The Untamed Hearts-1

Never underestimate the true power of love. Even free-spirited hearts do fall in love with someone as free and untamed. But what if they do not recognize the feelings?

Will there be a future for people that are free-spirited and unbelievers when they finally fall in love?

Si Teresa ay isang dalagang walang malinaw na direksiyon ang buhay. Si Jerome naman ay isang lalaking abala sa pagpapaunlad sa kabuhayan.

Naglaro lang ang kapalaran nang magkurus ang kanilang mga landas. Pero tila nakatakda naman silang igapos ng atraksiyon na walang kontrol.

Ano ba ang dapat gawin sa sitwasyong mapanganib sa mga payapang mundo nila?

*               *               *

Magkahiwalay ang mga paa ni Jerome Monteverde habang nakatayo sa makapal na damuhan.

Kasalukuyan siyang nakatanaw sa malayo. Pinapanood ang kanyang mga tauhan na pawang mga nangakatungo sa pagtatanim ng palay sa malawak na putikan.

Click Here – LADY ROMANTICA TABLE OF CONTENT

Siya man ay ganon din ang ginagawa kani-kanina lang. Sa katunayan, puro putik na rin ang kabuuan niya. At kaya siya nakapameywang ngayon ay para mabawasan ng kaunti ang pamimitig ng kanyang likod at tagiliran.

“Sir Jerome, may tawag daw po kayo sa bahay,” anang isa sa mga tauhan niya sa malaking bahay na nasa di-kalayuan.

Nilinga muna niya si Entoy bago tumango. “Susunod na ako,” wika niya. “Uuwi na talaga ako, hinihintay ko lang na lumapit si Ka Duroy dito para mapaghabilinan ko.”

Dinampot ni Entoy ang malaking basket na nasa ilalim ng punong akasya. “Iuuwi ko na po ito, ser,” paalam nito.

“Sige. Mauna ka na para hindi maghintay si Mama.”

Pagkaalis ng inutusan, humarap uli siya sa malawak na pataniman ng palay. Hinanap ng tingin ang katiwala. Kapagkuwa’y kumaway siya at sumigaw ng malakas.

“Ka Duroy! Ka Duroy, sandali lang. Parine muna kayo dito!”

Agad namang lumapit ang tinawag. Isang maliit at may katabaang lalaki na nasa katanghalian na ang edad.

“Ano ‘yon, Ka Jerome?” ang magalang na tanong ng may idad na lalaki.

“May gagawin pa ako sa bahay kaya uuwi ako ng maaga ngayon,” paliwanag niya. “Ikaw na ang bahala sa pa-trabaho natin dito. Bukas na lang uli tayo magkikita kapag nagpunta ako dito.”

“Oo, Ka Jerome. ‘Wag mo ng alalahanin ang mga tao natin. Ako na ang bahala,” tugon naman ng katiwala.

“Siyanga pala, patataniman na ba ang dasian?”

“Huwag muna. Baka doon na rin natin ipatanim ang binhi para sa duluhan.”

“Okey.” Sumaludo pa ang nakangiting lalaki.

“Aalis na ako.” Habang nagpapaalam, dinudukot na ni Jerome ang susi ng dyip sa bulsa ng pantalong pantrabaho.

Ilang sandali pa, nakalapit na siya sa kinapaparadahan ng kanyang landrover jeep.

Binagtas ng kanyang sasakyan ang daan patungo sa kanyang tahanan. At ilang minuto lang, huminto na ang minamaneho niyang sasakyan sa harapan ng malaki at marangyang bahay.

Lumang bahay na iyon kung tutuusin ngunit dahil sa kapapagawa at kapapaayos ng mga nagdaang henerasyon, sumusunod sa paglipas ng panahon ang disenyo at panlabas na kaanyuan.

Ang dating simple at mababang homestead ay naging isang mala-mansiyon na istruktura na.

At ang dating kaingin na nakapaligid ay isang malawak na hardin na ngayon.

Ang malaking pagbabago sa Monteverde Farm ay galing sa sipag at talino ng huling tagapagmana na si Jerome Monteverde. Tatlumpu’t tatlong taong gulang na pero wala pa ring asawa.

[See if you could go to sleep after reading Romantic Love Stories Online in BEDTIME STORIES!]

Pihikan ang binata. Mayroon siyang ideal woman pero wala naman siyang panahong maghanap. Masyado siyang abala sa pag-aasikaso sa kanilang mga lupain.

Bukod sa malawak na palayan, mayroon na ding malalaki at mga modernong babuyan at manukan, at isang pabrika ng food processing and cannery.

Ang brand na taglay ay pawang Monteverde, gawa ng Monteverde Quality Foods, Incorporated.

Unti-unti, nagkakapangalan na ang mga bagong tayong negosyo ni Jerome. Gayundin siya. Mas lalo pa siyang nagiging eligible bachelor kaya naman palagi siyang pinagkakaguluhan ng mga kababaihan sa kanilang bayan.

Pero pihikan talaga siya.

Papasok na siya sa maluwang na front door nang salubungin siya ni Aling Azon. Ang kanyang mayordoma sa malaking bahay.

“Magandang hapon, ser,” ang magalang na bati nito.

“Magandang hapon din, Aling Azon,” tugon niya habang naghuhubad ng suot na bota na kulapol ng makapal na putik. “Pasensiya na dito, nagmamadali ako, e,” dugtong niya, sabay senyas sa maruruming pamaa.

“Naku, si ser naman. Walang anuman po ‘yan,” ang nakangiting wika ng katiwala.

“Este, ser, may bisita daw po kayo ngayon. Ipinatatanong po sa akin ni Senyora Juanita kung anong ulam ang gusto n’yong ipaluto para sa hapunan?”

Napamaang siya. “Bisita?” ulit niya. “Wala akong nalalaman na magkakabisita tayo ngayon, Aling Azon.”

Nagkamot ng ulo ang mayordoma/ kusinera. “E, ‘yan ang sinabi sa akin ng iyong Mama, ser,” sambit nito. Nabahiran ng pagkalito ang tono. “Er, ako pa nga po ang nakatanggap ng tawag,” dagdag pa.

Napailing na lamang si Jerome. “Baka naman isa sa mga kamag-anak namin. O, siya, bahala na lang kayo kung ano ang gusto n’yong lutuin para mamaya.”

“E, sige, ser.” Nagdumaling bumalik sa kusina ang kausap. “Ipapaligpit ko agad ang kalat d’yan, ser,” dagdag pa bago tuluyang nawala sa paningin niya.

Hindi na siya sumagot. Nagtuloy na lang siya sa kanyang opisina. May kailangan pa siyang tawagan bago makipagkita sa ina.

Idinayal niya ang numero ng celfone ni Noel, ang matalik niyang kaibigan. Nag-iwan ito ng message sa answering machine kagabi na importanteng magkausap sila.

Tumawag naman siya kaya lang ay walang sumasagot. Kanina naman ay madaling-araw pa nung umalis siya para magpunta sa bukid kaya hindi siya nakatawag.

“Hello? Noel? Si Jerome ‘to, pare,” pahayag niya matapos tugunin ang tawag niya sa ikatlong kuriring.

[Want to Check out more Romantic Love Stories Online in the LadyRomantica SITEMAP? Click here.]

“Jerome? Pare, bakit ngayon ka lang tumawag? Kahapon pa kita gustong makausap!” Pabulalas agad ang pagsasalita ng nasa kabilang kawad.

“Wala ka diyan kagabi. Wala naman ako dito kaninang umaga. Ngayon lang ako umuwi,” tugon niya bilang paliwanag. “So, what’s up, brod?”

“Well, nakakita na ako ng ipinahahanap mo sa akin, brod!”

Kumunot ang noo ni Jerome na patuloy na nagsasalin ng alak sa tumbler habang nakakipit sa teynga at balikat ang receiver ng cordless telephone.

“Anong ipinahahanap?” tanong niya matapos lagyan ng isang tipak ng yelo ang hawak na kopita. “Wala akong natatandaan, pare,” dugtong niya pagkatapos maupo sa swivel chair na kanyang pinaikot paharap sa malapad na bintana.

“Hay, naku ‘tong si Jerome talaga, oo! Di ba’t sinabihan mo ako na ihanap kita ng mapapangasawa?”

Muntik na niyang maibuga ang sinisimsim na alak, sabay napa-diretso ng upo. “Pare naman, pareho tayong lasing n’on. Ba’t naman sineryoso mo?” pambubuska niya, pero may halong pang-uusig.

“Lasing pala, ha? E, ba’t pareho nating natandaan?” salo naman ni Noel. “Kita mo nga’t kahit na isang buwang mahigit na ang nakakaraan, naaalala ko pa?”

“Pare, nagbibiruan lang tayo n’on,” bawi niya.

“Pare, nasa hustong edad ka na para magparami ng lahi.”

Bumuka ang bibig ni Jerome pero parang bulang nawala ang gusto niyang sabihin. Paano’y nahagip ng paningin niya ang nakalatag na ekta-ektaryang lupain ng Monteverde Farm sa paanan ng bahay na kinaroroonan niya.

Treinta y tres na siya. Wala pa rin siyang heredero. Kailangan na nga pala talaga niyang mag-asawa…

“Buweno,” aniya, matapos lunukin ang pagtutol na sasabihin sana. “Nasaan naman ang babaeng napili ng aking matalik na kaibigan, aber?” Kunwa’y pinagaan niya ang tono. “Gusto ko munang kaliskisan, siyempre.”

“Naturalmente, mahal kong ‘igan,” ang maagap na tugon ni Noel sabay halakhak. “Sa katunayan, papariyan na nga siya magmula pa kahapon. Hindi ko lang siya maihatid dahil may mga inaasikaso pa ako dito. Alam mo na, marami-rami pa naman ang naloloko sa aking mga chicks, kahit na medyo nagkakaedad na rin ako.”

Hindi naniwala si Jerome sa pagbibiro ng kaibigan. “Kumusta ang Mama mo, Noel?” ang seryosong tanong niya. “You only have to ask, friend. Pupuntahan kita agad d’yan.”

THE UNTAMED HEARTS-2

  Copyright secured by Digiprove © 2011 Lady Romantica

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.