The Untamed Hearts-12

Ngunit kailangan pang magtimpi ni Jerome ng mga ilang oras pa. Tanghaling bumangon ang kanyang ina. Tiyak na dakong alas diyes na sila makakaalis ni Teresa.

Pumanaog na rin siya agad. Mag-a-almusal na siya at magpapalipas ng oras sa loob ng kanyang opisina. Pipilitin niyang makapagtrabaho kahit na kaunti dahil mawawala siya ng matagal-tagal.

Plano niyang palisin agad ang atraksiyon na iniuukol para kay Teresa, sa pamamagitan ng pagpapakasawa sa piling nito. Umaasa siyang magmimistula itong pagkain na madaling panghinawaan kapag madalas makita at matikman.

Bitbit ang isang medium-sized overnight case, lumabas siya ng kuwarto para bumaba sa hagdan. Madadaanan niya ang pintuan ng kanyang Mama kaya pinabagal ang kanyang mga hakbang upang hindi makaistorbo dito.

Inaasahan niyang tahimik pa sa silid nito dahil natutulog pa pero gayon na lang ang pagtataka niya nang may maulinigang mga tinig na nag-uusap.

Kumatok muna siya bago pinihit ang seradura. Bago pa nabuksan ang dahon, nakikinig na siya. Dagling huminto ang mga boses-babae.

Hindi na siya naghintay ng tugon. Itinulak na niya pabukas ang pinto. Si Teresa nga ang nabuglawan niyang panauhin ng kanyang ina. Nakaupo ito sa silyang hinila nang malapit sa kama.

Maliksing tumindig ang dalaga nang makita siya. Para bang nahuli sa aktong gumagawa ng masama.

“G-g-good morning sir,” ang magalang na bati nito sa kanya. Namula ito bago namutla. Agad na nagbaba ng tingin nang mapagmasdan ang seryosong ekspresyon niya.

[ Want to read the Start of Stories Online titled: THE UNTAMED HEARTS…? Click Here!]

Nakakunot nang bahagya ang noo ni Jerome habang papalapit sa higaan ng maysakit na ina. Humalik muna siya sa kulubot na pisngi at noo bago nagsalita.

“Maaga na pala kayong magising, Mama,” umpisa niya. “Bakit hindi ko man lang nalaman na hindi na pala kayo nangangailangan ng sleeping pills para makatulog?”

Ngumiti muna ang ina bago umingos nang kunwari bago pautal na nagsalita. “Hus, paano ko naman m-masasabi sa aking anak, e, laging wala sa tabi ko? M-mabuti na lang, nandito si T-teresa,” dagdag pa.

Napangiti si Jerome, sa tiyaga ay nahimok rin pala ni Teresa na magsalita na ang kanyang mama. Tila matagal-tagal nang napapraktis ang dila dahil medyo tuwid nang sumambit ng mga kataga.

“Hayaan n’yo, Mama. Pagbalik ko mula sa pupuntahan ko, palagi n’yo na akong makikita sa tabi n’yo,” pangako niya.

“A-alis ka na naman?”

“Oo, Mama. May kailangan lang akong asikasuhin.”

“Matatagalan ka?”

“Sandali lang ‘yon, Mama.”

Parang may narinig siyang isang mahinang singhap mula sa gawi ni Teresa. Pero baka imahinasyon lamang niya dahil tila kalmado naman ito nang lingain niya. Nakayuko habang abala sa pag-aayos ng mga botelya sa medicine tray ng pasyente.

“O, e, di, isasabay mo na si Teresa?”

“Bakit ho?” Kunwa’y napamaang siya.

“Nagpapaalam siya. Luluwas daw muna para dumalaw sa mga kaibigan at kamag-anak sa Maynila,” ang mahabang paliwanag ni Donya Juanita kahit pautal. “I-isabay mo siya sa biyahe, ha?”

Kunwa’y nag-alangan pa muna si Jerome. “E, p’ano n’yo naman nalaman na sa Manila ang punta ko, Mama?”

“May dala ka kasing o-overnight case, anak. Nakabisa na kita, iho. Sa tinagal-tagal ng pagsasama natin. Wala ka na sigurong maililihim sa akin.”

Medyo natigilan si Jerome sa tinuran ng ina. Sa palagay niya, hindi na dapat nagpakahirap sabihin ang mga mga huling pangungusap na matalinhaga ang dating. Tila ba may pasaring.

Magkatutoo man ang impresyon niya, wala siyang puwedeng gawin kundi ang magpatay-malisya na lamang. Kahit na sinisimulan na rin siyang makunsensiya.

‘Sandali lang ‘yon, Mama.’ Ang mga katagang iyon ang paulit-ulit na umalingawngaw sa loob ng utak ni Teresa.

Ang turing lang pala sa kanya ni Jerome ay isang bagay na kailangang asikasuhin. At sandali lang ay maaayos na siya!

Para bang sakit lang siya ng ngipin na nakakairita. O di kaya’y sakit ng ulo na dapat palisin.

Habang nakamasid siya sa mag-inang malambing na nag-uusap, hindi niya mapigil ang managhili. Kailanman ay hindi siya nakaranas ng pagmamahal-ina.

[Rekindle the romance in your heart and in your life with Romantic Love Stories Online in ROMANTIC NOVELLAS… Click Here!]

Sa mga darating na araw sana kung hindi sa magiging relasyon nila ni Jerome.

Napapatda si Teresa nang dumating ang isang realisasyon sa kanyang isipan. Hindi kaya palabas lang ni Jerome ang pagkakaroon nito ng pagkagusto sa kanya?

Posibleng strategy lang ang pag-aalok nito ng bahay at lupa sa kanya upang mailayo siya mula sa butihing matanda. Nangangamba marahil na makagiliwan siya ng donya…

Lalong kumirot ang kalooban ni Teresa. Parang gusto na niyang mapaiyak, ngunit nagtimpi siya nang husto.

Itinutok niya ang isipan sa matatamis na salitang narinig mula sa bibig ni Jerome. Ang mga iyon lang ang dapat niyang intindihin, hindi ang anumang bunga ng kanyang imahinasyon!

Pero napakadali lang palang sabihin, napakahirap namang gawin. Lalupa’t sa isang katulad niyang walang kumpiyansa sa sarili.

Nang makatiyak na kalmado na uli ang kanyang boses, humingi siya ng permiso para makalabas. Ni hindi yata sumulyap sa gawi niya si Jerome.

Pero hindi siya sigurado dahil hindi siya nangahas na tumingin dito. Nangangamba siyang baka mahalata ni Donya Juanita ang hibang na pagtingin niya sa anak nito.

Nakakahiya.

Sinundan siya ni Jerome sa kanyang silid. Kukunin na niya ang mga gamit na muling pinagkasya sa loob ng higanteng knapsack.

Inakala niyang magtatagal na siya sa isang lugar sa wakas pero talaga yatang itinakda siyang maging lagalag…

“Teresa.”

Naramdaman niya ang presensiya ng lalaki nang pumulupot sa beywang ang isang braso nito upang hapitin siya ng yapos mula sa likuran.

Siniil ng mga sabik na halik ang kanyang batok at leeg matapos hawiin ng isang kamay ang collar ng suot niyang polo na chekered red and black.

Halos terno sila ng kasuotan ni Jerome dahil nakasuot naman ito ng black shirt at blazer. Marahil parehong out-of-character ang mga gagawin nilang dalawa, kumuha ng isang tulad niya si Jerome para gawing kerida…

At – at pumayag naman siya.

“N-nakapagpaalam na rin ako kina Aling Azon,” sambit niya. Agad na nabahiran ng nginig ang kanyang tinig. “Puwede na tayong umalis, Jerome.”

“Nasasabik ka na ring tulad ko?” ang patudyong bulong ng lalaki bago sinakop ng mapusok na bibig ang mga labi niya. “Hindi ako nakatulog kagabi, Teresa. Ikaw?”

“H-hindi rin ako nakatulog…” pagtatapat niya.

[Want to Check out more Romantic Love Stories Online in the LadyRomantica SITEMAP? Click here.]

“Nagdadalawang-isip ka?” Bahagya siyang inilayo ng kaniig upang matunghayan ang pagpapalit-palit ng mga emosyon sa mukha niya.

“Hindi. Ikaw?”

“Lalong hindi ako,” diin nito. Isa pang mariing halik ang iginawad nito sa kanya bago marahang pinakawalan mula sa yakap na mahigpit. “‘Lika na. Baka makalimutan ko pang nasa bahay pa tayo ni Mama.”

Dagling umantak ang kalooban ni Teresa pero inignora na niya ang kirot. Kapag nasa bisig na siya ng minamahal, nabubura na ang anumang pag-aalinlangan.

Sabay silang nagtungo sa kusina.

“Tutuloy na po ako, Aling Azon. Maraming salamat po sa mga kabutihan n’yo sa akin,” sambit niya habang nakamasid ang lalaki.

“Kuu, walang anuman, iha. Maraming salamat din sa pagtigil mo dito. Napasaya mo kaming lahat,” ang mangiyak-ngiyak na pahayag ng mayordoma. “B-baka hindi ka na bumalik?”

“Hindi ko lang po alam,” tugon niya. Pinigil niya ang sarili na sumulyap kay Jerome. “Sige po. Pakisabi na lang kina Minyang.”

Binitbit niya uli ang knapsack upang magpauna sa pagtungo sa garahe. Malamig at malayo si Jerome kapag may iba silang kaharap. Kaya gayundin ang ginagawa niya.

A, pareho silang ipokrito!

Wala siyang imik nang sumakay na rin sa kotse ang lalaki. Natagpuan niyang hindi naka-lock ang sasakyan dahil katatapos lang linisin ng isang binatilyo kaya nangahas na siyang pumasok at maupo sa passenger’s seat kahit na wala pa ito.

“Wala ka na bang nakalimutan?” tanong lang ng lalaki nang papalabas na ng rough road ang minamanehong sasakyan.

Tumanaw sa labas ng bintana ang dalaga upang ikubli ang mapait na ngiti. Sinisigurado ni Jerome na wala na siyang maidadahilan para magbalik pa sa farm!

“W-wala na,” tugon niya matapos ang ilang sandali.

Hindi na nagsalita pa uli ang lalaki kaya pinagharian ng mabigat na katahimikan ang loob ng kotse.

Nanatiling nakatutok sa labas ng bintana ang paningin ni Teresa dahil may hinahanap siya.

THE UNTAMED HEARTS-13

  Copyright secured by Digiprove © 2011 Lady Romantica

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.