The Untamed Hearts-3

Hinipo ni Loida ang mahabang buhok na alun-alon. Nakamata ito sa maikling buhok niya. Tila nadidismaya.

“Ang weakness daw ng magiging groom ay buhok,” wika nito. “Bakit ba nagpagupit ka ng ganyan?” pang-uusig pa.

Hinipo rin tuloy ni Teresa ang buhok niya. “Puwede kong sabihing natipos ako,” pamimilosopo niya.

“O, ano? Uuwi na lang ba ako? Hindi yata ako puwede, e.” Nakita niyang naiinip na si Jeff sa di-kalayuan kaya maaari na siyang magmalaki kunwari.

“Hindi. Huwag,” pigil agad ni Loida. “Hindi naman niya alam kung ano ang hitsura ko. Sosorpresahin lang daw ni Mr. Rivera si Jerome M. Kaya lang, inilarawan na nga niya ang mahabang buhok ko…”

Inignora ni Teresa ang huling sinabi ng kaharap. Alam niyang nagsisimula nang magsalawahan ito kaya pasimple niyang kinambatan si Jeff.

Agad namang lumapit ang lalaki. Inakbayan nito si Loida. “Okey na ba, Loi? Pumayag na si Terry?”

“Makakatanggi ba naman ako?” tugon ni Teresa, nakangiti. “Once-in-a-lifetime adventure ‘ata ito.”

“E, p’ano kung isang matandang hukluban na nga si Jerome M.?” pakli ni Loida.

“Pagtitiyagaan ko na basta’t may house-and-lot ako,” ang maagap na salo ni Teresa, sabay kindat kay Jeff. “As’an ang pamasahe ko?” tanong niya habang inilalahad ang isang palad.

Saglit na sumimangot si Loida, bago dumukot sa bulsa ng bestida. “Wala ka bang dalang pera?” tanong nito, halos paangil.

[ Want to read the Start of Stories Online titled: THE UNTAMED HEARTS…? Click Here!]

Tumaas ang mga kilay ni Teresa. “Hatian mo naman ako sa budget na ibinigay ni Mr. Rivera, Loi. Para makarating ako ng matiwasay sa paroroonan ko.” Seryoso na ang ekspresyon niya. May bahid na ng tigas.

Kabisado na ng kaibigan ang banayad na tono ni Teresa. Walang imik na nagbilang ito ng perang papel.

“Tama na ba ‘yan?” tanong nito matapos niyang itikom ang palad na tumanggap sa pera.

Tumango si Teresa. Nakangiti na uli. “Pagkakasyahin ko na ‘to. Salamat. Good luck sa inyo ni Jeff.” Tinapik niya ang lalaki sa balikat bago tumalikod.

“Sundin mo lang ang mga instructions na nakalista, Terry!” pahabol-habilin ni Loida bago siya tuluyang nakalayo.

Napangiti sa sarili si Teresa matapos maalala ang naging nag-uusap nila ni Loida…

Talagang ginawa niya lahat ng bilin nito.

Sumakay siya ng bus, bumaba sa tamang destinasyon, at tumawag sa numero ng telepono upang ipaalam ang kanyang pagdating sa pupuntahan. Sumakay uli siya, sa dyip naman. At ngayon nga ay nandito na siya sa bukana ng Monteverde Farm.

Huminga muna siya ng malalim bago pumasok sa maluwag na rough road. Tila walang katapusang kalsadang mabato ang kanyang tinutugpa dahil wala siyang natatanaw na tarangkahan o kahit na bubungan man lang ng bahay.

Gayunman, dumiretso pa rin siya. Wala na siyang opsyon dahil nagugutom at nauuhaw na siya. At papagabi na naman.

Latang-lata na ang pakiramdam ni Teresa. Hindi siya nakatulog nang maayos kagabi dahil nakaupo lamang sa bus. Kailangang-kailangan na ng katawan niya ang pahinga at nutrisyon.

Hindi rin kasi siya gaanong kumakain magmula pa kagabi. Tinitipid niya ang perang bigay ni Loida para pandagdag sa sariling pera kung sakaling bigo ang misyon niya.

Kapag tinanggihan siya ni Jerome Monteverde, puwede siyang magpunta sa Mayon Volcano para maghanap ng magiging trabaho. Magaling siyang umakyat ng bundok kaya maaari siyang maging mountain guide.

Pero bakit lalayo pa siya? Isang sikat at malaking farm ang pupuntahan niya. Puwede siguro siyang mamasukan dito bilang all-around trabahadora. Mabilis naman siyang matuto. Masipag naman siya. Matiyaga pa.

Anupa’t hindi tinantanan ni Teresa ang pang-aaliw sa sarili habang naglalakad. Halos pasuray-suray na nga ang mga hakbang niya dahil sa pagod na nadarama ngunit hindi siya maaaring huminto.

Hindi…

Hanggang sa tila umikot ang kanyang paningin.

“Oh, nahihilo ako…!” Iyon lang ang nagawa niyang sambitin nang magsimulang dumilim at tuluyang pumanaw ang ulirat niya.

Takipsilim na nang maisipang lumabas ni Jerome para mag-abang sa pagdating ng bisita. Nasalubong niya ang mayordomang si Aling Azon.

“Sir Jerome, hinahanap ka na ng iyong Mama,” pahayag ng may edad na kasambahay.

“Nasaan siya?”

“Nasa lanai ng kumedor.”

[Check out more captivating Romantic Love Stories Online by LADY ROMANTICA… Click Here!]

Ang lanai ay isang outdoor terrace na ipinagawa ni Jerome sa karugtong ng dining room. Mayroong proteksiyong bubungan na yari sa transparent fiber glass para maliwanag pa rin sa loob.

“Hindi ba siya nahahamugan doon?”

“Hindi naman. Sinuotan ko siya ng makapal na balabal,” paliwanag ng katiwala habang sinasabayan siya sa paglalakad. “Gusto raw kasi niyang panoorin ang paglubog ng araw.”

“Lalabas sana ako para abangan ang bisita natin,” wika niya nang pumapasok na sila sa malaking pintuan ng kumedor. “Ano kaya kung paunahin na nating kumain ng hapunan si Mama? Baka malipasan siya ng gutom, a?”

“Itanong po natin, sir.”

Papalapit na sila sa matandang babaeng nakaupo sa wheelchair.

“Magandang gabi, Mama,” ang masuyong bati ni Jerome sa ina. Hinagkan niya ang kulubot na pisngi nito nang luminga sa kanya.

“Pasensiya ka na, ngayon lang kita napuntahan. May inasikaso pa kasi akong mga papeles.”

Ang tutoo ay nangarap siya ng gising tungkol sa magiging reaksiyon ng ina sa balitang magkakaasawa na siya.

Ngumiti naman ang butihing ina. Tumangu-tango ito na para bang may ibig ipahiwatig. Kumumpas pa nga ang mga kamay na yayat.

“Gusto n’yo na bang kumain, Mama?” tanong niya. “Baka matagalan pa sa pagdating ang bisita natin.”

Tumango uli ang matandang lumpo. Tumingin kay Aling Azon at saka sumenyas na kakain na nga.

Sumulyap na rin siya sa katiwala. “Kayo na muna uli ang bahala kay Mama, Aling Azon,” habilin niya bago muling humalik sa pisngi ng ina. “Bukas na uli tayo magkikita, Mama. Goodnight.”

Nakakaramdam ng lungkot si Jerome habang pinapanood ang paglayo ng silyang de-gulong ng nag-iisang magulang.

Ilang ulit na niyang isinuhestiyon na kumuha ng pribadong nars para dito ngunit mas nais at mas kumportable daw ito sa serbisyo ng mayordoma.

Madilim-dilim na nga sa labas nang maglakad-lakad siya. Pero aninag pa naman ang kapaligiran. Namataan niya ang paborito niyang asong si Frenz. Kinambatan niya ito upang isama patungo sa may bukana.

Malayo ang distansiya kung lalakarin lamang ang rough road na patungong highway kaya dumaan siya sa shortcut. Sumuot sila ni Frenz sa kakahuyan upang madaling makarating sa aspaltadong kalsada.

Parang pinagtiyap naman ng pagkakataon, kalalabas pa lamang niya mula sa tinawid na manipis na hilera ng mga puno ng rambutan at kalamansi, nang mamataan niya ang isang tao na tila lasing sa paglalakad nang pasuray.

Habang papalapit siya dito, tuluyang nalugmok ang lasing sa magaspang na kalye.

Nagdumali si Jerome sa paglapit upang kilalanin ang tao. Baka isa sa mga binatilyong anak ng mga tauhan niya.

Ngunit nang makalapit na siya nang husto sa pobre, hindi na niya maaninag ang mukha nito. Hindi na tuloy mapagsino.

Umungol ang tao nang tangkain niyang ibangon.

“A-aray…” daing nito.

Napahinto si Jerome. Boses-babae ang narinig niya. Hindi kaya ito ang taong hinihintay niya?

[Want to Check out more Romantic Love Stories Online in the LadyRomantica SITEMAP? Click here.]

Inilapit niya ang mukha sa estranghero. Wala siyang naamoy na alak sa hininga kaya lalong tumibay ang hinala niya na ito na nga ang hinihintay niyang bisita.

Hindi na siya nag-alinlangan nang pangkuin ang balingkinitang katawan. Babae nga ang tao. Natiyak niya dahil napakagaan at napakalambot.

May naramdamang kakaiba si Jerome habang lumalakad na bitbit ang babae. Maalab, katulad ng pagnanasa…

Napakunot-noo agad si Jerome. Imposible ang nadarama niyang iyon. Marahil ay matagal na kasi siyang subsob sa trabaho. Hindi na siya nakakapunta sa kabaret sa bayan.

Nasa loob na siya ng bahay ng tawagin ang isa sa mga katulong.

“Minyang, Minyang, halika sandali dito sa salas.”

Pahangos namang dumating ang katulong na dalaga. Tila naabala sa paghuhugas dahil nagpupunas ito ng mga kamay sa suot na apron.

“Ano po ‘yon, sir?” ang magalang na tanong nito. “Ay, may patay, ehek!” bulalas nito pagkakita sa maputlang babae na inilapag niya sa mahabang sopa.

“Minyang, huminahon ka nga,” awat niya agad. “Baka marinig ka ni Mama. Nenerbiyusin ‘yon.”

Tinutop agad ng kasambahay ang bibig. “P-pasensiya na po, Sir Jerome,” sambit nito. “Er, n-nagulat lang po kasi ako,” paliwanag pa.

THE UNTAMED HEARTS-4

  Copyright secured by Digiprove © 2011 Lady Romantica

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.