at kurot.

Matapos iabot ang kaha ng sigarilyo at disposable lighter, dinampot na niya ang mga gamit sa eskuwela para makaalis na.

“Hep-hep! Saan ka pupunta? Hindi ka man lang ba magpapaalam?”

Agad siyang napahinto sa akmang maghakbang palabas ng pinto. Yumuko siya at tumingin sa dulo ng suot na sapatos na itim.

“Uh, aalis na po ako, Inay,” sambit niya.

“Ano’ng oras ang uwi mo?”

Nagtaka siya dahil ngayon lang nagtanong ang ina. Napalinga siya rito.

“Alas sais po siguro.”

Tumango-tango ito. “Mabuti. Kung puwede, agahan mo pa, ha?”

Natigilan siya nang ngumiti pa ito matapos ang magiliw na habilin.

“Er, bakit po..?” Sumikdo ang dibdib niya nang dagling kumunot ang noo ng may edad na babae. Dali-dali niyang binawi ang tingin.

“Er, s-sige po, Inay. Pipilitin kong umuwi ng maaga,” pangako niya bago lumakad palayo.

Hanggang sa makarating siya sa eskuwelahan, dala-dala niya ang palaisipan ng pagpapakitang-giliw ng kanyang ina.

Ano kaya ang kailangan nito sa kanya? A, sana ay makakaya niyang ibigay! Ginagawa nitong miserable ang buhay niya kapag nabibigo ito sa mga nais mangyari.

Kinagabihan, muntik na siyang himatayin nang malaman ang planong gawin ni Charito Cruz sa buhay niya.

“A-ayoko po, Inay!” bulalas niya. Hindi makapaniwala sa narinig. Nanlalaki ang mga mata habang nakatitig sa kulubot na mukha ng kaharapa.

“Ano’ng ayoko? Hindi puwedeng ayoko!” Dinaklot nito ang kakapalan ng buhok sa gawing likuran atsaka inalog ang ulo ni Laurie. “Gusto mo bang mamatay tayong lahat sa gutom?”

“H-Hindi ko po kaya ‘yon, Inay,” wika niya, pahikbi. “Pasensiya na po kayo.”

“Napaka-gaga mo talaga! ‘Yun ngang ‘ambibigat na trabaho, nakakaya mo. Ano’ng mahirap sa pagho-hostes, ha? Uupo ka lang. Tatawa kung may nakakatawa. Lalaklak ng alak hanggang may pambili ang kustomer. Ano’ng mahirap d’un? Ha? Sumagot ka, babae!” Inalog na naman siya.

“A-aray ko po, Inay,” daing niya. Nakakapit na ang mga kamay sa pulsuhan ng kamay na nakasabunot sa buhok niya.

“Masyado na bang mataas ang tingin mo sa sarili mo, ha? At ayaw mong pumasok sa klab para may pambili tayo ng lalamunin, ha?” Inatake naman ng mga pinong kurot ang beywang at hita niya.

“Hoy! Kahit na anong pagpapakadisente pa ang gawin mo, tiyak na aalingasaw pa rin ang baho ng pinagmulan mo. Kahit na kailan, hindi mo mabubura ang duming minana mo sa akin. Sa putikan ako nabuntis sa ‘yo kaya sa putikan rin ang bagsak mo, gaga ka! Tonta!”

Humalakhak pa ito na mas nakakainsulto pa kaysa sa mga salitang ipinukol sa kanya.

“I-inay — ”

“Sinipa na ako sa klab, Laurie,” pagtatapat ni Charito. Bakas na ang pait sa mataras na tono.

“Matanda na kasi ako. Wala ng pakinabang. Ayaw na sa akin ng mga kustomer. Ang gusto nila ay bata at sariwa. ‘Yung katulad mo. Kaya sa ayaw at sa gusto mo — ikaw ang papalit sa puwesto ko sa klab!” Nanlisik ang mga mata nito.

Nanginig siya sa takot kahit na determinadong magpakatatag sa pagtanggi.

“M-marami pa pong ibang paraan, Inay,” katwiran niya.

“Tanga!” Isinalya siya nito, sabay bitaw sa buhok niya. Tuluy-tuloy siyang bumagsak sa sahig sa semento.

Muntik nang mabagok ang ulo niya kundi naitukod ang mga braso.

“Sinasayang mo ang gandang ipinamana ko sa ‘yo! Napakaraming lalaki rin ang mababaliw sa katawang nasa iyo, Laurie! Kung gagamitan mo ang utak ng walanghiya mong ama, baka yumaman ka pa!”

“H-Hindi ko po kayang gawin ang gusto n’yo, Inay. Hindi po, hindi po…” panangis niya habang walang hinto sa pag-iling.

Binatukan siya nito. Sinipa sa tagiliran at muling sinabunutan upang itingala ang mukha niya. Galit na galit.

“Isang beses ko lang sasabihin ito, Laurie — makinig kang mabuti!” angil nito.

“Kapag hindi ka sumunod sa iniuutos ko, ipapaampon ko ang mga kapatid mo. Maglalayas ako at bahala ka na sa buhay mo. Makasarili ka!”

Alas nuwebe nang gabi ring iyon, akay-akay ni Charito Cruz si Laurie papasok sa backdoor ng isang sikat na klab sa Timog Avenue.

Nagawang itago ng makapal na meyk-ap ang mugtong mga mata ng dalaga. Pati ang pamumula ng ilong.

Kung may nahalata man ang matronang may-ari ng klab, wala itong sinabing anuman. Basta inikut-ikutan siya nito habang nakatayo siya at saka tumango-tango.

“Magaling, Charito. Tinupad mo ang pangako mo,” anito. “Mula ngayon, ikaw na ang floor manager dito. Congratulations!”

“Ay naku! Tenk yu, m’am. Tenk yu beri mats!” Isang patagong kurot sa tagiliran niya ang ibinigay ng ina.

“Hindi ka ba magpapasalamat? Tanggap ka na!” bulong nito, paasik.

“S-s-salamat po, ma’am,” sambit ni Laurie, kandautal.

“Huwag kang mag-alala, ma’am, madali lang ‘tong turuan,” pang-aalo ng kanyang ina. “Anak ko ‘ata ‘yan,” pagmamalaki pa.

“Mabuti na ang nagkakaintindihan tayo, Chato. Probi siya hanggang sa susunod na Linggo. Dapat hasang-hasa na siya, ha?”

“Opo, ma’am. Sisiguraduhin kong mababawi niya ang trono ko dati. Bah! Ako ‘ata ang superstar ng Ermita noon!”

Sa unang pagkakataon, ngumiti ang mga labing kulay dugo. Kinilabutan si Laurie nang makitang may mantsang pula ang mga ngipin na sungki-sungki at nababalot ng makapal na nikotina.

“Inaasahan ko ‘yan, Chato,” anang me-ari ng klab.

“Bagyo ang mukha at katawan ng anak mo. Kayang-kaya niyang pasikatin ang klab ko.” Nanghahamon na ang tono nito.

“Mangyayari po ‘yan, ma’am,” pangako ng ina ni Laurie. Walang pakundangan sa pagbebenta ng kaluluwa niya sa demonyo.

“Buweno, dalhin mo na siya sa dressing room. Five minutes na lang, happy hour na. Pagpalitin mo siya ng damit. Babagay siguro sa kanya ‘yung Red Gown.”

“Opo, ma’am,” ang magalang na tugon ni Charito habang pasimpleng kinakaladkad si Laurie palabas ng opisinang de-aircon at may makapal na alpombrang kulay pula sa sahig.

Binawi ni Laurie ang sikretong pasasalamat na mapapalitan ang bestidang puwersahang ipinasuot sa kanya ng ina sa bahay, nang makita ang gown na may malalaking butas sa tapat ng tiyan at likod.

Kitang-kita ang pusod niya at ang biloy ng balakang. Napakababa ng neckline kaya ang cleavage ng mayamang dibdib ay makatawag-pansin. Pati na ang mapuputi at makikinis na mga hita at binti na inilantad ng napakaikling palda.

Ang tanging nakakubli ay ang kanyang mga braso dahil mahaba ang mga manggas na hapit ang tabas.

“I-inay, ‘yon na lang pong una ang isusuot ko ngayon,” pakiusap niya. Parang matutunaw ang pakiramdam niya.

“Heh! Narinig mong utos ni Mrs. Bueno ang pagpapalit mo ng damit, e, susuwayin mo na agad. Tumigil ka nga sa kaartehan mo, ha? Baka samain ka na naman sa akin,” angil ng ina habang padaskol na sinusuklay ang maikling buhok niya.

Napangiwi siya nang mataan ng matatalas na ngipin ang nalamog na bahagi ng anit.

“Pag-igihin mo ang pag-estima sa kustomer na kukuha sa ‘yo, Laurie. Kapag may naipintas si Ma’am, mauunang ibiyahe sa Hospicio si Remi, sige ka!” pananakot nito.

Hindi niya napigil ang panlalamig na dulot ng matinding sindak. Alam ng kanyang ina ang sandatang gagamitin para mapasunod siya.

Sa ngayon, wala siyang ibang opsyon kundi ang maging sunud-sunuran lamang. Ang mga kapatid niya ang tanging kasiyahan sa buhay niya. Kapag may nawala sa mga ito, wala na ring saysay ang lahat ng pagsisikap niya.

Tila nababasa ni Charito ang pagbabago ng attitude niya. Ngumiti ito habang bahagyang tinatapik ang pisngi niya.

Click here to READ MORE

Comments are closed.